Wednesday, August 29, 2018

Kabihasnang Klasiko sa Europa: Kabihasnang Minoan at Mycenaean

Kabihasnang Klasiko sa Europa

Maunlad na ang bansa ngayon kumpara sa mga nagdaang panahon. Bago pa man malasap ng maraming Pilipino ang kasalukuyang kasaganahan at mataas na antas ng pamumuhay, dumaan ito sa maraming pagsubok at pakikipagtunggali sa maraming mananakop kabilang na ang Espanya.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, bahagi nito ang matagalang pagsakop ng mga Kastila sa atin bago pa man dumating ang ibang mananakop. Mula sa pagsakop ng mga Kanluranin tungo sa malaya at hindi pagagaping mga Pilipino.

Pero ano nga ba ang kasaysayan naman ng mga mananakop partikular na ang kabihasnang Europeo na sadyang malaki ang naging impluwensya sa atin. Ang Modyul na ito ay magbibigay ng kaunting kasaysayan kung paano nabuo at naging isang makapangyarihang kontinente ang Europa sa daigdig.


Kabihasnang Minoan at Mycenaean

Ang Kabihasnang Minoan ay ang kauna-unahang Aegean Civilization sa pulo ng Crete na nagsimula noong 3100 BCE. Hango ang salitang "Minoan" sa pangalan ni Haring Minos na sinasabing nagtatag nito. Ito rin ang sinasabing simula ng kasaysayan ng Europa.

Kilala ang mga Minoan na magagaling na mandaragat na nakatira naman sa bahay na yari sa bricks. May mga produkto rin silang ipinangkakalakal sa ibang pamayanan tulad ng palayok na yari sa luwad at sandata na yari sa tanso. Nakararating ito sa Aegean Sea, Greece, Cyprus, Syria, at Egypt. ANg mga produkto ay ipinagpapalit nila ng ginto, pilak, at butil. Sa sining, naipakita nila ito sa pamamagitan ng Fresco at mga palayok. Mayroon na rin silang sistema ng pagsulat. Tinawag itong Linear A para sa sistema ng pagsulat ng mga Minoan samantalang Linear B naman sa Mycenaean. Maliban pa rito, kilala rin sila sa mga sinaunang mamamayan ng Europa na mahuhusay sa paggamit ng metal at iba pang teknolohiya.

Nahukay naman ni Sir Arthur Evans, isang English Archeologist, noong 1899 ang lungsod ng Knossos. Ito ay sinasabing kabisera ng Kabihasnang Minoan.

Kinilala ang Knossos bilang isang makapangyarihang lungsod na sumakop naman sa kabuuan ng Crete. Matatagpuan dito ang isang napakatayog na palasyo na nakatayo sa dalawang ektaryang lupain na napaliligiran naman ng mga bahay na bato. Ang palasyo ay kalauna'y nasira dulot ng sunog at iba't ibang kalamidad. Ang katanyagan ng Minoan at bumagsak sa kamay ng mga mananakop.

Samantala, bago pa man salakayin ng mga Mycenaean ang Crete, nasimulan na nilang paunlarin ang ilang pangunahing kabihasnan sa Timog Greece. Matatagpuan ang sentro ng kanilang kabihasnan sa layong 16 kilometro sa aplaya ng karagatang Aegean. Ang mga lungsod dito ay pinag-ugnay ng maayos na daanan at mga tulay. Ang mga makapal na pader na nakapaligid sa lungsod ay nagsilbing pananggalang nila sa iba pang manananakop. Noong 1400 BCE, isa nang napakalakas na mandaragat ang mga Mycenaean lalo na noong masakop at magupo nila ang Crete. Ang Crete ay lumalagong Kabihasnan sa Greece noon.

Bagama't nasakop ng mga Mycenaean ang Crete na sinasabing pinagmulan din ng kabihasnang Minoan, malaki ang naging impluwensya ng mga Minoan sa Greek. Kabilang na sa mga impluwensiyang ito ang wika, sining, alamat, at kwento.

Noong 1100 BCE, Sinalakay ang Mycenaean ng mga Dorian, isang pangkat mula sa Hilaga. Samantala, isa pang pangkat na may kaugnayan sa Mycenaean ang tumungo sa Timog ng Greece sa may lupain ng Asia Minor, hangganan ng karagatang Aegean. Dito, nagtatag sila ng pamayanang Ionia at nakilala naman bilang Ionian.

Ang mga pangyayaring ito ay tinaguriang Dark Age o Madilim na panahon ng Greece. Naging palasak ang digmaan ng iba't ibang kaharian, nahinto ang kalakalan, pagsasaka, at iba pang gawaing pangkabuhayan. Kasama rin dito pagtamlay ng sining at pagsulat.

Mula naman sa madilim na panahon, umusbong sa Ionia ang bagong sibilisasyon na mabilis na lumaganap sa kabuuan ng Greece. Tinawag nila ang kanilang sarili na Hellenes o Greeks. Kinilala ang panahong ito na kabihasnang Hellenic mula sa kanilang tawag sa Greece na Hellas. Tumagal ito mula 800 BCE hanggang 400 BCE na sinasabing pinakadakilang sibilisasyong naganap sa kasaysayan ng daigdig.


Ang mga Polis


Sa panahon ng Dark Age ng Greece, nagtayo ang mga Greek ng mga kuta sa gilid ng mga burol at taluktok ng bundok upang maprotektahan sila sa pagsalakay ng iba pang mga pangkat. Hindi naglaon, ang mga ito'y naging pamayanan na pinag-usbungan din ng mga lungsod-estado o Polis. Ang Polis ay hango sa salitang pulisya, politika, at politiko. Ito'y binubuo lamang ng 5000 kalalakihan na itatala sa opisyal na talaan ng populasyon ng lungsod-estado. Karamihan sa mga polis ay matatagpuan sa matataas na lugar na tinatawag na acropolis o mataas na lungsod. Ito ang takbuhan ng mga Greek sa panahon ng digmaan na naging sentro naman ng politika at relihiyon. Agora o pamilihang bayan naman ang tawag sa ibabang bahagi ng acropolis.



Reference:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://en.wikipedia.org/wiki/Minoan_civilization
https://esepmeyer.wordpress.com/2013/03/12/aralin-11-kabihasnang-minoan-at-mycenaean/
https://en.wikipedia.org/wiki/Mycenae

No comments:

Post a Comment