Wednesday, August 29, 2018

Kabihasnang klasiko ng Greece: Sparta, ang Pamayanan ng mga Mandirigma

Sparta, ang Pamayanan ng mga Mandirigma

Hindi tulad ng ilang nabuong pamayanan, higit na binigyang halaga ng Sparta ang pagkakaroon ng malalakas at magagaling na sundalo. Nanatili ito sa pagkakaroon ng pamahalaang Oligarkiya kung saan pinamumunuan ito ng ilang malalakas na grupo. Binubuo ito ng dalawang pangkat (Asemblea at Council of Elders o Konseho ng Matatanda). Ang Asemblea ay binubuo ng kalalakihan at mga hinirang na opisyal samantalang ang konseho ng matatanda ang nagpapanukala ng batas. Pangunahing layunin ng pangkat ang lumikha ng magagaling na sundalo. Pagsapit ng ika-7 taong gulang, ipinadadala na ang bata sa kampo ng militar upang magsanay. Pagsapit ng ika-20 taong gulang, ang mga kalalakihan ay ganap na sundalo at hinahayaan nang makita ang kanilang pamilya. Pagsapit ng ika-30 na gulang, inaasahan silang magkaroon ng asawa. Sa edad na 60 taong gulang, sila ay maaari namang magretiro na sa hukbo.

Ang mga kababaihan ng Sparta ay malalakas kumpara sa kababaihan ng Greece na limitado lamang ang karapatan. Ang mga ito'y sinasanay na maging matatag. Sila ang nag-aasikaso ng lupain ng kanilang mga asawa habang ang mga ito ay nasa kampo. Nangunguna rin sila sa palakasan at malayang nakikihalubilo sa mga kaibigan ng kanilang asawa habang masaya silang nanonood ng mga palaro tulad ng pagbubuno o wrestling, boksing, at karera.

Ang Sparta ay binubuo ng tatlong pangkat: Maharlika, Perioeci, at Helots. Pinakamayaman ang maharlika, malalayong tao na naghahanapbuhay bilang mangangalakal o artisano ang mga perioeci habang pinakamababang uri ng lipunan ang helots. Nalinang ng Sparta ang isang uri ng pamahalaan na kontrolado ang lahat ng aspeto ng buhay ng mga mamamayan nito. Noong 500 BC, nakonrol na ng Sparta ang kabuuan ng peninsula na tinawag nilang Peloponnesus.

Ang mga polis ng Sparta ay itinatag ng mga Dorian sa Peloponnesus na nasa timog ng tangway ng Greece. Sila lamang ang hindi umasa sa kalakalan. Ginagamit kasi nila ang kainaman ng klima, sapat na tubig, at matabang lupa na angkop sa pagsasaka para punuan ang pangangailangan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng pananakop ng iba pang lupain, napalawak ng Sparta ang kanilang lupain at ang mga magsasaka sa kanilang nasakop ay dinadala nila sa Sparta upang maging helots o tagasaka.

Pangunahing mithiin ng Sparta ang magkaroon ng matatapang at malalakas na kalalakihan at kababaihan. Kaya naman kapwa ito dumaraan sa pagsasanay na may kaakibat namang responsibilidad sa lipunan. Responsable ang Sparta sa pagkakaroon ng pinakamahusay na sandatahang lakas sa buong daigdig na sa simula'y lau-labong nakikipagdigma hanggang sa panatilihing sama-sama sa pakikidigma. Nakabuo rin ito ng istilo ng pakikidigma. Sa pakikipaglaban, nakabauo ito ng hukbo o Phalanx na karaniwang binubuo ng 16 na hanay na mandirigma. Ang mga ito'y nakahanda pumalit sakaling mamatay ang nasa unang hanay sa pakikidigma.



Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://en.wikipedia.org/wiki/Sparta

No comments:

Post a Comment