Friday, August 31, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Ang mga Plebeian at Patrician

Pakikibaka ng mga Plebian para sa Pantay na Karapatan

Isang assembly na nilikha upang kumatawan sa mga karaniwang tao. Nilikha upang pangalagaan ang karapatan ng mga plebeian laban sa mga mapang-abusong opisyal. Maaari nilang ipawalang-bisa ang anumang batas na mapang-api sa mahihirap. Hanggang Ten Tribune ang ihalal ng mga tao.

Ang mga Plebeian at Patrician

‘Di tulad ng Athens na isang demokratiko, sa Republikang Romano ang namuno ay mga aristokrata. Lahat sila ay nagmula sa mga mayayamang may-ari ng mga lupa na tinatawag na patrician. Bagamat sampung porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ang mga patrician, nasa kamay nila ang halos lahat ng pangunahing posisyon sa pamahalaan at nagtamasa sila ng mas maraming karapatan. Karamihan naman sa mga Romano ay mga plebeians. Sila ay mga karaniwang tao na angmula sa mayamang mamamayan, negosyante, artisano, magsasaka hanggang sa mga manggagagawa. Bilang mamamayan sila ay nagbabayad ng buwis at naglilingkod sa sandatahan ngunit hindi kapantay ng mga tinamasang karapatan ng mga patrician ang kanilang tinaasang karapatan.

May maayos na takbo ng pamamahala ang pamahalaang Romano. May tagapagpaganap (Executive) at tagapagbatas (Legislative). May dalawang patrician na tumatayong tagapagpaganap. Sila ang nagangasiwa sa pamahalaan at sa hukbong sandatahan. Sila ay inihalal sa tungkulin at may terminong isang taon upang makapaglingkod. Sa mga kamay nila nakasalalay ang kapangyarihan ng buong Roma. Maaari rin nilang i-veto o di tanggapin ang desisyon ng bawat isa. Kinakailangang magkasundo sila sa mga pangunahin at kritikal na desisyon. Sa panahon ng krisis, maaari silang pumili ng diktador mula sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan. May anim na buwan lamang na termino ang mga diktador o hanggang di natatapos ang krisis. Sa ganitong pamamaraan, napipigilan ang ganap na kapangyarihan ng mga diktador at napangangalagaan ang demokrasya. Ang tagapagbatas ay bumubuo ng 300 kinatawan. Ang pinakamakapangyarihan ay ang senado. Ang 300 kinatawan ay mula sa mga patrician. Sila ay inihalal at may terminong panghabambuhay. Tinatawag silang senador. Ang pangunahing gawain nila ay ang magbigay ng payo sa consul, maghain ng batas, at magtalakay ng mga patakarang panlabas.

Hindi lahat ay sumang-ayon sa ganitong pamamahala. Noong 471 BC, ang mga Plebeians ay nagdesisyon na hindi na sila maglilingkod sa hukbong sandatahan ng Roma, bagkus ay magtatatag ng sarili nilang lungsod-estado. Ito ay upang maiwasan ang digmaang sibil at mapanatili ang kapayapaan. Sumang-ayon ang mga patrician sa ilang nais ng mga Plebeian. Isa na rito ay karapatang pumili ng sampung pinuno nila sa kanilang hanay na tatawaging tribunes na siyang magsusulong ng kanilang interes sa pamahalaan. Ang mga tribunes ay maaaring mag-veto ng ano mang desisyon ng consul o ng iba pang namumuno. Dahilan sa karapatang mag-veto, napangangalagaan ng mga Plebeian ang kanilang sariling interes laban sa mga patrician. Nagkaroon din ang mga Plebeian ng kanilang sariling asembleya na kinilala bilang Assembly of Tribes. Pagsapit ng 287 BC, isa na itong pangunahing tagapagbatas sa Roma.

Sa simula ng Republika, ang mga batas ng Roma ay di nakasulat. Ang mgapatrician ang may kontrol sa batas at ipinaalam lamang ito sa mga Plebeians. Pagsapit ng 451 BC, pinagbigyan ng mga patrician ang kanilang hiling. Ang mga batas ng Roma ay inukit sa mga tabletang tanso at inilagay sa forum upang mabasa ng lahat. Ito ay tinawag na Twelve Tables na siyang naging batayan ng iba pang batas sa Roma noong mga sumunod na panahon. Kasabay nito, bumuti rin ang katayuan ng mga plebeian. Pinayagan na silang makapag-asawa ng patrician at maglingkod sa mga pampublikong tanggapan. Pagsapit ng 287 BC, pantay na ang karapatang tinatamasa ng mga patrician at Plebeian. Ngunit, hindi maipagkakaila na ang kapangyarihang pulitikal ay nasa kamay pa rin ng mga patrician at ilang mayayamang plebeian. Patunay ito na ang republika at ang senado ay nasa kapangyarihan pa rin ng iilang mamamayan.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

No comments:

Post a Comment