Wednesday, August 29, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ang Athens at ang Pag-unlad nito

Ang Athens at ang Pag-unlad nito

Kumpara sa Sparta na pangunahing layunin ang magpalakas at sumakop ng ibang lupain, ang Athens ay namuhay upang maging minero, manggagawa ng ceramics, mandaragat, at mangangalakal.

Ang Athens noong 600 BCE ay isa lamang maliiit na bayan sa gitna ng tangway ng Greece na tinatawag na Attica. Hindi angkop sa pagsasaka ang buong rehiyon kaya naman ang karamihan sa mga mamamayan nito ay nagtatrabaho sa minahan, gumagawa ng ceramics, mandaragat, at mangangalakal.

Pinamunuan noon ang Athens ng mga Tyrant o pinunong umabuso sa kanilang kapangyarihan. Bago pa ito, pinamunuan muna ng haring nahalal ng asemblea at mga payo mula sa konseho ng mga maharlika. Ang asemblea ay binubuo ng mga mamamayan na may malaking kapangyarihan at pinamumunuan ng Archon na pinapaburan ng mga may kaya sa lipunan. Hindi naglaon, naghangad ng pagbabago ang mga artisano at mangangalakal. Upang mapigil ang lumalalang sitwasyon, nagpagawa ng batas ang mga aristokrata o mayayamang tao. Si Draco na isang tagapagbatas ay nagsulat ng batas na nagbigay-daan sa pagkakapantay-pantay sa lipunan at binawasan ng kapangyarihan sa mga namumuno. Hindi pa rin ito ikinasiya ng mga simpleng mamamayan kaya naghangad pa ito ng maraming pagbabago. Marami sa kanila ang nagpaalipin upang makabayad sa kanilang utang.

Nagkaroon ng pagbabago noong 594 BCE sa pangunguna ni Solon na mula sa pangkat ng aristokrasya na yumaman sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan. Inalis niya ang pagkakautang ng mahihirap at ginawang ilegal ang pagkakaalipin dahil sa utang. Gumawa rin siya ng sistemang legal na magbibigay ng kalayaan sa kalalakihan na maging hurado sa korte. Ito ay nagbigay kapangyarihan sa mga simpleng mamamamayan. Nagsagawa rin si Solon ng repormang pangkabuhayan para sa mga mahihirap subalit hindi pa rin ang naging dahilan para maging kuntento ang mga simpleng mamamayan.

Noong 546 BCE, namuno si Pisistratus sa Athens. Bagamat mayaman siya, nakuha naman niya ang suporta at tiwala ng mga simpleng mamamayan. Sa kanyang pamumuno, ipinamahagi niya ang mga lupaing sakahan sa walang lupa, nagbigay rin siya ng pautang at nagbukas ng malawakang trabaho sa malalaking proyektong pampubliko, at pinabuti niya ang sistema ng patubig.

Naganap muli ang pagbabago sa sistemang ng Athens noong 510 BCE sa pangunguna ni Cleisthenes. Sa kanyang pamumuno, hinati niya ang Athens sa sampung distrito. Limampung kalalakihan ang magmumula sa bawat distrito at maglilingkod sa konseho ng tagapayo upang bumuo ng batas sa Asembleya - ang tagagawa ng mga batas na pinaiiral sa lugar. Nagkaroon dito ng pagkakataon na makaboto ang mga mamamayang may pagmamay-ari ng lupa at wala. Binigyan din ng pagkakataon ang mga mamamayan na ituro ang taong banta sa Athens kada taon upang maipanatili ang kalayaan ng lugar. Sa sistemang ito na tinatawag na Ostrakon, ang mga mamamayan ay magsusulat ng pangalan sa pira-pirasong palayok ng taong nais ipatapon o itakwil ng Athens. Kapag nakakuha ng mahigit 6,000 na boto ang isang tao, ipapatapon o itatakwil siya palabas ng Athens sa loob ng sampung taon. Ostracism ang tawag sa sistema ng pagpapatapon o pagtatakwil. Sa sistemang ito, nabigyan ng malaking kapangyarihan ang mga mamamayan.

Noong 500 BCE, isinilang ang demokrasya sa Athens. Ito ang pinakamahalagang naganap noon dahil sa pagpapatupad ng maraming reporma sa Athens.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://en.wikipedia.org/wiki/Athens

No comments:

Post a Comment