Digmaang Punic
Sa Simula, makapangyarihan ang Carthage sa dagat subalit upahan ang mga mandirigma nito dahil sa maliit na populasyon. Samantala, ang mga Roman naman ay walang hukbong pandagat at karanasan sa digmaang pandagat.
Nagdulot ng suliranin sa Carthage ang pananakop ng Rome sa bahaging timog ng Italy. Nagsisimula pa lamang ang Carthage noon na maging makapangyarihan sa kanlurang bahagi ng Mediterranean. tinatag ang Carthage (Tunis ngayon) ng mga Phoenician mula sa Tyre noong 814 BCE. Nang sakupin ng Persia ang Tyrem naging malaya ang Carthage at nagtatag ito ng imperyong komersyal na nasasakop ng hilagang Africa, silangang bahagi ng Spain, pulo ng Corsica, Sardinia, at Sicily.
Nasubok ang kapangyarihan ng Rome at Carthage sa tatlong digmaang Punic, salitang latin na nagmula sa pangalang Phoenicia. Sa digmaang ito, napagpasyahan kung sino ang mamumuno sa Mediterranean.
Unang Digmaang Punic
Kahit pa walang malakas na plota ang Rome, dinaig at natalo naman nito ang Carthage noong 241 BCE. Nagpagawa ang Rome ng plota at sinanay ang mga sundalong maging magaling na tagapagsagwan. Bilang tanda ng pagkapanalo, sinakop ng Rome ang Sicily, Sardinia, at Corsica
Ikalawang Digmaang Punic
Nagsimula ito noong 218 BCE nang sakupin ni Hannibal, Heneral ng Carthage, ang Saguntum sa Spain na kaalyado ng Rome. Mula Spain, tinawid niya ang timog France kasama ang mahigit 40,000 sundalo. Tinawid rin nila ang bundok ng Alpis upang makarating sa Italy. Tinalo ni Hannibal ang isang malaking hukbo ng Rome sa Cannae noong 216 BCE. Subalit hindi agad sinalakay ni Hannibal ang Rome dahil inaantay muna niyang dumating ang inaasahang puwersa na manggagaling sa Carthage.
Sa pamumuno ni Scipio Africanus, sinalakay ng Roman ang hilagang Africa upang pilitin si Hannibal na iwan ang Italy at pumunta ng Carthage upang sagipin ang kanyang mga kababayan.
Sa pagkatalo ni Hannibal sa labanan sa Zama noong 202 BCE, Pumayag ang Carthage sa kasunduang pangkapayapaan noong 201 BCE na sirain ang plota ito, isuko ang Spain, at magbayad ng sa Rome ng buwis taun-taon.
Ikatlong Digmaang Punic
Matapos ang 50 taon, naganap ang Ikatlong Digmaang Punic. Muling natalo ang Carthage sa digmaan laban sa Rome at dito, kinuha ng Rome ang lahat ng pag-aari ng Carthage sa Hilagang Africa.
Mahalaga ang papel ni Marcus Porcius Cato sa pagsiklab ng digmaan. Sa kanyang pagbisita sa Carthage, nakita niya ang kahalagahan at luho ng pamumuhay dito. Batid niyang malakas ang Carthage at nananatili itong banta sa seguridad ng Rome. Pagbalik sa Rome, itinanim niya sa isipan ng Senado at publiko na dapat wasakin ang Carthage.
Nang salakayin ng Carthage ang isang kaalyado ng Rome, sinalakay ng Rome ang Carthage. Sinunog nito ang lungsod at ipinagbili ang mga mamamayan bilang alipin.
Reference:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://archaeologynewsnetwork.blogspot.com/2011/12/tomb-of-scipios-reopens-to-public-in.html
ReplyDelete