Mga Pagbabago Dulot ng Paglawak ng Kapangyarihan ng Rome
Habang patuloy ang pagkakasangkot ng Rome sa mga usaping panlabas, dinagdagan ng Senate ang kapangyarihan at katanyagan sa pangangasiwa ng mga kasunduan. Bagama’t ang pagpapatibay ng mga alyansa at deklarasyon ng digmaan ay dapat na isinasangguni sa Assembly, nagsisilbing tagapagpatibay na lamang ng nais ng Senate ang lupong ito. Ang monopolyo ng kapangyarihan ng Senate ang nagpalala sa katiwalian sa pamahalaan. Imbes na palakasin ang estado, madalas na gamitin ng mga opisyal na ipinapadala sa lalawigan ang kanilang katungkulan upang magpayaman. Lalong lumaki ang pagkakataon sa katiwalian dulot ng mga kapaki-pakinabang na kontrata para sa kagamitan ng hukbo.
Masama ang naging epekto ng mga digmaan sa pagsasaka. Ang timog na bahagi ng Italy ay lubos na nasira dahil sa pamiminsala ng hukbo ni Hannibal. Nilisan ng maraming magsasaka ang kanilang bukirin at tumungo sa Rome upang maghanap ng trabaho ngunit wala namang malaking industriya ang Rome na magbibigay sa kanila ng trabaho. Hindi rin sila makahanap ng trabaho sa malalaking lupain ng mayayaman sapagkat ang nagsasaka ay alipin o bihag lamang ng digmaan.
Samakatuwid, ang yaman na pumasok sa Rome mula sa napanalunang digmaan ay pinakinabangan lamang ng mayayaman at dahil dito lalong lumawak ang agwat ng mahihirap sa mayayaman. Binago nito ang ugali ng mga tao tungo sa pamahalaan. Pinalitan ng kasakiman at marangyang pamumuhay ang tradisyon ng pagsisilbi at disiplina sa sarili.
Reference:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
No comments:
Post a Comment