Thursday, August 30, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Imperyong Macedonian

Imperyong Macedonian

Sa paghahangad ni Haring Philip ng Macedonia na pag-isahin ang mga lungsod-estado sa Greece, bumuo siya ng isang hukbo at sinanay sa pinakamabisang paraan ng pakikidigma. Bilang pagtatanggol ng kanilang kalayaan, sinalakay ng magkasanib na puwersa ng Athens at ng Thebes ang Macedonia noong 338 BCE. Madaling tinalo ni Philip ang hukbo ng dalawang lungsod-estado. Ang pagkatalo ng Athens at Thebes ay hudyat ng pagtatapos ng kapangyarihan ng mga lungsod-estado. Dahil dito, ang buong Greece, maliban sa Sparta, ay napasailalim sa kapangyarihan ng Macedonia.

Naging tanyag na pinuno ng Macedonia ang anak ni Philip na si Alexander the Great. Noong siya ay bata pa lamang, naging guro niya si Aristotle na nagturo sa kaniya ng pagmamahal sa kultura at karunungan. Habang lumalaki, natutuhan niya ang kagalingan sa pakikipagdigma. Siya ay 21 taong gulang nang mamatay ang kanyang ama at naging hari ng Macedonia at Greece. Matalino, malakas ang loob at magaling na pinuno si Alexander. Sinalakay niya ang Persia at Egypt at pagkatapos ay tumungo sa silangan at sinakop ang Afghanistan at hilagang India. Nagtatag siya ng imperyo na sumakop sa kabuuan ng kanlurang Asya, Egypt, at India. Pinalaganap niya ang kaisipang Greek sa silangan. Kinilala siya bilang isang pinakamagiting na pinuno dahil sa pagkasakop niya ng maraming estado.

Noong 323 BCE, sa gulang na 32 taon namatay si Alexander sa Babylon sa hindi matiyak na karamdaman.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

No comments:

Post a Comment