Wednesday, August 29, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ginintuang Panahon ng Athens

Ginintuang Panahon ng Athens

Sa mahabang panahon ng pamumuno ni Pericles dulot ng taun-taong pagboto sa kanya na pamunuan ang Athens, maraming pinairal na mga programang pampubliko sa Athens. Lahat nito’y naglalayong maging isang pinakamarangyang estado ang Athens. Dahil nais ni Pericles na lumawak pa ang umiiral na demokrasya sa Athens, dinagdagan niya ang bilang ng mga manggagawa sa pamahalaan at sinuwelduhan niya ang mga ito. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan na makapagtrabaho sa pamahalaan mayaman man o mahirap. Subalit hindi lahat ay nasiyahan dito lalo na sa mga mayayaman. Iniisip kasi nila na ang mga pagbabagong ito’y magdudulot ng pagkalugi ng pamahalaan at maghihikayat ng katamaran sa mga ordinaryong tao. Sinagot naman ito ng isang pahayag ni Pericles. Ayon sa kanya, ang kanilang konstitusyon ay isang demokrasya sapagkat ito ay nasa mga kamay ng nakararami at hindi ng iilan. Ang pahayag ay naitala ni Thucydides, isang historyador.

Mahalaga ang edukasyon sa Athenian. Ang mga lalaki ay pinag-aral sa mga pribadong paaralan kung saan sila ay natuto ng pagbabasa, amtematika, musika, at mga obra ni Homer na Illian at Odyssey. Hinikayat din silang talakayin ang sining, politika, at iba pang usapin. Ang palakasan ay bahagi rin ng kanilang pag-aaral. Ang mga lalaki, sa edad na 18, ay nagsasanay ng 2 taon sa militar para maging mamamayan ng Athens. Samantala, ang kababaihan ay mas mababa ang estado kumpara sa kalalakihan. Hindi kasi sila binigyan ng papel bilang mamamayan at hindi maaaring makilahok sa pamahalaan. Ang kanilang buhay ay umiikot lamang sa bagawin bahay at pag-aalaga ng mga anak. Ikinakasal sila sa edad na 14-16 sa lalaking mapipili ng kanilang mga magulang.

Pagsasaka ang karaniwang ikinabubuhay ng mga Athenian. Ang mga ani ay kanilang kinakain. Ang mga sobrang produkto ay ipinapalit nila ng iba pang kagamitang pambahay. Bagamat marangya at magarbo ang ang mga gusaling pampubliko, ang mga tahanan naman ay simple lamang, maging ito ay pag-aari ng mayayaman o karaniwang tao. Sa kabuuan, simple lamang ang naging pamumuhay sa sinaunang Greece. Ngunit mula sa simpleng pamumuhay na ito ay lumitaw ang pinakamahuhusay na artista, manunulat, at mga pilosopo na tinitingala sa sandaigdigan hanggang sa ating makabagong panahon.

Ang may-akda ng mga natatanging pilosopong Greek sa larangan ng politika ay kinilala sa mundo tulad ng The Republic ni Plato at Politics ni Aristotle. Maging sa larangan ng arkitektura ay nakilala ang mga Greek. Kahangahanga ang arkitektura ng mga templo. Ang ilan dito ay matatagpuan sa Athens, Thebes, Corinth, at iba pang siyudad. Ang tatlong natatanging estilo na Doric, Ionian, at Corinthian ay naperpekto nila nang husto. Ang pinakamagandang halimbawa ay ang Parthenon, isang marmol na templo sa Acropolis sa Athens. Ito ay itinayo nina Ictinus at Calicrates at inihandog kay Athena, ang diyosa ng karunungan at patrona ng Athens. Ilan sa mga labi ng iskulturang Greek ay matatagpuan din sa mga templo ng Crete, Mycenaea, at Tiryus. Ang pinakadakilang Greek na iskultor ay si Phidias. Ang estatwa ni Athena sa Parthenon at ni Zeus sa Olympia ay ilan lamang sa mga obra maestra niya. Ilan pang mga natatanging iskultura ay ang Collossus of Rhodes ni Chares at Scopas ni Praxiteles na parehong itinanghal na Seven Wonders of the Ancient World.

Kinilala rin ang kontribusyon ni Herodotus sa larangan ng kasaysayan. Ang kanyang mga paglalakbay sa Asya at Sparta ay nakatulong upang maging obra maestro niya ang Kasaysayan ng Digmaang Persian. Tinawag siyang “Ama ng Kasaysayan.” Sinundan ito ng isa pang historyador, si Thucydides. Ilan sa mga isinulat niya ay ang Anabis, isang kuwento ng sikat na martsa ng mga Greek mula sa Babylonia hanggang Black Sea at Memorabilia na kalipunan ng mga kuwento ng guro niyang si Socrates.

Nagkaroon din ng kaalaman sa makabagong medisina sa sinaunang Greece. Ang pinakadakilang Greek na manggagamot ay si Hippocrates na kinilala bilang Ama ng Medisina. Itinaas niya ang larangan ng medisina bilang agham at hindi bunga ng mahika. Marami ring Greek ang kinilala at dinakila dahil sa kanilang naging ambag sa larangan ng agham at pilosopiya. Ang kauna-unahang pilosopiya ay ipinakilala ni Thales ng Militus. Ayon sa kaniya ang sandaigdigan ay nagmula sa tubig, ang pangunahing elemento ng kalikasan. Samantala si Pythagoras naman ang nagpasikat ng doktrina ng mga numero kung saan sinasabi niya na ang bilang na tatlo, lima at pito ay maswerteng mga numero.

Ilang dekada matapos ang Digmaang Persian, isang pangkat ng mga guro na tinatawag na mga Sophist ang sumikat sa Athens. Nagpakilala sila ng pagbabago sa mga umiiral na pilosopiya. Ayon sa kanila maaaring turuan ang mga tao na gumawa ng magagandang batas, makapagsalita, at makipagdebate sa mga Asembleya.

Maraming Athenian ang tumuligsa sa mga pilosopiya ng mga Sophist. Isa na rito ay si Socrates. Ayon sa kaniya mahalaga na kilalanin mo ang iyong sarili (know thyself). Ayon sa kaniya dapat na patuloy na magtanong ang mga tao hinggil sa mga bagay-bagay upang matiyak kung sila ay may mga kasagutan sa mga katanungang ito. Ang pamamaraang ito ay kinikilala ngayon na Socratic Method. Di nagustuhan ng mga Athenian ang ginawang pagtatanong ni Socrates lalo na ang mga tungkol sa mga diyos-diyosan at ilang patakaran ng Athens. Dahilan dito siya ay nakulong at nahatulan ng kamatayan. Ngunit bago pa siya naparusahan, siya ay nagpakamatay sa pamamagitan ng paglason sa sarili. Ang lahat ng mga ideya ni Socrates ay hindi niya naisulat

Si Plato, ang kaniyang pinakasikat na mag-aaral, ang nagsumikap na maitala ang lahat ng dayalogo sa pagitan ng dalawa o mas higit pang tauhan. Ang pinakatanyag ay ang Republic, isang talakayan tungkol sa katangi-tanging polis at ang uri ng pamahalaan na makapagbibigay ng kaligayahan sa mga mamamayan nito.

Samantala, si Aristotle, ang pinakamahusay na mag-aaral ni Plato, ay nagpakadalubhasa sa pag-aaral ng halaman, hayop, astronomiya, at pisika na pawang nangangailangan ng masusing pagmamasid. Ayon sa kaniya, ang alinmang teorya ay maaari lamang tanggapin kung ito ay batay sa masusing pagmamasid ng mga katotohanan. Kinilala si Aristotle na Ama ng Biyolohiya. Ilan sa mga tanyag niyang aklat ay ang Poetic, isang pagsusuri sa mga iba’t ibang dula-dulaan, ang Rhetoric na nagsasabi kung paano dapat ayusin ng isang nagtatalumpati ang kanyang talumpati, at ang Politics kung saan tinalakay ng mga mamamayan ang iba’t ibang uri ngpamahalaan.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

No comments:

Post a Comment