Wednesday, August 29, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ang Digmaang Graeco-Persia

Ang Banta ng Persia

Sa hangarin ng Persia na palawakin ang imperyo nito sa Kanluran, sinalakay ni Cyrus the Great noong 546 BCE ang Lydia sa Asia Minor. Ipinagpatuloy naman ito ni Darius I, nagmana ng trono ni Cyrus the Great. Noong 499 BCE, sinalakay ni Darius I ang kalapit na kolonyang Greek. Nagpadala man ng tulong ang Athens laban kay Darius, natalo pa rin ang mga kolonyang Greek sa labanang pandagat sa Miletus noong 494 BCE. Sa pagkatalo ng kolonyang Greek, nais ni Darius na parusahan ang lungsod sa pagtulong nito at maging hakbang na rin sa pagsakop sa Greece. Nagpagawa naman ng isang plota o fleet na pandigma ang Athens bilang paghahanda sa napipintong pananalakay ng Persia sa kanila.


Ang Digmaang Graeco-Persia

Noong 490 BCE, naganap ang unang pagsalakay ng Persia sa Greece sa pangunguna ni Darius. Tinawid ng plota ng Persia ang Aegean Sea at bumaba sa Marathon, isang kapatagan sa hilagang-silangan ng Athens. Tinalo ng 10, 000 puwersa ng Athens ang halos 25,000 puwersa ng Persia.

Ipinagpatuloy ng anak ni Darius na si Xerxes ang tangkang pagpapabagsak sa Athens. Isang madugong labanan ang naganap sa Thermopylae, isang makipot na daanan sa gilid ng bundok at ng silangang baybayin ng Central Greece. Nakipaglaban ang 7,000 puwersa at 300 nito ay taga-Sparta sa ilalim ni Leonidas laban sa puwersa ni Xerxes. Hindi naging madali ang paglupig ni Xerxes sa mga Greek, hindi kasi niya inasahan ang katapangan at kahusayan ng mga taga-Sparta sa pakikidigma. Sa loob ng tatlong araw na labanan, dumanak ang dugo ng mga Persian, subalit ipinagkanulo ng isang Greek ang lihim na daanan patungo sa kampo ng mga Greek. Pinayuhan ni Leonidas ang mga Greek na lumikas habang ipinagtatanggol ng kanyang puwersa ang Thermopylae. Namatay ang karamihan sa tropa ni Leonidas sa harap ng higit na maraming puwersa ni Xerxes.

Sinalakay at sinakop ni Xerxes ang Athens. Subalit dinala ni Themistocles ang labanan sa dalampasigan ng pulo ng Salamis kungsaan ang dagat ay lubhang makipot. Nahirapang iwasan ng malalaking barko ni Xerxes ang maliliit na barko ng Athens na pilit binabangga ang mga ito hanggang sa mabutas. Isa-isang lumubog ang plota ng Persia na siya naman nilang ikinatalo. Ang nalabing hukbo ni Xerxes ay tinalo ng mga alyansa ng mga lungsod-estado ng Greece sa pamumuno ni Pausanias ng Sparta. Kabilang sa alyansang ito ang Athens, Sparta, Corinth, at Megara.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

No comments:

Post a Comment