Friday, August 31, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Mga Pagbabago Dulot ng Paglawak ng Kapangyarihan ng Rome

Mga Pagbabago Dulot ng Paglawak ng Kapangyarihan ng Rome

Habang patuloy ang pagkakasangkot ng Rome sa mga usaping panlabas, dinagdagan ng Senate ang kapangyarihan at katanyagan sa pangangasiwa ng mga kasunduan. Bagama’t ang pagpapatibay ng mga alyansa at deklarasyon ng digmaan ay dapat na isinasangguni sa Assembly, nagsisilbing tagapagpatibay na lamang ng nais ng Senate ang lupong ito. Ang monopolyo ng kapangyarihan ng Senate ang nagpalala sa katiwalian sa pamahalaan. Imbes na palakasin ang estado, madalas na gamitin ng mga opisyal na ipinapadala sa lalawigan ang kanilang katungkulan upang magpayaman. Lalong lumaki ang pagkakataon sa katiwalian dulot ng mga kapaki-pakinabang na kontrata para sa kagamitan ng hukbo.

Masama ang naging epekto ng mga digmaan sa pagsasaka. Ang timog na bahagi ng Italy ay lubos na nasira dahil sa pamiminsala ng hukbo ni Hannibal. Nilisan ng maraming magsasaka ang kanilang bukirin at tumungo sa Rome upang maghanap ng trabaho ngunit wala namang malaking industriya ang Rome na magbibigay sa kanila ng trabaho. Hindi rin sila makahanap ng trabaho sa malalaking lupain ng mayayaman sapagkat ang nagsasaka ay alipin o bihag lamang ng digmaan.

Samakatuwid, ang yaman na pumasok sa Rome mula sa napanalunang digmaan ay pinakinabangan lamang ng mayayaman at dahil dito lalong lumawak ang agwat ng mahihirap sa mayayaman. Binago nito ang ugali ng mga tao tungo sa pamahalaan. Pinalitan ng kasakiman at marangyang pamumuhay ang tradisyon ng pagsisilbi at disiplina sa sarili.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Kabihasnang Rome

Tagumpay sa Silangan

Pagkatapos ng Ikalwang Digmaang Punic, pumunta ang hukbo ng Rome sa Silangan. Tinalo nila rito ang Macedonia. Noong 146 BCE, naging lalawigan ng ROme ang Macedonia. Kasabay nito, sinunog ng Rome ang Corinth at inilagay ang iba pang lungsod-estado ng Greece sa ilalim ng pangangasiwa nito.

Mula 133 BCE, nagsimulang mapasakamay ng Rome ang marami pang lupain. Pagsapit ng 100 BCE, lahat ng lupain sa baybayin ng Mediterranean Sea ay nasakop ng Rome. Dahil dito, hindi kataka-takang tawagin ang mga taga-Rome ang Mediterranean Sea bilang Mare Nostrum o Aming Dagat.

Kabihasnang Rome

Sa pagsakop ng Roma sa mga lungsod-estado ng Greece, maraming Greek ang tumungo sa Italy. Tinangay rin ng Roma ang mga gawang sining at aklat ng Greece sa pagbabalik sa Rome. Kumalat ang kabihasnang Greece sa Rome at marami sa kanila ang tumungo sa Athens para mag-aral. Dahil dito, naimpluwensyahan ng Greece ang kabihasnang nabuo sa Rome. Gayunpaman, may sariling katangian ang kabihasnang Rome partikular na sa kaalaman sa arkitektura, inhenyeriya, sistema sa pamamahala, at batas.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Digmaang Punic

Digmaang Punic

Sa Simula, makapangyarihan ang Carthage sa dagat subalit upahan ang mga mandirigma nito dahil sa maliit na populasyon. Samantala, ang mga Roman naman ay walang hukbong pandagat at karanasan sa digmaang pandagat.

Nagdulot ng suliranin sa Carthage ang pananakop ng Rome sa bahaging timog ng Italy. Nagsisimula pa lamang ang Carthage noon na maging makapangyarihan sa kanlurang bahagi ng Mediterranean. tinatag ang Carthage (Tunis ngayon) ng mga Phoenician mula sa Tyre noong 814 BCE. Nang sakupin ng Persia ang Tyrem naging malaya ang Carthage at nagtatag ito ng imperyong komersyal na nasasakop ng hilagang Africa, silangang bahagi ng Spain, pulo ng Corsica, Sardinia, at Sicily.

Nasubok ang kapangyarihan ng Rome at Carthage sa tatlong digmaang Punic, salitang latin na nagmula sa pangalang Phoenicia. Sa digmaang ito, napagpasyahan kung sino ang mamumuno sa Mediterranean.

Unang Digmaang Punic

Kahit pa walang malakas na plota ang Rome, dinaig at natalo naman nito ang Carthage noong 241 BCE. Nagpagawa ang Rome ng plota at sinanay ang mga sundalong maging magaling na tagapagsagwan. Bilang tanda ng pagkapanalo, sinakop ng Rome ang Sicily, Sardinia, at Corsica

Ikalawang Digmaang Punic

Nagsimula ito noong 218 BCE nang sakupin ni Hannibal, Heneral ng Carthage, ang Saguntum sa Spain na kaalyado ng Rome. Mula Spain, tinawid niya ang timog France kasama ang mahigit 40,000 sundalo. Tinawid rin nila ang bundok ng Alpis upang makarating sa Italy. Tinalo ni Hannibal ang isang malaking hukbo ng Rome sa Cannae noong 216 BCE. Subalit hindi agad sinalakay ni Hannibal ang Rome dahil inaantay muna niyang dumating ang inaasahang puwersa na manggagaling sa Carthage.

Sa pamumuno ni Scipio Africanus, sinalakay ng Roman ang hilagang Africa upang pilitin si Hannibal na iwan ang Italy at pumunta ng Carthage upang sagipin ang kanyang mga kababayan.

Sa pagkatalo ni Hannibal sa labanan sa Zama noong 202 BCE, Pumayag ang Carthage sa kasunduang pangkapayapaan noong 201 BCE na sirain ang plota ito, isuko ang Spain, at magbayad ng sa Rome ng buwis taun-taon.

Ikatlong Digmaang Punic

Matapos ang 50 taon, naganap ang Ikatlong Digmaang Punic. Muling natalo ang Carthage sa digmaan laban sa Rome at dito, kinuha ng Rome ang lahat ng pag-aari ng Carthage sa Hilagang Africa.

Mahalaga ang papel ni Marcus Porcius Cato sa pagsiklab ng digmaan. Sa kanyang pagbisita sa Carthage, nakita niya ang kahalagahan at luho ng pamumuhay dito. Batid niyang malakas ang Carthage at nananatili itong banta sa seguridad ng Rome. Pagbalik sa Rome, itinanim niya sa isipan ng Senado at publiko na dapat wasakin ang Carthage.

Nang salakayin ng Carthage ang isang kaalyado ng Rome, sinalakay ng Rome ang Carthage. Sinunog nito ang lungsod at ipinagbili ang mga mamamayan bilang alipin.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Ang mga Plebeian at Patrician

Pakikibaka ng mga Plebian para sa Pantay na Karapatan

Isang assembly na nilikha upang kumatawan sa mga karaniwang tao. Nilikha upang pangalagaan ang karapatan ng mga plebeian laban sa mga mapang-abusong opisyal. Maaari nilang ipawalang-bisa ang anumang batas na mapang-api sa mahihirap. Hanggang Ten Tribune ang ihalal ng mga tao.

Ang mga Plebeian at Patrician

‘Di tulad ng Athens na isang demokratiko, sa Republikang Romano ang namuno ay mga aristokrata. Lahat sila ay nagmula sa mga mayayamang may-ari ng mga lupa na tinatawag na patrician. Bagamat sampung porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ang mga patrician, nasa kamay nila ang halos lahat ng pangunahing posisyon sa pamahalaan at nagtamasa sila ng mas maraming karapatan. Karamihan naman sa mga Romano ay mga plebeians. Sila ay mga karaniwang tao na angmula sa mayamang mamamayan, negosyante, artisano, magsasaka hanggang sa mga manggagagawa. Bilang mamamayan sila ay nagbabayad ng buwis at naglilingkod sa sandatahan ngunit hindi kapantay ng mga tinamasang karapatan ng mga patrician ang kanilang tinaasang karapatan.

May maayos na takbo ng pamamahala ang pamahalaang Romano. May tagapagpaganap (Executive) at tagapagbatas (Legislative). May dalawang patrician na tumatayong tagapagpaganap. Sila ang nagangasiwa sa pamahalaan at sa hukbong sandatahan. Sila ay inihalal sa tungkulin at may terminong isang taon upang makapaglingkod. Sa mga kamay nila nakasalalay ang kapangyarihan ng buong Roma. Maaari rin nilang i-veto o di tanggapin ang desisyon ng bawat isa. Kinakailangang magkasundo sila sa mga pangunahin at kritikal na desisyon. Sa panahon ng krisis, maaari silang pumili ng diktador mula sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan. May anim na buwan lamang na termino ang mga diktador o hanggang di natatapos ang krisis. Sa ganitong pamamaraan, napipigilan ang ganap na kapangyarihan ng mga diktador at napangangalagaan ang demokrasya. Ang tagapagbatas ay bumubuo ng 300 kinatawan. Ang pinakamakapangyarihan ay ang senado. Ang 300 kinatawan ay mula sa mga patrician. Sila ay inihalal at may terminong panghabambuhay. Tinatawag silang senador. Ang pangunahing gawain nila ay ang magbigay ng payo sa consul, maghain ng batas, at magtalakay ng mga patakarang panlabas.

Hindi lahat ay sumang-ayon sa ganitong pamamahala. Noong 471 BC, ang mga Plebeians ay nagdesisyon na hindi na sila maglilingkod sa hukbong sandatahan ng Roma, bagkus ay magtatatag ng sarili nilang lungsod-estado. Ito ay upang maiwasan ang digmaang sibil at mapanatili ang kapayapaan. Sumang-ayon ang mga patrician sa ilang nais ng mga Plebeian. Isa na rito ay karapatang pumili ng sampung pinuno nila sa kanilang hanay na tatawaging tribunes na siyang magsusulong ng kanilang interes sa pamahalaan. Ang mga tribunes ay maaaring mag-veto ng ano mang desisyon ng consul o ng iba pang namumuno. Dahilan sa karapatang mag-veto, napangangalagaan ng mga Plebeian ang kanilang sariling interes laban sa mga patrician. Nagkaroon din ang mga Plebeian ng kanilang sariling asembleya na kinilala bilang Assembly of Tribes. Pagsapit ng 287 BC, isa na itong pangunahing tagapagbatas sa Roma.

Sa simula ng Republika, ang mga batas ng Roma ay di nakasulat. Ang mgapatrician ang may kontrol sa batas at ipinaalam lamang ito sa mga Plebeians. Pagsapit ng 451 BC, pinagbigyan ng mga patrician ang kanilang hiling. Ang mga batas ng Roma ay inukit sa mga tabletang tanso at inilagay sa forum upang mabasa ng lahat. Ito ay tinawag na Twelve Tables na siyang naging batayan ng iba pang batas sa Roma noong mga sumunod na panahon. Kasabay nito, bumuti rin ang katayuan ng mga plebeian. Pinayagan na silang makapag-asawa ng patrician at maglingkod sa mga pampublikong tanggapan. Pagsapit ng 287 BC, pantay na ang karapatang tinatamasa ng mga patrician at Plebeian. Ngunit, hindi maipagkakaila na ang kapangyarihang pulitikal ay nasa kamay pa rin ng mga patrician at ilang mayayamang plebeian. Patunay ito na ang republika at ang senado ay nasa kapangyarihan pa rin ng iilang mamamayan.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Ang Roman Republic

Ang Roman Republic

Ang Rome ay itinatag sa kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E. ng mga unang Roman na nagsasalita ng Latin, isang sangay ng wikang nabibilang sa Indo-Europeo. Sila ay lumipat sa gitnang Italy at nagtayo ng mga sakahang pamayanan sa Lithium Plain sa Timog ng Tiber River. Ang lugar na napili nila ay ang Palatine, isa sa pitong burol malapit sa Tiber River.

Pagtatatag ng Republic

Natamo ng mga Romano ang kasanayan sa pamamahala sa ilalim ng mga Etruscan. Ang Rome ay nagsimula bilang isang siyudad-estado na pinamumunuan ng isang hari. Noong 509 B.C.E, inalis sa pwesto ng mga Romano si Tarquinius Superbus,ang hari ng Etruscan, at nagtatag sila ng isang Republika, ang pamahalaan. Naghalal sila ng dalawang konsul na puno ng hukbo upang magsilbi bilang punong mahistrado sa loob ng isang taon, ang bawat isa ay nagsilbing tagasubaybay ng bawat isa. Sa mga panahon ng kagipitan, ang senado na binubuo ng mga patrician na nanunungkulan habang buhay, ay patuloy na humahawak ng iba’t-ibang pwesto. Sila’y nagpatibay ng mga batas at Humirang ng mga kandidato para sa mga katungkulan. Ang kapangyarihan sa pagpapataw ng buwis, ang deklarasyon ng patakarang panlabas at iba pang pakikipag-ugnayan ay kasama rito. Sa kabilang panig, ang Asemblea na binubuo ng lahat ng mamamayan ay may maliliit lamang na kapangyarihan. Bagamat sila’y nakaboto, ang bilang ng kanilang boto ay hindi gaanong pinahahalagahan kaysa sa mga patrician. Sa paglipas ng panahon maraming tanggapan ang nalikha. Gayunman, ang mga plebeian ay Hindi parin gaanong nakalalahok sa pamumuhay pulitikal at sosyal sa Rome. Sila’y humihingi ng mga pagbabago. Noong 500 B.C.E. ang mga plebeian ay umalis sa syudad at nagtungo sa Mons Sacer at sila’y tumatangging bumalik hanggat hindi ibinibigay ang kanilang mga kahilingan. Ang mga patrician, sa wakas, ay sumuko at kanilang pinahintulutan ang mga plebeian na maghalal ng dalawang tribune.

Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Rome: Ang Simula ng Rome

Ang Simula ng Rome

Ang Rome ay itinatag sa kalagitnaan ng ikawalong siglo BCE ng mga unang Roman na nagsasalita ng Latin, isang sangay ng wikang nabibilang sa Indo-Europeo. Sila ay lumipat sa Gitnang Italy at nagtayo ng sakahang pamayanan sa Latium Plain.

Ayon Naman sa isang Matandang Alamat ang Rome ay itinatag ng kambal na sina Romulus at Remus. Habang mga sanggol pa lamang sila, inilagay sila basket at ipinaanod sa Tiber River ng kanilang amain sa takot na angkinin ng kambal ang kaniyang trono.

Ang kambal ay sinagip at inaruga ng isang babaing lobo. Nang lumaki ang dalawa at nalaman ang kanilang pinagmulan, inangkin nila ang trono at itinatag ang Rome sa pampang ng Tiber River noong 753 BCE.

Ang mga Roman ay tinalo ng mga Etruscan, ang kalapit na tribo sa Hilaga ng Rome. Sila ay magagaling sa sining, musika, at sayaw. Dalubhasa rin sila sa arkitektura, gawaing metal, at kalakalan. Tinuruan nila ang mga Roman sa pagpapatayo ng mga gusaling may arko, mga aqueduct, mga barko, paggamit ng tanso, paggawa ng mga sandata sa pakikidigma, pagtatanim ng ubas, at paggawa ng alak.


Reference:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Thursday, August 30, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Imperyong Macedonian

Imperyong Macedonian

Sa paghahangad ni Haring Philip ng Macedonia na pag-isahin ang mga lungsod-estado sa Greece, bumuo siya ng isang hukbo at sinanay sa pinakamabisang paraan ng pakikidigma. Bilang pagtatanggol ng kanilang kalayaan, sinalakay ng magkasanib na puwersa ng Athens at ng Thebes ang Macedonia noong 338 BCE. Madaling tinalo ni Philip ang hukbo ng dalawang lungsod-estado. Ang pagkatalo ng Athens at Thebes ay hudyat ng pagtatapos ng kapangyarihan ng mga lungsod-estado. Dahil dito, ang buong Greece, maliban sa Sparta, ay napasailalim sa kapangyarihan ng Macedonia.

Naging tanyag na pinuno ng Macedonia ang anak ni Philip na si Alexander the Great. Noong siya ay bata pa lamang, naging guro niya si Aristotle na nagturo sa kaniya ng pagmamahal sa kultura at karunungan. Habang lumalaki, natutuhan niya ang kagalingan sa pakikipagdigma. Siya ay 21 taong gulang nang mamatay ang kanyang ama at naging hari ng Macedonia at Greece. Matalino, malakas ang loob at magaling na pinuno si Alexander. Sinalakay niya ang Persia at Egypt at pagkatapos ay tumungo sa silangan at sinakop ang Afghanistan at hilagang India. Nagtatag siya ng imperyo na sumakop sa kabuuan ng kanlurang Asya, Egypt, at India. Pinalaganap niya ang kaisipang Greek sa silangan. Kinilala siya bilang isang pinakamagiting na pinuno dahil sa pagkasakop niya ng maraming estado.

Noong 323 BCE, sa gulang na 32 taon namatay si Alexander sa Babylon sa hindi matiyak na karamdaman.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Wednesday, August 29, 2018

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ginintuang Panahon ng Athens

Ginintuang Panahon ng Athens

Sa mahabang panahon ng pamumuno ni Pericles dulot ng taun-taong pagboto sa kanya na pamunuan ang Athens, maraming pinairal na mga programang pampubliko sa Athens. Lahat nito’y naglalayong maging isang pinakamarangyang estado ang Athens. Dahil nais ni Pericles na lumawak pa ang umiiral na demokrasya sa Athens, dinagdagan niya ang bilang ng mga manggagawa sa pamahalaan at sinuwelduhan niya ang mga ito. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan na makapagtrabaho sa pamahalaan mayaman man o mahirap. Subalit hindi lahat ay nasiyahan dito lalo na sa mga mayayaman. Iniisip kasi nila na ang mga pagbabagong ito’y magdudulot ng pagkalugi ng pamahalaan at maghihikayat ng katamaran sa mga ordinaryong tao. Sinagot naman ito ng isang pahayag ni Pericles. Ayon sa kanya, ang kanilang konstitusyon ay isang demokrasya sapagkat ito ay nasa mga kamay ng nakararami at hindi ng iilan. Ang pahayag ay naitala ni Thucydides, isang historyador.

Mahalaga ang edukasyon sa Athenian. Ang mga lalaki ay pinag-aral sa mga pribadong paaralan kung saan sila ay natuto ng pagbabasa, amtematika, musika, at mga obra ni Homer na Illian at Odyssey. Hinikayat din silang talakayin ang sining, politika, at iba pang usapin. Ang palakasan ay bahagi rin ng kanilang pag-aaral. Ang mga lalaki, sa edad na 18, ay nagsasanay ng 2 taon sa militar para maging mamamayan ng Athens. Samantala, ang kababaihan ay mas mababa ang estado kumpara sa kalalakihan. Hindi kasi sila binigyan ng papel bilang mamamayan at hindi maaaring makilahok sa pamahalaan. Ang kanilang buhay ay umiikot lamang sa bagawin bahay at pag-aalaga ng mga anak. Ikinakasal sila sa edad na 14-16 sa lalaking mapipili ng kanilang mga magulang.

Pagsasaka ang karaniwang ikinabubuhay ng mga Athenian. Ang mga ani ay kanilang kinakain. Ang mga sobrang produkto ay ipinapalit nila ng iba pang kagamitang pambahay. Bagamat marangya at magarbo ang ang mga gusaling pampubliko, ang mga tahanan naman ay simple lamang, maging ito ay pag-aari ng mayayaman o karaniwang tao. Sa kabuuan, simple lamang ang naging pamumuhay sa sinaunang Greece. Ngunit mula sa simpleng pamumuhay na ito ay lumitaw ang pinakamahuhusay na artista, manunulat, at mga pilosopo na tinitingala sa sandaigdigan hanggang sa ating makabagong panahon.

Ang may-akda ng mga natatanging pilosopong Greek sa larangan ng politika ay kinilala sa mundo tulad ng The Republic ni Plato at Politics ni Aristotle. Maging sa larangan ng arkitektura ay nakilala ang mga Greek. Kahangahanga ang arkitektura ng mga templo. Ang ilan dito ay matatagpuan sa Athens, Thebes, Corinth, at iba pang siyudad. Ang tatlong natatanging estilo na Doric, Ionian, at Corinthian ay naperpekto nila nang husto. Ang pinakamagandang halimbawa ay ang Parthenon, isang marmol na templo sa Acropolis sa Athens. Ito ay itinayo nina Ictinus at Calicrates at inihandog kay Athena, ang diyosa ng karunungan at patrona ng Athens. Ilan sa mga labi ng iskulturang Greek ay matatagpuan din sa mga templo ng Crete, Mycenaea, at Tiryus. Ang pinakadakilang Greek na iskultor ay si Phidias. Ang estatwa ni Athena sa Parthenon at ni Zeus sa Olympia ay ilan lamang sa mga obra maestra niya. Ilan pang mga natatanging iskultura ay ang Collossus of Rhodes ni Chares at Scopas ni Praxiteles na parehong itinanghal na Seven Wonders of the Ancient World.

Kinilala rin ang kontribusyon ni Herodotus sa larangan ng kasaysayan. Ang kanyang mga paglalakbay sa Asya at Sparta ay nakatulong upang maging obra maestro niya ang Kasaysayan ng Digmaang Persian. Tinawag siyang “Ama ng Kasaysayan.” Sinundan ito ng isa pang historyador, si Thucydides. Ilan sa mga isinulat niya ay ang Anabis, isang kuwento ng sikat na martsa ng mga Greek mula sa Babylonia hanggang Black Sea at Memorabilia na kalipunan ng mga kuwento ng guro niyang si Socrates.

Nagkaroon din ng kaalaman sa makabagong medisina sa sinaunang Greece. Ang pinakadakilang Greek na manggagamot ay si Hippocrates na kinilala bilang Ama ng Medisina. Itinaas niya ang larangan ng medisina bilang agham at hindi bunga ng mahika. Marami ring Greek ang kinilala at dinakila dahil sa kanilang naging ambag sa larangan ng agham at pilosopiya. Ang kauna-unahang pilosopiya ay ipinakilala ni Thales ng Militus. Ayon sa kaniya ang sandaigdigan ay nagmula sa tubig, ang pangunahing elemento ng kalikasan. Samantala si Pythagoras naman ang nagpasikat ng doktrina ng mga numero kung saan sinasabi niya na ang bilang na tatlo, lima at pito ay maswerteng mga numero.

Ilang dekada matapos ang Digmaang Persian, isang pangkat ng mga guro na tinatawag na mga Sophist ang sumikat sa Athens. Nagpakilala sila ng pagbabago sa mga umiiral na pilosopiya. Ayon sa kanila maaaring turuan ang mga tao na gumawa ng magagandang batas, makapagsalita, at makipagdebate sa mga Asembleya.

Maraming Athenian ang tumuligsa sa mga pilosopiya ng mga Sophist. Isa na rito ay si Socrates. Ayon sa kaniya mahalaga na kilalanin mo ang iyong sarili (know thyself). Ayon sa kaniya dapat na patuloy na magtanong ang mga tao hinggil sa mga bagay-bagay upang matiyak kung sila ay may mga kasagutan sa mga katanungang ito. Ang pamamaraang ito ay kinikilala ngayon na Socratic Method. Di nagustuhan ng mga Athenian ang ginawang pagtatanong ni Socrates lalo na ang mga tungkol sa mga diyos-diyosan at ilang patakaran ng Athens. Dahilan dito siya ay nakulong at nahatulan ng kamatayan. Ngunit bago pa siya naparusahan, siya ay nagpakamatay sa pamamagitan ng paglason sa sarili. Ang lahat ng mga ideya ni Socrates ay hindi niya naisulat

Si Plato, ang kaniyang pinakasikat na mag-aaral, ang nagsumikap na maitala ang lahat ng dayalogo sa pagitan ng dalawa o mas higit pang tauhan. Ang pinakatanyag ay ang Republic, isang talakayan tungkol sa katangi-tanging polis at ang uri ng pamahalaan na makapagbibigay ng kaligayahan sa mga mamamayan nito.

Samantala, si Aristotle, ang pinakamahusay na mag-aaral ni Plato, ay nagpakadalubhasa sa pag-aaral ng halaman, hayop, astronomiya, at pisika na pawang nangangailangan ng masusing pagmamasid. Ayon sa kaniya, ang alinmang teorya ay maaari lamang tanggapin kung ito ay batay sa masusing pagmamasid ng mga katotohanan. Kinilala si Aristotle na Ama ng Biyolohiya. Ilan sa mga tanyag niyang aklat ay ang Poetic, isang pagsusuri sa mga iba’t ibang dula-dulaan, ang Rhetoric na nagsasabi kung paano dapat ayusin ng isang nagtatalumpati ang kanyang talumpati, at ang Politics kung saan tinalakay ng mga mamamayan ang iba’t ibang uri ngpamahalaan.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Digmaang Peloponnesian

Digmaang Peloponnesian

Nais ni Pericles, isang strategos o heneral na inihalal ng kalalakihang mamamayan na mamuno sa Athens, na manatili ang kapayapaan di lamang sa Athens kundi maging sa mga kalapit nitong mga lungsod-estado at maging sa Persia. Habang umuunlad ang Athens, lumawak din ang kanilang kapangyarihan sa kalakalan. Ito ang naging dahilan kung bakit sa panahon ng Delian League ay naging isang imperyo ang Athens.

Hindi lahat ng lungsod-estado ay sumang-ayon sa ginawa ng Athens na pagkontrol sa Delian League subalit wala silang nagawa upang umalis sa alyansa. Kaya’t ang mga lungsod-estado na kasapi sa samahan tulad ng Sparta, Corinth, at iba pa ay nagtatag ng sarili nilang alyansa sa pamumuno ng Sparta at tinawag itong Pelopponnesian League.

Noong 431 BCE, nilusob ng Sparta ang mga karatig pook ng Athens na naging simula ng DIgmaang Peloponnesian. Batid ni Pericles na mahusay na mandirigma sa lupa ang mga Spartan kaya’t iniutos niya ang pananatili ng mga Athenian sa pinderang lungsod. Samantala, inatasan niya ang sandatahang lakas ng Athens na lusubin sa karagatan ang mga Spartan. Ngunit sinawing-palad na may lumaganap na sakit na ikinamatay ng libu-libong tao, kasama na si Pericles, noong 429 BCE.

Lahat ng pumalit kay Pericles ay hindi nagtagumpay dahilan sa mga mali nilang desisyon. Isa na rito si Alcabiades. Matapos siyang akusahan ng mga Athenian na lumalabag sa paniniwalang panrelihiyon, tumakas siya patungong Sparta upang iwasan ang pag-uusig sa kanya. Doon siya ay naglingkod laban sa kanya mismong kababayan. Hindi naglaon bumalik din si Alcabiades sa Athens at siya ay pinatawad at binigyan muli ng pagkakataong pamunuan ang sandatahang lakas ng Athens. Bagama’t naipanalo niya ang ilang laban nila sa Sparta, lubhang malakas ang mga Spartan at noong 404 BCE, sumuko ang mga Athenian. Bilang ganti, ipinapatay ng mga Spartan si Alcabiades.

Naging malaking trahedya sa Greece ang 27 taong digmaan ng Peloponnesian. Nagkaroon ng malawakang pagkawasak ng ari-arian at pagkamatay ng mga tao. Lumala rin ang suliranin sa kawalan ng hananpbuhay, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kakulangan sa pagkain.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ang Digmaang Graeco-Persia

Ang Banta ng Persia

Sa hangarin ng Persia na palawakin ang imperyo nito sa Kanluran, sinalakay ni Cyrus the Great noong 546 BCE ang Lydia sa Asia Minor. Ipinagpatuloy naman ito ni Darius I, nagmana ng trono ni Cyrus the Great. Noong 499 BCE, sinalakay ni Darius I ang kalapit na kolonyang Greek. Nagpadala man ng tulong ang Athens laban kay Darius, natalo pa rin ang mga kolonyang Greek sa labanang pandagat sa Miletus noong 494 BCE. Sa pagkatalo ng kolonyang Greek, nais ni Darius na parusahan ang lungsod sa pagtulong nito at maging hakbang na rin sa pagsakop sa Greece. Nagpagawa naman ng isang plota o fleet na pandigma ang Athens bilang paghahanda sa napipintong pananalakay ng Persia sa kanila.


Ang Digmaang Graeco-Persia

Noong 490 BCE, naganap ang unang pagsalakay ng Persia sa Greece sa pangunguna ni Darius. Tinawid ng plota ng Persia ang Aegean Sea at bumaba sa Marathon, isang kapatagan sa hilagang-silangan ng Athens. Tinalo ng 10, 000 puwersa ng Athens ang halos 25,000 puwersa ng Persia.

Ipinagpatuloy ng anak ni Darius na si Xerxes ang tangkang pagpapabagsak sa Athens. Isang madugong labanan ang naganap sa Thermopylae, isang makipot na daanan sa gilid ng bundok at ng silangang baybayin ng Central Greece. Nakipaglaban ang 7,000 puwersa at 300 nito ay taga-Sparta sa ilalim ni Leonidas laban sa puwersa ni Xerxes. Hindi naging madali ang paglupig ni Xerxes sa mga Greek, hindi kasi niya inasahan ang katapangan at kahusayan ng mga taga-Sparta sa pakikidigma. Sa loob ng tatlong araw na labanan, dumanak ang dugo ng mga Persian, subalit ipinagkanulo ng isang Greek ang lihim na daanan patungo sa kampo ng mga Greek. Pinayuhan ni Leonidas ang mga Greek na lumikas habang ipinagtatanggol ng kanyang puwersa ang Thermopylae. Namatay ang karamihan sa tropa ni Leonidas sa harap ng higit na maraming puwersa ni Xerxes.

Sinalakay at sinakop ni Xerxes ang Athens. Subalit dinala ni Themistocles ang labanan sa dalampasigan ng pulo ng Salamis kungsaan ang dagat ay lubhang makipot. Nahirapang iwasan ng malalaking barko ni Xerxes ang maliliit na barko ng Athens na pilit binabangga ang mga ito hanggang sa mabutas. Isa-isang lumubog ang plota ng Persia na siya naman nilang ikinatalo. Ang nalabing hukbo ni Xerxes ay tinalo ng mga alyansa ng mga lungsod-estado ng Greece sa pamumuno ni Pausanias ng Sparta. Kabilang sa alyansang ito ang Athens, Sparta, Corinth, at Megara.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ang Athens at ang Pag-unlad nito

Ang Athens at ang Pag-unlad nito

Kumpara sa Sparta na pangunahing layunin ang magpalakas at sumakop ng ibang lupain, ang Athens ay namuhay upang maging minero, manggagawa ng ceramics, mandaragat, at mangangalakal.

Ang Athens noong 600 BCE ay isa lamang maliiit na bayan sa gitna ng tangway ng Greece na tinatawag na Attica. Hindi angkop sa pagsasaka ang buong rehiyon kaya naman ang karamihan sa mga mamamayan nito ay nagtatrabaho sa minahan, gumagawa ng ceramics, mandaragat, at mangangalakal.

Pinamunuan noon ang Athens ng mga Tyrant o pinunong umabuso sa kanilang kapangyarihan. Bago pa ito, pinamunuan muna ng haring nahalal ng asemblea at mga payo mula sa konseho ng mga maharlika. Ang asemblea ay binubuo ng mga mamamayan na may malaking kapangyarihan at pinamumunuan ng Archon na pinapaburan ng mga may kaya sa lipunan. Hindi naglaon, naghangad ng pagbabago ang mga artisano at mangangalakal. Upang mapigil ang lumalalang sitwasyon, nagpagawa ng batas ang mga aristokrata o mayayamang tao. Si Draco na isang tagapagbatas ay nagsulat ng batas na nagbigay-daan sa pagkakapantay-pantay sa lipunan at binawasan ng kapangyarihan sa mga namumuno. Hindi pa rin ito ikinasiya ng mga simpleng mamamayan kaya naghangad pa ito ng maraming pagbabago. Marami sa kanila ang nagpaalipin upang makabayad sa kanilang utang.

Nagkaroon ng pagbabago noong 594 BCE sa pangunguna ni Solon na mula sa pangkat ng aristokrasya na yumaman sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan. Inalis niya ang pagkakautang ng mahihirap at ginawang ilegal ang pagkakaalipin dahil sa utang. Gumawa rin siya ng sistemang legal na magbibigay ng kalayaan sa kalalakihan na maging hurado sa korte. Ito ay nagbigay kapangyarihan sa mga simpleng mamamamayan. Nagsagawa rin si Solon ng repormang pangkabuhayan para sa mga mahihirap subalit hindi pa rin ang naging dahilan para maging kuntento ang mga simpleng mamamayan.

Noong 546 BCE, namuno si Pisistratus sa Athens. Bagamat mayaman siya, nakuha naman niya ang suporta at tiwala ng mga simpleng mamamayan. Sa kanyang pamumuno, ipinamahagi niya ang mga lupaing sakahan sa walang lupa, nagbigay rin siya ng pautang at nagbukas ng malawakang trabaho sa malalaking proyektong pampubliko, at pinabuti niya ang sistema ng patubig.

Naganap muli ang pagbabago sa sistemang ng Athens noong 510 BCE sa pangunguna ni Cleisthenes. Sa kanyang pamumuno, hinati niya ang Athens sa sampung distrito. Limampung kalalakihan ang magmumula sa bawat distrito at maglilingkod sa konseho ng tagapayo upang bumuo ng batas sa Asembleya - ang tagagawa ng mga batas na pinaiiral sa lugar. Nagkaroon dito ng pagkakataon na makaboto ang mga mamamayang may pagmamay-ari ng lupa at wala. Binigyan din ng pagkakataon ang mga mamamayan na ituro ang taong banta sa Athens kada taon upang maipanatili ang kalayaan ng lugar. Sa sistemang ito na tinatawag na Ostrakon, ang mga mamamayan ay magsusulat ng pangalan sa pira-pirasong palayok ng taong nais ipatapon o itakwil ng Athens. Kapag nakakuha ng mahigit 6,000 na boto ang isang tao, ipapatapon o itatakwil siya palabas ng Athens sa loob ng sampung taon. Ostracism ang tawag sa sistema ng pagpapatapon o pagtatakwil. Sa sistemang ito, nabigyan ng malaking kapangyarihan ang mga mamamayan.

Noong 500 BCE, isinilang ang demokrasya sa Athens. Ito ang pinakamahalagang naganap noon dahil sa pagpapatupad ng maraming reporma sa Athens.


Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://en.wikipedia.org/wiki/Athens

Kabihasnang klasiko ng Greece: Sparta, ang Pamayanan ng mga Mandirigma

Sparta, ang Pamayanan ng mga Mandirigma

Hindi tulad ng ilang nabuong pamayanan, higit na binigyang halaga ng Sparta ang pagkakaroon ng malalakas at magagaling na sundalo. Nanatili ito sa pagkakaroon ng pamahalaang Oligarkiya kung saan pinamumunuan ito ng ilang malalakas na grupo. Binubuo ito ng dalawang pangkat (Asemblea at Council of Elders o Konseho ng Matatanda). Ang Asemblea ay binubuo ng kalalakihan at mga hinirang na opisyal samantalang ang konseho ng matatanda ang nagpapanukala ng batas. Pangunahing layunin ng pangkat ang lumikha ng magagaling na sundalo. Pagsapit ng ika-7 taong gulang, ipinadadala na ang bata sa kampo ng militar upang magsanay. Pagsapit ng ika-20 taong gulang, ang mga kalalakihan ay ganap na sundalo at hinahayaan nang makita ang kanilang pamilya. Pagsapit ng ika-30 na gulang, inaasahan silang magkaroon ng asawa. Sa edad na 60 taong gulang, sila ay maaari namang magretiro na sa hukbo.

Ang mga kababaihan ng Sparta ay malalakas kumpara sa kababaihan ng Greece na limitado lamang ang karapatan. Ang mga ito'y sinasanay na maging matatag. Sila ang nag-aasikaso ng lupain ng kanilang mga asawa habang ang mga ito ay nasa kampo. Nangunguna rin sila sa palakasan at malayang nakikihalubilo sa mga kaibigan ng kanilang asawa habang masaya silang nanonood ng mga palaro tulad ng pagbubuno o wrestling, boksing, at karera.

Ang Sparta ay binubuo ng tatlong pangkat: Maharlika, Perioeci, at Helots. Pinakamayaman ang maharlika, malalayong tao na naghahanapbuhay bilang mangangalakal o artisano ang mga perioeci habang pinakamababang uri ng lipunan ang helots. Nalinang ng Sparta ang isang uri ng pamahalaan na kontrolado ang lahat ng aspeto ng buhay ng mga mamamayan nito. Noong 500 BC, nakonrol na ng Sparta ang kabuuan ng peninsula na tinawag nilang Peloponnesus.

Ang mga polis ng Sparta ay itinatag ng mga Dorian sa Peloponnesus na nasa timog ng tangway ng Greece. Sila lamang ang hindi umasa sa kalakalan. Ginagamit kasi nila ang kainaman ng klima, sapat na tubig, at matabang lupa na angkop sa pagsasaka para punuan ang pangangailangan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng pananakop ng iba pang lupain, napalawak ng Sparta ang kanilang lupain at ang mga magsasaka sa kanilang nasakop ay dinadala nila sa Sparta upang maging helots o tagasaka.

Pangunahing mithiin ng Sparta ang magkaroon ng matatapang at malalakas na kalalakihan at kababaihan. Kaya naman kapwa ito dumaraan sa pagsasanay na may kaakibat namang responsibilidad sa lipunan. Responsable ang Sparta sa pagkakaroon ng pinakamahusay na sandatahang lakas sa buong daigdig na sa simula'y lau-labong nakikipagdigma hanggang sa panatilihing sama-sama sa pakikidigma. Nakabuo rin ito ng istilo ng pakikidigma. Sa pakikipaglaban, nakabauo ito ng hukbo o Phalanx na karaniwang binubuo ng 16 na hanay na mandirigma. Ang mga ito'y nakahanda pumalit sakaling mamatay ang nasa unang hanay sa pakikidigma.



Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://en.wikipedia.org/wiki/Sparta

Kabihasnang Klasiko sa Europa: Kabihasnang Minoan at Mycenaean

Kabihasnang Klasiko sa Europa

Maunlad na ang bansa ngayon kumpara sa mga nagdaang panahon. Bago pa man malasap ng maraming Pilipino ang kasalukuyang kasaganahan at mataas na antas ng pamumuhay, dumaan ito sa maraming pagsubok at pakikipagtunggali sa maraming mananakop kabilang na ang Espanya.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, bahagi nito ang matagalang pagsakop ng mga Kastila sa atin bago pa man dumating ang ibang mananakop. Mula sa pagsakop ng mga Kanluranin tungo sa malaya at hindi pagagaping mga Pilipino.

Pero ano nga ba ang kasaysayan naman ng mga mananakop partikular na ang kabihasnang Europeo na sadyang malaki ang naging impluwensya sa atin. Ang Modyul na ito ay magbibigay ng kaunting kasaysayan kung paano nabuo at naging isang makapangyarihang kontinente ang Europa sa daigdig.


Kabihasnang Minoan at Mycenaean

Ang Kabihasnang Minoan ay ang kauna-unahang Aegean Civilization sa pulo ng Crete na nagsimula noong 3100 BCE. Hango ang salitang "Minoan" sa pangalan ni Haring Minos na sinasabing nagtatag nito. Ito rin ang sinasabing simula ng kasaysayan ng Europa.

Kilala ang mga Minoan na magagaling na mandaragat na nakatira naman sa bahay na yari sa bricks. May mga produkto rin silang ipinangkakalakal sa ibang pamayanan tulad ng palayok na yari sa luwad at sandata na yari sa tanso. Nakararating ito sa Aegean Sea, Greece, Cyprus, Syria, at Egypt. ANg mga produkto ay ipinagpapalit nila ng ginto, pilak, at butil. Sa sining, naipakita nila ito sa pamamagitan ng Fresco at mga palayok. Mayroon na rin silang sistema ng pagsulat. Tinawag itong Linear A para sa sistema ng pagsulat ng mga Minoan samantalang Linear B naman sa Mycenaean. Maliban pa rito, kilala rin sila sa mga sinaunang mamamayan ng Europa na mahuhusay sa paggamit ng metal at iba pang teknolohiya.

Nahukay naman ni Sir Arthur Evans, isang English Archeologist, noong 1899 ang lungsod ng Knossos. Ito ay sinasabing kabisera ng Kabihasnang Minoan.

Kinilala ang Knossos bilang isang makapangyarihang lungsod na sumakop naman sa kabuuan ng Crete. Matatagpuan dito ang isang napakatayog na palasyo na nakatayo sa dalawang ektaryang lupain na napaliligiran naman ng mga bahay na bato. Ang palasyo ay kalauna'y nasira dulot ng sunog at iba't ibang kalamidad. Ang katanyagan ng Minoan at bumagsak sa kamay ng mga mananakop.

Samantala, bago pa man salakayin ng mga Mycenaean ang Crete, nasimulan na nilang paunlarin ang ilang pangunahing kabihasnan sa Timog Greece. Matatagpuan ang sentro ng kanilang kabihasnan sa layong 16 kilometro sa aplaya ng karagatang Aegean. Ang mga lungsod dito ay pinag-ugnay ng maayos na daanan at mga tulay. Ang mga makapal na pader na nakapaligid sa lungsod ay nagsilbing pananggalang nila sa iba pang manananakop. Noong 1400 BCE, isa nang napakalakas na mandaragat ang mga Mycenaean lalo na noong masakop at magupo nila ang Crete. Ang Crete ay lumalagong Kabihasnan sa Greece noon.

Bagama't nasakop ng mga Mycenaean ang Crete na sinasabing pinagmulan din ng kabihasnang Minoan, malaki ang naging impluwensya ng mga Minoan sa Greek. Kabilang na sa mga impluwensiyang ito ang wika, sining, alamat, at kwento.

Noong 1100 BCE, Sinalakay ang Mycenaean ng mga Dorian, isang pangkat mula sa Hilaga. Samantala, isa pang pangkat na may kaugnayan sa Mycenaean ang tumungo sa Timog ng Greece sa may lupain ng Asia Minor, hangganan ng karagatang Aegean. Dito, nagtatag sila ng pamayanang Ionia at nakilala naman bilang Ionian.

Ang mga pangyayaring ito ay tinaguriang Dark Age o Madilim na panahon ng Greece. Naging palasak ang digmaan ng iba't ibang kaharian, nahinto ang kalakalan, pagsasaka, at iba pang gawaing pangkabuhayan. Kasama rin dito pagtamlay ng sining at pagsulat.

Mula naman sa madilim na panahon, umusbong sa Ionia ang bagong sibilisasyon na mabilis na lumaganap sa kabuuan ng Greece. Tinawag nila ang kanilang sarili na Hellenes o Greeks. Kinilala ang panahong ito na kabihasnang Hellenic mula sa kanilang tawag sa Greece na Hellas. Tumagal ito mula 800 BCE hanggang 400 BCE na sinasabing pinakadakilang sibilisasyong naganap sa kasaysayan ng daigdig.


Ang mga Polis


Sa panahon ng Dark Age ng Greece, nagtayo ang mga Greek ng mga kuta sa gilid ng mga burol at taluktok ng bundok upang maprotektahan sila sa pagsalakay ng iba pang mga pangkat. Hindi naglaon, ang mga ito'y naging pamayanan na pinag-usbungan din ng mga lungsod-estado o Polis. Ang Polis ay hango sa salitang pulisya, politika, at politiko. Ito'y binubuo lamang ng 5000 kalalakihan na itatala sa opisyal na talaan ng populasyon ng lungsod-estado. Karamihan sa mga polis ay matatagpuan sa matataas na lugar na tinatawag na acropolis o mataas na lungsod. Ito ang takbuhan ng mga Greek sa panahon ng digmaan na naging sentro naman ng politika at relihiyon. Agora o pamilihang bayan naman ang tawag sa ibabang bahagi ng acropolis.



Reference:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://en.wikipedia.org/wiki/Minoan_civilization
https://esepmeyer.wordpress.com/2013/03/12/aralin-11-kabihasnang-minoan-at-mycenaean/
https://en.wikipedia.org/wiki/Mycenae