Kahapon (June 11, 2015) ay narinig ko sa radyo na kinakapanayam ni Karen Davila si Sen Sonny Angara tungkol sa kanyang "Anti-Bullying Bill" na isasama ang mga guro sa umano'y bullies at papatawan ng mas malaking parusa (higit pa sa mga tadhana ng RA 7610 at DepEd-CPP) lalo na kung magtangkang mag-suicide ang batang biktima umano ng pambu-bully ng guro.
Tinanong siya ni Karen hinggil sa reaksyon ng mga guro sa kanyang panukala lalo na ang pahayag ng TDC na sobra-sobra na ang regulasyon sa mga guro (RA 7610, DepEd CPP etc) kaya dapat niyang iatras ang kanyang bill. Ayon sa butihing senador ay bukas siya sa pakikipag-usap sa atin at handang makinig sa ating mga suhestiyon. Ang filing raw na ginawa niya ay ang umano'y unang hakbang lamang naman.
Mukhang baliktad, sa paggawa kasi ng batas ay dapat nauuna ang mga public hearing at consultation sa mga sektor na maaaring maapektuhan. Hindi natin alam kung sino ang kanyang mga kinonsulta, pero tiyak kong hindi tayo kasama. Sana lang talaga ay naisip niya munang makipag-usap bago nagsumite ng ganitong bill. Sa pangkalahatan naman ay maayos ang nagng performance ni Sen. Angara, kaya nirerespeto ko pa rin siya hanggang ngayon at umaasa akong sa malao't madali ay magbibigay siya ng mas detalyadong pahayag na hindi gaya ng naunang statement niya na tila baga paiwas sa ating mga argumento at sentimyento.
Hihintayin natin ang kanyang sagot sa ating pormal na liham at kung sakaling magtakda ng petsa ng pulong, inaasahan nating dadalo ang maraming bilang ng mga guro. Kung gaano kainit ang ating ulo at kung gaano tayo ka-articulate sa Facebook ay mas lalo tayong dapat mahusay sa aktuwal na dayalogo. Tiyakin nating iaatras ni Sen Angara ang kanyang proposal upang wala na ring sinumang mambabatas ang magtangkang magsumite ng anumang panukala na walang konsiderasyon sa mga guro.
Lagi sana tayong maging mapagbantay sa ating mga karapatan at kagalingan. Higit sa lahat, PROTEKTAHAN NATIN ANG ATING DIGNIDAD!
Maraming salamat po at MABUHAY ANG MGA GURO!
No comments:
Post a Comment