Nakipagpulong kahapon ng umaga, June 29, 2015, ang mga kinatawan ng Ating Guro Partylist at Teachers Dignity Coalition sa pangunguna nina Mr. Jaime Albiza, Mr. Meng Arevalo, Mr. Porferio Rolan at iba pa kay Mrs. Rita E. Riddle, Officer-in-charge, Division of City Schools, Caloocan.
Ito'y upang linawin ang ilang isyu na may kinalaman sa BIR, Chalk Allowance, Clothing Allowance, Increment, PEI at PBB ng ating mga guro sa Caloocan.
Nabanggit sa pulong na hindi na-release ang Five Hundred Pesos para sa Chalk Allowance na dapat ay kasabay sa pag-release ng PEI. Isasama na umano ito sa kabuuang One Thousand Five Hundred Pesos ngayong July. Ang PBB o Performance Based Bonus naman ay inaasahang ma-release ngayon ding July. Nakabase ito sa performance rating ng school, division, at regional office.
Inaasahan din namang maging makatotohanan ang ginagawa ngayon ng Division Office para sa Step Increment ng ating mga guro. Ayon kay Mrs. Riddle, inaayos na ngayon ang data base ng dibisyon para malaman at makompyut ang increase ng mga gurong may tatlong taon o pataas na sa serbisyo, loyalty at iba pa. Aniya, naglaan na siya ng pondo para rito upang matanggap na ng mga guro bago pa man matapos ang taon.
Samantala, hindi naging malinaw ang sagot ng dibisyon ukol sa isyu ng mga guro sa buwis. Marami kasing mga guro sa Caloocan ang nagdusang pumila sa iba't ibang BIR offices hindi lang sa kamaynilaan kundi maging sa mga probinsya na anila'y may hawak ng kanilang pangalan. Ilang kaguruan din ang nahaharap sa penalty dahil sa late payment ng kanilang responsibilidad sa BIR kasama na rin ang mga may kailangang bayaran sa nasabing tanggapan. Nauna na kasing nagbigay ng abiso ang DepEd-NCR na pwede pa ring magbayad ang mga guro hanggang July 15 kung hindi sila makakaabot sa deadline noong Abril subalit hindi ito naging makatotohanan dahil ngayo'y nahaharap sa penalty ang iba. Ayon kay Riddle, magpapadala siya ng kanyang tauhan upang kausapin ang BIR officials para hingin ang nararapat para sa mga guro. Posibleng humingi dila ng amnesty, installment, reduction o anupamang pwedeng ibigay para rito ng sa gayo'y madaling mabayaran ng mga guro ang dapat nilang bayaran.
Umaasa pa rin ang TDC na matulungan ng dibisyon ang mga guro ng Caloocan upang lalong mapabuti ang mga kalagayan nito.