Sunday, August 2, 2015

SAMPUNG LIBO LAMANG

SAMPUNG LIBO LAMANG
Ni Jayson A. Cruz

Sampung libo lamang, tangi naming hiling,
Tangi naming hiling, sampung libo lamang
Kumpara sa bilyong, iskandalo ngayon.
Iskandalo ngayon, higit sampung bilyon.

Silang nagpakasasa, sa b’wis na winaldas.
Silang mambabatas, sa guro’y utang ang talas.
Bakit hanggang ngayo’y bantulot sa batas
na sa buhay nami’y magbibigay lakas.

Sampung libo lamang, tangi naming hiling,
Tangi naming hiling, sampung libo lamang
Kumpara sa bilyong, iskandalo ngayon.
Iskandalo ngayon, higit sampung bilyon.

Ilang dekada na guro ‘y nagmamartsa
Sa Batasan, Senado, DBM at Mendiola?
Ilang Mila pa, hahandusay sa bangketa
upang makita nila, abang lagay ng maestra?

Sampung libo lamang, tangi naming hiling,
Tangi naming hiling, sampung libo lamang
Kumpara sa magagara nilang mga sasakyan,
nagtatayugang mga bahay at ari-arian.

Kaming namamaos upang kabataa’y maiayos,
Kaming nagpupuyat sa pagbalangkas ng leksiyon,
Kaming bumubuhay sa mga pangarap at ambisyon,
patuloy na isinasantabi’t suweldo’y binubusabos.

Kailan pakikinggan, aming panawagan?
Kailan ibibigay aming munting hiling?
Kailan kikilalanin, malaking ambag namin
Kung patay na kami’t nabaon na sa utang?

Sampung libo lamang, tangi naming hiling,
Tangi naming hiling, sampung libo lamang
Makatarungang umentong malapit sa katotohanan
Pakikurot naman nang kaunti, sa kaban ng bayan.

Nais din naming mabuhay nang may dignidad
Ibig din naming mabuhay nang marangal
Huwag n’yo naman kaming ituring na hangal
Basahin n’yo ang bibliya, ang guro ay banal.

Sampung libo lamang, tangi naming hiling,
Tangi naming hiling, sampung libo lamang
Makatarungang umentong malapit sa katotohanan
Pakikurot naman kami nang bahagya, sa kaban ng bayan.


June 1, 2014
3:46 AM
SMV. Binangonan

Tulang binigkas sa rally ng TDC sa Rajah Soliman Park, Malate, Manila at iba pang consultation forum ng samahan bilang panawagan sa sampung libong umento sa sahod ng mga guro sa bansa.

No comments:

Post a Comment