Thursday, August 6, 2015

Ang Idol Kong si Sir Diomer!

The purpose of our lives is to be happy

Pinuno ng paaralan...
Guro ng silid-aralan...
Ama ng mga mag-aaral...
Janitor ng sambayan...
Makabagong kaisipan...
Masipag na mamamayan...
Si Sir Diomer Yan!

Ang pagiging lider ay hindi lamang nakalagay sa papel. Hindi rin ito promosyon para sa mas mataas na sahod. Ito ay sinasabuhay para makahugot ng mas maraming lider na magiging pag-asa ng bayan sa hinaharap. 

Ang posisyon ay hindi lamang magbibigay sa'yo ng karangalan kundi nagsasabi ito ng mas mataas at malawak na responsibilidad at obligasyon sa iba. Kaya naman, ang pagiging lider ay hindi basta-basta dahil nangangailangan ito ng mas malawak na karanasan, mas mabiyayang kaisipan at sandamukal na pasensya para sa mas maaayos at matatag na samahan para sa iisang layunin.

Isa si Diomer Dela Rosa Dy ng Masaguisi Elementary School, Marinduque. Nakitaan ko siya ng kakayanan para masabing lider na may patutunguhan at posibleng magbigay ng mas maraming responsableng lider sa hinaharap. Sa kanyang mga gawi at asal, hindi maikukubli ang iyong paghanga dahil sa kanyang ipinapakita at isinasagawa.

Nakakatuwang isipin na may pinuno pa rin na kayang magwalis sa bubungan ng paaralan dahil madalang itong makita sa iba. Kadalasan ang mga janitor o utusan sa paaralan ang pinapagawa nito subalit iba kay Sir Diomer, hands on kasi siya sa kanyang mga estudyante at gusto niyang maging ehemplo siya sa iba.

Sa pakikipanayam sa kanya, nalaman ko na siya ay Head Teacher II sa paaralang pinaglilingkuran. Wala umanong principal dito at siya lamang ang nangangasiwa sa eskwelahan. Nagtuturo pa rin siya sa kabila ng kanyang posisyon na hindi ginagawa ng karamihan. Aniya, masaya niyang ginagawa sa araw-araw ang iba't ibang gawain tulad ng pangangasiwa ng kanyang nasasakupang mga guro, taga-turo ng disiplina sa mga mag-aaral, promotor ng mga gawain na hindi kadalasang ginagawa ng ibang lider gaya ng pagwawalis ng bubong na sadyang delikado, paghubog sa mga batang Nurse at batang Police na malaking tulong para makita ng mga mag-aaral ang disiplina at malaking ambag nito sa lipunan, pag-akay sa kanyang kaguruan at estudyante para sa makabagong teknolohiya, at pagpapatupad ng PILA 101 na tatatak sa sambayanan. Sa PILA 101 kasi, tinuruan niya ang mga mag-aaral na pumila mula sa paaralan hanggang makauwi sa kani-kanilang tahanan.

Napakapalad ng mga guro at estudyante sa ilalim ng kanyang pamamahala dahil hindi lamang ang pag-aaral at pagtuturo ng asignatura ang naibabahagi niya kundi ang pagpapakatao. Natututunan din ng kanyang mga nasasakupan ang kanilang papel para maging PAG-ASA NG BAYAN.

Nawa'y marami pang mga lider ang katulad mo na hindi nakakalimutang tumapak sa lupa. Marami kasi ang nabubulagan sa kanilang posisyon at mas pinipiling maging bulag sa katotohan na may mas malaki at mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanila. 

Saludo ako sa'yo Sir Diomer. Mabuhay ka!
 Naglilinis si Sir


Mga Batang Pulis
 PILA 101

 Ang inyong Lingkod


No comments:

Post a Comment