Monday, October 27, 2025

K TO 10 CURRICULUM: AP8-Q3-WEEK2: Ang Daigdig Pagkaraan ng Digmaan

AP8-Q3-WEEK1: Ang Daigdig Pagkaraan ng Digmaan 


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN  

Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga pangyayari at isyung pampolitika sa daigdig na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya ng mga mamamayan 


PAMANTAYAN SA PAGGANAP  

Nakalilikha ng adbokasiyang may kaugnayan sa mga isyu at hamong pampolitika at pansibiko na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya 


LAYUNIN: Nabibigyang katuwiran ang naging tugon ng mga bansa sa pagharap sa iba’t ibang suliranin pagkaraan ng digmaan 


PAKSA!

B. Ang Daigdig Pagkaraan ng Digmaan 

1. Pagtatatag ng League of Nations 

2. Spanish Flu 

3. Great Depression  


 Mga Kasunduang Pangkapayapaan

        Sa pagnanais na wakasan na ang digmaan upang maibangon at maitaguyod ang Europe, naglunsad ng Peace Conference ang 32 bansa noong Enero 18, 1919 sa Paris. Namuno sa kasunduang ito ang mga nagwaging bansa at hindi pinayagang dumalo ang mga natalong bansa. Tinawag na Big Four ang mga nanguna sa pagbuo ng kasunduan. Ito ay sina Woodrow Wilson ng Estados Unidos, David Lloyd George ng Great Britain, George Clemenceau ng France at Vittorio Orlando ng Italy.

    Binalangkas ni Pangulong Woodrow Wilson ang Labing Apat na Puntos na naglalayon ng pangmatagalang kapayapaan. Kabilang sa napagkasunduan ay ang mga sumusunod:

1. Ang kasunduan na nagaganap ay dapat ipaalam sa lahat.

2. Magkaroon ng kalayaan at karapatan sa digmaan.

3. Kinakailangang tanggalin ang buwis para sa ikabubuti ng ekonomiya.

4. Kinakailangang bawasan ang sandatahan o lakas pandigma.

5. Dapat na walang kinikilingan sa mga suliranin na pangkolonya.

6. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Russia.

7. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Belgium.

8. Kagustuhan na maibalik ang Alsace-lorraine sa bansang Pransya.

9. Kailangang magkaroon ng maayos na hangganan ang bansang Italya.

10.Kagustuhan na magkaroon ng determinasyon ang mga nakatira sa Austria–Hungary.

11.Bigyan ng pagkakataon na makapagsarili ang mga bansang Balkan.

12.Bigyan ng kalayaan ang bansang Turkey sa kamay ng mga mananakop.

13.Bigyan ng kalayaan ang bansang Poland.

14.Pagtatag ng Liga ng mga Bansa.


Makalipas ang anim na buwan ay nilagdaan naman ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919 na opisyal na nagwakas ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa kasunduang ito ay nakasaad ang mga sumusunod: pagbalik sa France ng Alsace at Lorraine, pagsuko ng Germany sa lahat ng kolonya nito sa Africa at Asia, pagbabawal sa Germany na bumili at lumikha ng mga armas pandigma, pagbabayad ng Germany sa Allies ng 33 bilyong dolyar sa loob ng 30 taon. Ipinataw ng Allies ang responsibilidad ng digmaan sa Germany at mga kaalyado nito.

Ang Liga ng mga Bansa

 Itinatag ito sa layuning maiwasan ang anomang alitan sa pagitan ng mga bansa na maaaring maging dahilan muli ng digmaan. Layunin din nitong ayusin sa mapayapang paraan ang di pagkakaunawaan ng mga kasaping bansa, mapalaganap ang pandaigdigang pagtutulungan, lumakas ang kooperasyon ng mga bansa lalo na sa usaping pangkalakalan. Hindi inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagsali ng kanilang bansa sa Liga. Nag-umpisa ang samahan na mayroong 42 lamang na bansang kasapi. Matapos ang ilan pang mga taon, umakyat ang bilang ng mga bansang kasapi nito sa 59. Ang Great Britain at France ang pangunahing bansang gumabay sa pagtatayo ng polisiya ng mga Liga ng mga Bansa. Ang Italy at Japan ang tumayong Konseho ng samahan. Ang mga ilan sa nagawa ng Liga ng mga Bansa ay ang pagpigil ng maliliit na digmaan sa pagitan ng Finland at Sweden noong 1920, Bulgaria at Greece noong 1925 at Colombia at Peru noong 1934. Namahala din ito sa rehabilitasyon ng mga sundalo pagkatapos ng digmaan. Nagsimula na itong manghina nang tumiwalag ang Japan dahil sa pananakop nito sa Manchuria na teritoryo ng China. Maging ang paglimita sa mga sandata ng mga bansa ay hindi sinunod ng ilang kasapi sa pangambang madali silang matatalo kung sakaling lusubin sila ng kalabang bansa.


Spanish Flu

Ang Spanish Flu o Pandemya ng Trangkaso ng 1918 ay sumabay at sumunod sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, kaya’t naging mas mapaminsala ang epekto nito sa buong mundo.

Kaugnayan ng Spanish Flu sa Unang Digmaang Pandaigdig:
  • Nagsimula noong Pebrero 1918, habang patuloy pa ang digmaan; tumagal hanggang Abril 1920
  • Pinalala ng paggalaw ng mga sundalo, masikip na kampo, at kakulangan sa kalinisan
  • Pagod ang mga bansa, kulang sa medikal na kagamitan, at may trauma mula sa digmaan
  • Maraming sundalo ang namatay hindi sa labanan kundi sa trangkaso mismo
  • Sa halip na makabawi agad mula sa digmaan, maraming bansa ang nahirapan dahil sa pandemya
  • Unang bugso ng trangkaso habang nasa gitna ng digmaan, Nagtapos ang digmaan, pero sumiklab ang ikalawang bugso ng trangkaso—mas nakamamatay, Ikatlong bugso; unti-unting humupa ang pandemya habang bumubuti ang kalagayan ng mundo.

Pagbagsak ng Stock Market

Noong taong 1920, nagkaroon ng economic boom o mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ang United States na makikita sa mataas na halaga ng stocks. Namuhunan ang maraming tao sa pamamagitan ng pagbili ng mga stocks sa mababang halaga ng porsiyento bilang paunang pambayad at inutang naman ang iba sa stockbroker. Setyembre 1929, nakaramdam ang mga namumuhunan ng pagtaas ng presyo ng stocks, kaya’t sinimulan nilang ibenta ang mga ito dahil sa posibilidad ng pagbaba ng presyo nito sa mga susunod na araw. Nagdulot ito ng tuloy-tuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks hanggang Oktubre 24 na nagbigay takot sa mga namumuhunan.

Dahil sa patuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks, lahat ng mga namumuhunan ay nagnais na ibenta ang kanilang mga stocks subalit walang nais bumili. At sa loob lamang ng isang araw, 13 milyong shares ang ibinenta sa New York Stock Exchange. Ang mabilis na pagbagsak ng presyo ng mga stock ay tinawag na Wall Street Crash, hango sa pinansiyal na distrito ng New York. Noong ika-29 ng Oktubre taong 1929, tuluyang bumagsak ang New York Stock Exchange at tinawag nila itong Black Thursday.


 Bunga ng Wall Street Crash:

1. Maraming tao ang nawalan ng malaking salapi at nalugi ng maganap ang wall street crash

2. Nagsara ang mga bangko at mga negosyo

3. Maraming tao ang nawalan ng trabaho

4. Humina ang produksiyon at bumababa ang pasahod sa mga manggagawa

5. Nagdulot ng Great Depression.


Ang Great Depression

Ang Great Depression ay isang malawakang krisis pang-ekonomiya na nagsimula dahil sa pagbagsak ng stock market noong October 20, 1929. Naapektuhan nito ang halos lahat ng mamamayan ng United States. Humina ang produksiyon ng mga industriya. Umabot sa 9 milyong katao ang nawalan ng pera sa mga bangko dahil nawalan ang bangko ng pambayad. Noong taong 1933, halos ikaapat na bahagi ng mga mamamayan sa United States ay nawalan ng trabaho.

Ang taong 1933 ang pinakamalalang taon ng Great Depression dahil umabot sa 12 milyong katao ang nawalan ng trabaho. Nabawasan ang pag-angkat ng United States ng mga hilaw na materyales na nakaapekto sa mga mahihirap na bansang dumedepende sa pagbebenta ng pagkain at mga hilaw na materyales. 

Lumaganap sa buong mundo ang pagbagsak ng ekonomiya ng United States. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, nagpautang ang mga bangko ng United States sa ibang bansa. Subalit, nang magsimula ang Great Depression, sinimulang bawiin ng United States ang mga pautang nito sa ibang bansa, gayundin ang kanilang puhunan at mga negosyo. At upang mapanatili ang dolyar sa kanilang bansa at bilhin ng mga mamamayang Amerikano ang kanilang sariling produkto, pinatawan ng mataas na taripa ng United States ang mga produktong imported. Ang patakarang ito ay nagkaroon ng epekto sa mga bansa na nagluluwas ng produkto sa United States. Naglagay rin ang mga bansa ng mataas na taripa sa kanilang mga produkto na naging sanhi ng paghina ng kalakalang pandaigdig. Nagdulot ito ng patuloy na paghina ng ekonomiya ng mundo at malawakang kawalan ng hanapbuhay. Ang Great Britain at Germany, ay kabilang sa mga bansang labis na naapektuhan. At mabilis na lumaganap sa buong mundo ang krisis.


TANDAAN!

  • May apat na dahilan ang pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig: Militarismo, Nasyonalismo, Imperyalismo at Pagtatatag ng mga Alyansa. 
  • Nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Hulyo 27, 1914 hanggang Nobyembre 11, 1918.
  • May dalawang alyansang nabuo mula sa pagkakampi kampihan ng mga bansa sa Europa. Ito ay ang Triple Entente at Triple Alliance.
  • Ang mga bansa sa alyansang Triple Entente ay ang France, Britain, Russia. 
  • Ang mga bansa sa alyansang Triple Alliance ay ang Germany, Austria-Hungary, Italy.
  • Inggit, hinala at pangamba ay mga makapangyarihang emosyon na nangibabaw sa mga bansa sa Europa kaya humantong sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mga bansa nito. 
  • Ang pangmadaliang dahilan ng pagsiklab ng digmaan ay ang pagsiklab ng labanan sa Balkan at ang pataksil na pagpatay kay Archduke Franz Ferdinand.
  • Magkalabang pangkat sa digmaan ang Central Powers na binubuo ng Germany, Austria-Hungary, Bulgaria at Imperyong Ottoman at ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, Russia at France.
  • Napilitang lumagda sa Treaty of Versailles ang Germany na opisyal na pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig.  Ang pagkakabuo ng Liga ng mga Bansa ay naglalayon na isulong ang kapayapaan at pagtutulungan ng mga bansa.
  • Ang epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang pagkamatay ng milyong katao sanhi ng gutom, sakit at paghihirap. Maraming imprastraktura at ari￾arian ang nasira na nagdulot ngpaghina ng lipunan at kabuhayan. 
  • Ang Spanish Flu ay mas nakamamatay kaysa sa mismong digmaan sa maraming bansa.
  • Hindi pa tukoy noon ang virus, kaya’t walang bakuna o epektibong lunas.
  • Sa Pilipinas, tulad ng ibang kolonya noon, limitado ang access sa medikal na tulong kaya’t maraming naapektuhan
  • Ang Great Depression ay isang malawakang krisis pang-ekonomiya na nagsimula dahil sa pagbagsak ng stock market noong October 20, 1929. Naapektuhan nito ang halos lahat ng mamamayan ng United States. Humina ang produksiyon ng mga industriya. Umabot sa 9 milyong katao ang nawalan ng pera sa mga bangko dahil nawalan ang bangko ng pambayad. Noong taong 1933, halos ikaapat na bahagi ng mga mamamayan sa United States ay nawalan ng trabaho.




GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Ikomento ang inyong sagot sa comment section. Isulat din ang inyong sagot sa inyong notebook.

1. Ano-ano ang mga hakbang na isinagawa ng mga pinuno ng bansa upang wakasan ang Unang Digmaang Pandaigdig?

2. Ano ang kaugnayan ng Labing Apat na Puntos sa pagtatatag ng Liga ng mga Bansa?

3. Ano ang naging epekto ng Spanish Flu sa Unang Digmaang Pandaigdig?

4. Sa iyong palagay, makatwiran ba ang di pagpapahintulot sa mga natalong bansa na maging kabahagi sa paglulunsad ng Peace Conference?

5. Paano nagsimula ang Great Depression?

6. Kung ikaw ay isang lider ng bansa, paano mo haharapin at tutugunan ang pandemya at great depression kung sakaling maranasan ito ng iyong bansang nasasakupan?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.


No comments:

Post a Comment