Thursday, October 30, 2025

K TO 10 CURRICULUM: AP8-Q3-WEEK6: Ang Asya at Africa sa Panahon ng Cold War

 AP8-Q3-WEEK6: Ang Asya at Africa sa Panahon ng Cold War  


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN  

 Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga pangyayari at isyung pampolitika sa daigdig na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya ng mga mamamayan 


PAMANTAYAN SA PAGGANAP  

Nakalilikha ng adbokasiyang may kaugnayan sa mga isyu at hamong pampolitika at pansibiko na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya 


LAYUNIN: Nasusuri ang epekto ng Cold War sa Asya at Africa 


PAKSA!

F. Ang Asya at Africa sa Panahon ng Cold War 

1. Paglaya ng mga Bansa at Neokolonyalismo 

2. Non-Aligned Nations 

3. Digmaang Korea at Vietnam 

4. Russo-Afghan War


1. Paglaya ng mga Bansa at Neokolonyalismo 

Ang paglaya ng Asya at Africa sa panahon ng Cold War ay bunga ng malawakang kilusang nasyonalista, pagbagsak ng kolonyalismo, at impluwensya ng tunggalian sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Sobyet. Maraming bansa ang nagdeklara ng kalayaan, ngunit hinarap din nila ang hamon ng neokolonyalismo at ideolohikal na presyur mula sa dalawang superpower.


Konteksto ng Cold War at Dekolonisasyon

  • Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, humina ang kapangyarihan ng mga bansang kolonyal tulad ng Britain, France, at Netherlands.
  • Nagsimula ang Cold War sa pagitan ng US (kapitalismo) at USSR (komunismo), na parehong naghangad ng impluwensya sa mga bagong kalayaang bansa sa Asya at Africa.
  • Dekolonisasyon ang naging pangunahing tema: maraming bansa ang lumaya mula sa pananakop, ngunit naging larangan ng ideolohikal na tunggalian.


Paglaya ng mga Bansa sa Asya

  • India – Lumaya mula sa Britain noong 1947 sa pamumuno ni Mahatma Gandhi.
  • Indonesia – Nagdeklara ng kalayaan mula sa Netherlands noong 1945; kinilala noong 1949.
  • Vietnam – Lumaban sa France (First Indochina War) at nahati sa North (komunista) at South (pro-US), na humantong sa Vietnam War.
  • Pilipinas – Nakamit ang kalayaan mula sa US noong Hulyo 4, 1946.
  • Malaysia, Pakistan, Sri Lanka, at iba pa – Lumaya rin sa panahong ito, karamihan sa pamamagitan ng mapayapang negosasyon.


Paglaya ng mga Bansa sa Africa

  • Ghana – Unang bansang Aprikano sa sub-Saharan na lumaya (mula sa Britain, 1957) sa pamumuno ni Kwame Nkrumah.
  • Algeria – Lumaya mula sa France noong 1962 matapos ang madugong digmaan.
  • Kenya, Nigeria, Congo, Tanzania, Angola, Mozambique – Lumaya sa pagitan ng 1950s–1970s, ilan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.
  • Apartheid South Africa – Nanatiling kontrolado ng puting minorya hanggang 1994, ngunit naging sentro rin ng Cold War proxy conflicts.


Neokolonyalismo at Non-Aligned Movement

Neokolonyalismo – Bagaman malaya na sa pulitika, maraming bansa ang nanatiling kontrolado sa ekonomiya ng mga dating mananakop o superpower.


2. Non-Aligned Nations 

Non-Aligned Movement (NAM) – Itinatag nina Tito (Yugoslavia), Nehru (India), Nasser (Egypt), at Sukarno (Indonesia) upang manatiling neutral sa Cold War.


Epekto ng Cold War sa Paglaya

Suporta sa mga rebelde o pamahalaan – Ang US at USSR ay parehong nagbigay ng armas, pondo, at suporta sa mga kaalyado nilang bansa o kilusan.

Mga proxy war – Tulad ng sa Korea, Vietnam, at Afghanistan, kung saan ang mga lokal na digmaan ay naging bahagi ng mas malawak na Cold War.


Neokolonyalismo

Ang Neokolonyalismo ay tumutukoy sa patuloy na impluwensyang pang-ekonomiya at panlipunan ng mga mananakop sa mga bansang dati na nilang kolonya, bagama't wala silang tuwirang kontrol sa militar o politikal sa mga ito.

Ang Paraan ng Neokolonyalismo

Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumitaw ang makabagong uri ng pananakop upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan, ang neokolonyalismo at interbensyon. Itinuturing ang neokolonyalismo na bago at ibang uri ng pananamantala sa mahirap na bansa. Ayon sa mga agham-politika, ito ang pananatili ng kontrol ng isang dating kolonyalista sa dati nitong kolonya. Malumanay at patago ang pamamaraang ito. Layunin nitong patatagin ang pamumuhunan ng mga kolonyalistang bansa, pigilan ang pagkamit ng tunay na kalayaan, at kunin ang mas malaking kita sa negosyo. Sa kabuuan, pina-igting nito ang imperyalismo sa ekonomiya, politika, militar, at ideolohiyang mga aspekto. Isa sa maituturing na pinakamahalagang sangkap ng sistemang neokolonyalismo ay ang pagkakaroon nito sa makabagong pamamaraan sa pamumuhunang industriyal at pinansiyal. Kabilang dito ang pagbuo ng iba't ibang uring kompanya; pandaigdigan at pampribadong pondo; pagkakaroon ng mga korporasyon at konsoryum (samahan ng mga namumuhunan), pagsisiguro ng pamumuhunan, at pagpapautang ng malaking halaga na makakatulong hindi lamang sa nangangailangan kundi magbibigay rin ng sapat na tubo sa magpapahiram. Ang mga imperyalista ay nakatuon sa kita ng kapital na kanilang inilagay sa mga negosyo ng papaunlad na mga bansa. Ang mga kumpanya ng langis ang kadalasang kumikita ng malaki lalo na sa kanlurang Asya, Venezuela, Cambodia, Argentina, Brazil, Bolivia, at Africa. Isa pang pamaraan ay ang pagluluwas ng puhunan sa pamamagitan ng paggawa ng mga internal at pribadong kumpanya upang makagawa ng konsoryum at makakuha ng mas magandang kundisyon sa negosyo sa papaunlad na mga bansa. Halimbawa nito ay ang Atlantic Community Development Group for Latin America (ADELA) na itinayo ng 120 pribadong kumpanya at mga bangko ng kanlurang Europe, pondo sa mga bansang Brazil, Ecuador, Nicaragua, at Chile.

Ang neokolonyalismo ay isang uri ng suliraning pampolitika at pang-ekonomiya na ang lahat ng estado, mayaman at mahirap, ay maaaring masangkot.


Mga Pamamaraan at Uri ng Neokolonyalismo

Ang mga pamamaraang ginamit na neokolonyalismo upang makuha ang kanilang gusto sa malalayang bansa ay kinabibilangan ng mga uring pang-ekonomiya at pangkultura. May mga pagkakataong ginamit din ang militar at ang mga pailalim na gawain ng mga institusyong pang-espiya.

1. Pang-ekonomiya - Naisasagawa ang neokolonyalismo sa pamamagitan ng pakunwaring tulong sa pagpapaunlad ng kalagayang pangkabuhayan ng isang bansa, ngunit sa katotohanan ay nakatali na ang bansang tinutulungan sa patakaran at motibo ng bansang tumutulong.

2. Pangkultura - Nababago ng neokolonyalismo ang pananaw ng tinutulungang bansa sa mga bagay na likas na angkin nito. Bunga ng kulturang dala ng dayuhang tumutulong o bansang dayuhan, nababago ang pinahahalagahan ng mga mamamayan na tinutulungang bansa sa pananamit, babasahin, at maging sa pag-uugaliu. Halimbawa, itinuro ang kabihasnan, kasaysayan at wika ng mga Amerikano kaya naapektuhan ang sariling kalinangan pati na ang paggamit ng sariling wika. Ilan lamang ito sa naging dahilan ng pagtataglay ng mga Pilipino ng kaisipang kolonyal na pumupuri at dumadakila sa anumang bagay na gawa sa sariling bayan. Bahagi rin ng neokolonyalistang kultural ang pagpasok ng iba't ibang pagkaing Amerikano na ngayo'y palasak na sa Parmesan Pilipino - hotdog, hamburger, at mansanas na ipinagpalit na sa katutubong mga pagkaing tulad ng kalamay, puto, latik, ginatan, bibingka, at marami pang iba. Maging ang pananaw ng mga Pilipino sa buhay ay nabahiran na rin ng imperyalismo. Naghangad ang mga Pilipino ng mga materyal na bagay na naging batayan ng katayuan sa lipunan. Sa pananaw ng mga katutubong pinuno sa politika at ekonomiya, nakaugnay ang pambansa o pansariling interes sa interes ng mga neokolonyalismo. Dahil dito, madaling naimpluwensiyahan huli ang una upang gawin ang nais  nila.

3. Dayuhang Tulong o Foerign Aid - Isa pang instrumento ng neokolonyalismo ang nakapaloob sa dayuhang tulong o foreign aid na maaaring pang-ekonomiya, pangkultura o pangmilitar. Sa una'y maiisip na walang kundisyon ang pagtulong tulad ng pamimigay ng gatas sa mga bata o pamamahagi ngmga aklat. Ngunit kung titingnang mabuti, may kapalit ang libreng pagtulong. Nagbebenta ang bansang tumulong ng mga imported na produkto sa mga bansang tinulungan kaya nga't bumabalik rin sa kanila ang malaking tubo ng kanyang puhunan.

4. Dayuhang Pautang o Foreign Debt - Anumang pautang na ibigay ng International Monetary Fund (IMF/World Bank) ay laging may kaakibat na kundisyon. Kabilang ditoo ang pagbubukas ng bansang pinauutang sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan, pagpapababa ng halaga ng salapi at pagsasaayos ng sistema sa pagbubuwis. Kung hindi susundin ang mga kundisyon, hindi makakautang mga umuutang na bansa. Dahil dito, hindi rin makaahon sa utang ang mahihirap na bansa, Debt Trap ang tinatawag dito.

5. Lihim na Pagkilos (Covert Operation) - Kung hindi mapasunod nang mapayapa, gumagawa ng paraan ang mga neokolonyalista upang guluhin ang isang pamahalaan o ibagsak ito ng tuluyan.

Epekto ng Neokolonyalismo

Maraming epekto ang neokolonyalismo sa mga bansang sinakop at pinagsamantalahan nito.

1. Over Dependence o Labis na Pagdepende sa iba - Malinaw na umaasa nang labis ang mga tao sa mayayamang bansa lalong lao na sa may kaugnayan sa United States.

2. Loss of Pride o Kawalan ng karangalan -  Sanhi ng impluwensya ng mga dayuhan, nabubuo sa isipan ng mga tao na lahat ng galing sa kanluran ay mabuti at magaling, na isang dahilan kung bakit ang tao ay nawalan ng interes sa sariling kultura at mga produkto.

3. Continued Enslavement o Patuloy na Pang-aalipin - Totoo ngang ang umuunlad na bansa ay malaya sa prinsipyo, ngunit sa tunay na kahulugan ng salitang kalayaan,, ang maliliit na bansa ay patuloy npa ring nakatali sa malakolonyal at makakapitalistang interes ng kanluran. Ang lahat ng aspeto ng kabuhayan ay kontrolado pa rin ng kanluran.


3. Digmaang Korea at Vietnam 

Ang Digmaang Korea (1950–1953) at Digmaang Vietnam (1955–1975) ay mga proxy war sa panahon ng Cold War kung saan nagtagisan ang ideolohiya ng kapitalismo (US) at komunismo (USSR at China). Parehong digmaan ay nag-ugat sa paghahati ng bansa at nagdulot ng matinding pinsala sa ekonomiya, lipunan, at politika ng rehiyon.


Digmaang Korea (1950–1953)

  • Sanhi: Pagkakahati ng Korea sa 38th parallel matapos ang WWII—Hilagang Korea (komunista, suportado ng USSR at China) vs Timog Korea (demokratiko, suportado ng US).
  • Pagputok ng digmaan: Nilusob ng Hilagang Korea ang Timog Korea noong Hunyo 25, 1950.
  • Paglahok ng UN: Pinangunahan ng US ang pwersa ng United Nations upang tulungan ang Timog Korea.
  • Paglahok ng China: Nang lumapit ang UN sa hangganan ng China, sumali ang China upang tulungan ang Hilaga.
  • Resulta: Nagwakas sa isang armistice noong Hulyo 27, 1953. Walang pormal na kasunduan ng kapayapaan. Nanatiling hati ang Korea sa 38th parallel


Digmaang Vietnam (1955–1975)

  • Sanhi: Pagkakahati ng Vietnam sa Geneva Conference (1954)—Hilagang Vietnam (komunista, suportado ng USSR at China) vs Timog Vietnam (suportado ng US).
  • Paglahok ng US: Lumawak ang interbensyon ng US upang pigilan ang paglaganap ng komunismo sa Southeast Asia (Domino Theory).
  • Taktika: Gerilya warfare ng Viet Cong, aerial bombings ng US, at propaganda sa media.
  • Pagbagsak ng Saigon: Noong Abril 30, 1975, bumagsak ang Timog Vietnam; nagwagi ang Hilaga at napag-isa ang bansa sa ilalim ng komunismo
  • Epekto: Mahigit 3 milyong namatay, pinsala sa ekonomiya, trauma sa mga beterano, at pag-aalinlangan sa US foreign policy.


4. Russo-Afghan War

Ang Russo-Afghan War (1979–1989) ay isang mahalagang proxy war sa panahon ng Cold War kung saan sinakop ng Soviet Union ang Afghanistan upang suportahan ang komunista nitong pamahalaan, ngunit naharap sa matinding paglaban mula sa mga Mujahideen na sinuportahan ng Estados Unidos, Pakistan, at iba pang bansa.


Buod ng Digmaan!

Petsa: Disyembre 24, 1979 – Pebrero 15, 1989

Lugar: Afghanistan

Mga Panig: 

  • Soviet Union at Afghan communist government 
  • Mujahideen (Afghan rebelde), suportado ng US, Pakistan, China, Saudi Arabia, at iba pa

Sanhi: Nais ng USSR na protektahan ang pamahalaang komunista ng Afghanistan laban sa mga rebeldeng Islamista at nasyonalista. Nagpadala sila ng tropa matapos ang isang coup at pagpatay sa Afghan president


Mga Pangyayari!

  • Paglusob ng USSR: Nagpadala ng 100,000 sundalo; sinakop ang Kabul at iba pang lungsod.
  • Paglaban ng Mujahideen: Gumamit ng gerilya tactics sa kabundukan; sinusuportahan ng CIA sa ilalim ng Operation Cyclone.
  • Paglala ng digmaan: Naging madugo at matagal; halos 1 milyong Afghan ang namatay, milyon-milyon ang naging refugee.
  • Pag-alis ng USSR: Dahil sa matinding gastos, kawalan ng tagumpay, at pandaigdigang presyur, umatras ang USSR noong 1989.


Epekto sa Cold War

  • Pagpapahina sa USSR: Malaking gastos sa ekonomiya at moral; isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng Soviet Union noong 1991.
  • Pag-usbong ng mga extremist: Ang mga dating Mujahideen ay naging bahagi ng mga grupong tulad ng Taliban at Al-Qaeda.
  • Pagbabago sa US foreign policy: Nagpatuloy ang US sa paggamit ng proxy wars at covert operations sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


TANDAAN!

  • Ang paglaya ng Asya at Africa sa panahon ng Cold War ay bunga ng malawakang kilusang nasyonalista, pagbagsak ng kolonyalismo, at impluwensya ng tunggalian sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Sobyet. Maraming bansa ang nagdeklara ng kalayaan, ngunit hinarap din nila ang hamon ng neokolonyalismo at ideolohikal na presyur mula sa dalawang superpower.
  • Non-Aligned Movement (NAM) – Itinatag nina Tito (Yugoslavia), Nehru (India), Nasser (Egypt), at Sukarno (Indonesia) upang manatiling neutral sa Cold War.
  • Ang Neokolonyalismo ay tumutukoy sa patuloy na impluwensyang pang-ekonomiya at panlipunan ng mga mananakop sa mga bansang dati na nilang kolonya, bagama't wala silang tuwirang kontrol sa militar o politikal sa mga ito.
  • Ang Digmaang Korea (1950–1953) at Digmaang Vietnam (1955–1975) ay mga proxy war sa panahon ng Cold War kung saan nagtagisan ang ideolohiya ng kapitalismo (US) at komunismo (USSR at China). Parehong digmaan ay nag-ugat sa paghahati ng bansa at nagdulot ng matinding pinsala sa ekonomiya, lipunan, at politika ng rehiyon.
  • Ang Russo-Afghan War (1979–1989) ay isang mahalagang proxy war sa panahon ng Cold War kung saan sinakop ng Soviet Union ang Afghanistan upang suportahan ang komunista nitong pamahalaan, ngunit naharap sa matinding paglaban mula sa mga Mujahideen na sinuportahan ng Estados Unidos, Pakistan, at iba pang bansa.


GAWAIN!

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan t isulat ito a inyong notebook.

1. Anu-anong mga pangyayari ang nagtulak sa paglaya ng mga bansa sa Asya at Africa?

2. Anu-ano ang mga bansang kabilang a Non-Alighned Nations?

3. Ano ang neokolonyalismo? Anu-ano ang mga mukha nito at paano itong naging kasangkapan ng mga mananakop upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan?

4. Ano ang nasa likod ng digmaang Korea at Vietnam? Ipaliwanag ng iyong sagot.

5. Ano naman ang kinalaman ng Soviet Union at Amerika sa Ruso-Afghan War?

6. Naniniwala kaba na ang Pilipinas ay kontrolado pa rin ng Amerika sa larangan ng ekonomiya, pulitika, at polisiya? Ipaliwanag ng iyong sagot.


Reference:

Halaw sa: AP II EASE Module p. 20 p. 5,9,10,13,14. Basahiin di  ang kasaysayan ng Daigdig, Vivar et al, pp. 281-284 at Kasaysayan ng Daigdig Grace Estela C. Mateo, pp.358-361.

No comments:

Post a Comment