Marahil pamilyar lamang ang salitang Caste System sa karamihan. Madalang kasi itong mabanggit sa araw-araw maliban na lamang kung ang subject mo ay Asian History o World History. Isa kasi ito sa matatalakay sa napakaraming kaalaman at pangyayari sa kasaysayan ng daigdig.
Ang Caste System ay lumaganap sa India noong pumasok ang mga Indo-Aryan dito. Nauna naman ang mga dravidian na siyang nakasalo ng diskriminasyon dulot ng caste system. Ang sistemang ito ay ang paghihiwalay o pagtatangi ng mga Indian sa grupo ng mataas ang papel sa lipunan at ganun ang mga mabababa. Mayroon din namang nasa gitna na karaniwaý mangangalakal at iba pa. Sa sistemang ito kasi, tila pangarap na lamang ang maka-angat sa lipunan ang mga nasa mababang uri ng tao samantalang patuloy ang kaginhawaan at kasakiman ng mga nasa itaas. At ano pa mang biyaya ay unang nakakasalo ang mga matataas ang papel sa lipunan, susundan ng mga mas mababa sa kanila at ang kawawang alipin, magdiwang kung maambunan man sila.
Ano naman ang kinalaman ng Caste System sa SSL 2015?
Ang SSL 2015 o Salary Standardization Law of 2015 ay kasama sa appropriation act na ipinasa ng house of Representatives at Senate kamakailan. Sa Appropriation Act na ito nakasaad ang mga programa ng pamahalaan para sa susunod na taon pati na rin ang pondong nakalaan para rito.
Nakasaad sa SSL 2015 ang dagdag na sahod ng mga kawani ng gobyerno lalo na ang mga guro na ilan sa mga nakakatanggap ng pinakamababang sahod sa iba pang ahensya. Nakalagay din ang mga naglalakihang dagdag ng mga may matataas ng sahod. Ito rin ang dahilan ng iba't ibang panawagan ng mga grupo laban sa tila hindi tamang desisyon ng dalawang kapulungan sa kongreso.
Sa isang panayam kay DBM Secretary Abad, nabanggit niyang nai-pattern ang dagdag sahod sa mga pribadong sektor. Aniya, doble pa umano ang sahod ng guro kumpara sa kanila. Ibinase rin niya ang sahod ng pangulo sa pribadong sektor na maraming alalay at maliit lamang ang responsibilidad subalit malaki ang tinatanggap habang ang pangulo ay malaki ang gampanin sa bansa. Kaya naman, marapat lamang na makatanggap ito ng mas malaki.
Eto na ang Caste System!
Malinaw na caste system ang ipinasang dagdag sahod ng mga kawani ng pamahalaan. Itoý dahil mas lalong lumaki ang agwat ng nasa itaas sa nasa ibaba. Tulad ito ng caste system na malaki ang agwat ng mga nasa itaas ng lipunan kumpara sa mga alipin na patak na lamang ang nakukuha.
Hindi ko rin lubos maisip bakit ibinase ang dagdag sahod sa mga pribadong sektor? diba dapat sa Inflation Rate?
Kung uunawain mo ng maige, hindi makatwiran ang logic nilang ginawa sa dagdag sahod dahil imbes na lumiit ang gap sa pagitan ng mayayaman at mahirap, e tila lalo pa ata itong umangat at ang mga nasa ibaba na kayod-marino ang trabaho ay napag-iwanan.
Ang malupit pa rito, nakalimutan din ng pamahalaan ang maayos na pangangalaga sa nasasakupan dahil nauna pa ang mga private sector sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at nasunugan bago ang pamahalaan gaya na lamang ng Yolanda Tragedy. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa naibibigay ang nararapat sa kanila. Ang MRT na nagpadagdag ng bayad subalit lalo namang nagpahirap sa mga commuter. Ang traffic sa EDSA na hindi umano nakamamatay ayon sa mga opisyal pero naabot ang international media dahil hindi masolusyunan. Ang LAGLAG-BALA sa paliparan na hindi umano problema ng pamahalaan dahil ilan lang ang biktima at hindi pa milyon. Ang budget sa Classroom na ilang taon na ng naipasa subalit wala pa sa kalahati ang nagagamit ngayon. Ang mga goods/bigas ng isang ahensya, imbes na ipakain sa mga hayop, hayon, inilibing sa lupa, para raw hindi maipamahagi pa. Naalala ko pa ang mga goods na ipinamahagi sa mga nabiktima ng Yolanda, bulok na ang iba at may organism pang kasama. Ang Mamasapano Incident, hanggang ngayon wala pa ring hustisya. At marami pang iba.
Nakakalungkot lang isiping tila nakalimutan ng pamahalaan na iangat ang antas ng pamumuhay ng mga nasa ibabang hanay. Maging ang mga kawani na sadyang ibayong hirap ang dinaranas sa araw-araw ay tinipid din. Ang pangangalaga sa kapakanan ng mahihirap ay tila nakalimutan, itinatago kasi kapag may mga panauhing pandangal ang bansa.
Sana naman huwag gayahin ang caste system ng India sa bansa. Matuto nawa ang mga namumuno na pangalagaan ang kapakanan ng sambayanan lalo na ang mga guro na sinasabing makabagong bayani ng bayan. Malaking bagay kasi kung palalakasin ang educational system sa bansa lalo na ang mga trabahador nito dahil mula pa sa mga naunang pilosopo sa mundo, ito ang susi ng tagumpay ng isang bansa.
No comments:
Post a Comment