Saturday, November 7, 2015

BUKAS NA LIHAM PARA SA MGA PILIPINO

IKALAWANG TAON NG YOLANDA

Ikalawang taon na ang nakalilipas mula ng bayuhin ng Super Typhoon Yolanda ang kabisayaan partikular na ang Leyte at Samar na lubhang naapektuhan at maraming buhay ang nadamay. Marami ring pananim ang hindi na napakinabangan at pannanimang hindi matamnan dahil sa storm surge. Lubha ring naapektuhan ang pamumuhay ng mga taga-Leyte at Samar dahil sa mga istruktura at kabahayang nawasak. Kaya naman, napatutok dito hindi lamang ang national media kundi maging international media and community.

Hindi pa umaabot ng isang araw ay naging usapin ang "Looting" dahil sa nangangalam na sikmura. Iba't ibang establishment ang pwersahang binuksan upang makuha ang reserbang pagkain. Ang iba namay sinamantala ang iba pang gamit na pwedeng gamitin.

Ilang taga media ang nagbigay ng kanilang report at karanasan sa delubyo kabilang na ang news5 reporter/anchor Erwin Tulfo, Edison Reyes at mga staff nila, GMA7, ABS-CBN at mga taga-Radyo. Ilan sa kanila ang nakaranas ng lupit ng panahon habang nasa biyahe at ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang alagad ng komunikasyon. May napabalita pa ngang nasawi doon. May mga international media naman ang agad nagtungo sa Leyte at Samar upang malaman ang tunay na sitwasyon.

Ilang araw na ang nakakalipas noon matapos ang delubyo pero walang suporta ang national government sa mga biktima kaya naman lumakas ang panawagan dahil hindi na makayanan ng lokal na pamunuan ng lugar ang pinsalang dulot ng malakas na bagyo. Hindi pa man nananawagan sa media ng tulong ang mga taga-Leyte at Samar, nagkusa na agad ang alagad ng media na maghatid ng tulong maging ang international community ay nagbigay ng donasyon subalit nagkaroon ng panibagong isyu dahil binigyan ng tax ang mga tulong mula sa kanila na sadyang mapanupil sa totoong pagtulong.

Ang national government namaý nahiya na dahil naunahan sila ng media at international community sa pagtulong. Hinawakan at pinangunahan noon ang pagkuha sa donasyon at tulong para sa mga biktima ng yolanda subalit nagkaroon ulit ng panibagong isyu dahil hindi nakakarating ng maayos ang tulong, maging ang lokal ng lugar at ang DILG ay hindi nagkasundo sa dapat gawin - malabo kasi ang sistema ng national.

Iba't ibang reklamo na ang lumitaw laban sa national government dahil mabagal umano ito sa pagbigay ng tulong pati ang presensya ng pangulo ay hindi makita. Kaya naman, iba't ibang grupo na ang nagkusang iparating na personal ang kanilang tulong sa mga biktima upang masigurado ito kabilang na ang Teachers' Dignity Coalition o TDC na kahit walang wala ay minarapat na matulungan ang kapwa guro at pamilya nitong naapektuhan sa lugar.

Ilang buwan at isang taon na ang nakalilipas noon may panibagong hinaing na naman ang dumating. Wala pa kasi ang pangakong tulong ng pamahalaan sa kanila. Nagtayo nga ng mga kabahayan subalit hindi makatao at tila may kurapsyon na naganap dahil sa substandard na resulta malayo sa talagang plano. Umingay din ang mga relief goods na nabubulok na nang ipamigay sa mga biktima. Marami ang nasiraan ng bait at na-rape dahil sa hindi tamang pasilidad ng lugar at iba pa. Reklamo ng ilan ay bakit hindi ipanamamahagi ng pamahalaan ang donasyon mula sa iba't ibang bansa at grupo para sa mga biktima? nasaan din ang tulong ng pamahalaan?

Ngayon ay ikalawang taon na mula ng maminsala ang malupit na Yolanda sa kabisayan subalit maraming pangako pa rin ang napako. Naglabas kamakailan ng transparency kuno ang DSWD ng mga ginastos nila para sa mga biktima ng Yolanda at nasa halos 80 poryesto na ang nagagastos subalit patuloy parin ang reklamo ng mga biktima? totoo bang nakarating sa kanila ang tulong kasama ang mga bulok na relief goods, substandard na kabahayan at iba pa?

Ngayon ay nalalapit na ang eleksyong pang-panguluhan at kabilang na sa tatakbo sa pinakamataas na posisyon ang dating DILG na hindi pinatunayan ang husay sa pamumuno nung nanalasa ang bagyong yolanda. Nagkaroon din ng matinding trapik sa EDSA na sinabayan pa ng protesta ng isang sekta na sadyang nagpalubha ng trapik at dinagdagan pa ng mga bagong HPG para malutas kuno ang trapiko subalit hindi gumana sumatutal dahil trapik pa rin. Sinabayan din nito ang problema sa MRT na uugud-ugod na ika nga ng karamihan pati na rin ang MAMASAPANO incident (SAF 44) na hanggang ngayon ay hindi pa rin naso-solve ang kaso at huli ay ang "LAGLAG BALA" sa NAIA na hindi malaman kung sinadya ba o hindi para pagtakpan ang ikalawang anibersaryo ng Yolanda tragedy.

Masama rin ang loob ng mga kawani ng pamahalaan partikular na ang kaguruan dahil hindi ito nakakatanggap ng maayos na pasahod at benepisyo mula sa pamahalaan. Wala kasing pagtaas ng sahod na dapat nagaganap ilang beses sa panahon ng panunungkulan ng isang pangulo. Pinagdamot din ang libreng medical sa kaguruan na nakalagay naman sa batas at malaking problema sa pagpapatupad ng k-12 na dadagdagan pa ulit ng panibagong hinog sa pilit na senior high school.

Nakakalungkot lang dahil parang insensitive ang pamahalaan sa welfare na tinatawag. Maraming bagay ang naging pabor sa mga mayayaman at hindi sa mahihirap. Kulang na suporta sa mahihirap at maling datos na nababawasan ang nagugutom subalit ang totooý patuloy itong nadaragdagan. Ang masakit pa ritoý parang hindi ramdam ng pambato ng administrasyon ang kapalpakang nagawa nila sa kanilang panunungkulan at may mukha pang inihaharap sa publiko. 

Nawaý maging halimbawa ang kapalpakan ng gobyerno sa mga problemang kinakaharap ng bansa ngayon na hindi masolusyunan kabilang na ang malaking kapalpakan sa paglutas ng isyu sa SAF44 at sa pagbibigay tulong sa mga biktima ng Yolanda sa kabisayaan para piliin ng mga Pilipino ang dapat mamuno sa bansa.

Hindi maaaring maganda lamang sa paningin ng karamihan o malaki ang tulong sa personal na buhay kundi yung may kakayahang pamunuan ang bayan ng walang pag-iimbot at may buong katapatan sa ISIP, SA SALITA, SA BANSA.

No comments:

Post a Comment