Tuesday, November 10, 2015

ATRASADO AT BARAT NA UMENTO ANG HANDOG NG GOBYERNONG AQUINO SA MGA GURO

(Nagkakaisang pahayag ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) at ATING GURO Partylist)
Nobyembre 10, 2015


Nagpapasalamat tayo at binasag na ng Malakanyang kahapon ang pananahimik nito sa usapin ng umento sa suweldo sa mga guro at kawani sa taong 2016. Subalit, dismayado naman tayo sa panukalang nais nilang ipasa ng Kongreso.

Sa House Bill 6268 o SSL 2015, tila limos at hindi umento ang ibibigay ng pamahalaang Aquino sa mga guro kawani. Ito ang kanyang pamaskong handog, ang kanyang iiwanang alaala bago siya tuluyang magpaalam sa gobyerno sa susunod na taon.

BARAT at kuripot ang pamahalaan na nakatakdang magbigay lamang ng kabuuang umentong P2, 205 sa entry-level position nating mga guro, ang salary grade 11. Ang malupit, hahatiin pa ito sa apat na hulog. Sa suma total, lampas P500 lamang ang nakatakdang umento kada taon mula 2016 hanggang 2019.

ATRASADO na tila baga pinasasabik pa tayo sa umentong kanilang ibibigiay at pinaghintay muna tayo ng halos anim na taon. Oo, halos anim na taon. Sapagkat mula nang maupo sa puwesto ang pamahalaang Aquino ay hindi ito nagsulong ng pagsasabatas ng umento sa suweldo ng mga guro at kawani. Ang mga adjustments noong 2011 at 2012 ay iniuutos ng SSL-3, batas na minana pa ni Aquino sa lagi niyang sinisising pamahalaang Arroyo.

Umento sa panahon ni Pangulong Arroyo

Ayaw man nating ikumpara, hindi natin maiiwasang maalala ang panahon ni Gloria. Sa SSL-3 noong 2009, lubhang sumama ang loob natin sapagkat napakaliit ng umento sa ating mga nasa mababang bracket sa salary scale. Halimbawa ang laborer (SG-1) at clerk (SG-3) ay dinagdagan lamang ng 30% sa kanilang sahod. Samantala tayong mga guro at nurses (SG-11) ay 54% lamang ang umento at sa principals (SG-19) ay 66% lamang. 

Kung ikukumpara natin ito sa mga matataas na posisyon ay lampasong-lampaso tayo. Halimbawa sa mga schools division superintendents (SG-26) ay 116% ang umento, sa regional directors (SG-28) ay nasa 134% at sa assistant secretaries naman (SG-29) ay nasa 138%. Samantala ang sahod ng Pangulo (SG-33) ay umabot sa 72% ang dagdag. Ganito trinato ng Arroyo administration ang mga guro at kawani. Lubhang ibinaba ang mga dati nang mabababa at itinaas ang mga dati nang nasa taas. At ang masaklap pa nito, ito’y matapos pa ang halos anim na taong wage-freeze mula July 2001 hanggang July 2007.

Ang tugon ni Pangulong Aquino

Nabigyan ng pagkakataon ang Aquino administration na iayos ang salary scheme ng government employees at bigyan ng mas mataas na pagkilala ang mabababang empleyado sa pamamagitan ng mas mataas ding kompensasyon. Pero ang nangyari ay lalo nila itong ginulo at lalo pang binusabos ang dati nang maliliit. Sa nasabing panukalang SSL 2015 ang laborer (SG-1) ay magkakaroon lamang ng 23% na umento at 20% naman sa clerk (SG-3). Samantala tayong mga guro at nurses (SG-11) ay napakaliit na 12% lamang ang umento at sa ating mga principals (SG-19) ay magkakaroon lamang ng 34% na dagdag. 

Kung ikukumpara natin ito sa mga matataas na posisyon ay lampasong-lampaso pa rin tayo sa plano ng DBM at ng Pangulo. Halimbawa sa mga schools division superintendents (SG-26) ay 85% ang nakatakdang umento, sa regional directors (SG-28) ay nasa 103% at sa assistant secretaries (SG-29) ay 112%. Samantala ang sahod ng Pangulo (SG-33) ay aabot sa 223%. Ganito rin trinato ng Aquino administration ang mga guro at kawani. Lubhang ibinaba ang mga dati nang mabababa at itinaas ang mga dati nang nasa taas. At ang masaklap pa nito, ito’y mangyayari pa sa pagtatapos ng kanyang termino.

Aquino at Arroyo, walang pinag-iba!

Sa suma total, walang pinagkaiba ang dalawang pangulo kung pag-uusapan ang pagtrato sa ating mga guro. Atrasado, mabagal at paghihintayin tayo nang napakatagal para sa kakarampot na umentong kanilang ibibigay. Samantala, kung ikaw ay nasa mataas na posisyon, aba’y bongga ang iyong umento at hihigit pa sa isandaang porsiyento.

P10, 000 Umento ang Dapat!

Ang inilalaban nating umento sa sahod ay lampas sa nominal increase, bagkus ito ay nasa prinsipyo ng salary upgrading. Sapagkat simula noong SSL-1 ng 1989 ay malaking pagkakamali na ang paglalagay sa ating posisyon sa pinakamababang propesyunal sa gobyerno. Ayon nga sa rekomendasyon ng Kongreso noong 1991, dapat na itaas sa salary grade 17 ang ating posisyon. At noon namang 2008, sa panukalang SB 2408 ng Senado, muli silang nagkaisa na dapat bigyan ng karagdagang kompensasyon ang mga guro at kawani ng DepEd upang maitama ang napakatagal nang pagkakamali at makabayad sa malaon nang pagkakautang ang gobyerno sa ating mga guro.

Ito ang batayan ng ating P10, 000 umento na ipinaglalaban. Ang P10, 000 na lampas dapat sa iginagawad ng SSL-3 at maging ng SSL 2015. Anumang pagbabago o umento sa sahod ay dapat tayong pagkalooban ng karagdagang kompensasyon sa halagang P10, 000.

Kalampagin ang gobyerno!

Sa huling mga buwan ng Aquino administration ay kailangan nating ipahayag ang ating pagkadismaya. Singilin sila sa kanilang pangako ng magandang buhay, matapat na pamamahala at matuwid na daan. Sapagkat ang mga ito ay nananatiling pangako lamang hanggang ngayon. Ang umento na ibibigay sa taon ng halalan ay maaaring may pulitikal na motibo at layuning pasikatin ang mga manok ng Malakanyang. Subalit hindi na tayo maniniwala sa mga pangako. Huwag nating ihalal ang mga naging kasangkapan ng administrasyong Aquino sa patuloy na pagpapababa sa kalagayan ng mga guro at kawani sa loob ng anim na taon nilang panunungkulan.

No comments:

Post a Comment