Monday, November 16, 2015

IBA'T IBANG KILOS-PROTESTA LABAN SA SSL 2015, ISINAGAWA NG TDC / ATING GURO PARTYLIST



Nagsagawa ngayong araw ng iba't ibang kilos-protesta ang Teachers'Dignity Coalition at Ating Guro Partylist laban sa hindi makatwirang umento kuno sa sahod ng administrasyong Aquino.

Nagkaroon muna sa umaga ng maikling programa at panawagan ang ilang opisyal at kinatawan ng TDC at mga nominee ng Ating Guro Partylist sa Mendiola upang ipakita ang hayagang pagtutol sa baluktot na pananaw ng administrasyong Aquino sa mga mabababang kawani ng gobyerno lalo na sa mga Guro na sinasabing BAYANI NG MAKABAGONG PANAHON.

Kabi-kabila NOISE BARRAGE naman ang isinagawa ng mga paaralan sa bansa nang 12:00 na ng tanghali. Kabilang na rito ang Gen. T. De Leon Elementary School, Pembo Elementary School at iba pa mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Hindi kasi matanggap ng mga guro ang pagtrato ng gobyerno sa kanila samantalang kabi-kabilang pahirap ang dinaranas ng mga ito sa araw-araw kasabay pa ng pahirap na RPMS. 






Una nang pinanawagan ng mga guro ang P10k umento sa sahod na noon pa dapat ibinigay ng pamahalaan subalit patuloy lamang ang panlilinlang nito sa taumbayan. Sa SSL 2015 kasi, pawang ang nasa mataas na posisyon lamang ng pamahalaan ang may desenteng umento subalit ang mga maliliit lamang ang sahod ay siya namang pinagdamutan nito.

Sa ngayon, walang balak tumigil sa pangangalampag ang TDC at Ating Guro Partylist sa gobyerno para ibigay ang nararapat na umento para rito. Umaasa naman ito na bibigyang halaga ng mga susunod na administrasyon ang kalagayan ng mga guro kasabay ng malawakang pagkalap ng pirma gamit ang internet.

Panawagan din nito sa senado na muling pag-aralan ang SSL 2015 at sa halip ipasa ang P10k umento sa sahod ng mga BAYANI NG MAKABAGONG PANAHON.