Sunday, July 26, 2015

DAPAT MARINING ANG BOSES NG MGA GURO SA SONA!

(paki-share, may ilang paglilinaw rin sa inaasahang umento sa suweldo)

Bukas na ang huling SONA ng Pangulong Aquino. Hanggang ngayon ay wala pang katiyakan ang hinihingi nating umento. Mula nang maupo siya sa puwesto ay walang inisyatiba ang administrasyong Aquino na dagdagan ang ating suweldo at ang umento noong 2011 at 2012 ay batay pa sa SSL-3 na naisabatas noong 2009- panahon ni PGMA. 

Bagamat totoong may pondo para sa umento sa mga guro at kawani sa budget na ipapanukala ng DBM para sa 2016, hindi pa klaro kung paano ang iskema ng umento at kung magkano ito- sa mga guro man o mga kawani. Kaya naman, mas lalo tayong dapat na magparamdam, mag-ingay at magsuri. 

NAIS RIN NATING LINAWIN NA HINDI PA ABPRUBADO ANG UMENTO SA SUWELDO GAYA NANG MAKIKITA SA ILANG POSTS. ANG SINASABING JANUARY 1, 2015 EFFECTIVITY NG TEACHER 1 SALARY NA AABOT SA P29, 800.00 MONTHLY AY HINDI PA NAISASABATAS, ITO AY PANUKALA PA LAMANG AT KUNG BABASAHIN NATIN ANG MISMONG PANUKALA NA SSL-4 (SB 2671), ITO AY HAHATIIN PA NGA SA 5 EQUAL TRANCHES. SAMAKATUWID, KUNG ITO'Y APRUBAHAN NGAYON, ANG FULL IMPLEMENTATION NITO AY SA 2020 PA. 

Patuloy nating igiit at ipaglaban ang umento sa sahod. Ang ating hinihingi, P10, 000 across the board na hahatiin sa tatlong tranches (P4000/P3000/P3000). Ito'y alinsunod sa mga nauna nang panukala at pananalaiksik. Ayon sa rekomendasyon ng 1991 Edcom report ng Kongreso, dapat ay nasa SG-17 at hindi SG-10 lamang ang mga guro sa ilalim ng SSL-1. Ito ang dahilan kung bakit parating may panukala at panawagan na i-upgrade ang posiyon ng mga guro. Subalit lagi na lamang itong naibabasura sa Kongreso. Pero noong 2008, sa pangunguna ni Sen. Alan Cayetano ay nagkaisa ang tatlong komite sa Senado upang ipasa ang SB 2408 na naglalayong bigyan ng P9,000 across-the-board na umento ang mga guro at kawani ng DepEd. Ito ay bilang substitute sa lagi na'y naibabasurang upgrading proposals sa dalawang kapulungan. Mahigpit natin itong isinulong kasama ang ilang mga alyadong mambabatas at maging ang DepEd leadership hanggang noong taong 2009. Suballit, mas pinanigan ng Malakanyyang ang SSL-3, kung saan ang umento ay para sa lahat ng emepleyado ng gobyerno. Ang halaga ng dagdag na sahod ay P6523 na hinati sa apat na bigayan (2009-2012). 

Ngayon, ang panukalang ito ay ibinabalik natin. Sa pagkakataong ito ay P10, 000 across-the-board ang ating demand to be divided by 3 tranches, kasama rin ang P1000 annual medical check-up allowance, Magna Carta bonus at LGU support. 

P10, 000 sapagkat, halos katumbas ito ng kakulangan upang maabot ang halaga ng SG-17 sa kasalukuyang pasahod; medical allowance sapagkat dapat ay libre ang annual medical check-up under magna carta; Magna Carta bonus, sapagkat napakarami nating benepisyo sa ilalim ng Magna Carta (RA 4670) ang hindi naipatupad sa mahabang panahon; LGU support sapagkat kinikilala natin ang kapangyarihan ng mga LGUs na dagdagan ng benepisyo ang kanilang mga guro batay sa kanilang kapasidad at pangangailanagan ng mga guro sa lokalidad

Lilinawin din natin na ang panukalang ito ay labas pa sa kung anuman ang maging paggalaw ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan batay sa SSL-3. Ito ay tanging panukala para sa mga guro at kawani ng DepEd. Ibig sabihin, sakaling magkaroon man ng umento batay sa SSL, mananatili ang ating P10, 000 additional compensation (maaaring basahin ang mga bersiyon ng panukala, SB 94, A. Cayetano; SB 2365, B. Aquino; SB 2423, C. Villar at SB 2429, T. Guingona III). 

MAGKITA-KITA TAYO SA COMMONWEALTH AVENUE, TAPAT NG LOYOLA MEMORIAL, LAMPAS NG TANDANG SORA. HANAPIN LAMANG ANG BANNERS NG TDC AT ATING GURO.

Maraming salamat po at MABUHAY ANG MGA GURO!

No comments:

Post a Comment