Tuesday, July 28, 2015

Animnapung Piso!

Katatapos lang ng SONA ng pangulo at hindi maikukubli ang malaking suporta nito sa sandatahang lakas kumpara sa suportang ibinibigay sa Kagawaran ng Edukasyon. Pinakamalaki man ang Proposed Budget ng Department of Education para sa 2016 na ihinain ngayon sa Kongreso, wala pa rin ang garantiya na pinoprotektahan ang kaguruan.

Tuwid na daan nga daw ang kanyang tinatahak at hinihikayat din ng pangulo ang sambayanan na tahakin ang landas na ito pero mukhang maraming kulang dahil ang tunay na dapat bigyang-pansin ay tila naisantabi kaya naman sangkatutak na batikos ang kanyang inabot mula sa mga expert at kritiko nito. Puro paninisi ang inabot ng nagdaang administrasyon sa kanya, kaya naman, masigabong "BOOO!" ang nakamit niya matapos ang huli niyang propaganda.

Isang guro ng pampublikong paaralan ang nagmamadali sa kanyang pagpasok para hindi mahuli at maisantabi ang kapakanan ng kanyang mag-aaral ang naharang panandalian ng "CHECKPOINT" daw, mga pulis in short. Bandang alas onse (11:00) hanggang alas-dose (12:00) na noon ng tanghali kanina. 

Habang binabagtas niya ang kahabaan ng kalsada mula Phase 1 hanggang Phase 5 ng Bagong Silang Caloocan City, nakapwesto ang ilang mga pulis sa Phase 2, malapit sa St. MAtthew Funeral Homes. Kinawayan nila ang guro (senyales na huminto) at ito nga'y huminto sa tapat ng pulis na sumenyas. Nagtanung ang pulis sa lisensya at sumagot naman ang guro na "Student' License" lang ang hawak nito. Kasunod ng paglabas ng license, nagtanung at nag-utos agad ang pulis na ilabas din ang papel ng motor. Binuksan ng guro ang compartment ng motor at inilabas ang basang papel ng motor. Tiningnan ito ng pulis at siniyasat hanggang makita na paso na ito at nagwikang "Ii-impound ang motor mo kasi paso na itong papel" sumagot agad ang guro na naiwan niya ang much updated na papel sa bahay kasi nga nababasa sa motor. Tumungo ang pulis sa tabi nitong sasakyan at may kinuha kasunod ang pagtawag sa guro. Nakita ng guro na katabi ng basang papel ng motor ang mga blangkong tiket para sa violation at nangatwiran ang guro na nasa bahay nila ang isang papel na mas updated nga at winika nito na mahuhuli na siya sa klase at kawawa naman estudyante niyang naghihintay. Tinugunan lamang siya ng pulis na ii-impound ang motor dahil paso ang papel na ipinakita nito sabay tugon na mahuhuli na ako sa klase, ani ng guro. Lumayo ang guro at tumawag "to somebody" baka may makatulong sa kanya kasi nga inaalala niya ang klase niya kung makukuha ang motor ay lalo siyang maleleyt. Maya-maya'y tinawag siya ng pulis at tinanong kung sino ang tinatawagan niya, tumugon naman siya na kinokontak niya si Del Rosario, tumugon naman ang pulis na sinong Del Rosario? Ka-batchmate ko sa masters ang sagot ng guro, yung Deputy! Muli namang tinanong siya ng pulis kung nakontak na ba niya, ang sagot ay hindi pa. Ilang segundo lang at sinabihan na siya ng pulis na "BIGYAN MO NALANG SILA NG PANG-MIRYENDA!" itinuro nito ang mga kasamang pulis na nakatayo at nag-aantay ng mahuhuli sa kabilang kalsada. Dali namang naglabas ng pera ang guro at naghulog ng 60 Pesos sa upuan ng sasakyan. Kasunod nito, iniabot pa ng pulis ang papel ng motor sa guro para raw hindi makalimutan. Kinuha ito ng guro, nagpasalamat at nagpaalam na rin sa pulis sabay sakay ng motor at umalis kapagdaka dahil nga late na ito sa kanyang klase. Habang binabagtas ng guro ang mahabang kalsada papunta sa kanyang pinagtuturuang paaralan ay napaisip ito sa nangyari "Pera lang pala ang habol at pati siya na naka-uniform pa ay pinatos. Hindi man lang siya ginalang o binigyan man ng konsiderasyon dahil parehas naman silang nagtatrabaho sa gobyerno. Naisip rin niya yung time na kinuha niya ang license sa wallet ay nakatingin ang pulis... may laman pa naman itong ilang piraso ng 500 pesos na kasama ng tig-twenty pesos. Nakakatakot ika nga pero ang tanong, nasa'n ang tuwid na daan? Kung sino pa ang nakatikim ng modernisasyon sa kagawaran ay tila hindi naapektuhan ng pagbabago dahil patuloy ito sa nakagawian. Pero ang totoo, NA-late ang guro sa unang klase!

Ano ba ang isyu rito? mas marami ang lihis ang kaluluwa at talagang batik ng lipunan sa lugar ang dapat pagtuunan nila ng pansin pero nananatiling iba ang kanilang pinaglilingkuran - sariling interes!

Aminado naman ang unipormadong guro na naiwan niya ang updated motor's paper niya pero hindi pa rin pinakinggan. Hindi ba nakita ng pulis na 2014 ang sticker nito sa motor at hindi ba lingid sa kanyang kaalaman na usad pagong ang sticker sa LTO kung 2015 sticker ang hahanapin? Sana naman may konting konsiderasyon sa kapwa empleyado ng gobyerno, sana konting paggalang man lang, sana wag nating dungisan ang kapulisan dahil marami ang matitinong pulis na handang ibuwis ang buhay para paglingkuran ang bayan, sana wag nang maulit ang "60 Pesos" sa maliit na kamalian. Nakakababaw kasi ng pagtingin!

Monday, July 27, 2015

PNOY, WALANG MALASAKIT SA GURO! - TDC

WALANG MALASAKIT ANG PANGULO SA MGA BAYANING GURO NG BANSA! 

Yan ang dismayadong tugon ni Ating Guro Partylist First Nominee at Teachers Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas sa huling State of Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno S. Aquino III sa Batasang Pambansa kanina.

Sa huling talumpati kasi ng Pangulong Aquino, tanging nabanggit ang mga kasinungalingang natutugunan na umano ng pamahalaan ang kakulangan sa silid-aralan at mga libro sa mga pampublikong paaralan ng bansa kasabay ng pagpapatupad ng hinog-sa-pilit na K-12 subalit ni hindi man lang nabanggit ang paghihirap ng mga guro sa araw araw maging ang pagtaas ng mga sahod nito na noon pa dapat naipatupad.

Kasinungalingan maituturing ang mga pahayag na ito ng Pangulo dahil hanggang sa kasalukuyan ay kulang na kulang pa rin ang mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsya na minsan lang madalaw ng mga opisyal. Hindi rin kumpleto ang mga libro sa kasalukuyan! Marami sa mga estudyante ang nag-aagawan sa kakaunting libro para lang makabasa at magpalitan. Ang masama pa rito'y walang pag-aagawan dahil wala pa talagang libro.

Hindi rin matatawaran ang mga sakripisyo ng mga guro sa araw araw sa paaralan dahil madalas itong tagasalo ng mga kakulangan ng pamahalaan subalit hindi man lang binibigyang halaga. Ang mga benepisyo ay pahirapan, walang serbisyong medikal, walang serbisyong pabahay, sapilitan sa halalan, pinahihirapan pa ng RPMS, WALANG PAGTAAS NG SAHOD SA PANAHON NG KANYANG PANUNUNGKULAN at maraming pang iba.

Pero hindi susuko ang ATING GURO! Patuloy itong lalaban para sa kapakanan ng mga guro na siyang sandigan ng mga matitinong lider ng bansa sa hinaharap. IPAGLABAN ANG UMENTO SA SAHOD! P10K ACROSS-THE-BOARD!




















Sunday, July 26, 2015

DAPAT MARINING ANG BOSES NG MGA GURO SA SONA!

(paki-share, may ilang paglilinaw rin sa inaasahang umento sa suweldo)

Bukas na ang huling SONA ng Pangulong Aquino. Hanggang ngayon ay wala pang katiyakan ang hinihingi nating umento. Mula nang maupo siya sa puwesto ay walang inisyatiba ang administrasyong Aquino na dagdagan ang ating suweldo at ang umento noong 2011 at 2012 ay batay pa sa SSL-3 na naisabatas noong 2009- panahon ni PGMA. 

Bagamat totoong may pondo para sa umento sa mga guro at kawani sa budget na ipapanukala ng DBM para sa 2016, hindi pa klaro kung paano ang iskema ng umento at kung magkano ito- sa mga guro man o mga kawani. Kaya naman, mas lalo tayong dapat na magparamdam, mag-ingay at magsuri. 

NAIS RIN NATING LINAWIN NA HINDI PA ABPRUBADO ANG UMENTO SA SUWELDO GAYA NANG MAKIKITA SA ILANG POSTS. ANG SINASABING JANUARY 1, 2015 EFFECTIVITY NG TEACHER 1 SALARY NA AABOT SA P29, 800.00 MONTHLY AY HINDI PA NAISASABATAS, ITO AY PANUKALA PA LAMANG AT KUNG BABASAHIN NATIN ANG MISMONG PANUKALA NA SSL-4 (SB 2671), ITO AY HAHATIIN PA NGA SA 5 EQUAL TRANCHES. SAMAKATUWID, KUNG ITO'Y APRUBAHAN NGAYON, ANG FULL IMPLEMENTATION NITO AY SA 2020 PA. 

Patuloy nating igiit at ipaglaban ang umento sa sahod. Ang ating hinihingi, P10, 000 across the board na hahatiin sa tatlong tranches (P4000/P3000/P3000). Ito'y alinsunod sa mga nauna nang panukala at pananalaiksik. Ayon sa rekomendasyon ng 1991 Edcom report ng Kongreso, dapat ay nasa SG-17 at hindi SG-10 lamang ang mga guro sa ilalim ng SSL-1. Ito ang dahilan kung bakit parating may panukala at panawagan na i-upgrade ang posiyon ng mga guro. Subalit lagi na lamang itong naibabasura sa Kongreso. Pero noong 2008, sa pangunguna ni Sen. Alan Cayetano ay nagkaisa ang tatlong komite sa Senado upang ipasa ang SB 2408 na naglalayong bigyan ng P9,000 across-the-board na umento ang mga guro at kawani ng DepEd. Ito ay bilang substitute sa lagi na'y naibabasurang upgrading proposals sa dalawang kapulungan. Mahigpit natin itong isinulong kasama ang ilang mga alyadong mambabatas at maging ang DepEd leadership hanggang noong taong 2009. Suballit, mas pinanigan ng Malakanyyang ang SSL-3, kung saan ang umento ay para sa lahat ng emepleyado ng gobyerno. Ang halaga ng dagdag na sahod ay P6523 na hinati sa apat na bigayan (2009-2012). 

Ngayon, ang panukalang ito ay ibinabalik natin. Sa pagkakataong ito ay P10, 000 across-the-board ang ating demand to be divided by 3 tranches, kasama rin ang P1000 annual medical check-up allowance, Magna Carta bonus at LGU support. 

P10, 000 sapagkat, halos katumbas ito ng kakulangan upang maabot ang halaga ng SG-17 sa kasalukuyang pasahod; medical allowance sapagkat dapat ay libre ang annual medical check-up under magna carta; Magna Carta bonus, sapagkat napakarami nating benepisyo sa ilalim ng Magna Carta (RA 4670) ang hindi naipatupad sa mahabang panahon; LGU support sapagkat kinikilala natin ang kapangyarihan ng mga LGUs na dagdagan ng benepisyo ang kanilang mga guro batay sa kanilang kapasidad at pangangailanagan ng mga guro sa lokalidad

Lilinawin din natin na ang panukalang ito ay labas pa sa kung anuman ang maging paggalaw ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan batay sa SSL-3. Ito ay tanging panukala para sa mga guro at kawani ng DepEd. Ibig sabihin, sakaling magkaroon man ng umento batay sa SSL, mananatili ang ating P10, 000 additional compensation (maaaring basahin ang mga bersiyon ng panukala, SB 94, A. Cayetano; SB 2365, B. Aquino; SB 2423, C. Villar at SB 2429, T. Guingona III). 

MAGKITA-KITA TAYO SA COMMONWEALTH AVENUE, TAPAT NG LOYOLA MEMORIAL, LAMPAS NG TANDANG SORA. HANAPIN LAMANG ANG BANNERS NG TDC AT ATING GURO.

Maraming salamat po at MABUHAY ANG MGA GURO!

TDC Forum @ Arellano High School

Matagumpay na naisagawa ang Forum ng Teachers Dignity Coalition sa Arellano High School, Manila kahapon na dinaluhan ng mahigit ISANDAANG (100+) mga lider at miyembro ng TDC na nagmula pa sa CALABARZON, CENTRAL LUZON, at METRO MANILA.

Pinangunahan ito ni Ating Guro First Nominee at Teachers Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas at naging facilitator naman ng programa si Ildefonso Enguerra III.

Tinalakay sa forum ang kaliwanagan sa Productivity Enhancement Incentive (PEI), Performance Based Bonus (PBB), Salary Increase, at mga susunod pang mga hakbangin ng grupo upang mapabuti ang kalagayan ng mga guro ng bansa.


Ipinakilala naman ni TDC Leader Ramon
Miranda ang guest speaker na si Patrick Arcellana ng LENTE o Legal Network for Truthful Elections, isang Non Government Organization. Tinalakay nito ang Election Service Reform Act o ESRA. Sa ilalim kasi ng kasalukuyang panuntunan, ang mga guro ay walang karapatang tumanggi kapag naatasang magbigay ng serbisyo sa panahon ng halalan kahit pa maging mapanganib ito sa kanila. At dahil dito, patuloy ang panawagan ng iba't ibang grupo gaya ng mga NGOs, Teachers' Groups, at maging ang Ating Guro partylist at Teachers Dignity Coalition.

Napagkasunduan din dito ang paghihikayat at pakikiisa ng kaguruan laban sa hindi pagbibigay halaga sa mga guro ng bansa. Ang pagkilos na ito'y isasabay sa huling talumpati ng Pangulong Benigno Aquino sa Batasang Pambansa sa Lunes.

Inaasahang makikiisa sa Lunes ng Ala-una ng hapon sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang maraming guro sa bansa upang maipakita ang malakas na panawagan para sa maayos na kalagayan ng mga guro at maging ang P10K ACROSS THE BOARD na dapat ay noon pa naibigay!















Tuesday, July 21, 2015

IPAGLABAN, IPAGTAGUMPAY ANG UMENTO SA SAHOD NG MGA GURO!

Please share or use as profile picture!

Ang P10K umento sa suweldo na ating hinihingi ay malapit na sa katotohanan!

IPAGLABAN, IPAGTAGUMPAY ANG UMENTO SA SAHOD NG MGA GURO!

Monday, July 20, 2015

Teachers' Dignity Coalition (TDC) - Cultural Group Arts Workshops for Teachers 2015

Teachers' Dignity Coalition (TDC) - Cultural Group Arts Workshops for Teachers
Theme: Culture and Arts for Teaching and Advocacy

Nagsimula na! Natuloy rin!

Matagumpay na natapos nitong Linggo ang tatlong araw na Teachers' Dignity Coalition (TDC) - Cultural Group Arts and Workshops for Teachers sa Teachers' Camp, Baguio City.

Nilahukan ito ng mga kaguruan mula sa iba't ibang dibisyon ng Metro Manila, kasama rin ang Ating Guro Partylist First Nominee at National Chairperson ng TDC na si Benjo Basas.. Katuwang and National and Local Officers ng TDC at maging ang Staff ng Cultural Group sa pangunguna ni Jayson Cruz.

Ang naturang programa ay kinapalooban ng Creative Writings, Music and Dance Trainings, Theater Arts at iba... na naglalayong matulungan ang ating mga kaguruan na maging bukas ang kaisipan sa mga dapat ipaglaban at maturuan sa iba't ibang larangan na makatutulong hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa paaralan na pinaglilingkuran. 

Laking pasasalamat naman ng TDC sa mga Trainer na nagparaya ng kanilang panahon para sa programa kabilang na si Dr. Apo Chua ng UP, Sir Anthony ng Malabon, Sir Eros Atalla and Sir Joey Delos Reyes ng UST at iba pa.

Inaasahan na ngayon ng grupo na mas lalong malinang at magamit ng wasto ng ating kaguruan ang mga natutunan sa nasabing workshop. Nilalatag na rin ngayon ang plano para sa mga susunod pang gawain ng TDC.