ARALING PANLIPUNAN 8 - IKATLONG KWARTER
Most Essential Learning Competencies: (2 Weeks)
Nasusuri ang dahilan, pangyayari at epekto ng unang Yugto ng Kolonyalismo.
BALIK-ARAL
Sa week 1, inaral natin ang tungkol sa Renaissance kung saan naging makapangyarihan ang mga gitnang uri ng tao. Nagkaroon din ng paglakas ng sining, agham, panitikan, at higit ang pilosopiya. Ang mga ito ay nagbigay ng impluwensya hindi lamang sa gitnang panahon kundi maging sa kasalukuyang panahon sa daigdig.
Ngayon naman tatalakayin natin ang unang yugto ng kolonyalismong kanluranin. Ano ang dahilan ng kanilang paggalugad, at ano ang naging epekto nito.
Ang Unang Yugto ng Kolonyalismo
Ang mga kaganapan simula sa panahon ng Renaissance, mga Krusada hanggang sa pag-unlad ng paniniwalang merkantilismo ay nagbigay-daan sa Europa upang ito ay magsimulang lumakas hanggang sa kasalukuyan.
Nagsimula ang eksplorasyon o paggagalugad at pagtuklas ng mga bagong lupain noong ika-15 na siglo. Ang mga isinulat at kuwento ni Marco Polo tungkol sa kanyang paglalakbay sa Silangan ay pumukaw sa interes ng mga Europeo. Dahil sa mga kontroladong mga ruta ng kalakalan, napilitan ang ilang mga mangangalakal na maghanap ng bagong ruta upang makarating sa Silangan. Dito nagsimulang maglayag sa karagatan ang mga tao. Ang pagtuklas ng mga bagong lupain ang
nagbigay-daan sa kolonyalismo. Ang kolonyalismo ay ang pagsakop ng isang makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa. Ang panahong ika-15 siglo hanggang ika-17 na siglo ay tinatawag din na unang yugto ng Imperyalismong Kanluranin. Ang imperyalismo ay tumutukoy sa panghihimasok, pag-impluwensya, o pagkontrol ng isang makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa.
Motibo ng eksplorasyon
-Pagpapalaganap ng Kristiyanismo
-Paghahanap ng Kayamanan
-Paghahangad ng katanyagan at Karangalan
-Kolonyalismo
Ang paghahanap ng Spices o pampalasa mula sa Asya ay isa ring dahilan ng paglalakbay. Malaki ang pangangailan ng mga Europeo sa mga pampalasa lalo na ang paminta, cinnamon at nutmeg mula sa India. Sa panahon na ito, ang kalakalan ng spices ay kontrolado ng mga Muslim at mga taga-Venice sa Italy kaya nagkaroon ng monopolyo ng kalakalan.
Nakatulong upang mapadali ang paglalayag ang pag-unlad ng teknolohiya. Ang mga unang bansang Europeo na nagpasimula ng paglalayag ay gumamit ng mas malalaking sasakyang pandagat na tinatawag na caravel na naglalaman ng kanyon at riple. Nakatulong din ang pagkakatuklas sa compass na siyang ginagamit upang malaman ang tamang direksyon habang naglalakbay, gayundin ang astrolabe na siyang ginagamit upang sukatin ang altitude o taas ng araw at bituin. Nakatulong din ang mapa na nagpapakita sa baybayin ng Dagat Mediterranean at may grid system.
Ang Portugal
Pinangunahan ng Portugal ang paghahanap ng mga spices at ginto sa pamamagitan ng paglalakbay sa karagatan. Malaki ang papel na ginampanan ni Prinsepe Henry “The Navigator” sa pagtatagumpay ng Portugal. Nagpatayo siya ng paaralan ng nabigasyon at hinikayat ang mga mahuhusay na astrologo, kartograpo, mandaragat at mathematician.
Bartholomeu Dias
Noong 1488, Natagpuan niya ang Cape of Good Hope sa Katimugang bahagi ng Africa. Ang pangyayaring ito ang nagpakilala na maaaring makarating sa Silangang Asya sa pamamagitan ng pag-ikot sa Africa.
Vasco da Gama
Noong 1497, kanyang pinamunuan ang apat na sasakyang pandagat na umikot sa Cape of Good hope at nakarating sa India. Natagpuan niya ang mga Hindu at Muslim na nakikipagkalakalan ng mahuhusay na seda, porselana at pampalasa na pangunahing pangangailangan sa Portugal. Napatunayan ang yaman ng Silangan at ang maunlad na kalakalan.
Ang Spain
Dahil sa paghahangad ng Spain sa kayamanan mula sa Silangan, tinustusan nina Haring Ferdinand V at Reyna Isabella ang eksplorasyon ng bansa.
Christopher Columbus
Noong 1492, pinangunahan niya ang ekspedisyon na may layuning makarating sa India sa pamamagitan ng paglalayag pakanluran ng Atlantic Ocean. Nakarating siya sa isla ng Bahamas at tinawag ang mga tao dito na Indian. Narating din niya ang lupain ng Hispaniola at Cuba. Marami siyang natagpuang ginto dito na makasasapat sa pangangailangan ng Spain.
Amerigo Vespucci
Noong 1507, ipinaliwanag niya na si Columbus ay nakatuklas ng New World o Bagong Mundo, na kinilala bilang America hinango mula sa kanyang pangalan. Ito ay naitala sa mapa ng Europe kasama ang iba pang isla.
Ferdinand Magellan
Noong 1519, nilakbay ng kanyang ekspedisyon ang rutang pakanluran patungong Silangan. Natuklasan niya ang Brazil, nilakbay ang makipot na daanan ng tubig na mas kilala ngayon bilang Strait of Magellan, patungo sa Pacific Ocean hanggang makarating sa Pilipinas. Dahil dito, napatunayan na maaaring ikutin ang mundo at muling makakabalik sa pinanggalingan.
Ang Paghahati sa Daigdig
Ang pag-uunahan ng pagtuklas ng mga bagong lupain ay nagdulot ng lumalalang paligsahan sa pagitan ng Portugal at Spain. Namagitan si Pope Alexander VI sa kanilang paglalabanan. Noong 1493, gumuhit ang Pope ng line of demarcation, isang hindi nakikitang linya mula sa gitna ng Atlantic Ocean mula sa North Pole hanggang South Pole.
Ipinakikita sa mapa na lahat ng matatagpuang kalupaan at katubigan sa Kanlurang bahagi ng linya ay para sa Spain. Ang Silangang bahagi naman ay para sa Portugal.
Ang France
Ang mga Pranses ay nagsagawa rin ng kanilang paggalugad sa daigdig, partikular na sa bahagi ng hilagang Amerika.
Jacques Cartier
Noong 1534, kaniyang naabot ang St. Lawrence River at ipinasailalim sa France ang lugar na ngayon ay silangang bahagi ng Canada.
Samuel de Champlain
Noong 1608, kaniyang itinatag ang Quebec bilang unang permanenteng kolonyang French at kalakalan ng fur o produktong gawa sa balahibo ng hayop.
Louis Jolliet at Jacques Marquette
Noong 1673, kanilang naabot ang Mississippi River at naglakbay hanggang Arkansas River.
Rene-Robert Cavalier (Sieur de La Salle)
Noong 1628, kaniyang pinangunahan ang expedisyon sa Mississippi River hanggang sa Gulf of Mexico. Ang lahat ng lupain dito ay inialay sa hari ng France na si Louis XIV at tinawag niya itong Louisiana.
Ang England
Noong 1600, binigyan ng England ang English East India Company (EEIC) ng karapatang makapagsulong ng interes na pangkalakalan. Binigyan ang EEIC ng monopolyo ng kalakalang English sa East Indies, gayundin sa Africa, Virginia, at iba pang bahagi ng Amerika. Ang mga sumusunod ay mga kolonyang English na naitatag:
Roanoke Island – kolonya sa silangang baybayin ng Amerika na hindi nagtagal
Carribean at Hilagang America – ang naging batayan ng imperyong English
West Indies – arkipelago sa pagitan ng timog-silangang bahagi ng Hilagang Amerika at hilagang bahagi ng Timog Amerika; naitatag dito ang mga plantasyon ng tubo.
Jamestown – kasalukuyang estado ng Virginia sa United States
Sa kabuuan, 13 kolonya ang naitatag sa silangang dalampasigan ng HilagangAmerika. Kabilang dito ang Virginia, Maryland, North Carolina, South Carolina, Georgia, Delaware, New Jersey, Pennsylvania, New York, Rhode Island, Connecticut, Massachusetts, at New Hampshire. Ito ang mga orihinal na kolonya na nang lumaon ay bumuo sa United States of America. Ang 13 kolonya na ito ay kasama sa mga simbolong bumubuo sa bandila ng United States of America.
Ang Netherland
Sa pagpasok ng ika-17 na siglo, napalitan ng mga Dutch ang mga Portuguese bilang pangunahing bansang kolonyal sa Asya. Inagaw nila ang Moluccas mula sa Portugal at nagtatag ng bagong sistema na tinatawag na sistemang plantasyon kung saan ang mga lupain ay pinatamnan ng mga tanim na mabili sa pamilihan. Ang naging epekto nito ay ang sapilitang paggawa na naging patakaran din ng mga Espanyol sa Pilipinas. Pinangunahan ni Henry Hudson ang kanilang kolonya sa Amerika. Noong 1609, napasok niya ang New York Bay at pinangalanan ito na New Netherland. Noong 1624, isang trade outpost o himpilang pangkalakalan ang itinatag sa rehiyon na pinangalanang New Amsterdam. Ito ngayon ay kilala bilang New York City.
Mas nagtagal ang kapangyarihan ng Dutch sa Asya kung ihahambing sa iba dahil sa pagkakatatag ng Dutch East India Company o Vereenigde Oostindische Compagnie (VOC) noong 1602. Ang mga daungan nito ang nagbigay ng proteksiyon sa monopolyo ng mga Ducth sa paminta at iba pang rekado.
Epekto ng Unang Yugto ng Kolonyalismo
Ang sumusunod ang naging epekto ng paggalugad ng mga bansang Europeo:
Naging sentrong pangkalakalang daigdig ang Europe.
Dahil sa pagdami ng salapi, lumawak ang kalakalan at namuhunan ang mga negosyante sa malalaking negosyo.
Nabuwag ng mga Europeo, sa pamamagitan ng bagong kalakalan, ang monopolyo ng mga Venetian sa Euro-Asya.
Umunlad at naitama ang maraming kaalaman tungkol sa heograpiya, hayop, at halaman.
Napatunayan ang circumnavigation ni Ferdinand Magellan sa daigdig na lahat ng karagatan sa daigdig ay magkakaugnay.
Nagkaroon ng pagkakataon na lumaganap ang mga sakit tulad ng yellow fever at malaria na hatid ng mga Europeo mula sa Africa patungong New World.
TANDAAN!
Ang mga pangunahing dahilan ng eksplorasyon ay paghahanap ng spices, paghahanap ng ginto, mapalaganap ang Kristiyanismo, at maging magtamo ng karangalan at katanyagan.
Ang eksplorasyon ay pinangunahan ng Portugal at sinundan ng Spain, France, Netherland at England.
Ang explorasyon ay nagiwan ng pangmatagalang epekto sa kasaysayan na tinahak ng daigdig at isa sa mga ito ay ang pagkakatatag ng batayan para sa modernong ekonomiyang kalakalan at pamilihan.
GAWAIN
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod. Isulat sa Notebook at ikomento sa ibaba ang inyong sagot.
1. Anong mga bansa ang naghati sa mundo? at sino ang namagitan sa kanila sa paghahati nito?
2. Anu-anong mga bansa ang nakiisa o nagpatupad din ng eksplorasyon?
3. Anu-ano ang mabuti at hindi mabuting epekto ng eksplorasyon?
4. Sa iyong palagay, may maganda bang naidulot sa ating bansa ang mga nagdaang eksplorasyon o paggalugad? Bakit?
REFERENCE:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/2/21/Spain_and_Portugal.p





















