Tuesday, August 25, 2026

AP8-TERM2-WEEK10-TE: IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG

Ikalawang Digmaang Pandaigdig  


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN  

Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga pangyayari at isyung pampolitika sa daigdig na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya ng mga mamamayan 


PAMANTAYAN SA PAGGANAP  

Nakalilikha ng adbokasiyang may kaugnayan sa mga isyu at hamong pampolitika at pansibiko na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya 


LAYUNIN: Natataya ang mga sanhi, pangyayari, at pagbabagong dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig


PAKSA!

D. Ikalawang Digmaang Pandaigdig 

1. Sanhi 

2. Mga Pangyayari 

3. Mga Pagbabagong dulot ng Digmaan 


IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG



Ngayon ay tatalakayin ko ang mga mahahalagang pangyayari, dahilan, at mga naging bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Makikilala rin natin ang mga prominenteng tao na  nanguna sa pagsugod at pagdepensa sa digmaang ito.


Mga Pangyayari sa Unang Digmaang Pandaigdig at nag-udyok sa ikalawang digmaang pandaigdig

1. Paglusob ng Germany sa Poland

2. Masidhing Nasyonalismo

3. Pag-alis ng Germany sa liga ng mga bansa

4. Pag-agaw ng Japan sa Machuria 

5. Pagpatay kay Arkduke Francis Ferdinand ng Austria-Hungary 




Mga Dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II ay isang napakalaking digmaang kinasangkutan ng halos lahat ng bansa sa daigdig. Nag-umpisa ito halos dalawang dekada pa lamang ng matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Nagsimula ito ng ika-1 ng Setyembre taong 1939 at nagwakas noong ika-2 ng Setyembre taong 1945, nangangahulugang tumagal ang digmaan sa loob ng anim na taon at isang araw. Ang digmaang ito ay itinuturing na pinakamapaminsalang labanan sa kasaysayan ng tao dahil sa 70 hanggang 85 milyon ang mga namatay. Sa digmaang ito, nahati sa dalawang alyansang militar ang karamihan sa mga bansa sa buong mundo kasama na ang mga makapangyarihan, ito ay ang Allied Powers at Axis Powers. 

Ang Allies o Allied Powers ay pinangungunahan nina Winston Churchill ng Great Britain, Franklin Roosevelt ng United States of America, Joseph Stalin ng Soviet Union (Russia) at Chiang Kai-Shek ng China. Samantala, ang Axis Powers naman ay kinabibilangan nina Adolf Hitler ng Germany, Hirohito ng Japan at Benito Mussolini ng Italy.

 


Sa digmaang ito, nasangkot ang mahigit sa isang daang milyong tao mula sa iba’t ibang bansang nakilahok sa digmaan. Ibinuhos ng mga pangunahing bansa ang kanilang kakayahang pang-ekonomiya, pang-siyensya, at pang-industriyal para masuportahan ang digmaan. Kilala rin ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa malawakang masaker, pagpatay ng lahi, malawakang pambobomba, at paggamit ng mga nuclear na armas sa digmaan. Kaya hindi maikakailang mahirap mailarawan ang lawak at saklaw ng digmaang ito. Ngunit, ano ba ang nangyari? Ano ba ang mga naging dahilan upang humantong ito sa isang napakalaking digmaan ng kasaysayan? Paano nga ba nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Halina’t isa-isahin natin ang mga dahilang ito. 


Pagbagsak ng Stock Market

Noong taong 1920, nagkaroon ng economic boom o mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ang United States na makikita sa mataas na halaga ng stocks. Namuhunan ang maraming tao sa pamamagitan ng pagbili ng mga stocks sa mababang halaga ng porsiyento bilang paunang pambayad at inutang naman ang iba sa stockbroker. Setyembre 1929, nakaramdam ang mga namumuhunan ng pagtaas ng presyo ng stocks, kaya’t sinimulan nilang ibenta ang mga ito dahil sa posibilidad ng pagbaba ng presyo nito sa mga susunod na araw. Nagdulot ito ng tuloy-tuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks hanggang Oktubre 24 na nagbigay takot sa mga namumuhunan.

Dahil sa patuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks, lahat ng mga namumuhunan ay nagnais na ibenta ang kanilang mga stocks subalit walang nais bumili. At sa loob lamang ng isang araw, 13 milyong shares ang ibinenta sa New York Stock Exchange. Ang mabilis na pagbagsak ng presyo ng mga stock ay tinawag na Wall Street Crash, hango sa pinansiyal na distrito ng New York. Noong ika-29 ng Oktubre taong 1929, tuluyang bumagsak ang New York Stock Exchange at tinawag nila itong Black Thursday.


 Bunga ng Wall Street Crash:

1. Maraming tao ang nawalan ng malaking salapi at nalugi ng maganap ang wall street crash

2. Nagsara ang mga bangko at mga negosyo

3. Maraming tao ang nawalan ng trabaho

4. Humina ang produksiyon at bumababa ang pasahod sa mga manggagawa

5. Nagdulot ng Great Depression.


Ang Great Depression

Ang Great Depression ay isang malawakang krisis pang-ekonomiya na nagsimula dahil sa pagbagsak ng stock market noong October 20, 1929. Naapektuhan nito ang halos lahat ng mamamayan ng United States. Humina ang produksiyon ng mga industriya. Umabot sa 9 milyong katao ang nawalan ng pera sa mga bangko dahil nawalan ang bangko ng pambayad. Noong taong 1933, halos ikaapat na bahagi ng mga mamamayan sa United States ay nawalan ng trabaho.

Ang taong 1933 ang pinakamalalang taon ng Great Depression dahil umabot sa 12 milyong katao ang nawalan ng trabaho. Nabawasan ang pag-angkat ng United States ng mga hilaw na materyales na nakaapekto sa mga mahihirap na bansang dumedepende sa pagbebenta ng pagkain at mga hilaw na materyales. 

Lumaganap sa buong mundo ang pagbagsak ng ekonomiya ng United States. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, nagpautang ang mga bangko ng United States sa ibang bansa. Subalit, nang magsimula ang Great Depression, sinimulang bawiin ng United States ang mga pautang nito sa ibang bansa, gayundin ang kanilang puhunan at mga negosyo. At upang mapanatili ang dolyar sa kanilang bansa at bilhin ng mga mamamayang Amerikano ang kanilang sariling produkto, pinatawan ng mataas na taripa ng United States ang mga produktong imported. Ang patakarang ito ay nagkaroon ng epekto sa mga bansa na nagluluwas ng produkto sa United States. Naglagay rin ang mga bansa ng mataas na taripa sa kanilang mga produkto na naging sanhi ng paghina ng kalakalang pandaigdig. Nagdulot ito ng patuloy na paghina ng ekonomiya ng mundo at malawakang kawalan ng hanapbuhay. Ang Great Britain at Germany, ay kabilang sa mga bansang labis na naapektuhan. At mabilis na lumaganap sa buong mundo ang krisis.


Pagsikat ng mga Diktador

Dahil sa hangarin na magkaroon ng pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan, ang Nasismo, Komunismo, at Pasismo ay naitatag sa iba’t ibang panig ng Europa. Ito ang mga ideolohiyang sinusunod ng mga diktador. Ang isang diktador ay mayroong ganap na kapangyarihan at ganap na kontrol sa mga mamamayan nito. Naging hangarin ng mga diktador na sakupin ang kanilang mga kalapit bansa sa paniniwalang ito ang paraang makakatulong upang maiahon nila ang ekonomiya ng kanilang bansa. Ang mga ambisyon ng mga diktador tulad ni Adolf Hitler ng Germany, Benito Mussolini ng Italy, at Joseph Stalin ng Soviet Union (Russia) ang naging daan upang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

 

Kahinaan ng League of Nations

Ang League of Nations ay itinatag noong ika-10 ng Enero taong 1920 na may layuning mapanatili ang kapayapaan. Ngunit hindi nito nagawang pigilan ang pagsalakay ng Japan sa Manchuria, Italy sa Ethiopia, at Germany sa Rhineland. Ang mga kasapi ng League of Nations ay hindi nagkakasundo sa mga usapin at pagpapasya, wala itong kapangyarihang maningil ng buwis at walang sariling hukbo upang maipatupad ang mga desisyon. Ang hindi pagsali ng mga makapangyarihang bansa katulad ng United States ay isa pang dahilan ng kahinaan ng League of Nations. Sumali ang Russia noong 1934 subalit ito ay inalis kaya’t napunta sa Great Britain at France ang responsiblidad na itaguyod ang liga. Ngunit ang dalawang naturang bansa ng mga panahong iyon ay hindi pa lubusang nakakabangon sa pinsalang dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig. Kaya’t upang makaiwas sa digmaan, ipinatupad ng Britain at France ang patakarang appeasement kung saang hinayaan nilang ipagpatuloy ng mga diktador ang kanilang pagsakop sa mga teritoryo.


Mga Kondisyon ng Treaty of Versailles

Opisyal na nagwakas ang Unang Digmaang Pandaigdig noong ika-28 ng Hulyo taong 1919 sa pamamagitan ng kasunduan sa Versailles. Layunin ng Treaty of Versailles na panatilihin ang kapayapaan pagkatapos ng Unang Digmaan. Ngunit para sa mga Aleman, hindi makatarungan ang nilalaman ng kasunduan. Naging mitsa ito upang magkaroon ng tensiyon at humantong sa pagsisimula sa panibagong digmaan na higit na mas malawak at mas mapaminsala.


Mga Pagsalakay Bago Sumiklab Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig

1. Pagsalakay ng Japan sa Manchuria (1931) – Sinalakay ng Japan ang Manchuria noong 1931. Ito ay isang lalawigang nasa hilaga ng China na mayaman sa bakal at karbon. Ito ang unang hamon na kinaharap ng League of Nations, kinondena nila ito, subalit wala silang nagawa para pigilan ang Japan. Ang ginawang ito ng Japan ang dahilan kung bakit siya itiniwalag sa liga. 

2. Pagsalakay ng Italy sa Ethiopia (1935) – Sa pamumuno ni Benito Mussolini, sinakop ng Italy ang Ethiopia at tuluyang nilabag ang kasunduan sa Liga (Covenant of the League). 

3. Pagsalakay ng Germany sa Rhineland (1936) – ang pagtiwalag ng Germany sa liga ng mga bansa at pagkabigo ng liga na panatilihin ang kapayapaan ang nagkumbinsi kay Hitler na kunin ang Rhineland. Ito ay isang buffer zone na nasa magkatunggaling bansa na France at Germany. Dahil sa patakarang appeasement, ang paglusob na ito ng Germany ay hinayaan lamang ng France. 

4. Pagsalakay ng Japan sa China (1937) – sinalakay ng mga Hapones ang China, at dahil sa kanilang mga makabagong armas, bumagsak ang Nanjing at ang Beijing na kapital ng China. 

5. Pagkuha ng Germany sa Austria (1938) – Nakasaad sa Treaty of Versailles na ipinagbabawal ang pagsasama ng Austria at Germany (Anschluss). Ngunit dahil maraming mga mamamayang Austriano ang gustong maisama ang kanilang bansa sa Germany, nagpadala si Hitler ng hukbo sa Austria at ginawa itong sangay ng Germany. 

6. Pagkuha ng Germany sa Czechoslovakia (1938) - Noong Setyembre 1938, hinikayat ni Hitler ang mga Aleman sa Sudentenland na pagsikapan na matamo ng kanilang awtonomiya. Dahil dito, hinikayat ng Inglatera si Hitler na magdaos ng isang pulong sa Munich. Ngunit nasakop ni Hitler ang Sudentenland at noong 1939, ang mga natitirang teritoryo sa Czechoslovakia ay napunta na rin sa Germany. 

7. Paglusob ng Germany sa Poland (1939) – Noong 1939, ang pagpasok ng mga Aleman sa Poland ang huling pangyayari na nagpasiklab sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pagsakop na ito ay pagbaliktad ng Germany sa Russia na kapwa pumirma sa kasunduang Ribbentrop-Molotov, isang kasunduan ng hindi pakikidigma ((Non-Aggression Pact). Ang pagbaliktad na ito ay dulot ng mga sumusunod na pagyayari:

a. Hindi pagsali ng Russia sa negosasyon tungkol sa krisis ng Czechoslovakia.

b. Pagkainis ng Russia sa Great Britain nang ang ipinadalang nitong negosyador para sa Kasunduan ng Pagtutulungan (Mutual Assistance Pact) ay hindi importanteng tao.


Mga Kaganapan at Epekto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, hindi natupad ang kapayapaang inaasahang makamit batay sa Treaty of Versailles ng 1919 at sa iba pang mga kasunduang nilagdaan ng mga bansang Europeo. Sa halip, nasaksihan ang isa pang digmaan na itinuturing na pinakamapangwasak na digmaan sa kasaysayan ng sangkatuhan- ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na naganap noong 1939 hanggang 1945.


Mga Mahalagang Kaganapan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig 

Pagsalakay sa Poland. Bukod sa Austria at Czechoslovakia sinalakay din ng hukbo ni Hitler ang Poland noong Setyembre 1, 1939 upang gawing teritoryo. Isinagawa ng Germany ang blitzkrieg o lightning war, ang estratehiyang militar na ginagamitan ng mabibilis na eroplano at tangke na sinundan ng puwersa ng mga sundalo sa kanilang pagsalakay. Ito ay nagresulta ng pagbagsak ng Warsaw, ang kabisera ng Poland. Ang pagsalakay na ito ng Germany sa Poland ang nagpasimula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang mabatid ito ng Britain at France, sila ay nagpahayag ng pakikidigma sa Germany noong Setyembre 3, 1939. Ang magkabilang panig na naglaban ay ang Axis Powers na pinangungunahan ng Germany, Italy at Japan laban sa Allied o Allies Powers na kinabibilangan ng Great Britain at France.

Ang Digmaan sa Europe. Sa kanlurang Europe, ang mga hukbong Pranses at Ingles ang nag-abang sa likod ng Maginot Line, (isang hanay ng mga moog na pangdepensa sa hangganan ng France at Germany) kung saan hinihintay nila ang pagsalakay ng Germany, subalit walang naganap na pagsalakay. Tinawag ito na Phony War dahil sa pananahimik ng Europe sa digmaan. Muling naglunsad ng pagsalakay si Hitler sa Denmark at Norway noong Abril 9, 1940. Isinunod nito ang Netherlands, Belgium at Luxembourg. Ito ang naghudyat sa pasimula ng Battle of France at ang pagtatapos ng Phony War. Tuluyang bumagsak ang Paris sa mga Aleman noong Hunyo 22, 1940. 

Sinamantala ng Soviet Union ang digmaan at sinakop ang Finland noong Nobyembre 1939. Sinakop din nito ang Latvia, Lithuania at Estonia gayundin ang Romania.

Labanan sa Hilagang Africa. Tinulungan ng Germany ang Italya laban sa mga British sa digmaang naganap sa Hilagang Africa. Iniutos ni Mussolini ang pagsalakay sa Libya noong Setyembre 1940. Layunin nito na makuha ang Egypt na noon ay kontrolado ng Britain dahil sa Suez Canal. Ang Suez Canal ay ang ruta na dinadaan ng Britain patungo sa mga kolonya nito sa Silangan kaya’t tinawag itong Lifeline of the Empire.

Pananalakay sa Soviet Union. Sa kabila ng kasunduan ng Soviet Union at Germany, nagplano si Hitler na salakayin ang Soviet Union. Bilang paghahanda, sinakop muna ng Germany ang Bulgaria at naminsala sa Greece at Yugoslavia. Sa tulong ng pinagsamang puwersa ng mga sundalo mula sa Italy, Romania at Finland biglaang sinalakay ng Germany ang Soviet Union noong Hunyo 22, 1941, at ito ay tinawag ni Hitler na Operation Barbarossa. 

 Ang United States at ang Digmaan. Ang paglaganap ng pananakop ng Axis Powers, pagkatalo ng mga Allies at pagkabahala sa kalagayan ng demokrasya sa daigdig ang nagdulot sa United States upang mapilitan na makialam sa digmaan. Pinagtibay ng kongreso ang batas na Lend Lease na nagpahintulot sa mga Allies na manghiram o upahan ang mga armas at suplay ng digmaan ng Amerika. Noong Agosto 1941, sina Pangulong Franklin Roosevelt ng America at Winston Churchill ng Inglatera ay nagpulong at lumagda sa Atlantic Charter, isang dokumento na naglalaman ng mga demokratikong prinsipyo na ipinaglalaban sa digmaan. 

Ang Labanan sa Pasipiko. Ang digmaan sa Pacific ay sa pagitan ng mga Allies at Japan na nagpatuloy hanggang Agosto 1945. Nauna nang sinalakay ng Japan ang Korea, Manchuria at ilang bahagi ng China. Sumunod na sinalakay ng Japan ang Guam at pagkaraan ay naglunsad ng pagsalakay sa Pilipinas. Sinalakay din ng Japan ang Hongkong, Malaya, Singapore, Indonesia, Myanmar at naging banta sa Australia. Narating ng Hapon ang tugatog ng tagumpay sa pananakop sa Pasipiko noong 1942 at nagtatag ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.

Habang pinag-uusapan ang kapayapaan sa pagitan ng Amerika at Japan, binomba ng mga eroplanong Hapon ang Pearl Harbor, Hawaii noong Disyembre 7, 1941. Ang pataksil na pagsalakay na ito ay nagpagalit sa mga Amerikano. 


Ang Pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig


Tagumpay ng Allied sa Europe at Hilagang Africa 

Nagsimula ang pagbawi sa Kanlurang Europe noong Hunyo 6, 1944, nang dumaong ang Allied Powers sa Normandy, France samantalang sa Hilagang Europe ay tinalo naman ng Rusya ang mga hukbong Nazi at nasakop ang Berlin. Habang nilalabanan ni Heneral Montgomery ang mga Nazi sa Egypt, sinalakay naman ni Heneral Dwight Eisenhower ang Morocco at Algeria. Pagkaraan ng matinding labanan noong May 13, 1945 ang Hilagang Africa ay napasakamay ng mga Alyadong bansa. Samantala ang pagkatalo ng mga hukbong Italyano ay nauwi sa pagbagsak ni Mussolini. 


Ang Pagsuko ng Germany

Noong Abril 30, 1945 si Hitler na nagnais mamuno sa daigdig ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbabaril kasama ang kabit nito, si Eva Braun sa isang selda. Ang digmaan sa Europe ay nagtapos noong Mayo 7, 1945 nang si Heneral Alfred Jodl, pinuno ng sandatahang lakas ng Germany ay lumagda sa isang kasunduan ng pagsuko ng Germany sa mga Alyado. Ang Mayo 8, 1945 ay idineklara bilang V-E (Victory in Europe) Day sa United States. Nang matapos ang digmaan sa Europa, ang mga alyado ay nagplano na durugin ang Japan, ang natitira sa puwersang Axis.


Ang Tagumpay sa Pasipiko

Inatake ng puwersang Amerikano at Australian ang mga lugar sa Asia-Pacific na nasakop ng Japan. Noong Agosto 6, 1945, ang United States ay nagbagsak ng bomba atomika sa Hiroshima at nasundan ng pangalawang bomba atomika na ibinagsak sa lungsod ng Nagasaki noong Agosto 9, na nagdulot ng malubhang epekto sa Japan. Hinikayat ni Pangulong Truman ang Japan na sumuko na o makaranas pa ng maraming pambobomba. Ika- 2 ng Setyembre, 1945, nilagdaan ng bansang Hapon ang mga tadhana ng pagsuko sa sasakyang U.S Missouri sa Tokyo Bay. Sumuko ang Japan noong Setyembre 2, 1945 at ito ay tinawag na V-J Day o Victory in Japan. Ito ang pormal na pagwawakas ng digmaan sa Pacific at Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Ang Yalta Settlement

Ang naganap na pagpupulong ng tatlong pinuno ng mga bansang nanalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naganap sa Yalta, bahagi ng Crimea, noong Pebrero 1945. Nagpulong sina Joseph Stalin ng Russia, Winston Churchill ng Great Britain at Franklin Roosevelt ng US upang pagpasyahan ang kapalaran ng Germany. Napagkasunduang ipatupad sa Germany ang disarmament, demilitarization o pagbabawal na magtatag ng sandatahang lakas at dismemberment o paghahati rito. Pagbabayarin din ang Germany ng $20 bilyon bilang bayad-pinsala



GAWAIN:


PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ilagay sa inyong notebook ang inyong sagot. Ikomento ang inyong natutunan sa comment section.

1. Mayroon bang nananatiling epekto sa kasalukuyan ang naganap na digmaan noon? Magbigay ng limang mga bansang mayroong tensyon sa kasalukuyan.

2. Anu-ano ang mga dapat gawin upang maiwasan ang muling pagsiklab ng isa pang digmaan?

3. Ano ang mga masamang epekto ng digmaan? May kaugnayan ba ang mga naganap na digmaan noon sa kasalukuyang panahon? Ano ang kaugnayan nito sa kasalukuyan?

4. Sakaling sumiklab ang ikatlong digmaang pandaigdig, ano ang maipapayo mo sa mga lider ng sangkot na mga bansa?

5. Bilang mag-aaral ngayon, sakaling maging lider ka sa hinaharap, paano mo haharapin ang tensyon sa West Philippine Sea?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9IlrUF79g86oAmIlXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=ikalawang+digmaang+pandaigdig&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DuRoGL9g.DQAJAxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=allied+vs+axis+powers&fr2=piv-web&fr=mcafee

AP8-TERM2-WEEK9-TE: BANTA NG IDEOLOHIYANG TOTALITARYANISMO AT PASISMO

 Banta ng Ideolohiyang Totalitaryanismo at Pasismo 


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN  

Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga pangyayari at isyung pampolitika sa daigdig na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya ng mga mamamayan 


PAMANTAYAN SA PAGGANAP  

Nakalilikha ng adbokasiyang may kaugnayan sa mga isyu at hamong pampolitika at pansibiko na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya 


LAYUNIN: Nasusuri ang ideolohiyang totalitaryanismo bilang banta sa demokratikong pamamahala 


PAKSA!

C. Banta ng Ideolohiyang Totalitaryanismo at Pasismo 

1. Katuturan ng Totalitaryanismo 

2. Komunismo sa Russia at China 

3. Pasismo sa Italy at Nazismo sa Germany 

4. Militarismo sa Japan 


TOTALITARYANISMO

Ang totalitaryanismo ay isang sistemang pampolitika kung saan ang pamahalaan ay may ganap na kapangyarihan sa lahat ng aspeto ng buhay ng mamamayan—mula sa pampublikong pamumuhay hanggang sa pribadong kaisipan.

Mga Pangunahing Katangian ng Totalitaryanismo

  • Sentralisadong kapangyarihan: Isang diktador o maliit na grupo ang namumuno.
  • Kontrol sa media at impormasyon: Mahigpit na sensura at propaganda.
  • Pagbabawal sa oposisyon: Walang puwang para sa pagtutol o alternatibong pananaw.
  • Ideolohiyang dominante: May isang ideolohiya na ipinapatupad sa lahat ng mamamayan.
  • Pagmamanman sa mamamayan: Surveillance at takot ang ginagamit upang mapanatili ang kontrol.

Mga Halimbawa sa Kasaysayan ng Totalitaryanismo ay ang Nazi Germany sa ilalim ng pamumuno ni Adolf Hitler na nakilala sa pamumunong Nazismo. Sa Soviet Union naman ay pinamunuan ni Joseph Stalin na pinalaganap ang Ideolohiyang Komunismo. Sa Italy naman pinamunuan ni Benito Mussolini ang Pasismong Italya.

Sa ilalim ng totalitaryanismo, limitado ang karapatan sa malayang pagsasalita, relihiyon, at pagkilos. Madalas itong nauugnay sa mga rehimeng mapang-api at may malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Ang totalitarismo ay isang konseptong ginamit ng ilang siyentipikong politikal kung saan hawak ng estado ang kabuuang awtoridad sa lipunan at nagtatangkang kontrolin ang lahat ng aspekto ng pampubliko at pribadong buhay hanggang sa maaari.

Mga Pangunahing Katangian

  • Ganap na kontrol ng estado sa politika, ekonomiya, edukasyon, relihiyon, at media.
  • Isang ideolohiya ang ipinapatupad at pinaniniwalaan ng lahat.
  • Pagmamanman at propaganda upang mapanatili ang kapangyarihan.
  • Pagbabawal sa oposisyon at limitadong karapatang pantao.


KOMUNISMO SA RUSSIA AT CHINA

Ang komunismo sa Russia at China ay parehong nakaugat sa ideolohiya ni Karl Marx, ngunit nagkaroon ng magkaibang anyo at pagpapatupad batay sa kanilang kasaysayan, liderato, at kultura.

Komunismo sa Russia (Soviet Union)

Pagsisimula:

  • Nagsimula noong 1917 Bolshevik Revolution, pinamunuan ni Vladimir Lenin.
  • Pinalitan ang monarkiyang Tsarista at itinatag ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR) noong 1922.

Mga Pangunahing Pinuno:

  • Lenin – naglatag ng pundasyon ng komunismo.
  • Stalin – nagpapatupad ng matinding kontrol, kolektibisasyon ng agrikultura, at industrialisasyon.

Katangian:

  • Stalinismo: Totalitaryanismo, purges, forced labor camps (Gulag).
  • Mahigpit na kontrol sa media, relihiyon, at ekonomiya.
  • Layunin: gawing industriyalisado at makapangyarihan ang estado.


Komunismo sa China

Pagsisimula:

  • Naipakilala sa pamumuno ni Mao Zedong matapos ang tagumpay ng Chinese Communist Party (CCP) laban sa Kuomintang noong 1949.
  • Itinatag ang People’s Republic of China noong Oktubre 1, 1949.

Mga Pangunahing Pinuno:

  • Mao Zedong – nagpasimula ng mga kilusang tulad ng Great Leap Forward at Cultural Revolution.
  • Deng Xiaoping – nagbukas ng ekonomiya sa kapitalistang prinsipyo habang pinanatili ang kontrol ng CCP.

Katangian:

  • Maoismo: Nakatuon sa mga magsasaka bilang puwersa ng rebolusyon.
  • Matinding propaganda at pagsamba sa lider.
  • Sa kalaunan, pinagsama ang komunismo sa market reforms (tinatawag minsan na “Socialism with Chinese Characteristics”).


Pasismo sa Italy at Nazismo sa Germany

Ang Pasismo sa Italya at Nasismo sa Germany ay parehong ideolohiyang totalitaryo na umusbong noong ika-20 siglo, ngunit may magkaibang pinagmulan, layunin, at estilo ng pamumuno.

Pasismo sa Italya

Pinuno: Benito Mussolini

Simula: 1922, nang italaga si Mussolini bilang Punong Ministro

Ideolohiya:

  • Matinding nasyonalismo
  • Pagsamba sa estado bilang pinakamataas na institusyon
  • Pagkakaisa sa ilalim ng isang lider
  • Pagkontra sa komunismo at liberalismo
  • Pagsupil sa oposisyon at malayang pamamahayag

Katangian:

  • Hindi nakatuon sa lahi, kundi sa kapangyarihan ng estado
  • Gumamit ng propaganda, militarisasyon, at kulto sa personalidad ni Mussolini
  • Layunin: muling buhayin ang dakilang Imperyong Romano


Nasismo sa Germany

Pinuno: Adolf Hitler

Simula: 1933, nang maging Chancellor si Hitler

Ideolohiya:

  • Nazismo o National Socialism
  • Matinding rasismo, partikular laban sa mga Hudyo
  • Paniniwala sa Aryan supremacy
  • Anti-komunismo, anti-demokrasya
  • Totalitaryanismo at kulto sa personalidad

Katangian:

  • Sistematikong pag-uusig sa mga Hudyo (Holocaust)
  • Pagsakop sa mga kalapit na bansa (Lebensraum o “living space”)
  • Propaganda, kontrol sa edukasyon, at militarisasyon


Militarismo sa Japan

Ang militarismo sa Japan ay isang makasaysayang ideolohiya kung saan ang militar ay naging pangunahing puwersa sa pamahalaan, lipunan, at patakarang panlabas ng bansa—lalo na noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang sa katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang militarismo sa Japan (日本軍国主義, Nihon gunkoku shugi) ay paniniwala na ang lakas ng militar ay katumbas ng lakas ng bansa. Ito ay naging dominante mula sa Meiji Restoration (1868) hanggang sa pagkatalo ng Japan noong 1945

Mga Katangian ng Militarismo sa Japan

  • Dominasyon ng militar sa pamahalaan: Ang mga heneral at opisyal ng hukbo ay may malaking impluwensiya sa mga desisyon ng estado.
  • Ekspansyonismo: Layunin ng Japan na palawakin ang teritoryo sa Asya (tinatawag na Greater East Asia Co-Prosperity Sphere).
  • Pagpapalaganap ng nasyonalismo: Pagsamba sa Emperador bilang diyos at simbolo ng pagkakaisa.
  • Pagkontrol sa edukasyon at media: Upang itanim ang ideolohiya ng militarismo sa kabataan.

Epekto ng Militarismo

  • Nagdulot ng matinding karahasan sa mga bansang sinakop tulad ng China, Korea, at Pilipinas.
  • Naging sanhi ng pagpasok ng Japan sa World War II.
  • Pagkatalo noong 1945 at pagbabawal sa militarismo sa Saligang Batas ng Japan (Article 9).


TANDAAN!

Ang totalitarismo ay isang konseptong ginamit ng ilang siyentipikong politikal kung saan hawak ng estado ang kabuuang awtoridad sa lipunan at nagtatangkang kontrolin ang lahat ng aspekto ng pampubliko at pribadong buhay hanggang sa maaari.

Sa ilalim ng totalitaryanismo, limitado ang karapatan sa malayang pagsasalita, relihiyon, at pagkilos. Madalas itong nauugnay sa mga rehimeng mapang-api at may malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Ang komunismo sa Russia at China ay parehong nakaugat sa ideolohiya ni Karl Marx, ngunit nagkaroon ng magkaibang anyo at pagpapatupad batay sa kanilang kasaysayan, liderato, at kultura.

Ang Pasismo sa Italya at Nasismo sa Germany ay parehong ideolohiyang totalitaryo na umusbong noong ika-20 siglo, ngunit may magkaibang pinagmulan, layunin, at estilo ng pamumuno.

Ang militarismo sa Japan ay isang makasaysayang ideolohiya kung saan ang militar ay naging pangunahing puwersa sa pamahalaan, lipunan, at patakarang panlabas ng bansa—lalo na noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang sa katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ilagay sa inyong notebook ang inyong sagot. Ikomento ang inyong natutunan sa comment section.

1. Ano ang totalitaryanismo?

2. Paano ang pamumuhay sa ilalim ng toatalitaryanismo?

3. Paano mo maihahambing ang Pasismo sa Italya, Nazismo sa Germany, at Komunismo sa Russia sa Martial Law na naranasan ng bansang Pilipinas sa panahon ni Dating Presidente Ferdinand Marcos, Sr?

4. Paano kayang naging dahilan ng pagsilang ng demokrasya ang karanasan ng mga tao sa mundo sa ilalim ng Pasismo, Nazismo, at Komunismo?

5. Kung ikaw ay presidente ng bansa, anong ideolohiya ang nais mong ipatupad sa iyong nasasakupan, Bakit?



AP8-TERM2-WEEK8-TE: ANG DAIGDIG PAGKARAAN NG DIGMAAN

Ang Daigdig Pagkaraan ng Digmaan 


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN  

Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga pangyayari at isyung pampolitika sa daigdig na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya ng mga mamamayan 


PAMANTAYAN SA PAGGANAP  

Nakalilikha ng adbokasiyang may kaugnayan sa mga isyu at hamong pampolitika at pansibiko na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya 


LAYUNIN: Nabibigyang katuwiran ang naging tugon ng mga bansa sa pagharap sa iba’t ibang suliranin pagkaraan ng digmaan 


PAKSA!

B. Ang Daigdig Pagkaraan ng Digmaan 

1. Pagtatatag ng League of Nations 

2. Spanish Flu 

3. Great Depression  


 Mga Kasunduang Pangkapayapaan

        Sa pagnanais na wakasan na ang digmaan upang maibangon at maitaguyod ang Europe, naglunsad ng Peace Conference ang 32 bansa noong Enero 18, 1919 sa Paris. Namuno sa kasunduang ito ang mga nagwaging bansa at hindi pinayagang dumalo ang mga natalong bansa. Tinawag na Big Four ang mga nanguna sa pagbuo ng kasunduan. Ito ay sina Woodrow Wilson ng Estados Unidos, David Lloyd George ng Great Britain, George Clemenceau ng France at Vittorio Orlando ng Italy.

    Binalangkas ni Pangulong Woodrow Wilson ang Labing Apat na Puntos na naglalayon ng pangmatagalang kapayapaan. Kabilang sa napagkasunduan ay ang mga sumusunod:

1. Ang kasunduan na nagaganap ay dapat ipaalam sa lahat.

2. Magkaroon ng kalayaan at karapatan sa digmaan.

3. Kinakailangang tanggalin ang buwis para sa ikabubuti ng ekonomiya.

4. Kinakailangang bawasan ang sandatahan o lakas pandigma.

5. Dapat na walang kinikilingan sa mga suliranin na pangkolonya.

6. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Russia.

7. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Belgium.

8. Kagustuhan na maibalik ang Alsace-lorraine sa bansang Pransya.

9. Kailangang magkaroon ng maayos na hangganan ang bansang Italya.

10.Kagustuhan na magkaroon ng determinasyon ang mga nakatira sa Austria–Hungary.

11.Bigyan ng pagkakataon na makapagsarili ang mga bansang Balkan.

12.Bigyan ng kalayaan ang bansang Turkey sa kamay ng mga mananakop.

13.Bigyan ng kalayaan ang bansang Poland.

14.Pagtatag ng Liga ng mga Bansa.


Makalipas ang anim na buwan ay nilagdaan naman ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919 na opisyal na nagwakas ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa kasunduang ito ay nakasaad ang mga sumusunod: pagbalik sa France ng Alsace at Lorraine, pagsuko ng Germany sa lahat ng kolonya nito sa Africa at Asia, pagbabawal sa Germany na bumili at lumikha ng mga armas pandigma, pagbabayad ng Germany sa Allies ng 33 bilyong dolyar sa loob ng 30 taon. Ipinataw ng Allies ang responsibilidad ng digmaan sa Germany at mga kaalyado nito.

Ang Liga ng mga Bansa

 Itinatag ito sa layuning maiwasan ang anomang alitan sa pagitan ng mga bansa na maaaring maging dahilan muli ng digmaan. Layunin din nitong ayusin sa mapayapang paraan ang di pagkakaunawaan ng mga kasaping bansa, mapalaganap ang pandaigdigang pagtutulungan, lumakas ang kooperasyon ng mga bansa lalo na sa usaping pangkalakalan. Hindi inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagsali ng kanilang bansa sa Liga. Nag-umpisa ang samahan na mayroong 42 lamang na bansang kasapi. Matapos ang ilan pang mga taon, umakyat ang bilang ng mga bansang kasapi nito sa 59. Ang Great Britain at France ang pangunahing bansang gumabay sa pagtatayo ng polisiya ng mga Liga ng mga Bansa. Ang Italy at Japan ang tumayong Konseho ng samahan. Ang mga ilan sa nagawa ng Liga ng mga Bansa ay ang pagpigil ng maliliit na digmaan sa pagitan ng Finland at Sweden noong 1920, Bulgaria at Greece noong 1925 at Colombia at Peru noong 1934. Namahala din ito sa rehabilitasyon ng mga sundalo pagkatapos ng digmaan. Nagsimula na itong manghina nang tumiwalag ang Japan dahil sa pananakop nito sa Manchuria na teritoryo ng China. Maging ang paglimita sa mga sandata ng mga bansa ay hindi sinunod ng ilang kasapi sa pangambang madali silang matatalo kung sakaling lusubin sila ng kalabang bansa.


Spanish Flu

Ang Spanish Flu o Pandemya ng Trangkaso ng 1918 ay sumabay at sumunod sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, kaya’t naging mas mapaminsala ang epekto nito sa buong mundo.

Kaugnayan ng Spanish Flu sa Unang Digmaang Pandaigdig:
  • Nagsimula noong Pebrero 1918, habang patuloy pa ang digmaan; tumagal hanggang Abril 1920
  • Pinalala ng paggalaw ng mga sundalo, masikip na kampo, at kakulangan sa kalinisan
  • Pagod ang mga bansa, kulang sa medikal na kagamitan, at may trauma mula sa digmaan
  • Maraming sundalo ang namatay hindi sa labanan kundi sa trangkaso mismo
  • Sa halip na makabawi agad mula sa digmaan, maraming bansa ang nahirapan dahil sa pandemya
  • Unang bugso ng trangkaso habang nasa gitna ng digmaan, Nagtapos ang digmaan, pero sumiklab ang ikalawang bugso ng trangkaso—mas nakamamatay, Ikatlong bugso; unti-unting humupa ang pandemya habang bumubuti ang kalagayan ng mundo.

Pagbagsak ng Stock Market

Noong taong 1920, nagkaroon ng economic boom o mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ang United States na makikita sa mataas na halaga ng stocks. Namuhunan ang maraming tao sa pamamagitan ng pagbili ng mga stocks sa mababang halaga ng porsiyento bilang paunang pambayad at inutang naman ang iba sa stockbroker. Setyembre 1929, nakaramdam ang mga namumuhunan ng pagtaas ng presyo ng stocks, kaya’t sinimulan nilang ibenta ang mga ito dahil sa posibilidad ng pagbaba ng presyo nito sa mga susunod na araw. Nagdulot ito ng tuloy-tuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks hanggang Oktubre 24 na nagbigay takot sa mga namumuhunan.

Dahil sa patuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks, lahat ng mga namumuhunan ay nagnais na ibenta ang kanilang mga stocks subalit walang nais bumili. At sa loob lamang ng isang araw, 13 milyong shares ang ibinenta sa New York Stock Exchange. Ang mabilis na pagbagsak ng presyo ng mga stock ay tinawag na Wall Street Crash, hango sa pinansiyal na distrito ng New York. Noong ika-29 ng Oktubre taong 1929, tuluyang bumagsak ang New York Stock Exchange at tinawag nila itong Black Thursday.


 Bunga ng Wall Street Crash:

1. Maraming tao ang nawalan ng malaking salapi at nalugi ng maganap ang wall street crash

2. Nagsara ang mga bangko at mga negosyo

3. Maraming tao ang nawalan ng trabaho

4. Humina ang produksiyon at bumababa ang pasahod sa mga manggagawa

5. Nagdulot ng Great Depression.


Ang Great Depression

Ang Great Depression ay isang malawakang krisis pang-ekonomiya na nagsimula dahil sa pagbagsak ng stock market noong October 20, 1929. Naapektuhan nito ang halos lahat ng mamamayan ng United States. Humina ang produksiyon ng mga industriya. Umabot sa 9 milyong katao ang nawalan ng pera sa mga bangko dahil nawalan ang bangko ng pambayad. Noong taong 1933, halos ikaapat na bahagi ng mga mamamayan sa United States ay nawalan ng trabaho.

Ang taong 1933 ang pinakamalalang taon ng Great Depression dahil umabot sa 12 milyong katao ang nawalan ng trabaho. Nabawasan ang pag-angkat ng United States ng mga hilaw na materyales na nakaapekto sa mga mahihirap na bansang dumedepende sa pagbebenta ng pagkain at mga hilaw na materyales. 

Lumaganap sa buong mundo ang pagbagsak ng ekonomiya ng United States. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, nagpautang ang mga bangko ng United States sa ibang bansa. Subalit, nang magsimula ang Great Depression, sinimulang bawiin ng United States ang mga pautang nito sa ibang bansa, gayundin ang kanilang puhunan at mga negosyo. At upang mapanatili ang dolyar sa kanilang bansa at bilhin ng mga mamamayang Amerikano ang kanilang sariling produkto, pinatawan ng mataas na taripa ng United States ang mga produktong imported. Ang patakarang ito ay nagkaroon ng epekto sa mga bansa na nagluluwas ng produkto sa United States. Naglagay rin ang mga bansa ng mataas na taripa sa kanilang mga produkto na naging sanhi ng paghina ng kalakalang pandaigdig. Nagdulot ito ng patuloy na paghina ng ekonomiya ng mundo at malawakang kawalan ng hanapbuhay. Ang Great Britain at Germany, ay kabilang sa mga bansang labis na naapektuhan. At mabilis na lumaganap sa buong mundo ang krisis.


TANDAAN!

  • May apat na dahilan ang pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig: Militarismo, Nasyonalismo, Imperyalismo at Pagtatatag ng mga Alyansa. 
  • Nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Hulyo 27, 1914 hanggang Nobyembre 11, 1918.
  • May dalawang alyansang nabuo mula sa pagkakampi kampihan ng mga bansa sa Europa. Ito ay ang Triple Entente at Triple Alliance.
  • Ang mga bansa sa alyansang Triple Entente ay ang France, Britain, Russia. 
  • Ang mga bansa sa alyansang Triple Alliance ay ang Germany, Austria-Hungary, Italy.
  • Inggit, hinala at pangamba ay mga makapangyarihang emosyon na nangibabaw sa mga bansa sa Europa kaya humantong sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mga bansa nito. 
  • Ang pangmadaliang dahilan ng pagsiklab ng digmaan ay ang pagsiklab ng labanan sa Balkan at ang pataksil na pagpatay kay Archduke Franz Ferdinand.
  • Magkalabang pangkat sa digmaan ang Central Powers na binubuo ng Germany, Austria-Hungary, Bulgaria at Imperyong Ottoman at ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, Russia at France.
  • Napilitang lumagda sa Treaty of Versailles ang Germany na opisyal na pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig.  Ang pagkakabuo ng Liga ng mga Bansa ay naglalayon na isulong ang kapayapaan at pagtutulungan ng mga bansa.
  • Ang epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang pagkamatay ng milyong katao sanhi ng gutom, sakit at paghihirap. Maraming imprastraktura at ari￾arian ang nasira na nagdulot ngpaghina ng lipunan at kabuhayan. 
  • Ang Spanish Flu ay mas nakamamatay kaysa sa mismong digmaan sa maraming bansa.
  • Hindi pa tukoy noon ang virus, kaya’t walang bakuna o epektibong lunas.
  • Sa Pilipinas, tulad ng ibang kolonya noon, limitado ang access sa medikal na tulong kaya’t maraming naapektuhan
  • Ang Great Depression ay isang malawakang krisis pang-ekonomiya na nagsimula dahil sa pagbagsak ng stock market noong October 20, 1929. Naapektuhan nito ang halos lahat ng mamamayan ng United States. Humina ang produksiyon ng mga industriya. Umabot sa 9 milyong katao ang nawalan ng pera sa mga bangko dahil nawalan ang bangko ng pambayad. Noong taong 1933, halos ikaapat na bahagi ng mga mamamayan sa United States ay nawalan ng trabaho.




GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Ikomento ang inyong natutunan sa comment section. Isulat ang inyong sagot sa inyong notebook.

1. Ano-ano ang mga hakbang na isinagawa ng mga pinuno ng bansa upang wakasan ang Unang Digmaang Pandaigdig?

2. Ano ang kaugnayan ng Labing Apat na Puntos sa pagtatatag ng Liga ng mga Bansa?

3. Ano ang naging epekto ng Spanish Flu sa Unang Digmaang Pandaigdig?

4. Sa iyong palagay, makatwiran ba ang di pagpapahintulot sa mga natalong bansa na maging kabahagi sa paglulunsad ng Peace Conference?

5. Paano nagsimula ang Great Depression?

6. Kung ikaw ay isang lider ng bansa, paano mo haharapin at tutugunan ang pandemya at great depression kung sakaling maranasan ito ng iyong bansang nasasakupan?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.


AP8-TERM2-WEEK6-7-SUM2: UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG

UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN

Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga pangyayari at isyung pampolitika sa daigdig na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya ng mga mamamayan

PAMANTAYAN SA PAGGANAP

Nakalilikha ng adbokasiyang may kaugnayan sa mga isyu at hamong pampolitika at pansibiko na nagpapatatag sa diwa ng demokrasya

A. Unang Digmaang Pandaigdig 
1. Mga Sanhi 
2. Mga Pangyayari 
3. Mga Pagbabagong dulot ng Digmaan 




Paksa: Mga Dahilan na Nagbigay Daan sa Pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig

    Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay ang unang malawakang digmaan na nagsimula noong 1914 at nagwakas noong 1918. Ito rin ay tinawag na unang makabagong digmaan sa kasaysayan dahil dito ginamit ang mga naimbentong mga kagamitan gaya ng machine guns, poison gas, eroplanong pandigma, submarine at mga tangke. May tatlumpu’t dalawang bansa sa limang kontinente ang sumali sa digmaang ito hanggang sa pagwawakas nito. Napakalaki nang naging epekto ng digmaan sa pangkabuhayang aspeto ng Europa at higit sa lahat ay kumitil ito ng napakaraming buhay. Binago ng digmaang ito ang mapa ng buong Europa. 



Narito ang mga dahilan na nagbigay daan sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig:

1. Imperyalismo – Ang kompetisyon sa pag-aagawan ng mga kolonya sa Africa at Asya sa pagitan ng mga industriyal na bansa sa Europa ang nagpalalim sa tunggalian at kawalan ng tiwala ng mga bansa nito sa isa’t isa. Nag-uunahan ang mga makapangyarihang bansa na sumakop ng mga lupain at magkaroon ng kontrol sa pinagkukunang-yaman at kalakal ng Africa at Asia. Ito ay lumikha ng samaan ng loob at pag-aalitan ng mga bansa. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:

- Pagsalungat ng Britanya sa pag-angkin ng Germany sa Tanganyika (East Africa) sapagkat balakid ito sa balak na maglagay ng transportasyong riles mula sa Cape Colony patungong Cairo. 

- Pagtangka ng Germany na hadlangan ang pagtatatag ng French Protectorate sa Morocco dahil naiingit ito sa mga tagumpay ng France sa Hilagang Africa. 

- Pagkabahala ng England sa pagtatatag ng Berlin-Baghdad Railway dahil ito ay tila panganib sa ugnayan patungong India.

- Pagsalungat ng Serbia at Russia sa pagpapalawak ng hangganan ng Austria sa Balkan

- Pagiging kalaban ng Germany ang Great Britain at Japan sa pagsakop sa China

- Hindi natuwa ang Italy at ang Germany sa pagkakahati-hati ng Africa sapagkat malaki ang nasakop ng England at France habang maliit lamang ang sa kanila.

2. Militarismo – Kinailangan ng mga bansa sa Europa ang mga naglalakihang hukbong sandatahan sa lupa, karagatan at himpapawid upang pangalagaan ang kanilang mga teritoryo. Ang pagpaparami ng mga armas upang mahigitan ang ibang bansa ay nagpakita ng pagpili sa digmaan kaysa sa diplomasiya. Naging ugat ito upang maghinala at magmatyag ang mga karatig bansa. Sinimulang magtatag ng malalaking hukbong pandagat ang Germany na ipinagpalagay naman ng England na ito ay paghamon sa kanilang kapangyarihan bilang Reyna ng Karagatan.

3. Nasyonalismo – ang masidhing pagmamahal sa sariling bayan ay may kaakibat na positibo at negatibong epekto. Ito ay nakapaghahatid ng pagkakaisa o di kaya’y pagkakahati-hati. Ito ay isa sa mga dahilan at nagdulot ng di pagkakaunawaan ng mga bansa. Nang ito ay lumabis at naging panatikong pagmamahal sa sariling bansa, naging masidhi ang paniniwala ng mga bansa sa Europa na karapatan nilang pangalagaan ang mga kalahi nila at mamuhi sa mga bansang namumuno sa kanila. Halimbawa ay ang mga sumusunod:

- Ang aristokrasyang militar ng Germany, ang mga Junker, ay naniniwalang sila ang nangungunang lahi sa Europa. 

- Pagkamuhi ng mga Serbian dahil sa mahigpit na pamamahala ng Austria.

- Pagkakaroon ng Greek Orthodox na relihiyon sa maraming estado ng Balkan, at ang pananalita ay tulad ng mga Ruso kaya’t nakialam ang Russia sa Balkan.

4. Pagbuo ng Alyansa – dahil sa inggit, hinala at mga pangamba ng mga makapangyarihang bansa sa Europa, nabuo ang dalawang magkasalungat na alyansa. Ang mga alyansang ito ay ang Triple Entente at ang Triple Alliance. 

Ang Triple Entente ay binubuo ng mga sumusunod na bansa:

France

Britain

Russia

Ang Triple Alliance naman ay binubuo ng mga sumusunod na bansa:

Germany

Austria-Hungary

Italy 

Sa ilalim ng pagkakaroon ng mga alyansa, ang bawat kasapi ay magtutulungan kung mailalagay sa kaguluhan at mga tangkang pagsalakay sa kanilang bansa.

Pagsisimula at Pangyayari sa Unang Digmaang Pandaigdig

    Ang mga pangunahing pangyayari sa Europa na maituturing na pangunahing nakaapekto sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang krisis sa Bosnia noong 1908. Pinamahalaan ng Austria ang Bosnia Herzegovina noong 1908 tutol dito ang Serbia dahil nais nilang pamahalaan ang Bosnia-Herzegovina. Ang Russia ay handang tumulong sa Serbia dahil sa kanyang interes na mapasok ang Balkan Peninsula. Nakahanda namang lumaban ang Austria Hungary sa Serbia.

    Noong Hunyo 28, 1914 pinatay si Archduke Franz Ferdinand (tagapagmana ng trono ng Austria Hungary) at ang asawa nitong si Sophie habang sila ay naglilibot sa Saravejo, Bosnia Herzogovina. Ang salarin ay si Gavrilo Princip isang 19 na taong gulang na Serbian na kasapi sa Black Hand, isang lihim na organisasyong na naghahangad na tapusin ang pamumuno ng Austria-Hungary sa Bosnia Herzegovina. Dahil sa pangyayaring ito nagbigay ng ultimatum ang Austria-Hungary sa Serbia kabilang na dito ang pagiging bahagi ng mga opisyal ng Austria sa imbestigasyon ng pagpaslang ngunit di sumang-ayon ang Serbia. Noong Hulyo 28, 1914, nagdeklara ng digmaan ang Austria-Hungary laban sa Serbia. Ito na ang simula ng Unang Digmaang Pandaigdig. Dito na rin nakita ang reaksyon ng sistema ng alyansa ng mga bansa.Sinuportahan ng Russia ang Serbia. Inisip ng Russia na ang Germany ang nagtulak sa Austria-Hungary upang makipagdigma sa Serbia kayat agad itong nagpadala ng hukbo sa hangganan ng Germany. Bilang reaksyon ay nagdeklara ang Germany ng digmaan sa Russia noong Agosto 1, 1914. Batid ng Germany na tutulong ang France sa Russia kung kayat nagdeklara din ito ng digmaan sa France pagkalipas ng dalawang araw. Nagpasya naman ang Italy na maging neutral o walang kinikilingan. Sa labanang ito ay naging kalaban ng Germany ang France sa kanluran at Russia sa silangan. Ginamit ng Germany ang Schlieffen Plan na naglalayong talunin ang France sa loob ng anim na linggo matapos nito ay isusunod nila ang Russia. Dumaan sa Belgium (bansang neutral) ang Germany na ikinagalit ng Great Britain kayat nagdeklara ito ng digmaan sa Germany noong Agosto 4 at tinulungan ang Belgium at France. Nahati ang mga makapangyarihang bansa sa Europe na nasangkot sa digmaan. Ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, France at Russia. Tinawag namang Central Powers ang Germany at Austria Hungary. Sa kalaunan ay sumali ang Japan at Italy sa Allied at ang Turkey at Bulgaria sa panig naman ng Central Powers.

Digmaan sa Kanluran

    Naganap ang pinakamainit na labanan noong Unang Digmaang Pandaigdig. Saklaw nito ang France, Switzerland at Belgium hanggang sa North Sea.

    Ang Hilagang France ay napasok ng hukbo ng Germany at nakalaban ang mga sundalong Pranses at British. Dumepensa ng mabilis ang Russia sa silangan ng halos makalapit na sa Paris ang mga Aleman. Nahati ang hukbo ng Germany kung kayat sila ay nabigong maisakatuparan ang Schlieffen Plan dahil naging mabagal at matindi ang labanan sa pagitan ng dalawang panig. Gumamit ng mga sandata tulad ng machine gun at poison gas. Maraming sundalo ang namatay sa labanang ito.

Digmaan sa Silangan

    Ang digmaang ito ay mula sa Baltic Sea hanggang sa Black Sea. Naglunsad ang Russia ng pagsalakay sa Germany. Pinamunuan ito ni Czar Nicholas II. Natalo ang hukbong Russia sa Labanan sa Tannenberg. Itinuturing itong pangunahing tagumpay ng Central Powers. Nagtagumpay naman ang hukbong Russia sa Galicia ngunit di rin nagtagal ang kanilang tagumpay. Pinahirapan sila ng mga German sa Poland at tuluyang humina at kalaunan ay bumagsak ang hukbong sandatahan ng Russia. Naging sunod-sunod ang pagkabigo ng Russia sa mga labanan. Ito ang may pinakamaraming bilang ng mga sundalong nasawi, nasugatan at nabihag na umabot sa 5.5 milyon. Naging bigo ang Russia sa mga digmaan at bumagsak din ang kanilang ekonomiya na naging dahilan ng kawalan ng tiwala ng tao sa pamumuno ni Czar Nicholas II. Siya ay bumaba sa trono noong Marso 15, 1917 na nagtapos sa Dinastiyang Romanov at ang pagsilang naman ng Komunismo sa Russia. Nakipagkasundo si Vladimir Lenin sa ilalim ng pamahalaang Bolshevik sa Germany sa pamamagitan ng paglagda sa Treaty of Brest-Litovsk. Naging kasapi ang Russia ng Central Powers at iniwan niya ang mga Alyado.

Labanan sa Labas ng Europe

    Nagnais ang mga Allies na makabawi sa Central Powers kaya’t gumawa sila ng hakbang upang makuha ang Dardanelles Strait na noon ay nasa ilalim ng Imperyong Ottoman. Tinawag itong Gallipoli Campaign subalit hindi naging matagumpay ang Allied Powers sa madugong labanang ito na ikinasawi ng tinatayang 250,000 nilang sundalo. May naganap ding labanan sa Timog Kanlurang Asya, dito natamo ng Allies ang kanilang tagumpay nang makuha nila ang Baghdad, Jerusalem at Damascus. Nagdeklara din ng digmaan ang Japan laban sa Germany at naagaw nito ang mga napasakamay naman ng France at Britain.

Digmaan sa Karagatan

    Nagkasubukang muli ang pwersa ng Germany at Britain sa Atlantic. Dinala ng Germany ang kaniyang hukbong dagat na tinawag na High Seas Fleet sa North Sea upang palubugin ang mga barko ng Britain. Ngunit ikinagulat ng mga Aleman ang naging pag- atake ng British sa baybayin ng Denmark na naging dahilan ng pag-atras ng Germany. Sa labanang ito ay maraming barko ng Britain ang lumubog kaya’t naging patas lamang ang labanan. Ang Atlantic ay nanatili pa ring kontrolado ng mga Allies.

Pagsali ng United States sa Digmaan

    Hinarang ng Germany ang mga barkong nakapaligid at patungo sa Britain. Noong Mayo 7, 1915 isang U Boat ang nagpalubog sa Lusitania, pampasaherong barko ng Britain na may sakay ding mga Amerikano. Tinatayang 1,198 katao ang namatay kabilang na ang mga pasaherong Amerikano. Isa pang pangyayari na nagtulak sa US na makibahagi sa digmaan ay nang magpadala ng telegrama ang Germany sa Mexico na sumali sa digmaan kapalit ng pangakong muling ibabalik ang mga dati nilang teritoryo na nasa ilalim ng Estados Unidos. Naging dahilan ito ng pagpasya ng United States na magdeklara ng digmaan. noong Abril 2, 1917 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Woodrow Wilson.

    Patuloy ang ginawang paglusob ng Germany sa France at narating nila ang Ilog Marne noong Mayo 1918. Nagpadala ang US ng 2 milyong sundalo upang tumulong sa labanan. Napagtagumpayan ng mga Allies ang labanang ito. Dahil sa patuloy na paghina ng pwersa ng Germany ay bumaba sa pamumuno si Kaiser Wilhelm II noong Nobyembre 9, 1918. Nilagdaan ng bagong pinuno ang armistice noong Nobyembre 11, 1918 sa isang railway car sa Le Francport malapit sa Paris.


Bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig

1. Napakalaki ng pinsala na naidulot ng Unang Digmaang Pandaigdig sa buhay at ari-arian Tinatayang 8.5 milyong katao ang namatay at 22,000,000 ang nasugatan. Marami ang namatay sa gutom, sakit at paghihirap.

2. Maraming ari-arian ang nasira. Naantala ang kalakalan. Nawasak din ang mga imprastraktura, tahanan at mga lupang pansakahan. Napakalaki ng nagastos sa digmaan na umabot sa 200 bilyong dolyar. Kung kaya’t humina ang lipunan at kabuhayan.

3. Nagwakas ang apat na dinastiya: ang Hohenzollern ng Germany, Hapsburg ng Austria- Hungary, Romanov ng Russia at Ottoman ng Turkey.

4. Pagtatag ng malayang bansa- naging malayang bansa ang Finland, Latvia, Lithuania, Estonia, Yugoslavia at Albania. 


Mga Kasunduang Pangkapayapaan

        Sa pagnanais na wakasan na ang digmaan upang maibangon at maitaguyod ang Europe, naglunsad ng Peace Conference ang 32 bansa noong Enero 18, 1919 sa Paris. Namuno sa kasunduang ito ang mga nagwaging bansa at hindi pinayagang dumalo ang mga natalong bansa. Tinawag na Big Four ang mga nanguna sa pagbuo ng kasunduan. Ito ay sina Woodrow Wilson ng Estados Unidos, David Lloyd George ng Great Britain, George Clemenceau ng France at Vittorio Orlando ng Italy.

    Binalangkas ni Pangulong Woodrow Wilson ang Labing Apat na Puntos na naglalayon ng pangmatagalang kapayapaan. Kabilang sa napagkasunduan ay ang mga sumusunod:

1. Ang kasunduan na nagaganap ay dapat ipaalam sa lahat.

2. Magkaroon ng kalayaan at karapatan sa digmaan.

3. Kinakailangang tanggalin ang buwis para sa ikabubuti ng ekonomiya.

4. Kinakailangang bawasan ang sandatahan o lakas pandigma.

5. Dapat na walang kinikilingan sa mga suliranin na pangkolonya.

6. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Russia.

7. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Belgium.

8. Kagustuhan na maibalik ang Alsace-lorraine sa bansang Pransya.

9. Kailangang magkaroon ng maayos na hangganan ang bansang Italya.

10.Kagustuhan na magkaroon ng determinasyon ang mga nakatira sa Austria–Hungary.

11.Bigyan ng pagkakataon na makapagsarili ang mga bansang Balkan.

12.Bigyan ng kalayaan ang bansang Turkey sa kamay ng mga mananakop.

13.Bigyan ng kalayaan ang bansang Poland.

14.Pagtatag ng Liga ng mga Bansa.

    Makalipas ang anim na buwan ay nilagdaan naman ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919 na opisyal na nagwakas ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa kasunduang ito ay nakasaad ang mga sumusunod: pagbalik sa France ng Alsace at Lorraine, pagsuko ng Germany sa lahat ng kolonya nito sa Africa at Asia, pagbabawal sa Germany na bumili at lumikha ng mga armas pandigma, pagbabayad ng Germany sa Allies ng 33 bilyong dolyar sa loob ng 30 taon. Ipinataw ng Allies ang responsibilidad ng digmaan sa Germany at mga kaalyado nito.

Ang Liga ng mga Bansa

 Itinatag ito sa layuning maiwasan ang anomang alitan sa pagitan ng mga bansa na maaaring maging dahilan muli ng digmaan. Layunin din nitong ayusin sa mapayapang paraan ang di pagkakaunawaan ng mga kasaping bansa, mapalaganap ang pandaigdigang pagtutulungan, lumakas ang kooperasyon ng mga bansa lalo na sa usaping pangkalakalan. Hindi inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagsali ng kanilang bansa sa Liga. Nag-umpisa ang samahan na mayroong 42 lamang na bansang kasapi. Matapos ang ilan pang mga taon, umakyat ang bilang ng mga bansang kasapi nito sa 59. Ang Great Britain at France ang pangunahing bansang gumabay sa pagtatayo ng polisiya ng mga Liga ng mga Bansa. Ang Italy at Japan ang tumayong Konseho ng samahan. Ang mga ilan sa nagawa ng Liga ng mga Bansa ay ang pagpigil ng maliliit na digmaan sa pagitan ng Finland at Sweden noong 1920, Bulgaria at Greece noong 1925 at Colombia at Peru noong 1934. Namahala din ito sa rehabilitasyon ng mga sundalo pagkatapos ng digmaan. Nagsimula na itong manghina nang tumiwalag ang Japan dahil sa pananakop nito sa Manchuria na teritoryo ng China. Maging ang paglimita sa mga sandata ng mga bansa ay hindi sinunod ng ilang kasapi sa pangambang madali silang matatalo kung sakaling lusubin sila ng kalabang bansa.


TANDAAN!

 May apat na dahilan ang pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig: Militarismo, Nasyonalismo, Imperyalismo at Pagtatatag ng mga Alyansa. 

 Nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Hulyo 27, 1914 hanggang Nobyembre 11, 1918.

 May dalawang alyansang nabuo mula sa pagkakampi kampihan ng mga bansa sa Europa. Ito ay ang Triple Entente at Triple Alliance.

 Ang mga bansa sa alyansang Triple Entente ay ang France, Britain, Russia. 

 Ang mga bansa sa alyansang Triple Alliance ay ang Germany, Austria-Hungary, Italy.

 Inggit, hinala at pangamba ay mga makapangyarihang emosyon na nangibabaw sa mga bansa sa Europa kaya humantong sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mga bansa nito. 

 Ang pangmadaliang dahilan ng pagsiklab ng digmaan ay ang pagsiklab ng labanan sa Balkan at ang pataksil na pagpatay kay Archduke Franz Ferdinand.

 Magkalabang pangkat sa digmaan ang Central Powers na binubuo ng Germany, Austria-Hungary, Bulgaria at Imperyong Ottoman at ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, Russia at France.

 Napilitang lumagda sa Treaty of Versailles ang Germany na opisyal na pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig.  Ang pagkakabuo ng Liga ng mga Bansa ay naglalayon na isulong ang kapayapaan at pagtutulungan ng mga bansa.

 Ang epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang pagkamatay ng milyong katao sanhi ng gutom, sakit at paghihirap. Maraming imprastraktura at ari￾arian ang nasira na nagdulot ngpaghina ng lipunan at kabuhayan. 


GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Ikomento ang inyong natutunan sa comment section. Isulat ang inyong sagot sa inyong notebook.

1. Ano ang naging hudyat ng pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig?

2. Bakit di nagtagumpay ang Schliffen Plan ng Germany?

3. Bakit napilitan na makisangkot ang United States sa digmaan?

4. Ano-ano ang mga hakbang na isinagawa ng mga pinuno ng bansa upang wakasan ang Unang Digmaang Pandaigdig?

5. Sa iyong palagay, makatwiran ba ang di pagpapahintulot sa mga natalong bansa na maging kabahagi sa paglulunsad ng Peace Conference?

6. Ano-ano ang naging epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigdig. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DsuzXbJgBG4AeTxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=UNANG+DIGMAANG+PANDAIGDIG&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://www.twinkl.com/illustration/1914-alliances-colour-map-countries-europe-first-world-war-history-secondary-

https://www.twinkl.com/illustration/1914-alliances-colour-map-countries-europe-first-world-war-history-secondary-black-and-white

AP8-TERM2-WEEK5-SUM2: Paglaganap ng Nasyonalismo sa Asya at Amerika

 Paglaganap ng Nasyonalismo sa Asya at Amerika 

1. Modernisasyon ng Japan (Meiji Restoration) 

2. Himagsikan sa South America (Simon Bolivar) 

3. Back-to-Africa Movement 

4. United League ni Sun Yat Sen  

5. Passive Resistance ni Gandhi (India) 

KASANAYANG PAGKATUTO: Nasusuri ang naging tugon ng ilang bansa sa Asya, Africa 

at Latin America sa imperyalismong Europeo


Balik-aral:

Rebolusyong Pranses at Pag-usbong ng mga Bansang Estado 

1. French Revolution at mga pagbabagong dulot nito 

2. Pag-usbong ng mga Bansang-Estado 

 

PAKSA!


1. Modernisasyon ng Japan (Meiji Restoration) 


Ang Meiji Restoration (明治維新, Meiji Ishin) ay isang makasaysayang yugto sa Japan noong 1868 na nagmarka ng pagtatapos ng pamumuno ng Tokugawa Shogunate at pagsisimula ng modernisasyon sa ilalim ng pamumuno ni Emperor Meiji. Isa itong rebolusyong pampolitika, panlipunan, at pang-ekonomiya na nagbukas sa Japan sa mundo matapos ang daan-daang taon ng isolation.


Mga Pangunahing Pangyayari sa Meiji Restoration

TaonPangyayariPaliwanag
1853Pagdating ni Commodore Matthew PerryPinilit ng U.S. na buksan ang Japan sa kalakalan; nagdulot ng krisis sa Tokugawa
1867Pagbitiw ni Tokugawa YoshinobuHuling shogun ng Tokugawa; nagbigay daan sa pagbabalik ng kapangyarihan sa emperador
1868Coup d’état sa KyotoIpinroklama si Emperor Meiji bilang pinuno ng Japan; simula ng bagong pamahalaan
1869–1870sPagwawakas ng sistemang pyudalInalis ang mga daimyo at samurai; pinalitan ng sentralisadong pamahalaan


Mga Pagbabagong Dulot ng Modernisasyon

Pampolitika

  • Pagbuo ng sentralisadong pamahalaan sa ilalim ng emperador

  • Pagkakaroon ng Konstitusyon ng Meiji (1889) na nagtatag ng monarkiyang konstitusyonal

  • Pagpapalakas ng nasyonalismo at pagkakakilanlan bilang bansang-estado

Panlipunan

  • Pagwawakas ng uring samurai at pyudal na sistema

  • Pagpapatupad ng sapilitang edukasyon para sa lahat

  • Pagpapalaganap ng Western ideals sa pananamit, arkitektura, at kultura

Pang-ekonomiya

  • Industriyalisasyon: pagtatayo ng mga pabrika, riles, at imprastruktura

  • Pagpapalakas ng kalakalan at teknolohiya mula sa Kanluran

  • Pagbuo ng modernong hukbong sandatahan gamit ang Western training

Epekto sa Pandaigdigang Tanawin

  • Naging unang industriyalisadong bansa sa Asya

  • Naging makapangyarihang imperyo sa rehiyon, na humantong sa mga digmaan tulad ng Sino-Japanese War at Russo-Japanese War

  • Nagsilbing modelo ng modernisasyon para sa ibang bansang Asyano, kabilang ang Pilipinas


2. Himagsikan sa South America (Simon Bolivar)


Ang Himagsikan sa South America sa pamumuno ni Simón Bolívar ay isa sa pinakatampok na kilusang makabayan sa kasaysayan ng Latin America. Tinaguriang El Libertador (“Ang Tagapagpalaya”), si Bolívar ang naging pangunahing lider sa paglaya ng maraming bansa mula sa kolonyal na pamumuno ng Espanya.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Timog Amerika 

Ang bawat isa sa 20 bansa sa Latin America ay pinamayanihan ng makabansang damdamin. May ilang mga tao ang nagkakamaling tawaging bansa ang Latin America. Hindi ito nakapagtataka. Maraming mga Latin Americans ang nagsasalita ng Espanyol at Katoliko Romano ang pananampalataya. Nagkabuklod-buklod sila sa kanilang pagkamuhi sa awtokrasyang Espanyol, katiwalian sa pamahalaan, walang kalayaang magpahayag ng mga batas na naghihigpit sa pangangalakal.


Simon Bolivar at Jose de San Martin 

Si Simon Bolivar ay ipinanganak noong Hulyo 24, 1783 sa Caracas, Venezuela. Nag-aral sa Europa kung saan nahubog ang kanyang kaisipan sa Enlightenment—mga ideya nina Locke, Rousseau, at Voltaire. Nangako sa Roma noong 1805 na wawakasan ang pamumuno ng Espanya sa Amerika

Siya ay nagnais na palayain ang Timog Amerika laban sa mga mananakop. Ang pagnanais na ito ay pagpapatuloy lamang sa mga nasimulan ni Francisco de Miranda, isang Venezuelan. Ang huli ay nag-alsa laban sa mga Espanyol noong 1811 ngunit hindi siya nagtagumpay na matamo ang kalayaan ng Venezuela mula sa Spain. Noong 1816, namatay na may sama ng loob si Miranda sa isang bartolina ng mga Espanyol. Matapos nito’y pinamunuan ni Bolivar ang kilusan para sa kalayaan sa hilagang bahagi ng Timog Amerika. Noong 1819, pagkatapos na mapalaya ang Venezuela, ginulat niya ang mga Espanyol nang magdaan sa Andes ang kaniyang hukbo. Ang tagumpay niya ay humantong sa pagtatatag ng Great Colombia (ang buong hilagang pampang ng South America). Tinawag siyang tagapagpalaya o liberator at pagkatapos, naging pangulo si Jose de San Martin (1778-1850) naman ang sumunod sa pagtataboy sa mga Espanyol sa Argentina. Katulad din ni Bolivar, namuno si San Martin sa kaniyang grupo sa Andes. Tumulong ito sa liberasyon ng Chile, gayundin sa Peru. Mayroon din siyang heneral na tulad ni Bernard o’Higgins, isang Chileno.


Mga Ideolohiyang Isinulong
  • Republikanismo: Pamahalaan ng mamamayan, hindi ng hari

  • Nasyonalismo: Pagkakaisa ng mga mamamayan bilang isang bansa

  • Kalayaan at karapatang pantao: Inspirado ng Enlightenment

Pamana ni Bolívar

  • Itinuturing na ama ng kalayaan sa Latin America

  • Maraming lungsod, paaralan, at bansa (Bolivia) ang ipinangalan sa kanya

  • Bagamat nabigo ang kanyang pangarap na nagkakaisang South America, ang kanyang mga ideya ay naging pundasyon ng mga bansang-estado sa rehiyon


3. Back-to-Africa Movement 


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Africa

Hinangad at nagkaroon ng matagumpay na kolonisasyon ang mga bansang Europeo sa Africa. Pinaghati-hatian ang kontinente at binalangkas ang ekonomiya ayon sa kanilang sariling kapakanan. Nagtayo sila ng mga daang bakal at industriya upang mapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Bago nagsimula ang 1914, tatlo lamang ang malayang bansa sa Africa- Ethiopia, Liberia at Republika ng South Africa. Sinasabing nagsimula ang una sa pamamahala ni Reyna Sheba. Itinatag ang ikalawa noong 1810 sa tulong ng Estado Unidos habang naging kasapi ng Commonwealth of Nations ang ikatlo noong 1910.


Kilusan ng Pagbabalik sa Africa (Back-to-Africa Movement)

Ang Back-to-Africa Movement ay isang kilusan noong ika-19 at ika-20 siglo na nagtaguyod ng pagbabalik ng mga African American sa kanilang mga ninunong lupain sa Africa. Itinulak ito ng hangaring magkaroon ng sariling pagpapasya at makaiwas sa sistematikong diskriminasyon sa Estados Unidos.

Kontekstong Pangkasaysayan

  • Umusbong ang kilusan noong maagang bahagi ng ika-19 na siglo bilang tugon sa matinding rasismo at pang-aapi sa mga African American.

  • Maraming malalayang itim at dating mga alipin ang nagnanais tumakas sa marahas at mapang-aping pamumuhay sa Amerika, kung saan sila'y biktima ng diskriminasyon, karahasan, at kakulangan sa oportunidad.

  • Malapit na kaugnay ng American Colonization Society (ACS) na itinatag noong 1816, layunin nitong ilipat ang mga malalayang itim sa Africa—lalo na sa Liberia, na itinatag noong 1847 bilang kolonya ng mga pinalayang alipin.

Mahahalagang Tauhan

Paul Cuffee

  • Isang mayamang African American na may-ari ng barko.

  • Noong 1816, nagdala siya ng 38 African Americans patungong Sierra Leone.

  • Isa sa mga unang organisadong pagsisikap ng mga itim na Amerikano na bumalik sa Africa.

Marcus Garvey

  • Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, naging pangunahing tagapagtaguyod ng kilusan sa pamamagitan ng Universal Negro Improvement Association (UNIA).

  • Isinusulong niya ang black nationalism at matibay na pagkakakilanlan ng mga itim, hinihikayat ang pagbabalik sa Africa upang itatag ang sariling bansa.

Mga Dahilan at Hamon

  • Motibasyon:

    • Hangaring magkaroon ng sariling pagpapasya

    • Pag-asa sa mas maayos na pamumuhay

    • Pagtakas sa rasismo at pang-aapi

  • Hamon:

    • Kakulangan sa mga yaman at suporta

    • Pagkakaibang pangkultura sa mga lokal na komunidad sa Africa

    • Mataas na bilang ng pagkamatay sa Liberia dahil sa mga sakit na wala silang immunity

Epekto at Pamana

  • Bagamat hindi naging malawak ang aktwal na migrasyon, malaki ang naging impluwensiya ng kilusan sa mga sumunod na kilusang panlipunan.

  • Naging pundasyon ng mga kilusan para sa karapatang sibil at Pan-Africanism noong ika-20 siglo.

  • Naging inspirasyon ng mga kilusang pangkultura at pampolitika gaya ng Rastafari Movement, na nagbibigay-diin sa koneksyon ng mga itim sa Africa at diaspora.


4. United League ni Sun Yat Sen  

Ang "United League" ay ang Tongmenghui (同盟會), isang makasaysayang samahan na itinatag ni Sun Yat-sen noong Agosto 20, 1905 sa Tokyo, Japan. Ito ay isang underground resistance movement na may layuning pabagsakin ang Qing Dynasty at itatag ang isang Republika ng Tsina.


Mga Pangunahing Layunin ng Tongmenghui

-Paalisin ang mga Manchu (Qing Dynasty) mula sa kapangyarihan

-Ibalik ang Tsina sa mga Tsino (Han nationalism)

-Itatag ang Republika ng Tsina

-Pantay-pantay na pamamahagi ng lupa sa mamamayan


Pinagmulan ng Samahan

-Pinagsama-sama ni Sun Yat-sen ang iba’t ibang rebolusyonaryong grupo:

-Xingzhonghui (Revive China Society)

-Guangfuhui (Restoration Society)

-Iba pang mga lokal na kilusan


Impluwensiya sa Ibayong Dagat

Nagkaroon ng sangay sa Singapore noong 1906, na naging punong tanggapan para sa Southeast Asia. Dito, tumulong ang mga Tsino sa diaspora sa pagpopondo ng rebolusyon, paglalathala ng mga pahayagan, at pagbili ng armas2.


Pagbabago at Ebolusyon

Pagkatapos ng tagumpay ng Xinhai Revolution noong 1911, naging pundasyon ang Tongmenghui ng Kuomintang (KMT) o Nationalist Party noong 1912.


5. Passive Resistance ni Gandhi (India)


Passive Resistance ni Gandhi sa India ay hindi simpleng pagtanggi sa karahasan—ito'y isang malalim na pilosopiya ng moral na lakas, na tinawag niyang Satyagraha o “force of truth.”

Pangkalahatang Ideya

  • Satyagraha ang tawag ni Gandhi sa kanyang bersyon ng passive resistance. Hindi ito “passive” sa kahulugan ng kawalan ng aksyon, kundi aktibong pagtutol sa kasamaan gamit ang katotohanan at pag-ibig.

  • Layunin nitong baguhin ang puso ng kalaban, hindi sirain sila. Ang tagumpay ay hindi sa pagkatalo ng kaaway kundi sa pagkamit ng katarungan sa mapayapang paraan.


Mga Prinsipyo ng Passive Resistance ni Gandhi

PrinsipyoPaliwanag
Ahimsa (Nonviolence)Walang pisikal na pananakit, kahit sa harap ng karahasan.
Truth (Satya)Katapatan sa layunin at pamamaraan.
Self-sufferingPagtitiis ng hirap bilang sakripisyo upang gisingin ang konsensya ng kalaban.
FearlessnessHindi takot sa kaparusahan o kamatayan, basta't nasa tama.


Mga Halimbawa ng Passive Resistance

  • Salt March (1930) – Isang 240-mile na martsa laban sa buwis sa asin ng Britanya. Nagpakita ito ng lakas ng masa sa mapayapang paraan.

  • Non-cooperation Movement (1920s) – Pagtanggi ng mga Indian na makilahok sa mga institusyong kontrolado ng Britanya.

Mula sa Hind Swaraj ni Gandhi

Sa kanyang aklat, sinabi ni Gandhi:

“The force of love is the same as the force of the soul or truth... The universe would disappear without the existence of that force.”


 TANDAAN!

- Ang Meiji Restoration (明治維新, Meiji Ishin) ay isang makasaysayang yugto sa Japan noong 1868 na nagmarka ng pagtatapos ng pamumuno ng Tokugawa Shogunate at pagsisimula ng modernisasyon sa ilalim ng pamumuno ni Emperor Meiji. Isa itong rebolusyong pampolitika, panlipunan, at pang-ekonomiya na nagbukas sa Japan sa mundo matapos ang daan-daang taon ng isolation.

- Ang Himagsikan sa South America sa pamumuno ni Simón Bolívar ay isa sa pinakatampok na kilusang makabayan sa kasaysayan ng Latin America. Tinaguriang El Libertador (“Ang Tagapagpalaya”), si Bolívar ang naging pangunahing lider sa paglaya ng maraming bansa mula sa kolonyal na pamumuno ng Espanya.

- Ang Back-to-Africa Movement ay isang kilusan noong ika-19 at ika-20 siglo na nagtaguyod ng pagbabalik ng mga African American sa kanilang mga ninunong lupain sa Africa. Itinulak ito ng hangaring magkaroon ng sariling pagpapasya at makaiwas sa sistematikong diskriminasyon sa Estados Unidos.

Ang Back-to-Africa Movement ay isang masalimuot at makabuluhang kilusan na sumasalamin sa mga pakikibaka at hangarin ng mga African American na muling angkinin ang kanilang pagkakakilanlan at pamana sa harap ng sistematikong pang-aapi. Hanggang ngayon, patuloy ang epekto nito sa mga diskurso tungkol sa lahi, identidad, at pag-aari ng kultura.

- Ang "United League" ay ang Tongmenghui (同盟會), isang makasaysayang samahan na itinatag ni Sun Yat-sen noong Agosto 20, 1905 sa Tokyo, Japan. Ito ay isang underground resistance movement na may layuning pabagsakin ang Qing Dynasty at itatag ang isang Republika ng Tsina2.

- Ang passive resistance ni Gandhi ay naging inspirasyon sa mga kilusang sibil sa buong mundo—mula kay Martin Luther King Jr. sa Amerika hanggang kay Nelson Mandela sa South Africa.


GAWAIN 1!

Panuto: Kilalanin at ipaliwanag ang mga sumusunod na salita.

1. Meiji Restoration

2. Emperor Meiji

3. Coup d'état

4. Simon Bolivar

5. El Libertador

6. Nasyonalismo

7. Awtokrasya

8. Jose de San Martin

9. Locke

10. Rousseau

11. Voltaire

12. Enlightenment

13. Francisco de Miranda

14. Latin America

15. Paul Cuffee

16. Marcus Garvey

17. UNIA

18. Sun Yat Sen

19. Tongmenghui

20. Mahatma Gandhi

21. Satyagraha

22. Ahimsa


GAWAIN 2!

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan.

1. Paano binuhay at napalakas ng Japan, South America, Africa, China, at India ang kanilang nasyonalismo?

2. Sinu-sino ang mga nanguna upang ipaglaban ang kanilang Karapatan sa kanilang bansa?

3. May maganda bang naidulot ang paglaban nila sa mga kolonyalista at imperyalistang Kanluranin? Bakit?

4. Kung ikaw ay isang lider ng bansa, paano mo pananatilihin ang nasyonalismo sa iyong nasasakupan?

5. Bilang isang mag-aaral, paano mo sisimulang ipakita ang iyong pagkamakabansa?


REFERENCE:

https://www.bing.com/search?q=Modernisasyon%20ng%20Japan%20(Meiji%20Restoration)&qs=n&form=QBRE&sp=-1&lq=0&pq=modernisasyon%20ng%20japan%20(meiji%20restoration)&sc=0-42&sk=&cvid=69493F3F4C7E4E998D104B5217AAC535

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

DIGNIDAD: Search results for simon bolivar

https://www.bing.com/search?q=Back-to-Africa%20Movement&qs=n&form=QBRE&sp=-1&lq=0&pq=back-to-africa%20movement&sc=12-23&sk=&cvid=47D1B08E9BD14E88B7741555EBB44767

https://en.wikipedia.org/wiki/Tongmenghui

https://www.bing.com/search?q=Passive%20Resistance%20ni%20Gandhi%20(India)&qs=n&form=QBRE&sp=-1&lq=0&pq=passive%20resistance%20ni%20gandhi%20(india)&sc=11-36&sk=&cvid=4E237511425E48AF8FC3DC9E8F715EE2