Tuesday, September 2, 2025

K TO 10 CURRICULUM: AP8-Q2-WEEK2: Panahon ng Paggalugad at Kolonyalismo sa America

IKALAWANG MARKAHAN – KOLONYALISMO, IMPERYALISMO, NASYONALISMO AT PAGKABANSA

 

PAMANTAYANG PANGNILALAMAN

Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa hamon ng kolonyalismo at imperyalismo sa pagpapatatag ng nasyonalismo at pagkabansa

 

PAMANTAYAN SA PAGGANAP

Nakabubuo ng mungkahing solusyon sa mga napapanahong isyung may kaugnayan sa pagpapatatag ng nasyonalismo at pagkabansa


AP8-Q2-WEEK2: Panahon ng Paggalugad at Kolonyalismo sa America

1. Ang Europe sa Panahon ng Paggalugad at Kolonyalismo

a. Mga Dahilan 

b. Tunggalian ng Portugal at Spain

c. Ang Epekto ng Pananakop sa Imperyong Aztec at

Inca sa lipunang Mesoamerican/ Andean at sa

Lipunang Espanyol


BALIK-ARAL

- Pagbagsak ng Constantinople

- Renaissance

- Repormasyon

- Kontra-Repormasyon


1. Ang Europe sa Panahon ng Paggalugad at Kolonyalismo

a. Mga Dahilan 

b. Tunggalian ng Portugal at Spain


Ang Unang Yugto ng Kolonyalismo

    Ang mga kaganapan simula sa panahon ng Renaissance, mga Krusada hanggang sa pag-unlad ng paniniwalang merkantilismo ay nagbigay-daan sa Europa upang ito ay magsimulang lumakas hanggang sa kasalukuyan. 

    Nagsimula ang eksplorasyon o paggagalugad at pagtuklas ng mga bagong lupain noong ika-15 na siglo. Ang mga isinulat at kuwento ni Marco Polo tungkol sa kanyang paglalakbay sa Silangan ay pumukaw sa interes ng mga Europeo. Dahil sa mga kontroladong mga ruta ng kalakalan, napilitan ang ilang mga mangangalakal na maghanap ng bagong ruta upang makarating sa Silangan. Dito nagsimulang maglayag sa karagatan ang mga tao. Ang pagtuklas ng mga bagong lupain ang nagbigay-daan sa kolonyalismo. Ang kolonyalismo ay ang pagsakop ng isang makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa. Ang panahong ika-15 siglo hanggang ika-17 na siglo ay tinatawag din na unang yugto ng Imperyalismong Kanluranin. Ang imperyalismo ay tumutukoy sa panghihimasok, pag-impluwensya, o pagkontrol ng isang makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa. 


Motibo ng eksplorasyon

-Pagpapalaganap ng Kristiyanismo

-Paghahanap ng Kayamanan

-Paghahangad ng katanyagan at Karangalan

-Kolonyalismo


    Ang paghahanap ng Spices o pampalasa mula sa Asya ay isa ring dahilan ng paglalakbay. Malaki ang pangangailan ng mga Europeo sa mga pampalasa lalo na ang paminta, cinnamon at nutmeg mula sa India. Sa panahon na ito, ang kalakalan ng spices ay kontrolado ng mga Muslim at mga taga-Venice sa Italy kaya nagkaroon ng monopolyo ng kalakalan. 

    Nakatulong upang mapadali ang paglalayag ang pag-unlad ng teknolohiya. Ang mga unang bansang Europeo na nagpasimula ng paglalayag ay gumamit ng mas malalaking sasakyang pandagat na tinatawag na caravel na naglalaman ng kanyon at riple. Nakatulong din ang pagkakatuklas sa compass na siyang ginagamit upang malaman ang tamang direksyon habang naglalakbay, gayundin ang astrolabe na siyang ginagamit upang sukatin ang altitude o taas ng araw at bituin. Nakatulong din ang mapa na nagpapakita sa baybayin ng Dagat Mediterranean at may grid system.


Ang Portugal

    Pinangunahan ng Portugal ang paghahanap ng mga spices at ginto sa pamamagitan ng paglalakbay sa karagatan. Malaki ang papel na ginampanan ni Prinsepe Henry “The Navigator” sa pagtatagumpay ng Portugal. Nagpatayo siya ng paaralan ng nabigasyon at hinikayat ang mga mahuhusay na astrologo, kartograpo, mandaragat at mathematician. 


Bartholomeu Dias

    Noong 1488, Natagpuan niya ang Cape of Good Hope sa Katimugang bahagi ng Africa. Ang pangyayaring ito ang nagpakilala na maaaring makarating sa Silangang Asya sa pamamagitan ng pag-ikot sa Africa.


Vasco da Gama 

    Noong 1497, kanyang pinamunuan ang apat na sasakyang pandagat na umikot sa Cape of Good hope at nakarating sa India. Natagpuan niya ang mga Hindu at Muslim na nakikipagkalakalan ng mahuhusay na seda, porselana at pampalasa na pangunahing pangangailangan sa Portugal. Napatunayan ang yaman ng Silangan at ang maunlad na kalakalan.


Ang Spain

    Dahil sa paghahangad ng Spain sa kayamanan mula sa Silangan, tinustusan nina Haring Ferdinand V at Reyna Isabella ang eksplorasyon ng bansa.


Christopher Columbus

Noong 1492, pinangunahan niya ang ekspedisyon na may layuning makarating sa India sa pamamagitan ng paglalayag pakanluran ng Atlantic Ocean. Nakarating siya sa isla ng Bahamas at tinawag ang mga tao dito na Indian. Narating din niya ang lupain ng Hispaniola at Cuba. Marami siyang natagpuang ginto dito na makasasapat sa pangangailangan ng Spain.


Amerigo Vespucci

    Noong 1507, ipinaliwanag niya na si Columbus ay nakatuklas ng New World o Bagong Mundo, na kinilala bilang America hinango mula sa kanyang pangalan. Ito ay naitala sa mapa ng Europe kasama ang iba pang isla.


Ferdinand Magellan

    Noong 1519, nilakbay ng kanyang ekspedisyon ang rutang pakanluran patungong Silangan. Natuklasan niya ang Brazil, nilakbay ang makipot na daanan ng tubig na mas kilala ngayon bilang Strait of Magellan, patungo sa Pacific Ocean hanggang makarating sa Pilipinas. Dahil dito, napatunayan na maaaring ikutin ang mundo at muling makakabalik sa pinanggalingan.


Ang Paghahati sa Daigdig

    Ang pag-uunahan ng pagtuklas ng mga bagong lupain ay nagdulot ng lumalalang paligsahan sa pagitan ng Portugal at Spain. Namagitan si Pope Alexander VI sa kanilang paglalabanan. Noong 1493, gumuhit ang Pope ng line of demarcation, isang hindi nakikitang linya mula sa gitna ng Atlantic Ocean mula sa North Pole hanggang South Pole. 

    Ipinakikita sa mapa na lahat ng matatagpuang kalupaan at katubigan sa Kanlurang bahagi ng linya ay para sa Spain. Ang Silangang bahagi naman ay para sa Portugal.


Ang France

    Ang mga Pranses ay nagsagawa rin ng kanilang paggalugad sa daigdig, partikular na sa bahagi ng hilagang Amerika.


Jacques Cartier 

    Noong 1534, kaniyang naabot ang St. Lawrence River at ipinasailalim sa France ang lugar na ngayon ay silangang bahagi ng Canada.


Samuel de Champlain

    Noong 1608, kaniyang itinatag ang Quebec bilang unang permanenteng kolonyang French at kalakalan ng fur o produktong gawa sa balahibo ng hayop.


Louis Jolliet at Jacques Marquette

    Noong 1673, kanilang naabot ang Mississippi River at naglakbay hanggang Arkansas River.


Rene-Robert Cavalier (Sieur de La Salle)

    Noong 1628, kaniyang pinangunahan ang expedisyon sa Mississippi River hanggang sa Gulf of Mexico. Ang lahat ng lupain dito ay inialay sa hari ng France na si Louis XIV at tinawag niya itong Louisiana.


Ang England

    Noong 1600, binigyan ng England ang English East India Company (EEIC) ng karapatang makapagsulong ng interes na pangkalakalan. Binigyan ang EEIC ng monopolyo ng kalakalang English sa East Indies, gayundin sa Africa, Virginia, at iba pang bahagi ng Amerika. Ang mga sumusunod ay mga kolonyang English na naitatag:

 Roanoke Island – kolonya sa silangang baybayin ng Amerika na hindi nagtagal

 Carribean at Hilagang America – ang naging batayan ng imperyong English

 Dahil sa pagdami ng salapi, lumawak ang kalakalan at namuhunan ang mga negosyante sa malalaking negosyo.

 Nabuwag ng mga Europeo, sa pamamagitan ng bagong kalakalan, ang monopolyo ng mga Venetian sa Euro-Asya.

 Umunlad at naitama ang maraming kaalaman tungkol sa heograpiya, hayop, at halaman. 

 Napatunayan ang circumnavigation ni Ferdinand Magellan sa daigdig na lahat ng karagatan sa daigdig ay magkakaugnay.

 Nagkaroon ng pagkakataon na lumaganap ang mga sakit tulad ng yellow fever at malaria na hatid ng mga Europeo mula sa Africa patungong New World.


c. Ang Epekto ng Pananakop sa Imperyong Aztec at Inca sa lipunang Mesoamerican/ Andean at sa Lipunang Espanyol

Pag-usbong at Pag-unlad ng mga Klasikal na Lipunan sa America, Africa, at mga Pulo sa Pacific

    Ano-ano ang naiisip mo kapag nababanggit ang mga salitang America, Ang Africa? At ang mga Pulo sa Pacific? Ano-ano na ang alam mo tungkol  sa mga lugar na ito?

    Masasalamin sa kasalukuyang kalagayan nit at sa pamumuhay ng kanilang mamamayan ang impluwensiya ng mga sinaunang kabihasnang  naitatag sa mga kontinenteng ito.

    Mapag-aaralan mo sa araling ito ang pag-usbong at pag-unlad ng mga imperyo sa America, Africa, at mga Pulo sa Pacific. Masusuri mo rin kung paano nakaimpluwensiya ang mga pangyayari at mga tugon sa hamon ng mga sinaunang mamamayan sa mga nabanggit na kontinente tungo sa pagbuo ng sariling pagkakakilanlan

 


Mga Kabihasnan sa Mesoamerica

    Habang umuunlad at nagiging makapangyarihan ang mga Sinaunang Kabihasnan sa Mesopotamia, India, at China, nagsisimula naman ang mga mamamayan sa Mesoamerica na magsaka. Ang maliliit na pamayanang agrikultural na ito ay nabuo sa Gitna at Timog na bahagi ng Mesoamerica. Nang lumaon, naging makapangyarihan ang ibang pamayanan at nakapagtatag ng lungsod-estado. Ang mga bumuo ng lungsod-estado ay nakapagtatag ng sarili nilang kabihasnan. Ilan dito ay ang kabihasnang Olmec at Zapotec na tinalakay sa nakaraang Modyul.




    Sumunod na nakilala sa Mesoamerica ang Kabihasnang Maya at Aztec. Naging maunlad rin ang Kabihasnang Inca sa Timog America. Katulad ng kabihasnang Greece, at Rome, ang pagiging maunlad at makapangyarihan ay nagtulak sa mga kabihasnan sa Mesoamerica at Timog America na manakop ng lupain at magtayo ng imperyo. Malawak ang naging impluwensiya ng mga Maya, Aztec, at Inca kung kaya’t itinuturing ang mga ito na Kabihasnang Klasikal sa America.


Kabihasnang Maya (250 C.E. – 900 C.E.)

    Namayani ang Kabihasnang Maya sa Yucatan Peninsula, ang rehiyon sa Timog Mexico hanggang Guatemala. Nabuo rito ang mga pamayanang lungsod ng Maya tulad ng Uaxactun, Tikal, El Mirador, at Copan. Nakamit ng Maya ang rurok ng kaniyang kabihasnan sa pagitan ng 300 C.E. at 700 C.E.

    Sa lipunang Maya, katuwang ng mga pinuno ang mga kaparian sa pamamahala. Pinalawig ng mga pinunong tinatatawag na halach uinic o “tunay na lalaki” ang mga pamayanang urban na sentro rin ng kanilang pagsamba sa kanilang mga diyos.

    Nang lumaon, nabuo rito ang mga lungsod-estado. Sila ay nagtataglay ng ganap na kapangyarihan. Naiugnay ng malalawak at maayos na kalsada at rutang pantubig ang mga lungsod-estado ng Maya. Banaag sa kaayusan ng lungsod ang pagkakahati-hati ng mga tao sa lipunan. Hiwalay ang tirahan ng mahihirap at nakaririwasa. Ang sentro ng bawat lungsod ay isang pyramid na ang itaas na bahagi ay dambana para sa mga diyos. May mga templo at palasyo sa tabi ng pyramid.

    Sa larangan ng ekonomiya, kabilang sa mga produktong pangkalakal ay mais, asin, tapa, pinatuyong isda, pulot-pukyutan, kahoy, at balat ng hayop. Nagtatanim sila sa pamamagitan ng pagkakaingin. Ang pangunahing pananim nila ay mais, patani, kalabasa, abokado, sili, pinya, papaya, at cacao. Dahil sa kahalagahan ng agrikultura sa buhay ng mga Maya, ang sinamba nilang diyos ay may kaugnayan sa pagtatanim tulad ng mais gayundin ang tungkol sa ulan.

    Nakamit ng Maya ang tugatog ng kabihasnan matapos ang 600 C.E. Subalit sa pagtatapos ng ikawalong siglo C.E., ang ilang mga sentro ay nilisan, ang paggamit ng kalendaryo ay itinigil, at ang mga estrukturang panrelihiyon at estado ay bumagsak. Sa pagitan ng 850 C.E. at 950 C.E., ang karamihan sa mga sentrong Maya ay tuluyang inabandona o iniwan. Wala pang lubusang makapagpaliwanag sa pagbagsak ng Kabihasnang Mayan. Ayon sa ilang dalubhasa, maaaring ang pagkasira ng kalikasan, paglaki ng populasyon, at patuloy na digmaan ay ilan lamang sa mga dahilan ng paghina nito. Maaari rin na sanhi ng panghihina nito ang pagbagsak sa produksiyon ng pagkain batay sa mga nahukay na labi ng tao na nagpapakita ng kakulangan sa sapat na nutrisyon. Ang mga labi ay natuklasang hindi gaanong kataasan samantalang mas manipis ang mga buto nito. Gayunpaman, ang ilang lungsod sa hilagang kapatagan ng Yucatan ay nanatili nang ilan pang siglo, tulad ng Chichen Itza, Uxmal, Edzna, at Copan. Sa paghina ng Chichen at Uxmal, namayani ang lungsod ng Mayapan sa buong Yucatan hanggang sa maganap ang isang pag-aalsa noong 1450.

 

Isang maunlad na kabihasnan ang nabuo ng mga Mayan.

    Ang pagbagsak ng mga lungsod-estado ng Kabihasnang Maya ay nagdulot ng paglaho ng kanilang kapangyarihan sa timog na bahagi ng Mesoamerica. Sa panahong ito, nagsimulang umunlad ang maliliit na pamayanan sa Mexico Valley. Ang mga mamamayan rito ang nagtatag ng isa sa unang imperyo sa Mesoamerica – ang Imperyong Aztec.

    Kung ang mga Maya ay nagtatag ng kanilang Kabihasnan sa timog na bahagi ng Mesoamerica, ang mga Aztec naman ay naging makapangyarihan sa gitnang bahagi nito. Matatandaan na sa bahagi ring ito umusbong ang sinaunang Kabihasnang Olmec. Bunga nito, ang pamumuhay at paniniwala ng mga Aztec ay may impluwensiya ng mga Olmec. Subalit, hindi tulad ng mga Olmec, ang mga Aztec ay nagpalawak ng kanilang teritoryo. Mula sa dating maliliit na pamayanang agrikultural sa Valley of Mexico, pinaunlad ng mga Aztec ang kanilang kabihasnan at nagtatag ng sariling imperyo. Kinontrol nila ang mga karatig lupain sa gitnang bahagi ng Mesoamerica.


Kabihasnang Aztec (1200 – 1521)

    Ang mga Aztec ay mga nomadikong tribo na ang orihinal na pinagmulan ay hindi tukoy. Unti-unti silang tumungo sa Lambak ng Mexico sa pagsapit ng ika-12 siglo C.E. Ang salitang Aztec ay nangangahulugang “isang nagmula sa Aztlan,”isang mitikong lugar sa Hilagang Mexico.

    Noong 1325, itinatag nila ang pamayanan ng Tenochtitlan, isang maliit na isla sa gitna ng lawa ng Texcoco. Ang Texcoco ay nasa sentro ng Mexico Valley. Nang lumaon, ang lungsod ay naging mahalagang sentrong pangkalakalan.

    Angkop ang Tenoctitlan sa pagtatanim na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga Aztec dahil mayroon itong matabang lupa. Sa kabila nito, hindi sapat ang lawak ng lupain upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan. Ang hamong ito ay matagumpay na natugunan ng mga Aztec.

    1. Ang lupa sa paligid ng mga lawa ay mataba subalit hindi lubos na malawak. Upang madagdagan ang lupang tinataniman, tinabunan ng lupa ng mga Aztec ang mga sapa at lumikha ng mga chinampas, mga artipisyal na pulo na kung tawagin ay mga floating garden.

    2. Wala silang kasangkapang pambungkal ng lupa o hayop na pantrabaho. Nagtatanim sila sa malambot na lupa na ang gamit lamang ay matulis na kahoy.

    3. Mais ang kanilang pangunahing tanim. Ang iba pa nilang tanim ay patani, kalabasa, abokado, sili, at kamatis. Nag-alaga rin sila ng mga pabo, aso, pato, at gansa

    4. Dahil sila ay mga magsasaka, ang mga Aztec ay taimtim na umaasa sa mga puwersa ng kalikasan at sinasamba ang mga ito bilang mga diyos. Ang pinakamahalagang diyos nila ay si Huitzilopochtli, ang diyos ng araw. Mahalaga ang sikat ng araw sa pananim ng mga magsasaka kaya sinusuyo at hinahandugan ang naturang diyos. Mahalaga rin sina Tlaloc, ang diyos ng ulan at si Quetzalcoatl. Naniniwala ang mga Aztec na kailangang laging malakas ang mga diyos na ito upang mahadlangan ng mga ito ang masasamang diyos sa pagsira ng daigdig. Dahil dito, ang mga Aztec ay nag-alay ng tao. Ang mga iniaalay nila ay kadalasang bihag sa digmaan bagama’t may mga mandirigmang Aztec na nagkukusang-loob ialay ang sarili.

    Bunga ng masaganang ani at sobrang produkto, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Aztec na makipagkalakalan sa mga kalapit na lugar na nagbigay-daan upang sila ay maging maunlad. Ang kaunlarang ito ng mga Aztec ay isa sa mga dahilan upang kilalanin ang kanilang kapangyarihan ng iba pang lungsod-estado. Nakipagkasundo sila sa mga lungsod-estado ng Texcoco at Tlacopan. Ang nabuong alyansa ang siyang sumakop at kumontrol sa iba pang maliliit na pamayanan sa Gitnang Mexico.

    Sa pagsapit ng ika-15 siglo, nagsimula ang malawakang kampanyang militar at ekonomiko ng mga Aztec. Ang isa sa mga nagbigay-daan sa mga pagbabagong ito ay si Tlacaelel, isang tagapayo at heneral. Itinaguyod niya ang pagsamba kay Huitzilopochtli. Kinailangan din nilang manakop upang maihandog nila ang mga bihag kay Huitzilopochtli. Ang paninindak at pagsasakripisyo ng mga tao ay ilan sa mga naging kaparaanan upang makontrol at mapasunod ang iba pang mga karatig-lugar na ito. Ang mga nasakop na lungsod ay kinailangan ding magbigay ng tribute o buwis. Dahil sa mga tribute at mga nagaping estado, ang Tenochtitlan ay naging sentrong pangkabuhayan at politikal sa Mesoamerica mula sa Pacific Ocean haggang Gulf of Mexico at mula sa hilagang Mexico hanggang sa Guatemala. Ang mga Aztec ay mahuhusay na inhenyero at tagapagtayo ng mga estruktura tulad ng mga kanal o aqueduct, mga dam, gayundin ng sistema ng irigasyon, liwasan, at mga pamilihan.

    Ang biglaang pagbaba ng populasyon ay dulot ng epidemya ng bulutong, pang-aalipin, digmaan, labis na paggawa, at pagsasamantala. Sa kabuuan, tinatayang naubos ang mula 85 hanggang 95 bahagdan ng kabuuang katutubong populasyon ng Mesoamerica sa loob lamang ng 160 taon.

 


HERNANDO CORTES

    Sa pagdating ni Hernando Cortes at mga Espanyol sa Mexico noong 1519, natigil ang pamamayani ng mga Aztec sa Mesoamerica. Si Cortes ang namuno sa ekspedisyong Espanyol na nanakop sa Mexico. Inakala ni Montezuma II, pinuno ng mga Aztec, na ang pagdating ng mga Espanyol ay ang sinasabing pagbabalik ng kanilang diyos na si Quetzalcoatl dahil sa mapuputingkaanyuan ng mga ito. Noong 1521, tuluyang bumagsak ang Tenochtitlan.

 

HEOGRAPIYA NG SOUTH AMERICA

    May magkakaibang klima at heograpiya ang South America kung ihahambing sa Mesoamerica. Matatagpuan sa hilaga ng Amazon River na dumadaloy sa mayayabong na kagubatan. Pawang ang mga prairie at steppe naman ang matatagpuan sa Andes Mountains sa timog na bahagi. Samantala, tuyot na mga disyerto ang nasa kanlurang gulod ng mga bundok na kahilera ng Pacific Ocean. Dahil sa higit na kaaya-aya ang topograpiya ng Andes, dito nabuo ang mga unang pamayanan. May mga indikasyon ng pagsasaka gamit ang patubig sa hilagang gilid ng Andes noong 2000 B.C.E. Sa pagsapit ng ika-11 siglo B.C.E, maraming pamayanan sa gitnang Andes ang naging sentrong panrelihiyon. Ang mga pamayanang ito ay umusbong sa kasalukuyang Peru, Bolivia, at Ecuador. Nang lumaon, nagawang masakop ng ilang malalaking estado ang kanilang mga karatig-lugar. Subalit sa kabila nito, wala ni isa man ang nangibabaw sa lupain

 

Kabihasnang Inca (1200-1521)

    Noong ika-12 siglo, isang pangkat ng mga taong naninirahan sa hilagang-kanlurang bahagi ng Lake Titicaca sa matabang lupain ng Lambak ng Cuzco. Sa pamumuno ni Manco Capac, bumuo sila ng maliliit na lungsod-estado.

    Ang salitang Inca ay nagangahulugang “imperyo.” Hango ito sa pangalan ng pamilyang namuno sa isang pangkat ng tao na nanirahan sa Andes. Unti-unting pinalawig ng mga Inca ang kanilang teritoryo hanggang sa masakop nito ang 3,220 kilometro kuwadrado sa kahabaan ng baybayin ng Pacific. Saklaw ng imperyong ito ang kasalukuyang lupain ng Peru, Ecuador, Bolivia, at Argentina.

    Noong 1438, pinatatag ni Cusi Inca Yupagqui o Pachakuti ang lipunang Inca sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang sentralisadong estado. Sa ilalim ni Topa Yupanqui (1471-1493), pinalawig niya ang imperyo hanggang hilagang Argentina, bahagi ng Bolivia, at Chile. Napasailalim din sa kaniyang kapangyarihan ang estado ng Chimor o Chimu na pinakamatinding katunggali ng mga Inca sa baybayin ng Peru. Sa ilalim naman ni Huayna Capac, nasakop ng imperyo ang Ecuador.

 


FRANCISCO PIZARRO

    Sa pagdating ni Francisco Pizarro, ang Espanyol na mananakop ng Inca noong 1532, ang lupain ng Imperyong Inca ay sumasaklaw mula sa hilaga sa kasalukuyang Colombia hanggang sa katimugan sa bahagi ng Chile at Argentina. Subalit dahil sa mga tunggalian tungkol sa pamumuno at kawalang kapanatagan sa mga nasakop na bagong teritoryo, unti-unting humina ang imperyo. Dagdag pa rito ang tila napakalaking saklaw ng Imeryong Inca na naging malayo mula sa sentrong pangangasiwa sa Cuzco. Nariyan din ang malaking pagkakaiba ng mga pangkat ng tao sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.

    Samakatuwid, ang imperyo ay nasa kaguluhang politikal na pinalubha pa ng epidemya ng bulutong na dala ng mga sinaunang dumating na conquistador o mananakop na Espanyol. Sa katunayan, si Huayna Capac, isa sa mga pinuno ng Inca, ay namatay sa isang epidemya noong 1525. Ang pagpanaw na ito ay nagdulot ng tunggalian sa kaniyang mga anak na sina Atahuallpa at Huascar. Sa huli, nanaig si Atahuallpa. Nakilala niya si Pizarro habang naglalakbay ito patungong Cuzco. Nang lumaon, binihag ni Pizarro ang Atahuallpa at pinatubos ng pagkarami-raming ginto. Noong 1533, pinapatay si Atahuallpa at makalipas ang isang taon, sinakop ng mga Espanyol ang Cuzco gamit lamang ang maliit na hukbo.

    Sa kabila ng katapangan ng mga Inca, hindi nila nagawang manaig sa bagong teknolohiyang dala ng mga dayuhan, tulad ng mga baril at kanyon. Ang ilan sa mga Inca ay nagtungo sa kabundukan ng Vilcabamba at nanatili rito nang halos 30 taon. Hindi nagtagal, ang huling pinuno ng mga Inca na si Tupac Amaru ay pinugutan ng ulo noong 1572. Dito tuluyang nagwakas ang pinakadakilang imperyo sa Andes.

    Sa kasalukuyan, makikita pa rin ang mga pamana ng mga Kabihasnang Klasikal na Maya, Aztec, at Inca. Ang mga estruktura tulad ng Pyramid of Kukulcan, Pyramid of the Sun, at ang lungsod ng Machu Picchu ay hinahangaan at dinarayo ng mga turista dahil sa ganda at kakaibang katangian nito. Nananatili itong paalala ng mataas na kabihasnang nabuo ng mga sinaunang mamamayan sa America.

_____________________________________________________________________________

TANDAAN!

-Ang mga pangunahing dahilan ng eksplorasyon ay paghahanap ng spices, paghahanap ng ginto, mapalaganap ang Kristiyanismo, at maging magtamo ng karangalan at katanyagan.

-Ang eksplorasyon ay pinangunahan ng Portugal at sinundan ng Spain, France, Netherland at England.

-Ang explorasyon ay nagiwan ng pangmatagalang epekto sa kasaysayan na tinahak ng daigdig at isa sa mga ito ay ang pagkakatatag ng batayan para sa modernong ekonomiyang kalakalan at pamilihan.

- Ang pananakop ng mga Espanyol sa Imperyong Atec at Inca ay nagdulot ng mamalim at malawakang pagbabago sa parehong mga lipunang Mesoamerica at maging sa lipunang Espanyol.

-Milyun-milyong katutubo Mesoamerican ang namatay dahil sa mga sakit na smallpox, measles, at influenza na dala ng mga Espanyol sa Mesoamerica.

-Nagdulot din ng malawakang kamatayan ang digmaan, pagpatau, at sapilitang paggawa.

- Bumagsak ang pamahalaan at kultura ng Mesoamerica dahil naalis sa kapangyarihan ang mga emperador ng Aztec at Inca, Gumuho ang mga sistemang pampolitika, panrelihiyon, at panlipunan ng mga imperyo, at ipinilit ang Kristiyanismo, na humalili sa mga katutubong paniniwala.

- Nagkaroon ng Hibrid na kultura noong nagsanob ang mga katutubong tradisyon at kultura ng mga Espanyol na nagbunga ng sinkretismo sa relihiyon, sining, wika, at pagkain. Nabuo rin ang mga bagong pagkakakilanlan tulad ng mestizo dahil sa pagsasama ng lahi ng mga katutubo at mga Espanyol.

- Nagkaroon naman ng pagkakabo sa ekonomiyang nakabatay sa agrikultura at tributo. Ipinatupad ang encomienda system na pinagsasamantalahan ang lakas-paggawa ng mga katutubo.

- Sa Lipunang Espanyol naman, lalong lumawak ang kanilang kapangyarihan dahil sa paglawak ng kanilang teritoryo sa Amerika. Naging mas makapangyarihan din ang Simbahang Katoliko at ang paglaganap nito. Nagkaroon rin ng pagyaman ang ekonomiya ng mga Espanyol dahil sa mga nakuhang ginto at pilak mula sa mga nasakop na lupain. Kasabay ng pagbili ng pag-unlad ng ekonomiya ay pagdami ng katiwalian at hindi pagkapantay-pantay sa lipunan. 

- Sa estrukturang panlipunan naman, nabuo ang bagong uri ng tao tulad ng mestizo at criollo na nagpabago sa tradisyonal na hierarchy, Nagkaroon ng kolonyal na pamahalaan na may bagong sistema ng pamumuno at batas.

_____________________________________________________________________________


Gawain 1

Panuto: Ipaliwanag ng mga sumusunod na salita.

1. Portugal

2. Spain

3. Kolonyalismo

4. Marco Polo

5. eksplorasyon

6. spices

7. Prinsipe Henry

8. Nartholomeu Dias

9. Vasco da gama

10. Haring Ferdinand

11. Reyna Isabela

12. Christopher Columbus

13. Amerigo Vespucci

14. Ferdinand Magellan

15. Hernando Cortes

16. Francisco Pizarro


Gawain 2

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan.

1. Paano hinati ni Pope Alexander VI ang mundo?

2. Paano nakaapekto ang mga Espanyol sa Pamahalaan at Kultura ng Mesoamerica?

3. Sa panahon ng paggalugad, anu-ano ang kanilang pangunahing mithiin?

4. Ano kaya ang mga naging epekto ng paggalugad ng mga Kanluranin?

5. Ikaw na nabahaginan ng epekto ng paggalugad, paano mo pinagmamalaki ang wika at lahi?


REFERENCE:

https://dignidadngguro.blogspot.com/search/label/Third%20Grading



Sunday, August 31, 2025

K TO 10 CURRICULUM: AP8-Q2-WEEK1: Mahahalagang Pangyayari sa Daigdig noong Ika-15 at Ika-16 Siglo

IKALAWANG MARKAHAN – KOLONYALISMO, IMPERYALISMO, NASYONALISMO AT PAGKABANSA


PAMANTAYANG PANGNILALAMAN  

 Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa hamon ng kolonyalismo at imperyalismo sa pagpapatatag ng nasyonalismo at pagkabansa

 

PAMANTAYAN SA PAGGANAP  

Nakabubuo ng mungkahing solusyon sa mga napapanahong isyung may kaugnayan sa pagpapatatag ng nasyonalismo at pagkabansa 


AP8-Q2-WEEK1: A. Mahahalagang Pangyayari sa Daigdig noong Ika-15 at Ika-16 Siglo 

1. Pagsasara ng Constantinople 

2. Renaissance 

3. Repormasyon 

4. Kontra-Repormasyon


NILALAMAN KASANAYANG PAMPAGKATUTO: Natatalakay ang mahahalagang pangyayari noong ika-15 at ika-16 siglo bago ang panahon ng paggalugad ng mga lupain


Mahahalagang Pangyayari sa Daigdig noong Ika-15 at Ika-16 Siglo 



Pagbagsak ng Constantinople

Ang Constantinople ay isang makasaysayang lungsod na naging sentro ng kapangyarihan, relihiyon, at kultura sa loob ng maraming siglo.

- Itinatag noong 330 CE ni Emperador Constantine the Great sa dating lungsod ng Byzantium.

- Ipinangalan ito sa kanya bilang Constantinople, na nangangahulugang “Lungsod ni Constantine”.

- Naging kabisera ng Imperyong Romano, Silangang Imperyong Romano (Byzantine), Imperyong Latino, at Imperyong Ottoman.

- Matatagpuan sa pagitan ng Europa at Asya, sa may Bosporus Strait.

- Dahil sa lokasyon nito, naging mahalagang rutang pangkalakalan at military stronghold.

- Tahanan ng Hagia Sophia, isang obra maestra ng arkitekturang Byzantine.

- Kilala sa Theodosian Walls, mga pader na nagbigay proteksyon sa lungsod sa loob ng maraming siglo.

- Naging sentro ng Kristiyanismo at tahanan ng Patriarchate ng Constantinople.



Pagbagsak at Pagbabago

    Ang pagbagsak ng Constantinople noong Mayo 29, 1453 ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling yugto ng Byzantine Empire at simula ng Ottoman Empire bilang isang makapangyarihang puwersa sa Europa at Asya.

    Bumagsak sa kamay ng mga Turkong Muslim noong 1453, sa pamumuno ni Sultan Mehmed II, na nagtapos sa Byzantine Empire. Sa kabila ng matibay na Theodosian Walls, mahinang depensa ng Byzantine Empire ang isa sa pangunahing dahilan ng pagbagsak nito. Hindi rin kinaya ng kulang na sundalo at kulang na suporta mula sa Kanluran ang makabagong armas ng mga Ottoman kaya madali itong nagapi ng mga turkong muslim. Isa pang dahilan ng pagbagsak nito ang pagkakahiwalay ng mga Kristiyanong bansa sa Europa. Hindi ito nagkaisa upang tulungan ang Constantinople.

    Noong 1930, opisyal na pinalitan ang pangalan ng lungsod bilang Istanbul, na siyang kilala natin ngayon.

    Ang Constantinople ay hindi lang basta lungsod—ito ay simbolo ng pagbabago, pag-unlad, at pagsasanib ng mga kultura.



Mga Epekto ng Pagbagsak

- Pagwawakas ng Middle Ages: Itinuturing itong simbolikong pagtatapos ng Gitnang Panahon sa Europa.

- Pagkontrol ng Ottoman sa rutang pangkalakalan: Dahil dito, napilitan ang mga Europeo na maghanap ng bagong ruta patungong Silangan, na nagbunsod sa Age of Exploration.

- Paglaganap ng Islam sa rehiyon: Naging sentro ng Islam ang dating Kristiyanong lungsod, na kalaunan ay tinawag na Istanbul.



Renaissance 


Ang Paglakas ng Europe

    Nagmumula sa Europe ang pinakamayayamang mga bansa sa daigdig. Malaki ang bahaging ginampanan nila upang mapanatili ang katayuan ng Europe bilang isa sa pinakamaunlad na kontinente sa mundo. 

    Sa pag-unlad ng agrikultura bunga ng mga pagbabago sa kagamitan at pamamaraan sa pagtatanim umunlad ang produksyon sa Europe noong “Middle Ages”. Dahil dito lumaki ang populasyon at dumami ang pangangailangan ng mga mamamayanan na matutugunan naman ng maunlad na kalakalan ang mga lungsod￾-estado sa hilagang Italy ang nakinabang sa kalakalan. Noong ika-11 hanggang ika-12 na siglo umunlad ito bilang sentrong pangkalakalan at pananalapi sa Europe. Ilan sa mga lungsod-estado na umusbong ay ang Milan, Florence, Venice, Mantua, Ferrara, Padua, Bologna at Genoa. Ang yaman ng mga lungsod estado ay di nakasalalay sa lupa kundi sa kalakalan at industriya.

    Ang mga pagbabago ng kamalayan mula sa Panahong Medieval ang nagpasimula sa pag-usbong ng makabagong daigdig. Ang mga pangyayari sa paglakas ng Europe, paglawak ng kapangyarihan nito at ang pagpakamulat sa mga bagong kaalaman at ideya ay nagdala ng  transpormasyon sa Europe at bumago sa buong daigdig.

   

Bourgeoisie

ito ay tumutukoy sa mga mamamayan ng mga bayan sa Medieval France na binubuo ng mga artisan at mangangalakal. Ang mga artisan ay mga manggagagawang may kasanayan sa paggawa ng mga kagamitang maaaring may partikular na gamit o pandekorasyon lamang. Ang mga mangangalakal naman ang siyang nangangalakal ng produktong likha ng mga artisan.

Merkantilismo

Ang sentral ng teoryang ito ay ang doktrinang Bullionism.. ang tagumpay ng isang bansa ay masusukat sa dami ng mahahalagang metal sa loob ng hangganan nito. Ibig sabihin, kung mas maraming ginto at pilak ang isang bansa, magiging makapangyarihan ito. Malaki ang naitulong nito sa pagkabuo at paglakas ng mga Nation-State sa Europe.

National Monarchy

Malaki ang naitulong sa pagtatag ng national Monarchy sa Europe. Mula sa piyudalismo na hindi sentralisado ang pamahalaan dahil sa kanya-kanyang kapangyarihan ng mga maharlika, ang pagtatag ng national Monarchy ay nagkaroon ng sentralisadong pamahalaan na may mas makapangyarihang hari.

Nation-State

Ito ay tumutukoy sa isang estado na pinananahan ng mga mamamayan na may magkakatulad na wika, kultura, relihiyon, at kasaysayan. Mahalagang katangian ng nation-state sa panahong iyon ang pagkakarron ng sentralisadong pamahalaan sa ilalim ng isang pambansang monarkiya na maykakayahan at kapangyarihan na magpatupad ng batas sa buong nasasakupan. Dahil sa makapangyarihan ang mga nation-state, nagpakita ng ibayong lakas ang Europe na ng lumaon as mas lalong tumatag.

Simbahan

Malaki ang naging impluwensya ng simbahan sa paghina ng mga panginoong may lupa sa panahon ng piyudalismo. Tinuligsa ang pang-aabuso ng mga hari na siya namang nagpalakas lalo ng papel ng simbahan sa gitnang panahon. Marami rin namang tumuligsa sa simbahan dahil sa mga pang-aabuso sa kapangyarihan.. naging daan naman ito sa pagsibol ng transisyon at paglitaw ng panahon ng renaissance.

Renaissance

Ang renaissance ay ang muling pagsilang. Ito ang magiging sentro ng aralin ngayon.


Bakit nga ba sa Italya umusbong ang renaissance?


Italya

-Italy ang piangmulan ng kadakilaan ng sinaunang Rome at higit na may kaugnayan ang italyano sa mga Romano kaysa sa alin mang bansa sa Europe.

-Pagtataguyod ng mga maharlikang angkan sa mga taong mahusay sa sining at masigasig sa pag-aaral

-Maganda ang lokasyong ito. dahil sa lokasyon nito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga lungsod dito na makipagsapalaran sa kanlurang Asya at Europe.

-Mahalaga rin ang naging papel ng mga unibersidad sa Italy. Naitaguyod at naipanatiling buhay ang kulturang klasikal at ang mga teolohiya at pilosopiyang kaalaman ng kabihasnang Griyego at Romano.



Ang Renaissance at ang Italy

Ang Renaissance ay itinuturing na knowledge revolution. Itinuturing itong panahon na ang tao ay makamundo at materyalistiko. Gayunman, may naganap na dakilang repormasyon noong Renaissance. Ang diwa ng Renaissance ang bumuhay sa Repormasyon. Ang mga ideya at saloobin ng dalawang era ay nagbunsod sa mas maraming Kalayaan at mga pagpapahalagang demokratiko, ang panahon ng Eksplorasyon, at panahon ng Humanismo at Katwiran. Ito ang era na umusbong sa modernong daigdig. Ang “Renaissance”, o Risogimento sa Italyano ay nangangahulugang “muling pagsilang”. Ito ang panahon na nagwakas sa Dark Age at nagbukas ng mas progresibong panahon sa Europe. Binago ng mayayaman at matatalino ng panahong ito ang kanilang pokus mula sa relihiyon at bulag na pananampalataya, itinuon nila ang kanilang interes sa humanism at personal na mga bagay-bagay. Naapektuhan nito ang kanilang prayoridad sa buhay, sining, edukasyon, musika at ibang interes. Inihanda sila nito sa Repormasyon, Panahon ng Eksplorasyon, at Panahon ng Katwiran at Humanismo.


Ang Kababaihan sa Renaissance

Iilang kababihan lamang ang tinatanggap sa mga unibersidad o pinapayagang magsanay sa kanilang propesyon sa Italy. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang upang makilala ang iilang mga kababaihan at ang kanilang ambag sa Renaissance. Ilan lamang sa mga ito ay sina Isotta Nogarola ng Verona na may akda ng Dialogue on Adam and Eve (1451) at Oration on the Life of St. Jerome (1453). Nariyan din si Laura Cereta mula sa Brescia na nagsulong sa pagtatanggol sa pag-aaral ng Humanistiko para sa kababaihan. Sa larangan ng pagsusulat ng tula nariyan sina Veronica Franco ng Venice at si Vittoria Colonna mula sa Rome. Kung sa pagpipinta naman ang pag￾uusapan, hinangaan ang mga obra nina Sofonisba Anguissola mula Cremona na may gawa ng Self-Portrait at si Artemisia Gentileschi, anak ni Orazio na nagpinta ng Judith and Her Maidservant with the head of Holoferness (1625) at Self-Portrait as the Allegory of Painting (1630).

Ang mga iskolar na nanguna sa pag-aaral sa klasikal na sibilisasyon ng Greece at Rome ay tinatawag na humanist o humanista, mula sa salitang Italian na nangangahulugang “guro ng humanidades, partikular ng wikang Latin.” Pinag-aaralan sa humanities o Humanidades ang wikang latin at Greek, komposisyon, retorika, kasaysayan at pilosopiya, at maging ang Matematika at musika. Sa pag-aaral ng mga ito, napagtanto ng mga humanista na dapat gawing modelo ang mga klasikal na ideyang matatagpuan sa mga asignaturang ito. Ang Humanismo ay isang kilusang intelektwal noong Renaissance na naniniwalang dapat pagtuunan ng pansin ang klasikal na sibilisasyon ng Greece at Rome sa pag-aaral dahil naglalaman ito ng lahat ng aral na dapat matutuhan upang magkaroon ng isang moral at epektibong buhay.

Repormasyon at Kontra-Repormasyon

Ito ay ang dalawang magkaugnay na kilusang panrelihiyon na lubos na nakaapekto sa kasaysayan ng Kristiyanismo at ng Europa.


Repormasyon 

Ang Repormasyon ay isang makasaysayang kilusan noong ika-16 na siglo na nagdulot ng malawakang pagbabago sa relihiyon, lalo nqaa sa loob ng Simbahang Katoliko. Ito ay ang naging simula ng Protentantismo, isang baging sangay ng Kristiyanismo na tumutuligsa sa ilang doktrina at gawain ng simbahn noon. Naging sanhi nito ang pagbenta ng indulhensya (Kapatawaran ng kasalanan kapalit ng pera), katiwalian sa simbahan at Kapapahan, at pagkamulat ng mga tao sa panahon ng renaissance.

Ang repormasyon ay hindi lang relihiyosong kilusan, isa rin itong rebolusyon sa kaisipan, pamahalaan, at kultura na pinangunahan nina Martin Luther na naging Ama ng relihiyong Protestante, John Calvin na nagtatag ng Calvinismo o isang sistemang teolohikal na naktuon sa predestinasyon, John Wycliffe at John Huss na mga nanunag repormista na tumuligsa sa maling sistema ng simbahan.

Dahil sa repormasyon, nagkaroon ng paghahati sa reilihiyon sa pagitan ng simbahang Katoliko at ng Protestante, pag-usbong ng mga bagong sekta tulad ng Lutheranismo, Calvinismo, at Anglikanismo, at Pagbawas ng kapangyarihan ng simbahan sa politika.


Kontra-Repormasyon

Ito naman ang naging tugon ng Simbahang Katoliko upang ayusin ang sarili at pigilan ang paglaganap ng Protestantismo. Layon nitong ibalik ang tiwala ng mga tao sa Simbahang Katoliko, linisin ang mga maling gawi sa loob ng simbahan, at palakasin ang paniniwala sa tradisyunal na doktrina. Naging hakbang ng Simbahang Katoliko ang mga sumusunod:

-Konseho ng Trent - reporma sa doktrina at disiplina ng simbahan

- Pagpapalakas ng mga orden gaya ng Jesuits o Heswita - edukasyon at misyonero

- Inquisition - pagsugpo sa mga erehe at maling turo

- Index of Forbidden Books - pagbabawal sa mga aklat na laban sa pananampalataya


TANDAAN!

ANG PAGBAGSAK NG CONSTANTINOPLE

- Ang Constantinople ay ang pinakamalapit na teritoryo ng Asya sa kontinente ng Europe.
- Nagsilbi itong rutang pangkalakalan mula Europe patungong India, China, at iba pang bahagi ng Silangan na napasakamay naman ng mga Turkong Muslim noon.
- Ito ay naging daanan din sa panahon ng Krusada.
- Sa panahon ng Krusada, pansamantalang napigil ang pagsakop ng mga Turkong Muslim sa mga teritoryo patungong Europe subalit nang masakop ang Silangang Mediterranean, lubusang sinakop na rin ang Constantinople noong 1453.
- Naging kontrolado ng Turkong Muslim ang kalakalan mula Silangan patungong Europe na pumutol naman sa ugnayan ng mga mangangalakal. 
- Tanging ang mga mangangalakal na taga Venice, Genoa, at Florence lamang ang pinayagang makaraan sa rutang pangkalakalan.
- Yumaman ng Italya sa nangyari, at dahil dito, napilitan maghanap ng ibang ruta ang ibang mangangalakal ng Europe.
- Dahil sa hirap ng paglalayag, naimbento ang astrolabe at compass upang makatulong sa kanilang paglalayag.

RENAISSANCE

- Salitang Pranses na ang ibig sabihin ay "Muling Pagsilang."
- Naganap sa huling bahagi ng gitnang panahon at pagsulong ng makabagong panahon.
- Nagpasimula sa Italya na naganap noong 1350.
- Isang Kilusang Pilosopikal na makasining at dito binigyang-diin ang pagbabalik interes sa mga kaalamang klasikal sa Greece at Rome.
- Natuon ang interes ng tao sa istilo at disenyo, pamahalaan, edukasyon, wastong pag-uugali, at paggalang sa pagkatao ng isang indibidwal.
- Nagbukas ng daan sa pagbabago sa larangan ng kalakalan at negosyo kaya umusbong ang rebolusyong komersyal na nagdulot ng mga pagbabago sa gawang pang-ekonomiya.

REPORMASYON

Ang Repormasyon ay isang makasaysayang kilusan noong ika-16 na siglo na nagdulot ng malawakang pagbabago sa relihiyon, lalo nqaa sa loob ng Simbahang Katoliko. Ito ay ang naging simula ng Protentantismo, isang baging sangay ng Kristiyanismo na tumutuligsa sa ilang doktrina at gawain ng simbahn noon. Naging sanhi nito ang pagbenta ng indulhensya (Kapatawaran ng kasalanan kapalit ng pera), katiwalian sa simbahan at Kapapahan, at pagkamulat ng mga tao sa panahon ng renaissance.

KONTRA-REPORMASYON

Ito naman ang naging tugon ng Simbahang Katoliko upang ayusin ang sarili at pigilan ang paglaganap ng Protestantismo. Layon nitong ibalik ang tiwala ng mga tao sa Simbahang Katoliko, linisin ang mga maling gawi sa loob ng simbahan, at palakasin ang paniniwala sa tradisyunal na doktrina.


Gawain 1

Panuto: Ipaliwanag ang mga sumusunod:

1. Constantinople

2. Constantine the Great

3. Byzantine Empire

4. Istanbul

5. Renaissance

6. Repormasyon

7. Kontra-Repormasyon

8. Indulhensya

9. Simbahang Katoliko

10. Protestante


Gawain 2

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan.

1. Ano ang naging papel ng Constantinople sa Europa at Asya?

2. Bakit bumagsak ang Constantinople?

3. Bakit sinasabing muling pagsilang Renaissance?

4. Paano nahati ang relihiyon sa Europa?

5. Bakit kailangang aralin ng mga mahahalagang pangyayari sa daigdig noong gitnang panahon?


Reference:

https://www.worldhistory.org/Constantinople/

www.greelane.com

https://www.bing.com/images/search?view=detailV2&ccid=13vxBXkI&id=D421DF76953A5CA1431FF4417BF6471F93A3AD12&thid=OIP.13vxBXkIVIjI8yVgFWnD0AHaFV&mediaurl=https%3A%2F%2Fi.pinimg.com%2Foriginals%2F90%2F5a%2Fa0%2F905aa0895a777ca0641040fc84c17317.jpg&exph=1356&expw=1884&q=CONSTANTINOPLE&form=IRPRST&ck=57480BCC7448CB90C0557DBEBAE72F86&selectedindex=6&itb=0&cw=1375&ch=664&ajaxhist=0&ajaxserp=0&vt=0&sim=11

https://www.bing.com/images/search?view=detailV2&ccid=oJh5fcbV&id=716BD2AA2CC538F69EB9EC4DE9E2C2610747BF02&thid=OIP.oJh5fcbVsOSEZPMMn1U4rgHaEH&mediaurl=https%3A%2F%2Fcdn.educba.com%2Facademy%2Fwp-content%2Fuploads%2F2024%2F02%2FRenaissance.jpg&exph=500&expw=900&q=RENAISSANCE&FORM=IRPRST&ck=8C245460A32047360EB70CAA0C56937D&selectedIndex=6&itb=0&cw=1375&ch=664&ajaxhist=0&ajaxserp=0