Friday, July 29, 2022

TDC, Naglibot sa Caloocan North

 TDC, Naglibot sa Caloocan North


Matagumpay ang paglilibot ng Teacher's Dignity Coalition sa mga pampublikong paaralan sa Caloocan North nitong Huwebes, Hulyo 28, 2022. Isa kasi ito sa mga lugar sa bansa may malalaking paaralan at malaking bilang ng mga guro at mag-aaral. 

Kabilang sa mga nabisita ng TDC ang Urduja Elementary School, Camarin D Elementary School, Camarin D Unit 1 Elementary School, A. Mabini Elementary School, Silanganan Elementary School, Sto. Nino Elementary School, Gabriela Silang Elementary School, Bagong Silang Elementary School, Camarin High School, Benigno Aquino High School, at Tala High School.

Pinangunahan ang nasabing gawain ni TDC National Chairperson Benjo Basas at ni Ramer Tianela ng Pasig.

Layon ng pagbisita ng organisasyon na personal na makausap ang mga pinuno ng paaralan at kaguruan upang malaman ang kanilang sentimyento at kalagayan sa kasalukuyan na siya namang babaunin ng TDC sakaling maganap ang diyalogo sa pagitan ng organisasyon ng mga guro at ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte. Ipinaalam rin ng TDC sa kaguruan ang mga hakbangin at plano nito upang lalong mapagtibay at mapaganda ang kalagayan ng mga guro sa bansa.

Malaki naman ang pasasalamat ng TDC sa mga pinuno ng paaralan at kaguruang nabisita nila sa mainit na pagtanggap sa kabila ng abala sila sa mga gawain tulad ng enrolment, paghahanda sa susunod na pasukan, at iba pang aktibidad sa paaralan.

-end-












Thursday, July 28, 2022

TDC CALOOCAN, NAKIPAGDIYALOGO KAY MAYOR ALONG MALAPITAN

TDC CALOOCAN, NAKIPAGDIYALOGO KAY MAYOR ALONG MALAPITAN

 


Matagumpay ang naganap na diyalogo sa pagitan ng Teacher’s Dignity Coalition - Caloocan Chapter at ni Mayor Along Malapitan noong Hulyo 19, 2022 sa Caloocan City Hall. Ito’y matapos magbigay ng courtesy call ang TDC-Caloocan Chapter sa bagong luklok na alkalde ng Caloocan.

Pinangunahan ni TDC National Chairperson Benjo Basas at TDC-Caloocan Chapter Chairman Jaime Albiza ang pakikipagpulong sa bagong Alkalde ng Caloocan. Kasama rin ng mga opisyal ng TDC sina Dr. Meng Arevalo, Dr. Juanito Victoria, Jessieto Abener,  Bong Lagarde, Analiza Basas, Dr. Elvis Jam Visaya, at iba pang mga aktibong guro na masugid na miyembro ng organisasyon.

Tinalakay sa nasabing pulong ang pagbabalik ng Augmentation Allowance sa dalawang libo piso (2,000), hiling na mabigyan ng laptop o cellphone ang lahat ng mga pampublikong guro ng Caloocan, Incentives para sa mga guro na nag-aaral ng Masteral at Doctorate, suporta sa mga training ng mga guro, at iba pang may kinalaman sa kalagayan ng mga guro ng Caloocan.

Maganda naman ang naging tugon ni Mayor Malapitan sa mga guro. Aniya, unti-unting ibabalik ang dating halaga ng augmentation allowance ng mga guro bago matapos ang kanyang termino. Pag-aarala pa umano kung pwede sa Special Education Fund (SEF) ang hiling ng mga guro na libreng cellphone o laptop na gagamitin sa kanilang pagtuturo at sisikapin ng lokal na pamahalaan na matulungan ang kaguruan ng Caloocan sa abot ng kanilang makakaya.

Umaasa ang TDC-Caloocan Chapter na maisakatuparan ang mga pangakong ito ng alkalde at maging katuwang rin sila para sa lalong ikakaayos ng kapakanan ng mga guro ng Caloocan.

-end-









Dalawang Buwang School Break, Hiniling ng TDC

 DALAWANG BUWANG SCHOOL BREAK, HINILING BAGO ANG PAGBUBUKAS NG KLASE

 


Hiniling ng Teachers' Dignity Coalition (TDC) kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang dalawang buwang bakasyon ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Alinsunod ito sa karapatan ng mga guro na makapagpahinga sa loob ng isang taong pagtuturo.

Sa inilabas kasi na memorandum ng Kagawaran ng Edukasyon nitong Hulyo, ang School Calendar and Activities school year 2022-2023, magsisimula ang klase sa August 22, 2022 habang Hulyo 1, 2022 naman nagtapos ang nakalipas na taunang kalendaryo ng klase. Ilang linggo na matapos ang pagtatapos ng nakaraang school year hindi pa tapos ang mga guro sa mga activities na pinapagawa ng school. Hindi pa nga talaga nakakapahinga ang mga guro dahil sa yearend reports at iba pang hinihingi ng paaralan pero nakaplantsa na agad ang susunod na gagawin kahit hindi pa tuluyang nalalasap ng mga guro ang totoong pahinga o bakasyon.

Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, sasabak na naman sa iba't ibang trabaho ang mga guro bago hanggang pumasok ang Agosto tulad ng Enhancement/Enrichment at remedial classes, In-Service trainings, Brigada-Eskwela, Enrolment Activities. Aniya, mula't simula ay entitled naman talaga ang mga guro sa dalawang buwang bakasyon upang magkarooon ng sapat na pahinga, pisikal, emosyonal, mental na pahinga ng mga guro. Hindi naman kasi entitled ang mga guro ng sick at vacation leave gaya ng mayroon ang ibang mga empleyado sa pamahalaan.

Kasunod nito, nanawagan rin ang grupo sa Kalihim na magkaroon ng konsiderasyon sa pagbubukas ng klase para magkaroon ng sapat na oras upang makapaghanda ang mga guro para sa susunod na pagbubukas ng taunang klase. Hiniling rin sa kalihim na magkaroon ng diyalogo sa pagitan niya at organisasyon ng mga guro upang mapakinggan ng personal ng kalihim ang mga hinaing ng mga guro.

Kaugnay nito, nagpaunlak ng panayam sa media si Duterte upang linawin ang school calendar na inilabas ng kanyang ahensya. Aprubado umano ng Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagbubukas ng klase. Aniya, hanggang Oktubre nalang pinapahintulutang ipatupad ang blended at distance learning sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa bansa dahil ipapatupad na sa Nobyembre ang face to face classes. Bukas din umano ang Kalihim sa pakikipagdiyalogo sa mga organisasyon ng mga guro.

 

-END-


Sunday, May 22, 2022

SEASON 2 - JOURNAL #3: AP8-Q4: IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG

 


JOURNAL #3:


" BILANG ISANG MAG-AARAL AT PAG-ASA NG BAYAN, 

ANG MGA BAGAY NA INAASAHAN KO SA SUSUNOD

 NA PRESIDENTE 

NG AKING MINAMAHAL NA BANSA "

Thursday, May 12, 2022

SEASON 2 - JOURNAL #2: AP8-Q4-WEEK-13-4: IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG

JOURNAL #2:


"ANG AKING PANANAW SA 

KATATAPOS PA LAMANG NA 

NATIONAL AT LOCAL ELECTION 

SA BANSA"


SEASON 2: AP8-Q4-WEEK3-4: IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG

  AP8-Q4-WEEK3-4: IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG


MELC/Kasanayan

Nasusuri ang mga dahilan, mahahalagang pangyayaring naganap at bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Code: AP8AKD-IVb-2 


BALIK-ARAL:

Sa nagdaang aralin ay tinalakay ko ang mga pangyayaring nagbunsod sa unang digmaang pandaigdig. kasama rito ang mga tensyon at pagkakabuo ng samahan ng mga bansa sa mundo lalo na ang pagkakabuo ng liga ng mga bansa o League of Nations.

Ngayon naman ay tatalakayin ko ang mga mahahalagang pangyayari, dahilan, at mga naging bunga ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Makikilala rin natin ang mga prominenteng tao na  nanguna sa pagsugod at pagdepensa sa digmaang ito.


Mga Pangyayari sa Unang Digmaang Pandaigdig at nag-udyok sa ikalawang digmaang pandaigdig

1. Paglusob ng Germany sa Poland

2. Masidhing Nasyonalismo

3. Pag-alis ng Germany sa liga ng mga bansa

4. Pag-agaw ng Japan sa Machuria 

5. Pagpatay kay Arkduke Francis Ferdinand ng Austria-Hungary 




Mga Dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II ay isang napakalaking digmaang kinasangkutan ng halos lahat ng bansa sa daigdig. Nag-umpisa ito halos dalawang dekada pa lamang ng matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Nagsimula ito ng ika-1 ng Setyembre taong 1939 at nagwakas noong ika-2 ng Setyembre taong 1945, nangangahulugang tumagal ang digmaan sa loob ng anim na taon at isang araw. Ang digmaang ito ay itinuturing na pinakamapaminsalang labanan sa kasaysayan ng tao dahil sa 70 hanggang 85 milyon ang mga namatay. Sa digmaang ito, nahati sa dalawang alyansang militar ang karamihan sa mga bansa sa buong mundo kasama na ang mga makapangyarihan, ito ay ang Allied Powers at Axis Powers. 

Ang Allies o Allied Powers ay pinangungunahan nina Winston Churchill ng Great Britain, Franklin Roosevelt ng United States of America, Joseph Stalin ng Soviet Union (Russia) at Chiang Kai-Shek ng China. Samantala, ang Axis Powers naman ay kinabibilangan nina Adolf Hitler ng Germany, Hirohito ng Japan at Benito Mussolini ng Italy.

 


Sa digmaang ito, nasangkot ang mahigit sa isang daang milyong tao mula sa iba’t ibang bansang nakilahok sa digmaan. Ibinuhos ng mga pangunahing bansa ang kanilang kakayahang pang-ekonomiya, pang-siyensya, at pang-industriyal para masuportahan ang digmaan. Kilala rin ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa malawakang masaker, pagpatay ng lahi, malawakang pambobomba, at paggamit ng mga nuclear na armas sa digmaan. Kaya hindi maikakailang mahirap mailarawan ang lawak at saklaw ng digmaang ito. Ngunit, ano ba ang nangyari? Ano ba ang mga naging dahilan upang humantong ito sa isang napakalaking digmaan ng kasaysayan? Paano nga ba nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Halina’t isa-isahin natin ang mga dahilang ito. 


Pagbagsak ng Stock Market

Noong taong 1920, nagkaroon ng economic boom o mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ang United States na makikita sa mataas na halaga ng stocks. Namuhunan ang maraming tao sa pamamagitan ng pagbili ng mga stocks sa mababang halaga ng porsiyento bilang paunang pambayad at inutang naman ang iba sa stockbroker. Setyembre 1929, nakaramdam ang mga namumuhunan ng pagtaas ng presyo ng stocks, kaya’t sinimulan nilang ibenta ang mga ito dahil sa posibilidad ng pagbaba ng presyo nito sa mga susunod na araw. Nagdulot ito ng tuloy-tuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks hanggang Oktubre 24 na nagbigay takot sa mga namumuhunan.

Dahil sa patuloy na pagbagsak ng halaga ng stocks, lahat ng mga namumuhunan ay nagnais na ibenta ang kanilang mga stocks subalit walang nais bumili. At sa loob lamang ng isang araw, 13 milyong shares ang ibinenta sa New York Stock Exchange. Ang mabilis na pagbagsak ng presyo ng mga stock ay tinawag na Wall Street Crash, hango sa pinansiyal na distrito ng New York. Noong ika-29 ng Oktubre taong 1929, tuluyang bumagsak ang New York Stock Exchange at tinawag nila itong Black Thursday.


 Bunga ng Wall Street Crash:

1. Maraming tao ang nawalan ng malaking salapi at nalugi ng maganap ang wall street crash

2. Nagsara ang mga bangko at mga negosyo

3. Maraming tao ang nawalan ng trabaho

4. Humina ang produksiyon at bumababa ang pasahod sa mga manggagawa

5. Nagdulot ng Great Depression.


Ang Great Depression

Ang Great Depression ay isang malawakang krisis pang-ekonomiya na nagsimula dahil sa pagbagsak ng stock market noong October 20, 1929. Naapektuhan nito ang halos lahat ng mamamayan ng United States. Humina ang produksiyon ng mga industriya. Umabot sa 9 milyong katao ang nawalan ng pera sa mga bangko dahil nawalan ang bangko ng pambayad. Noong taong 1933, halos ikaapat na bahagi ng mga mamamayan sa United States ay nawalan ng trabaho.

Ang taong 1933 ang pinakamalalang taon ng Great Depression dahil umabot sa 12 milyong katao ang nawalan ng trabaho. Nabawasan ang pag-angkat ng United States ng mga hilaw na materyales na nakaapekto sa mga mahihirap na bansang dumedepende sa pagbebenta ng pagkain at mga hilaw na materyales. 

Lumaganap sa buong mundo ang pagbagsak ng ekonomiya ng United States. Noong Unang Digmaang Pandaigdig, nagpautang ang mga bangko ng United States sa ibang bansa. Subalit, nang magsimula ang Great Depression, sinimulang bawiin ng United States ang mga pautang nito sa ibang bansa, gayundin ang kanilang puhunan at mga negosyo. At upang mapanatili ang dolyar sa kanilang bansa at bilhin ng mga mamamayang Amerikano ang kanilang sariling produkto, pinatawan ng mataas na taripa ng United States ang mga produktong imported. Ang patakarang ito ay nagkaroon ng epekto sa mga bansa na nagluluwas ng produkto sa United States. Naglagay rin ang mga bansa ng mataas na taripa sa kanilang mga produkto na naging sanhi ng paghina ng kalakalang pandaigdig. Nagdulot ito ng patuloy na paghina ng ekonomiya ng mundo at malawakang kawalan ng hanapbuhay. Ang Great Britain at Germany, ay kabilang sa mga bansang labis na naapektuhan. At mabilis na lumaganap sa buong mundo ang krisis.


Pagsikat ng mga Diktador

Dahil sa hangarin na magkaroon ng pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan, ang Nasismo, Komunismo, at Pasismo ay naitatag sa iba’t ibang panig ng Europa. Ito ang mga ideolohiyang sinusunod ng mga diktador. Ang isang diktador ay mayroong ganap na kapangyarihan at ganap na kontrol sa mga mamamayan nito. Naging hangarin ng mga diktador na sakupin ang kanilang mga kalapit bansa sa paniniwalang ito ang paraang makakatulong upang maiahon nila ang ekonomiya ng kanilang bansa. Ang mga ambisyon ng mga diktador tulad ni Adolf Hitler ng Germany, Benito Mussolini ng Italy, at Joseph Stalin ng Soviet Union (Russia) ang naging daan upang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

 

Kahinaan ng League of Nations

Ang League of Nations ay itinatag noong ika-10 ng Enero taong 1920 na may layuning mapanatili ang kapayapaan. Ngunit hindi nito nagawang pigilan ang pagsalakay ng Japan sa Manchuria, Italy sa Ethiopia, at Germany sa Rhineland. Ang mga kasapi ng League of Nations ay hindi nagkakasundo sa mga usapin at pagpapasya, wala itong kapangyarihang maningil ng buwis at walang sariling hukbo upang maipatupad ang mga desisyon. Ang hindi pagsali ng mga makapangyarihang bansa katulad ng United States ay isa pang dahilan ng kahinaan ng League of Nations. Sumali ang Russia noong 1934 subalit ito ay inalis kaya’t napunta sa Great Britain at France ang responsiblidad na itaguyod ang liga. Ngunit ang dalawang naturang bansa ng mga panahong iyon ay hindi pa lubusang nakakabangon sa pinsalang dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig. Kaya’t upang makaiwas sa digmaan, ipinatupad ng Britain at France ang patakarang appeasement kung saang hinayaan nilang ipagpatuloy ng mga diktador ang kanilang pagsakop sa mga teritoryo.


Mga Kondisyon ng Treaty of Versailles

Opisyal na nagwakas ang Unang Digmaang Pandaigdig noong ika-28 ng Hulyo taong 1919 sa pamamagitan ng kasunduan sa Versailles. Layunin ng Treaty of Versailles na panatilihin ang kapayapaan pagkatapos ng Unang Digmaan. Ngunit para sa mga Aleman, hindi makatarungan ang nilalaman ng kasunduan. Naging mitsa ito upang magkaroon ng tensiyon at humantong sa pagsisimula sa panibagong digmaan na higit na mas malawak at mas mapaminsala.


Mga Pagsalakay Bago Sumiklab Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig

1. Pagsalakay ng Japan sa Manchuria (1931) – Sinalakay ng Japan ang Manchuria noong 1931. Ito ay isang lalawigang nasa hilaga ng China na mayaman sa bakal at karbon. Ito ang unang hamon na kinaharap ng League of Nations, kinondena nila ito, subalit wala silang nagawa para pigilan ang Japan. Ang ginawang ito ng Japan ang dahilan kung bakit siya itiniwalag sa liga. 

2. Pagsalakay ng Italy sa Ethiopia (1935) – Sa pamumuno ni Benito Mussolini, sinakop ng Italy ang Ethiopia at tuluyang nilabag ang kasunduan sa Liga (Covenant of the League). 

3. Pagsalakay ng Germany sa Rhineland (1936) – ang pagtiwalag ng Germany sa liga ng mga bansa at pagkabigo ng liga na panatilihin ang kapayapaan ang nagkumbinsi kay Hitler na kunin ang Rhineland. Ito ay isang buffer zone na nasa magkatunggaling bansa na France at Germany. Dahil sa patakarang appeasement, ang paglusob na ito ng Germany ay hinayaan lamang ng France. 

4. Pagsalakay ng Japan sa China (1937) – sinalakay ng mga Hapones ang China, at dahil sa kanilang mga makabagong armas, bumagsak ang Nanjing at ang Beijing na kapital ng China. 

5. Pagkuha ng Germany sa Austria (1938) – Nakasaad sa Treaty of Versailles na ipinagbabawal ang pagsasama ng Austria at Germany (Anschluss). Ngunit dahil maraming mga mamamayang Austriano ang gustong maisama ang kanilang bansa sa Germany, nagpadala si Hitler ng hukbo sa Austria at ginawa itong sangay ng Germany. 

6. Pagkuha ng Germany sa Czechoslovakia (1938) - Noong Setyembre 1938, hinikayat ni Hitler ang mga Aleman sa Sudentenland na pagsikapan na matamo ng kanilang awtonomiya. Dahil dito, hinikayat ng Inglatera si Hitler na magdaos ng isang pulong sa Munich. Ngunit nasakop ni Hitler ang Sudentenland at noong 1939, ang mga natitirang teritoryo sa Czechoslovakia ay napunta na rin sa Germany. 

7. Paglusob ng Germany sa Poland (1939) – Noong 1939, ang pagpasok ng mga Aleman sa Poland ang huling pangyayari na nagpasiklab sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pagsakop na ito ay pagbaliktad ng Germany sa Russia na kapwa pumirma sa kasunduang Ribbentrop-Molotov, isang kasunduan ng hindi pakikidigma ((Non-Aggression Pact). Ang pagbaliktad na ito ay dulot ng mga sumusunod na pagyayari:

a. Hindi pagsali ng Russia sa negosasyon tungkol sa krisis ng Czechoslovakia.

b. Pagkainis ng Russia sa Great Britain nang ang ipinadalang nitong negosyador para sa Kasunduan ng Pagtutulungan (Mutual Assistance Pact) ay hindi importanteng tao.


Mga Kaganapan at Epekto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, hindi natupad ang kapayapaang inaasahang makamit batay sa Treaty of Versailles ng 1919 at sa iba pang mga kasunduang nilagdaan ng mga bansang Europeo. Sa halip, nasaksihan ang isa pang digmaan na itinuturing na pinakamapangwasak na digmaan sa kasaysayan ng sangkatuhan- ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na naganap noong 1939 hanggang 1945.


Mga Mahalagang Kaganapan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig 

Pagsalakay sa Poland. Bukod sa Austria at Czechoslovakia sinalakay din ng hukbo ni Hitler ang Poland noong Setyembre 1, 1939 upang gawing teritoryo. Isinagawa ng Germany ang blitzkrieg o lightning war, ang estratehiyang militar na ginagamitan ng mabibilis na eroplano at tangke na sinundan ng puwersa ng mga sundalo sa kanilang pagsalakay. Ito ay nagresulta ng pagbagsak ng Warsaw, ang kabisera ng Poland. Ang pagsalakay na ito ng Germany sa Poland ang nagpasimula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang mabatid ito ng Britain at France, sila ay nagpahayag ng pakikidigma sa Germany noong Setyembre 3, 1939. Ang magkabilang panig na naglaban ay ang Axis Powers na pinangungunahan ng Germany, Italy at Japan laban sa Allied o Allies Powers na kinabibilangan ng Great Britain at France.

Ang Digmaan sa Europe. Sa kanlurang Europe, ang mga hukbong Pranses at Ingles ang nag-abang sa likod ng Maginot Line, (isang hanay ng mga moog na pangdepensa sa hangganan ng France at Germany) kung saan hinihintay nila ang pagsalakay ng Germany, subalit walang naganap na pagsalakay. Tinawag ito na Phony War dahil sa pananahimik ng Europe sa digmaan. Muling naglunsad ng pagsalakay si Hitler sa Denmark at Norway noong Abril 9, 1940. Isinunod nito ang Netherlands, Belgium at Luxembourg. Ito ang naghudyat sa pasimula ng Battle of France at ang pagtatapos ng Phony War. Tuluyang bumagsak ang Paris sa mga Aleman noong Hunyo 22, 1940. 

Sinamantala ng Soviet Union ang digmaan at sinakop ang Finland noong Nobyembre 1939. Sinakop din nito ang Latvia, Lithuania at Estonia gayundin ang Romania.

Labanan sa Hilagang Africa. Tinulungan ng Germany ang Italya laban sa mga British sa digmaang naganap sa Hilagang Africa. Iniutos ni Mussolini ang pagsalakay sa Libya noong Setyembre 1940. Layunin nito na makuha ang Egypt na noon ay kontrolado ng Britain dahil sa Suez Canal. Ang Suez Canal ay ang ruta na dinadaan ng Britain patungo sa mga kolonya nito sa Silangan kaya’t tinawag itong Lifeline of the Empire.

Pananalakay sa Soviet Union. Sa kabila ng kasunduan ng Soviet Union at Germany, nagplano si Hitler na salakayin ang Soviet Union. Bilang paghahanda, sinakop muna ng Germany ang Bulgaria at naminsala sa Greece at Yugoslavia. Sa tulong ng pinagsamang puwersa ng mga sundalo mula sa Italy, Romania at Finland biglaang sinalakay ng Germany ang Soviet Union noong Hunyo 22, 1941, at ito ay tinawag ni Hitler na Operation Barbarossa. 

 Ang United States at ang Digmaan. Ang paglaganap ng pananakop ng Axis Powers, pagkatalo ng mga Allies at pagkabahala sa kalagayan ng demokrasya sa daigdig ang nagdulot sa United States upang mapilitan na makialam sa digmaan. Pinagtibay ng kongreso ang batas na Lend Lease na nagpahintulot sa mga Allies na manghiram o upahan ang mga armas at suplay ng digmaan ng Amerika. Noong Agosto 1941, sina Pangulong Franklin Roosevelt ng America at Winston Churchill ng Inglatera ay nagpulong at lumagda sa Atlantic Charter, isang dokumento na naglalaman ng mga demokratikong prinsipyo na ipinaglalaban sa digmaan. 

Ang Labanan sa Pasipiko. Ang digmaan sa Pacific ay sa pagitan ng mga Allies at Japan na nagpatuloy hanggang Agosto 1945. Nauna nang sinalakay ng Japan ang Korea, Manchuria at ilang bahagi ng China. Sumunod na sinalakay ng Japan ang Guam at pagkaraan ay naglunsad ng pagsalakay sa Pilipinas. Sinalakay din ng Japan ang Hongkong, Malaya, Singapore, Indonesia, Myanmar at naging banta sa Australia. Narating ng Hapon ang tugatog ng tagumpay sa pananakop sa Pasipiko noong 1942 at nagtatag ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.

Habang pinag-uusapan ang kapayapaan sa pagitan ng Amerika at Japan, binomba ng mga eroplanong Hapon ang Pearl Harbor, Hawaii noong Disyembre 7, 1941. Ang pataksil na pagsalakay na ito ay nagpagalit sa mga Amerikano. 


Ang Pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig


Tagumpay ng Allied sa Europe at Hilagang Africa 

Nagsimula ang pagbawi sa Kanlurang Europe noong Hunyo 6, 1944, nang dumaong ang Allied Powers sa Normandy, France samantalang sa Hilagang Europe ay tinalo naman ng Rusya ang mga hukbong Nazi at nasakop ang Berlin. Habang nilalabanan ni Heneral Montgomery ang mga Nazi sa Egypt, sinalakay naman ni Heneral Dwight Eisenhower ang Morocco at Algeria. Pagkaraan ng matinding labanan noong May 13, 1945 ang Hilagang Africa ay napasakamay ng mga Alyadong bansa. Samantala ang pagkatalo ng mga hukbong Italyano ay nauwi sa pagbagsak ni Mussolini. 


Ang Pagsuko ng Germany

Noong Abril 30, 1945 si Hitler na nagnais mamuno sa daigdig ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbabaril kasama ang kabit nito, si Eva Braun sa isang selda. Ang digmaan sa Europe ay nagtapos noong Mayo 7, 1945 nang si Heneral Alfred Jodl, pinuno ng sandatahang lakas ng Germany ay lumagda sa isang kasunduan ng pagsuko ng Germany sa mga Alyado. Ang Mayo 8, 1945 ay idineklara bilang V-E (Victory in Europe) Day sa United States. Nang matapos ang digmaan sa Europa, ang mga alyado ay nagplano na durugin ang Japan, ang natitira sa puwersang Axis.


Ang Tagumpay sa Pasipiko

Inatake ng puwersang Amerikano at Australian ang mga lugar sa Asia-Pacific na nasakop ng Japan. Noong Agosto 6, 1945, ang United States ay nagbagsak ng bomba atomika sa Hiroshima at nasundan ng pangalawang bomba atomika na ibinagsak sa lungsod ng Nagasaki noong Agosto 9, na nagdulot ng malubhang epekto sa Japan. Hinikayat ni Pangulong Truman ang Japan na sumuko na o makaranas pa ng maraming pambobomba. Ika- 2 ng Setyembre, 1945, nilagdaan ng bansang Hapon ang mga tadhana ng pagsuko sa sasakyang U.S Missouri sa Tokyo Bay. Sumuko ang Japan noong Setyembre 2, 1945 at ito ay tinawag na V-J Day o Victory in Japan. Ito ang pormal na pagwawakas ng digmaan sa Pacific at Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Ang Yalta Settlement

Ang naganap na pagpupulong ng tatlong pinuno ng mga bansang nanalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naganap sa Yalta, bahagi ng Crimea, noong Pebrero 1945. Nagpulong sina Joseph Stalin ng Russia, Winston Churchill ng Great Britain at Franklin Roosevelt ng US upang pagpasyahan ang kapalaran ng Germany. Napagkasunduang ipatupad sa Germany ang disarmament, demilitarization o pagbabawal na magtatag ng sandatahang lakas at dismemberment o paghahati rito. Pagbabayarin din ang Germany ng $20 bilyon bilang bayad-pinsala



GAWAIN:


PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ikomento ang inyong sagot sa comment section nito. Ilagay din sa inyong notebook ang inyong sagot.

1. Mayroon bang nananatiling epekto sa kasalukuyan ang naganap na digmaan noon? Magbigay ng limang mga bansang mayroong tensyon sa kasalukuyan.

2. Anu-ano ang mga dapat gawin upang maiwasan ang muling pagsiklab ng isa pang digmaan?

3. Ano ang mga masamang epekto ng digmaan? May kaugnayan ba ang mga naganap na digmaan noon sa kasalukuyang panahon? Ano ang kaugnayan nito sa kasalukuyan?

4. Bilang mag-aaral ngayon, sakaling maging lider ka sa hinaharap, paano mo haharapin ang tensyon sa West Philippine Sea?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9IlrUF79g86oAmIlXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=ikalawang+digmaang+pandaigdig&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DuRoGL9g.DQAJAxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=allied+vs+axis+powers&fr2=piv-web&fr=mcafee


Sunday, April 24, 2022

SEASON 2: AP8-Q4-WEEK1- UNANG DIGMAAN PANDAIGDIG: JOURNAL #1

 


JOURNAL #1:


"ANG MGA NAGAWA KONG BAGAY 

NA NAGDULOT NG HINDI PAGKAKASUNDO 

O PAGKAKAINTINDIHAN NG IBA"

SEASON 2: AP8-Q4-WEEK1-2: UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG

 

 AP8-Q4-WEEK1-2: UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG

MELC/Kasanayan

Nasusuri ang mga dahilan, mahahalagang pangyayaring naganap at bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig.Code: AP8AKD-IVa-1


BALIK-ARAL

      Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga pangyayari na may kaugnayan sa renaissance, unang yugto ng kolonyalismo, rebolusyong siyentipiko, industriyal at enlightenment, rebolusyong amerikano, rebolusyong pranses, si Napoleon Bonaparte, at ang ikalawang yugto ng kolonyalismong kanluranin.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga pangyayari na nagbunsod sa Unang digmaang pandaigdig.


Paksa: Mga Dahilan na Nagbigay Daan sa Pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig

    Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay ang unang malawakang digmaan na nagsimula noong 1914 at nagwakas noong 1918. Ito rin ay tinawag na unang makabagong digmaan sa kasaysayan dahil dito ginamit ang mga naimbentong mga kagamitan gaya ng machine guns, poison gas, eroplanong pandigma, submarine at mga tangke. May tatlumpu’t dalawang bansa sa limang kontinente ang sumali sa digmaang ito hanggang sa pagwawakas nito. Napakalaki nang naging epekto ng digmaan sa pangkabuhayang aspeto ng Europa at higit sa lahat ay kumitil ito ng napakaraming buhay. Binago ng digmaang ito ang mapa ng buong Europa. 



Narito ang mga dahilan na nagbigay daan sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig:

1. Imperyalismo – Ang kompetisyon sa pag-aagawan ng mga kolonya sa Africa at Asya sa pagitan ng mga industriyal na bansa sa Europa ang nagpalalim sa tunggalian at kawalan ng tiwala ng mga bansa nito sa isa’t isa. Nag-uunahan ang mga makapangyarihang bansa na sumakop ng mga lupain at magkaroon ng kontrol sa pinagkukunang-yaman at kalakal ng Africa at Asia. Ito ay lumikha ng samaan ng loob at pag-aalitan ng mga bansa. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:

- Pagsalungat ng Britanya sa pag-angkin ng Germany sa Tanganyika (East Africa) sapagkat balakid ito sa balak na maglagay ng transportasyong riles mula sa Cape Colony patungong Cairo. 

- Pagtangka ng Germany na hadlangan ang pagtatatag ng French Protectorate sa Morocco dahil naiingit ito sa mga tagumpay ng France sa Hilagang Africa. 

- Pagkabahala ng England sa pagtatatag ng Berlin-Baghdad Railway dahil ito ay tila panganib sa ugnayan patungong India.

- Pagsalungat ng Serbia at Russia sa pagpapalawak ng hangganan ng Austria sa Balkan

- Pagiging kalaban ng Germany ang Great Britain at Japan sa pagsakop sa China

- Hindi natuwa ang Italy at ang Germany sa pagkakahati-hati ng Africa sapagkat malaki ang nasakop ng England at France habang maliit lamang ang sa kanila.

2. Militarismo – Kinailangan ng mga bansa sa Europa ang mga naglalakihang hukbong sandatahan sa lupa, karagatan at himpapawid upang pangalagaan ang kanilang mga teritoryo. Ang pagpaparami ng mga armas upang mahigitan ang ibang bansa ay nagpakita ng pagpili sa digmaan kaysa sa diplomasiya. Naging ugat ito upang maghinala at magmatyag ang mga karatig bansa. Sinimulang magtatag ng malalaking hukbong pandagat ang Germany na ipinagpalagay naman ng England na ito ay paghamon sa kanilang kapangyarihan bilang Reyna ng Karagatan.

3. Nasyonalismo – ang masidhing pagmamahal sa sariling bayan ay may kaakibat na positibo at negatibong epekto. Ito ay nakapaghahatid ng pagkakaisa o di kaya’y pagkakahati-hati. Ito ay isa sa mga dahilan at nagdulot ng di pagkakaunawaan ng mga bansa. Nang ito ay lumabis at naging panatikong pagmamahal sa sariling bansa, naging masidhi ang paniniwala ng mga bansa sa Europa na karapatan nilang pangalagaan ang mga kalahi nila at mamuhi sa mga bansang namumuno sa kanila. Halimbawa ay ang mga sumusunod:

- Ang aristokrasyang militar ng Germany, ang mga Junker, ay naniniwalang sila ang nangungunang lahi sa Europa. 

- Pagkamuhi ng mga Serbian dahil sa mahigpit na pamamahala ng Austria.

- Pagkakaroon ng Greek Orthodox na relihiyon sa maraming estado ng Balkan, at ang pananalita ay tulad ng mga Ruso kaya’t nakialam ang Russia sa Balkan.

4. Pagbuo ng Alyansa – dahil sa inggit, hinala at mga pangamba ng mga makapangyarihang bansa sa Europa, nabuo ang dalawang magkasalungat na alyansa. Ang mga alyansang ito ay ang Triple Entente at ang Triple Alliance. 

Ang Triple Entente ay binubuo ng mga sumusunod na bansa:

France

Britain

Russia

Ang Triple Alliance naman ay binubuo ng mga sumusunod na bansa:

Germany

Austria-Hungary

Italy 

Sa ilalim ng pagkakaroon ng mga alyansa, ang bawat kasapi ay magtutulungan kung mailalagay sa kaguluhan at mga tangkang pagsalakay sa kanilang bansa.

Pagsisimula at Pangyayari sa Unang Digmaang Pandaigdig

    Ang mga pangunahing pangyayari sa Europa na maituturing na pangunahing nakaapekto sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang krisis sa Bosnia noong 1908. Pinamahalaan ng Austria ang Bosnia Herzegovina noong 1908 tutol dito ang Serbia dahil nais nilang pamahalaan ang Bosnia-Herzegovina. Ang Russia ay handang tumulong sa Serbia dahil sa kanyang interes na mapasok ang Balkan Peninsula. Nakahanda namang lumaban ang Austria Hungary sa Serbia.

    Noong Hunyo 28, 1914 pinatay si Archduke Franz Ferdinand (tagapagmana ng trono ng Austria Hungary) at ang asawa nitong si Sophie habang sila ay naglilibot sa Saravejo, Bosnia Herzogovina. Ang salarin ay si Gavrilo Princip isang 19 na taong gulang na Serbian na kasapi sa Black Hand, isang lihim na organisasyong na naghahangad na tapusin ang pamumuno ng Austria-Hungary sa Bosnia Herzegovina. Dahil sa pangyayaring ito nagbigay ng ultimatum ang Austria-Hungary sa Serbia kabilang na dito ang pagiging bahagi ng mga opisyal ng Austria sa imbestigasyon ng pagpaslang ngunit di sumang-ayon ang Serbia. Noong Hulyo 28, 1914, nagdeklara ng digmaan ang Austria-Hungary laban sa Serbia. Ito na ang simula ng Unang Digmaang Pandaigdig. Dito na rin nakita ang reaksyon ng sistema ng alyansa ng mga bansa.Sinuportahan ng Russia ang Serbia. Inisip ng Russia na ang Germany ang nagtulak sa Austria-Hungary upang makipagdigma sa Serbia kayat agad itong nagpadala ng hukbo sa hangganan ng Germany. Bilang reaksyon ay nagdeklara ang Germany ng digmaan sa Russia noong Agosto 1, 1914. Batid ng Germany na tutulong ang France sa Russia kung kayat nagdeklara din ito ng digmaan sa France pagkalipas ng dalawang araw. Nagpasya naman ang Italy na maging neutral o walang kinikilingan. Sa labanang ito ay naging kalaban ng Germany ang France sa kanluran at Russia sa silangan. Ginamit ng Germany ang Schlieffen Plan na naglalayong talunin ang France sa loob ng anim na linggo matapos nito ay isusunod nila ang Russia. Dumaan sa Belgium (bansang neutral) ang Germany na ikinagalit ng Great Britain kayat nagdeklara ito ng digmaan sa Germany noong Agosto 4 at tinulungan ang Belgium at France. Nahati ang mga makapangyarihang bansa sa Europe na nasangkot sa digmaan. Ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, France at Russia. Tinawag namang Central Powers ang Germany at Austria Hungary. Sa kalaunan ay sumali ang Japan at Italy sa Allied at ang Turkey at Bulgaria sa panig naman ng Central Powers.

Digmaan sa Kanluran

    Naganap ang pinakamainit na labanan noong Unang Digmaang Pandaigdig. Saklaw nito ang France, Switzerland at Belgium hanggang sa North Sea.

    Ang Hilagang France ay napasok ng hukbo ng Germany at nakalaban ang mga sundalong Pranses at British. Dumepensa ng mabilis ang Russia sa silangan ng halos makalapit na sa Paris ang mga Aleman. Nahati ang hukbo ng Germany kung kayat sila ay nabigong maisakatuparan ang Schlieffen Plan dahil naging mabagal at matindi ang labanan sa pagitan ng dalawang panig. Gumamit ng mga sandata tulad ng machine gun at poison gas. Maraming sundalo ang namatay sa labanang ito.

Digmaan sa Silangan

    Ang digmaang ito ay mula sa Baltic Sea hanggang sa Black Sea. Naglunsad ang Russia ng pagsalakay sa Germany. Pinamunuan ito ni Czar Nicholas II. Natalo ang hukbong Russia sa Labanan sa Tannenberg. Itinuturing itong pangunahing tagumpay ng Central Powers. Nagtagumpay naman ang hukbong Russia sa Galicia ngunit di rin nagtagal ang kanilang tagumpay. Pinahirapan sila ng mga German sa Poland at tuluyang humina at kalaunan ay bumagsak ang hukbong sandatahan ng Russia. Naging sunod-sunod ang pagkabigo ng Russia sa mga labanan. Ito ang may pinakamaraming bilang ng mga sundalong nasawi, nasugatan at nabihag na umabot sa 5.5 milyon. Naging bigo ang Russia sa mga digmaan at bumagsak din ang kanilang ekonomiya na naging dahilan ng kawalan ng tiwala ng tao sa pamumuno ni Czar Nicholas II. Siya ay bumaba sa trono noong Marso 15, 1917 na nagtapos sa Dinastiyang Romanov at ang pagsilang naman ng Komunismo sa Russia. Nakipagkasundo si Vladimir Lenin sa ilalim ng pamahalaang Bolshevik sa Germany sa pamamagitan ng paglagda sa Treaty of Brest-Litovsk. Naging kasapi ang Russia ng Central Powers at iniwan niya ang mga Alyado.

Labanan sa Labas ng Europe

    Nagnais ang mga Allies na makabawi sa Central Powers kaya’t gumawa sila ng hakbang upang makuha ang Dardanelles Strait na noon ay nasa ilalim ng Imperyong Ottoman. Tinawag itong Gallipoli Campaign subalit hindi naging matagumpay ang Allied Powers sa madugong labanang ito na ikinasawi ng tinatayang 250,000 nilang sundalo. May naganap ding labanan sa Timog Kanlurang Asya, dito natamo ng Allies ang kanilang tagumpay nang makuha nila ang Baghdad, Jerusalem at Damascus. Nagdeklara din ng digmaan ang Japan laban sa Germany at naagaw nito ang mga napasakamay naman ng France at Britain.

Digmaan sa Karagatan

    Nagkasubukang muli ang pwersa ng Germany at Britain sa Atlantic. Dinala ng Germany ang kaniyang hukbong dagat na tinawag na High Seas Fleet sa North Sea upang palubugin ang mga barko ng Britain. Ngunit ikinagulat ng mga Aleman ang naging pag- atake ng British sa baybayin ng Denmark na naging dahilan ng pag-atras ng Germany. Sa labanang ito ay maraming barko ng Britain ang lumubog kaya’t naging patas lamang ang labanan. Ang Atlantic ay nanatili pa ring kontrolado ng mga Allies.

Pagsali ng United States sa Digmaan

    Hinarang ng Germany ang mga barkong nakapaligid at patungo sa Britain. Noong Mayo 7, 1915 isang U Boat ang nagpalubog sa Lusitania, pampasaherong barko ng Britain na may sakay ding mga Amerikano. Tinatayang 1,198 katao ang namatay kabilang na ang mga pasaherong Amerikano. Isa pang pangyayari na nagtulak sa US na makibahagi sa digmaan ay nang magpadala ng telegrama ang Germany sa Mexico na sumali sa digmaan kapalit ng pangakong muling ibabalik ang mga dati nilang teritoryo na nasa ilalim ng Estados Unidos. Naging dahilan ito ng pagpasya ng United States na magdeklara ng digmaan. noong Abril 2, 1917 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Woodrow Wilson.

    Patuloy ang ginawang paglusob ng Germany sa France at narating nila ang Ilog Marne noong Mayo 1918. Nagpadala ang US ng 2 milyong sundalo upang tumulong sa labanan. Napagtagumpayan ng mga Allies ang labanang ito. Dahil sa patuloy na paghina ng pwersa ng Germany ay bumaba sa pamumuno si Kaiser Wilhelm II noong Nobyembre 9, 1918. Nilagdaan ng bagong pinuno ang armistice noong Nobyembre 11, 1918 sa isang railway car sa Le Francport malapit sa Paris.


Bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig

1. Napakalaki ng pinsala na naidulot ng Unang Digmaang Pandaigdig sa buhay at ari-arian Tinatayang 8.5 milyong katao ang namatay at 22,000,000 ang nasugatan. Marami ang namatay sa gutom, sakit at paghihirap.

2. Maraming ari-arian ang nasira. Naantala ang kalakalan. Nawasak din ang mga imprastraktura, tahanan at mga lupang pansakahan. Napakalaki ng nagastos sa digmaan na umabot sa 200 bilyong dolyar. Kung kaya’t humina ang lipunan at kabuhayan.

3. Nagwakas ang apat na dinastiya: ang Hohenzollern ng Germany, Hapsburg ng Austria- Hungary, Romanov ng Russia at Ottoman ng Turkey.

4. Pagtatag ng malayang bansa- naging malayang bansa ang Finland, Latvia, Lithuania, Estonia, Yugoslavia at Albania. 


Mga Kasunduang Pangkapayapaan

        Sa pagnanais na wakasan na ang digmaan upang maibangon at maitaguyod ang Europe, naglunsad ng Peace Conference ang 32 bansa noong Enero 18, 1919 sa Paris. Namuno sa kasunduang ito ang mga nagwaging bansa at hindi pinayagang dumalo ang mga natalong bansa. Tinawag na Big Four ang mga nanguna sa pagbuo ng kasunduan. Ito ay sina Woodrow Wilson ng Estados Unidos, David Lloyd George ng Great Britain, George Clemenceau ng France at Vittorio Orlando ng Italy.

    Binalangkas ni Pangulong Woodrow Wilson ang Labing Apat na Puntos na naglalayon ng pangmatagalang kapayapaan. Kabilang sa napagkasunduan ay ang mga sumusunod:

1. Ang kasunduan na nagaganap ay dapat ipaalam sa lahat.

2. Magkaroon ng kalayaan at karapatan sa digmaan.

3. Kinakailangang tanggalin ang buwis para sa ikabubuti ng ekonomiya.

4. Kinakailangang bawasan ang sandatahan o lakas pandigma.

5. Dapat na walang kinikilingan sa mga suliranin na pangkolonya.

6. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Russia.

7. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Belgium.

8. Kagustuhan na maibalik ang Alsace-lorraine sa bansang Pransya.

9. Kailangang magkaroon ng maayos na hangganan ang bansang Italya.

10.Kagustuhan na magkaroon ng determinasyon ang mga nakatira sa Austria–Hungary.

11.Bigyan ng pagkakataon na makapagsarili ang mga bansang Balkan.

12.Bigyan ng kalayaan ang bansang Turkey sa kamay ng mga mananakop.

13.Bigyan ng kalayaan ang bansang Poland.

14.Pagtatag ng Liga ng mga Bansa.

    Makalipas ang anim na buwan ay nilagdaan naman ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919 na opisyal na nagwakas ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa kasunduang ito ay nakasaad ang mga sumusunod: pagbalik sa France ng Alsace at Lorraine, pagsuko ng Germany sa lahat ng kolonya nito sa Africa at Asia, pagbabawal sa Germany na bumili at lumikha ng mga armas pandigma, pagbabayad ng Germany sa Allies ng 33 bilyong dolyar sa loob ng 30 taon. Ipinataw ng Allies ang responsibilidad ng digmaan sa Germany at mga kaalyado nito.

Ang Liga ng mga Bansa

 Itinatag ito sa layuning maiwasan ang anomang alitan sa pagitan ng mga bansa na maaaring maging dahilan muli ng digmaan. Layunin din nitong ayusin sa mapayapang paraan ang di pagkakaunawaan ng mga kasaping bansa, mapalaganap ang pandaigdigang pagtutulungan, lumakas ang kooperasyon ng mga bansa lalo na sa usaping pangkalakalan. Hindi inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagsali ng kanilang bansa sa Liga. Nag-umpisa ang samahan na mayroong 42 lamang na bansang kasapi. Matapos ang ilan pang mga taon, umakyat ang bilang ng mga bansang kasapi nito sa 59. Ang Great Britain at France ang pangunahing bansang gumabay sa pagtatayo ng polisiya ng mga Liga ng mga Bansa. Ang Italy at Japan ang tumayong Konseho ng samahan. Ang mga ilan sa nagawa ng Liga ng mga Bansa ay ang pagpigil ng maliliit na digmaan sa pagitan ng Finland at Sweden noong 1920, Bulgaria at Greece noong 1925 at Colombia at Peru noong 1934. Namahala din ito sa rehabilitasyon ng mga sundalo pagkatapos ng digmaan. Nagsimula na itong manghina nang tumiwalag ang Japan dahil sa pananakop nito sa Manchuria na teritoryo ng China. Maging ang paglimita sa mga sandata ng mga bansa ay hindi sinunod ng ilang kasapi sa pangambang madali silang matatalo kung sakaling lusubin sila ng kalabang bansa.


TANDAAN!

 May apat na dahilan ang pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig: Militarismo, Nasyonalismo, Imperyalismo at Pagtatatag ng mga Alyansa. 

 Nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Hulyo 27, 1914 hanggang Nobyembre 11, 1918.

 May dalawang alyansang nabuo mula sa pagkakampi kampihan ng mga bansa sa Europa. Ito ay ang Triple Entente at Triple Alliance.

 Ang mga bansa sa alyansang Triple Entente ay ang France, Britain, Russia. 

 Ang mga bansa sa alyansang Triple Alliance ay ang Germany, Austria-Hungary, Italy.

 Inggit, hinala at pangamba ay mga makapangyarihang emosyon na nangibabaw sa mga bansa sa Europa kaya humantong sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mga bansa nito. 

 Ang pangmadaliang dahilan ng pagsiklab ng digmaan ay ang pagsiklab ng labanan sa Balkan at ang pataksil na pagpatay kay Archduke Franz Ferdinand.

 Magkalabang pangkat sa digmaan ang Central Powers na binubuo ng Germany, Austria-Hungary, Bulgaria at Imperyong Ottoman at ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, Russia at France.

 Napilitang lumagda sa Treaty of Versailles ang Germany na opisyal na pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig.  Ang pagkakabuo ng Liga ng mga Bansa ay naglalayon na isulong ang kapayapaan at pagtutulungan ng mga bansa.

 Ang epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang pagkamatay ng milyong katao sanhi ng gutom, sakit at paghihirap. Maraming imprastraktura at ari￾arian ang nasira na nagdulot ngpaghina ng lipunan at kabuhayan. 


GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Ikomento ang inyong sagot sa comment section. Isulat din ang inyong sagot sa inyong notebook.

1. Ano ang naging hudyat ng pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig?

2. Bakit di nagtagumpay ang Schliffen Plan ng Germany?

3. Bakit napilitan na makisangkot ang United States sa digmaan?

4. Ano-ano ang mga hakbang na isinagawa ng mga pinuno ng bansa upang wakasan ang Unang Digmaang Pandaigdig?

5. Sa iyong palagay, makatwiran ba ang di pagpapahintulot sa mga natalong bansa na maging kabahagi sa paglulunsad ng Peace Conference?

6. Ano-ano ang naging epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DsuzXbJgBG4AeTxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=UNANG+DIGMAANG+PANDAIGDIG&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://www.twinkl.com/illustration/1914-alliances-colour-map-countries-europe-first-world-war-history-secondary-

https://www.twinkl.com/illustration/1914-alliances-colour-map-countries-europe-first-world-war-history-secondary-black-and-white


Sunday, March 27, 2022

AP8-Q3-WEEK8: IKALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO: PAG-USBONG NG NASYONALISMO - SEASON 2

 AP8-Q3-WEEK8: IKALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO: PAG-USBONG SA NASYONALISMO


MELC/Kasanayan

Nasusuri ang mga dahilan, pangyayari at epekto ng Ikalawang Yugto ng Kolonyalismo at Imperyalismo.

Naipahahayag ang pagpapahalaga sa pag-usbong ng Nasyonalismo sa Europa at sa iba’t ibang bahagi ng daigdig


BALIK-ARAL

    Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga pangyayari ukol sa buhay ni Napoleon Bonaparte, ang kanyang pag-usbong, pakikibaka, at pagbagsak. Kasama ring napag-usapan ang ilang labanan at ambag niya sa rebolusyong Pranses.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga dahilan, pangyayari, at epekto ng ikalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo. Kasama ring tatalakayin ang pag-usbong ng nasyonalismo sa daigdid.


PANIMULA

“Anong maiaambag mo?” Sadyang kakaiba ang pamamaraan ng pag-aaral sa kasalukuyan dahil sa suliranin sa pandemiyang Covid-19. Ngunit sa kabila nito, napakahalaga na maipagpatuloy ang pag-aaral at pagkatuto. Ito ay isang mabisang sandata para sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Narito ang mga simple ngunit kapaki-pakinabang na hakbang na maitutulong mo para sa iyong sarili, pamilya at bansa.

1. Maging masipag at matiyaga sa pag-aaral. Ugaliin ang masigasig na pagbabasa at pag-unawa sa mga aralin.

2. Maging matapat sa pagsagot sa iba’t ibang gawain. Hindi man maging madali na matutunan ang kabuuan ng aralin, ang mahalaga ay sinubukang gamitin ang buong makakaya nang may buong katapatan.

3. Maging disiplinado sa paggamit ng oras. Laging maglaan ng sapat na oras sa pag-aaral at unahin ito kaysa sa mga bagay na hindi lubusang kinakailangan.

4. “Huwag mahihiyang magtanong.” Para sa mga bahaging hindi mo maunawaan, maaaring magtanong sa guro o iyong magulang.


Ikalawang Yugto ng Imperyalismong Kanluranin

    Ang mas malawak na kaalaman ng mga Europeo sa paglalayag sa karagatan ay nagbunsod ng mas maraming lupain na kanilang nasasakop. Ang una nilang layunin na palaganapin ang Relihiyong Kristiyanismo at maghanap ng mga hilaw na sangkap ay higit pang nadagdagan ng mas mapagnasang mga hangarin para sa ikauunlad ng kanilang bansa. Mula sa mga unang nakilalang Spain at Portugal na naging tanyag sa mga paglalayag, naging kabilang din sa mga Kanluraning mananakop ang mga bansang Netherlands, France, Britain, Amerika at iba pa. Ang ikalawang yugto ng imperyalismo ay nagsimula bago ang ika-19 na siglo. 


Paghahanap ng mga Hilaw na sangkap

    Upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga bansa, ang mga Europeo ay naghanap ng mga hilaw na sangkap sa mga lupaing kanilang nasasakop. Ang likas na yaman ng mga teritoryong kanilang naaangkin ay ginagamit nila sa paglikha ng mga produktong kapaki-pakinabang at mabenta sa pakikipagkalakalan. Mas maraming hilaw na sangkap, mas maraming produktong malilikha, mas malaking kita para sa bansa.


Pagpapalakas ng puwersa

    Bukod sa mga hilaw na sangkap, napakahalaga para sa mga Europeo ang magkaroon ng karagdagang tao na magsisilbing lakas-paggawa (labor force) ng mga nililikha nilang produkto. Ang mga teritoryong kanilang naaangkin ay nagsisilbi ring bagsakan ng mga produktong kanilang ikinakalakal o ibinibenta. Gayundin, ang mga katutubo ng mga lupaing kanilang nasasakop ay nagagamit nila upang lumaban sa mga digmaan para sa kanilang sariling bansa.


Pagpapalaganap ng Relihiyong Kristiyanismo

    Napakataas ng pagtingin ng mga Kristiyanong Europeo sa kanilang relihiyon na kung saan ay mababa naman ang turing ng ilan sa kanila sa mga katutubong may ibang paniniwala at maraming kinikilalang Diyos. Napakalaking ambag ng Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo ang paglaganap ng Kristiyanismo sa ibat ibang bahagi ng daigdig. Dahil dito, maraming mga kulturang Kristiyano ang naituro at naisabuhay rin ng mga katutubo sa mga lupaing nasasakop ng mga Europeo. Ang pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo ay dumaan sa maraming mabuti at masamang pamamaraan, nakapag-ambag ng maraming mabuti at masamang epekto sa ibat ibang aspeto ng kasaysayan at kultura sa ibat ibang lupain sa daigdig.




Mula sa mapa sa itaas, mahihinuha ang mga sumusunod :

- Pinakamaraming lupain, teritoryo o bansa sa Africa ang nasakop ng mga Kanluranin.

- Malaking bahagi ng Hilagang Asya ay naging teritoryo o nasa impluwensya noon ng Russia.

- Ang Pilipinas ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika noong Ikalawang Yugto ng Imperyalismo.

- Ang Turkey o Imperyong Ottaman ay ang pinakamakapangyarihan sa mga karatig￾bansa nito sa Kanlurang Asya.

- May pinakamaraming teritoryo na nasakop ang United Kingdom. Kabilang dito ang ilang mga bansa sa Timog Africa at Silangan Africa, Australia, India at Canada.

- Bagamat una sa naging makapangyarihan sa paglalayag sa karagatan ang Spain at Portugal, maliit na lamang ang naging teritoryong sakop nito noong Ikalawang Yugto ng Imperyalismo.

- Sa Ikalawang Yugto ng Imperiyalismo, maliit na bahagi na lamang ng kontinente ng Timog Amerika ang nasasakop ng mga Kanluranin.


Paglaganap ng relihiyong Kristiyanismo

    Ang Kristiyanismo ay ang pinakalaganap at maipluwensyahang relihiyon sa kasalukuyang panahon. Ang pananakop ng mga Kanluranin noong Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo ay ang naging dahilan ng paglaganap ng Kristiyanismo sa ibat-ibang panig ng daigdig. Gayundin, ang mga kulturang kaakibat ng Kristiyanismo na itinuro ng mga Kanluranin, ay tinanggap ng maraming katutubo. Isang halimbawa dito ay ang Pilipinas na sinasabing pinakaKristiyanong bansa sa Asya.


Kalakalan ng mga Alipin

    Sa panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo naging malawak ang kalakalan ng mga alipin sa ibat ibang bahagi ng daigdig tulad sa kontinente ng Africa, Hilagang Amerika at Asya. Ang mababang pagtingin at hindi makatwirang pagtrato ng ilang mga Kanluranin sa ibang lahi ay nagdulot ng labis na paghihirap sa buhay ng mga katutubo. Pangkaraniwan ang pagkakahiwalay ng magkakapamilya, maraming pagkakataon na ang isang alipin ay ipinadadala sa Europa upang sapilitang magtrabaho o sa ibang mga sakop na bansa upang magsilbing mandirigma. Masasabing magpahanggang sa kasalukuyan ay bahagi ng kultura ng ibang lahi ang mababang pagtingin sa hindi kalahi, hindi katulad ng kulay ng balat, at hindi kasing-lebel ng antas sa lipunan.


Paghahalo ng mga Kultura

    Ang pananakop ng mga Kanluranin ay nagdulot ng mga pagbabago sa maraming paraan ng pamumuhay ng ibat ibang lupain sa daigdig. Bagamat hindi lahat ng kanilang nasakop ay yumakap sa relihiyong Kristiyanismo, may mga paniniwala, patakaran, aral, gawain at iba pa na iniwan ang mga Kanluranin sa buhay ng mga katutubo. Narito ang ilang halimbawa:

- Ang mga Ingles (British) ay pumigil sa suttee ng mga katutubo ng India, na kung saan ang babae ay kusang loob na sinusunog ang sarili sa tabi ng bangkay ng asawang lalaki.

- Mas napaunlad ng Belgium, France, Britain, Germany, Portugal at Italy ang pagmimina sa ibat ibang bahagi ng Africa. Gayundin ang pagpapastol ng hayop atpagtatanim ng ubas, citrus at iba pa.

- Ang banyagang wika ay naging bahagi na rin ng buhay ng mga katutubo tulad ngnapakalawak na impluwensiya ng wikang Ingles sa Pilipinas.

- Ang mga kapaki-pakinabang na kagamitang at teknolohiyang Kanluranin ay naisalin din sa mga katutubo. Nagpaunlad sa komunikasyon, industriya, agrikultura at pang￾araw-araw na pamumuhay.


Pagtatangi ng Lahi (Racism) at Diskriminasyon noon hanggang ngayon?




Rudyard Kipling

- Siya ay isang British na sumulat ng akdang White Man’s Burden na kung saan ay sinabi niyang tungkulin ng mga Kanluranin na turuan at tulungan ang ibang lahi na umunlad sa kanilang pamumuhay. 


“Mabuti ang layunin, ngunit mali ang pamamaraan.” Ito ay isa sa masasabing paglalarawan sa ginawang pananakop ng mga Kanluranin. Marami silang naging mabuting dulot sa mga katutubo ng lupaing kanilang sinakop ngunit bago ito ay libu-libong buhay ang naging kapalit. Kasabay ng mga pag-unlad na naiambag nila sa mga nasakop na teritoryo ay ang pagpatay o pagparusa sa mga hindi sumunod sa kanilang mga patakaran.



William McKinley

- Ika-25 Pangulo ng Amerika (1897-1901). Ipinahayag niya sa paniniwalang Amerikano naManifest Destiny, na binigyan ng Diyos ang Amerika ng karapatan upang magpalawak ng teritoryo at gabayan ang mga lupaing nasakop nito. Ang Pilipinas naging teritoryo ng Amerika noong mga taong 1899 hanggang 1946.

    Sa kasaysayan ay napakaraming mga kaganapan sa daigdig ang nagpatunay ng mataas na pagtingin ng tao sa kanyang kapwa. Hanggang sa kasalukuyan ay masasabing maraming tao ang nabulag sa kapangyarihan, katanyagan, kalakasan at kayamanan na nagdulot ng diskriminasyon, pang-aalipin at iba pang masaklap na bahagi ng buhay ng tao.


Kahulugan at Katuturan ng Nasyonalismo

    Ang Nasyonalismo ay may kahulugang isang damdamin ng pagiging tapat at mapagmahal sa bansa. Sa iba, pinapatunayan ng pagiging tapat at mapagmahal sa bansa ang pagsasakripisyo pati ng buhay para rito. Nagpapatunay ito na ang mga bansa ay may ibat-ibang pamamaraan kung paano ipinapadama ang pagiging makabayan. 


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Soviet Union 

    Ang Soviet Union o Russia ang pinakamalaking bansa sa daigdig. Isa itong malawak na lupain na sumasakop sa dalawang lupalop ng Asia at Europe. Halos doble ang laki nito sa Estados Unidos. Noong 988, ipinalaganap ni Vladimir I sa Russia ang Kristiyanismong Griyego (Orthodox) kaya tinawag siyang Vladimir the Saint. Ika-13 siglo, dumating ang mga Tartar o Mongol mula sa Asia at sinakop ang mga mamamayan ng Russia nang mahigit sa 200 taon. Pagkatapos ng pananakop na ito, ang Russia ay napailalim sa mga czar. Ang uri ng pamahalaan ng Russia sa panahong ito ay monarkiya na pinamumunuan ng isang hari na tinatawag na czar. Kontrolado ng mga maharlika at pulisya ang lahat ng industriya. Magsasakang nakatali sa lupa ang apat sa bawat limang Ruso, walang karapatan at laging nakabaon sa utang. Maging ang mga industriya ay nasa ilalim ng pamamahala ng czar. Dahil sa mga pang-aabuso ng czar at ng pamahalaan, pinasimulan ang October Revolution kung saan nagkaisa ang mga tao na pabagsakin ang pamahalaan at ag pamumuno ng czar. Nagapi ang czar at nagwakas ang aristokrasya sa bansa. Napalitan ito ng diktadurya ng Partido Komunista na pinamunuan ni Vladimir Lenin.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Timog Amerika 

    Ang bawat isa sa 20 bansa sa Latin America ay pinamayanihan ng makabansang damdamin. May ilang mga tao ang nagkakamaling tawaging bansa ang Latin America. Hindi ito nakapagtataka. Maraming mga Latin Americans ang nagsasalita ng Espanyol at Katoliko Romano ang pananampalataya. Nagkabuklod￾buklod sila sa kanilang pagkamuhi sa awtokrasyang Espanyol, katiwalian sa pamahalaan, walang kalayaang magpahayag ng mga batas na naghihigpit sa pangangalakal.


Simon Bolivar at Jose de San Martin 

    Si Simon Bolivar ang nagnais na palayain ang Timog Amerika laban sa mga mananakop. Siya ay si Simon Bolivar. Ang pagnanais na ito ay pagpapatuloy lamang sa mga nasimulan ni Francisco de Miranda, isang Venezuelan. Ang huli ay nag-alsa laban sa mga Espanyol noong 1811 ngunit hindi siya nagtagumpay na matamo ang kalayaan ng Venezuela mula sa Spain. Noong 1816, namatay na may sama ng loob si Miranda sa isang bartolina ng mga Espanyol. Matapos nito’y pinamunuan ni Bolivar ang kilusan para sa kalayaan sa hilagang bahagi ng Timog Amerika. Noong 1819, pagkatapos na mapalaya ang Venezuela, ginulat niya ang mga Espanyol nang magdaan sa Andes ang kaniyang hukbo. Ang tagumpay niya ay humantong sa pagtatatag ng Great Colombia (ang buong hilagang pampang ng South America). Tinawag siyang tagapagpalaya o liberator at pagkatapos, naging pangulo si Jose de San Martin (1778-1850) naman ang sumunod sa pagtataboy sa mga Espanyol sa Argentina. Katulad din ni Bolivar, namuno si San Martin sa kaniyang grupo sa Andes. Tumulong ito sa liberasyon ng Chile, gayundin sa Peru. Mayroon din siyang heneral na tulad ni Bernard o’Higgins, isang Chileno.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Africa

    Hinangad at nagkaroon ng matagumpay na kolonisasyon ang mga bansang Europeo sa Africa. Pinaghati-hatian ang kontinente at binalangkas ang ekonomiya ayon sa kanilang sariling kapakanan. Nagtayo sila ng mga daang bakal at industriya upang mapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Bago nagsimula ang 1914, tatlo lamang ang malayang bansa sa Africa- Ethiopia, Liberia at Republika ng South Africa. Sinasabing nagsimula ang una sa pamamahala ni Reyna Sheba. Itinatag ang ikalawa noong 1810 sa tulong ng Estado Unidos habang naging kasapi ng Commonwealth of Nations ang ikatlo noong 1910.


PAGNINILAY

    Napakalawak ng mga naging epekto ng Kolonisasyon at Imperyalismo ng mga Kanluranin sa ibat ibang lupain sa daigdig. Masasabi nating ang mga epektong ito ay naging bahagi na ng pamumuhay, kasaysayan at kultura ng mga katutubo ng mga lupaing nasakop. Mga mabuti at masamang epekto na nagpabago sa maramingbahagi ng nakaraan at kasalukuyan. Mga epektong nagsilbing gabay ng tao sa patuloy na pakikipagsapalaran sa kinabukasan.


GAWAIN


PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ikomento sa baba ang iyong sagot. Ilagay din sa notebook ang iyong sagot.

1. Ano-ano nga ba ang layunin ng mga Kanluranin sa pananakop?

2. Gaano kalawak ang naging pananakop ng mga Kanluranin sa daigdig?

3. Ano-ano nga ba ang naging epekto ng pananakop ng mga Kanluranin sa ibat ibang lupain sa daigdig?

4. Tulad ng pag-usbong ng nasyonalismo mula sa ikalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo, paano mo naman ipapakita ang pagiging makabansa mo sa iyong lipunan?



REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.