Sakripisyo ng Guro
Tulungan, Huwag Pabayaan! Parangalan!
Ang edukasyon ang susi ng kaunlaran ng bayan. Ito rin ang kayamanang hindi mananakaw ninuman na pamana ng ating mga magulang at maging ng ating lahi. Kaya naman, ito rin ang parating nasa isip ng karamihan kaya pumapasok sa paralan at ginagapang ang hirap para makatapos lamang ng pag-aaral. Ang iba nama'y pumapasok lamang ng paaralan dahil ito'y nakagawian ng karamihan.
Iba ang buhay mag-aaral sa sentro ng kalakalan o kamaynilaan kumpara sa mga lalawigan o mga probinsya ng bansa. Sa Metro Manila kasi, apat hanggang anim na oras lamang ang nilalagi ng mga mag-aaral sa kani-kanilang paaralan dahil sa kakulangan ng classrooms sa dami ng mga enrollees. Sa probinsya naman, halos buong araw dahil sa maliit na bilang ng enrollees at kakayanan ng paaralan na ma-accomodate ang bilang ng mga estudyante. Malaki rin ang kaibahan sa pag-uugali ng mga mag-aaral, marami kasi sa kamaynilaan ang hindi nakatutok sa kanilang pag-aaral dahil sa dami ng mga tuksong pumupukaw sa atensyon ng bawat mag-aaral tulad ng computer, internet, malls, parks, barkada, at iba pa. Sa probinsya naman, hindi ganoon kalakas ang tukso lalo na sa mga malalayo sa sentrong bayan. Mas marami namang kakayanan ang taga-Maynila na gamitin ang teknolohiya sa pag-aaral kumpara sa probinsya na bilang lamang ang lugar na mayroon nito.
Paano kaya kung hindi lamang teknolohiya, ugali, at tukso sa pag-aaral tulad ng mga nararanasan ng mga taga-Maynila ang humaharap na problema hindi lamang sa mga mag-aaral kundi sa mga guro ng isang paaralan? Makakaya mo kaya?
Ito ang nararanasan ng mga mag-aaral lalo na ng kanilang guro sa Siya Elementary School sa Tapaz, Capiz. Sa isang panayam mula sa tumatayong school head nila, Ma. Jane A. Gardose, Head teacher I, kalbaryo ang nararanasan nila papuntang paaralan dahil mula sa kanilang tahanan sa bayan, sasakay sila sa habal-habal (motorcycle) upang makarating sa lugar kung saan sila magsisimulang maglakad ng siyam (9) na oras bago marating ang paaralang kanilang pinagsisilbihan. Hindi umano biro ito dahil hindi patag ang daanan, kailangan kasi nilang lakbayin ang bulubundukin at mga ilog na madaraanan upang maihatid lamang ang kaalaman na kailangan ng kanilang mag-aaral. Maliban pa rito, sakripisyo rin sa kanila ang pagtuturo dahil kailangan nilang maging flexible dahil multi-grade ang hawak nila sa isang classroom bunsod ng kakulangan nito. Multigrade dahil hindi lamang isang level ang nasa isang silid-aralan kundi apat na baitang. Bukod pa rito ang kakulangan ng mga mag-aaral sa kanilang basic necessities tulad ng sinelas, uniform, school supplies, at iba pa. Nabiro nga ako ng kanilang school head na minsan napupunta pa sa kanilang estudyante ang kanilang sahod dahil minsan kailangan nilang magparaos ng feeding program para hindi magutom ang kanilang estudyante. Isa rin kasing problema nila ang malnourish na bata at panay liban nito sa klase dahil tumutulong sa kani-kanilang mga magulang. Hindi na rin nahiya ang kanilang school head na sabihing lumalapit siya sa mga kaibigan at kakilala upang magbigay donasyon para sa mga bata. Nangako naman ako na sisikapin kong ilapit ito sa media o sa kinauukulan upang makatulong sa kanila.
Makikita sa mga video sa ibaba ang biyahe nila papuntang paaralan kung saan sila nagtuturo. Mayroon ring mga larawan ng kanila mismong paaralan, tinutulugan, at mga mag-aaral.
Nawa'y maging instrumento ito para mailapit sa inyo at upang makapagbigay kayo ng tulong sa kanila upang sa lalong ikagaganda ng kanilang paaralan at ikasisiya ng kanilang mga estudyante. Marapat ring bigyan ng saludo ang mga gurong nagtitiyagang tiisin ang hirap para lamang matulungan ang kanilang kababayan na maging edukado at hindi maging pabigat sa lipunan balang araw.