Tuesday, July 22, 2025

REVISED K TO 10 CURRICULUM: AP8-Q1-WEEK6: ESTRUKTURANG PANLIPUNAN SA IBA'T IBANG BAHAGI NG ASYA AT DAIGDIG

 AP8-Q1-WEEK6: ESTRUKTURANG PANLIPUNAN SA IBA'T IBANG BAHAGI NG ASYA AT DAIGDIG

1. Lipunang Greek at Roman 

2. Iba pang sinaunang lipunan 

Kasanayang Pagkatuto: Natataya ang epekto ng estrukturang panlipunan sa pag-unlad ng pamumuhay ng tao.


LIPUNANG GREEK AT ROMAN

Ang lipunang Greek at Roman ay mayaman sa kultura, sining, at politika, na nagbigay ng malaking kontribusyon sa kasaysayan ng daigdig.


Lipunang Greek

Noong nasakop ng mga Mycenaean ang Crete na sinasabing pinagmulan din ng kabihasnang Minoan, malaki ang naging impluwensya ng mga Minoan sa Greek. Kabilang na sa mga impluwensiyang ito ang wika, sining, alamat, at kwento.

    Noong 1100 BCE, Sinalakay ang Mycenaean ng mga Dorian, isang pangkat mula sa Hilaga. Samantala, isa pang pangkat na may kaugnayan sa Mycenaean ang tumungo sa Timog ng Greece sa may lupain ng Asia Minor, hangganan ng karagatang Aegean. Dito, nagtatag sila ng pamayanang Ionia at nakilala naman bilang Ionian.

    Ang mga pangyayaring ito ay tinaguriang Dark Age o Madilim na panahon ng Greece. Naging palasak ang digmaan ng iba't ibang kaharian, nahinto ang kalakalan, pagsasaka, at iba pang gawaing pangkabuhayan. Kasama rin dito pagtamlay ng sining at pagsulat.


    Mula naman sa madilim na panahon, umusbong sa Ionia ang bagong sibilisasyon na mabilis na lumaganap sa kabuuan ng Greece. Tinawag nila ang kanilang sarili na Hellenes o Greeks. Kinilala ang panahong ito na kabihasnang Hellenic mula sa kanilang tawag sa Greece na Hellas. Tumagal ito mula 800 BCE hanggang 400 BCE na sinasabing pinakadakilang sibilisasyong naganap sa kasaysayan ng daigdig.


Ang mga Polis



    Sa panahon ng Dark Age ng Greece, nagtayo ang mga Greek ng mga kuta sa gilid ng mga burol at taluktok ng bundok upang maprotektahan sila sa pagsalakay ng iba pang mga pangkat. Hindi naglaon, ang mga ito'y naging pamayanan na pinag-usbungan din ng mga lungsod-estado o Polis. Ang Polis ay hango sa salitang pulisya, politika, at politiko. Ito'y binubuo lamang ng 5000 kalalakihan na itatala sa opisyal na talaan ng populasyon ng lungsod-estado. Karamihan sa mga polis ay matatagpuan sa matataas na lugar na tinatawag na acropolis o mataas na lungsod. Ito ang takbuhan ng mga Greek sa panahon ng digmaan na naging sentro naman ng politika at relihiyon. Agora o pamilihang bayan naman ang tawag sa ibabang bahagi ng acropolis.



Kabihasnang klasiko ng Greece: Sparta, ang Pamayanan ng mga Mandirigma

Sparta, ang Pamayanan ng mga Mandirigma

    Hindi tulad ng ilang nabuong pamayanan, higit na binigyang halaga ng Sparta ang pagkakaroon ng malalakas at magagaling na sundalo. Nanatili ito sa pagkakaroon ng pamahalaang Oligarkiya kung saan pinamumunuan ito ng ilang malalakas na grupo. Binubuo ito ng dalawang pangkat (Asemblea at Council of Elders o Konseho ng Matatanda). Ang Asemblea ay binubuo ng kalalakihan at mga hinirang na opisyal samantalang ang konseho ng matatanda ang nagpapanukala ng batas. Pangunahing layunin ng pangkat ang lumikha ng magagaling na sundalo. Pagsapit ng ika-7 taong gulang, ipinadadala na ang bata sa kampo ng militar upang magsanay. Pagsapit ng ika-20 taong gulang, ang mga kalalakihan ay ganap na sundalo at hinahayaan nang makita ang kanilang pamilya. Pagsapit ng ika-30 na gulang, inaasahan silang magkaroon ng asawa. Sa edad na 60 taong gulang, sila ay maaari namang magretiro na sa hukbo.


    Ang mga kababaihan ng Sparta ay malalakas kumpara sa kababaihan ng Greece na limitado lamang ang karapatan. Ang mga ito'y sinasanay na maging matatag. Sila ang nag-aasikaso ng lupain ng kanilang mga asawa habang ang mga ito ay nasa kampo. Nangunguna rin sila sa palakasan at malayang nakikihalubilo sa mga kaibigan ng kanilang asawa habang masaya silang nanonood ng mga palaro tulad ng pagbubuno o wrestling, boksing, at karera.

    Ang Sparta ay binubuo ng tatlong pangkat: Maharlika, Perioeci, at Helots. Pinakamayaman ang maharlika, malalayong tao na naghahanapbuhay bilang mangangalakal o artisano ang mga perioeci habang pinakamababang uri ng lipunan ang helots. Nalinang ng Sparta ang isang uri ng pamahalaan na kontrolado ang lahat ng aspeto ng buhay ng mga mamamayan nito. Noong 500 BC, nakonrol na ng Sparta ang kabuuan ng peninsula na tinawag nilang Peloponnesus.

    Ang mga polis ng Sparta ay itinatag ng mga Dorian sa Peloponnesus na nasa timog ng tangway ng Greece. Sila lamang ang hindi umasa sa kalakalan. Ginagamit kasi nila ang kainaman ng klima, sapat na tubig, at matabang lupa na angkop sa pagsasaka para punuan ang pangangailangan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng pananakop ng iba pang lupain, napalawak ng Sparta ang kanilang lupain at ang mga magsasaka sa kanilang nasakop ay dinadala nila sa Sparta upang maging helots o tagasaka.

    Pangunahing mithiin ng Sparta ang magkaroon ng matatapang at malalakas na kalalakihan at kababaihan. Kaya naman kapwa ito dumaraan sa pagsasanay na may kaakibat namang responsibilidad sa lipunan. Responsable ang Sparta sa pagkakaroon ng pinakamahusay na sandatahang lakas sa buong daigdig na sa simula'y lau-labong nakikipagdigma hanggang sa panatilihing sama-sama sa pakikidigma. Nakabuo rin ito ng istilo ng pakikidigma. Sa pakikipaglaban, nakabauo ito ng hukbo o Phalanx na karaniwang binubuo ng 16 na hanay na mandirigma. Ang mga ito'y nakahanda pumalit sakaling mamatay ang nasa unang hanay sa pakikidigma.




Kabihasnang Klasiko ng Greece: Ang Athens at ang Pag-unlad nito

Ang Athens at ang Pag-unlad nito

    Kumpara sa Sparta na pangunahing layunin ang magpalakas at sumakop ng ibang lupain, ang Athens ay namuhay upang maging minero, manggagawa ng ceramics, mandaragat, at mangangalakal.

    Ang Athens noong 600 BCE ay isa lamang maliiit na bayan sa gitna ng tangway ng Greece na tinatawag na Attica. Hindi angkop sa pagsasaka ang buong rehiyon kaya naman ang karamihan sa mga mamamayan nito ay nagtatrabaho sa minahan, gumagawa ng ceramics, mandaragat, at mangangalakal.

    Pinamunuan noon ang Athens ng mga Tyrant o pinunong umabuso sa kanilang kapangyarihan. Bago pa ito, pinamunuan muna ng haring nahalal ng asemblea at mga payo mula sa konseho ng mga maharlika. Ang asemblea ay binubuo ng mga mamamayan na may malaking kapangyarihan at pinamumunuan ng Archon na pinapaburan ng mga may kaya sa lipunan. Hindi naglaon, naghangad ng pagbabago ang mga artisano at mangangalakal. Upang mapigil ang lumalalang sitwasyon, nagpagawa ng batas ang mga aristokrata o mayayamang tao. Si Draco na isang tagapagbatas ay nagsulat ng batas na nagbigay-daan sa pagkakapantay-pantay sa lipunan at binawasan ng kapangyarihan sa mga namumuno. Hindi pa rin ito ikinasiya ng mga simpleng mamamayan kaya naghangad pa ito ng maraming pagbabago. Marami sa kanila ang nagpaalipin upang makabayad sa kanilang utang.



    Nagkaroon ng pagbabago noong 594 BCE sa pangunguna ni Solon na mula sa pangkat ng aristokrasya na yumaman sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan. Inalis niya ang pagkakautang ng mahihirap at ginawang ilegal ang pagkakaalipin dahil sa utang. Gumawa rin siya ng sistemang legal na magbibigay ng kalayaan sa kalalakihan na maging hurado sa korte. Ito ay nagbigay kapangyarihan sa mga simpleng mamamamayan. Nagsagawa rin si Solon ng repormang pangkabuhayan para sa mga mahihirap subalit hindi pa rin ang naging dahilan para maging kuntento ang mga simpleng mamamayan.


    Noong 546 BCE, namuno si Pisistratus sa Athens. Bagamat mayaman siya, nakuha naman niya ang suporta at tiwala ng mga simpleng mamamayan. Sa kanyang pamumuno, ipinamahagi niya ang mga lupaing sakahan sa walang lupa, nagbigay rin siya ng pautang at nagbukas ng malawakang trabaho sa malalaking proyektong pampubliko, at pinabuti niya ang sistema ng patubig.


    Naganap muli ang pagbabago sa sistemang ng Athens noong 510 BCE sa pangunguna ni Cleisthenes. Sa kanyang pamumuno, hinati niya ang Athens sa sampung distrito. Limampung kalalakihan ang magmumula sa bawat distrito at maglilingkod sa konseho ng tagapayo upang bumuo ng batas sa Asembleya - ang tagagawa ng mga batas na pinaiiral sa lugar. Nagkaroon dito ng pagkakataon na makaboto ang mga mamamayang may pagmamay-ari ng lupa at wala. Binigyan din ng pagkakataon ang mga mamamayan na ituro ang taong banta sa Athens kada taon upang maipanatili ang kalayaan ng lugar. Sa sistemang ito na tinatawag na Ostrakon, ang mga mamamayan ay magsusulat ng pangalan sa pira-pirasong palayok ng taong nais ipatapon o itakwil ng Athens. Kapag nakakuha ng mahigit 6,000 na boto ang isang tao, ipapatapon o itatakwil siya palabas ng Athens sa loob ng sampung taon. Ostracism ang tawag sa sistema ng pagpapatapon o pagtatakwil. Sa sistemang ito, nabigyan ng malaking kapangyarihan ang mga mamamayan.

    Noong 500 BCE, isinilang ang demokrasya sa Athens. Ito ang pinakamahalagang naganap noon dahil sa pagpapatupad ng maraming reporma sa Athens.





Ang Roman Republic

 

 

    Ang Rome ay itinatag sa kalagitnaan ng ikawalong siglo B.C.E. ng mga unang Roman na nagsasalita ng Latin, isang sangay ng wikang nabibilang sa Indo-Europeo. Sila ay lumipat sa gitnang Italy at nagtayo ng mga sakahang pamayanan sa Lithium Plain sa Timog ng Tiber River. Ang lugar na napili nila ay ang Palatine, isa sa pitong burol malapit sa Tiber River.


Pagtatatag ng Republic

    Natamo ng mga Romano ang kasanayan sa pamamahala sa ilalim ng mga Etruscan. Ang Rome ay nagsimula bilang isang siyudad-estado na pinamumunuan ng isang hari. Noong 509 B.C.E, inalis sa pwesto ng mga Romano si Tarquinius Superbus, ang hari ng Etruscan, at nagtatag sila ng isang Republika, ang pamahalaan. Naghalal sila ng dalawang konsul na puno ng hukbo upang magsilbi bilang punong mahistrado sa loob ng isang taon, ang bawat isa ay nagsilbing tagasubaybay ng bawat isa.

    Sa mga panahon ng kagipitan, ang senado na binubuo ng mga patrician na nanunungkulan habang buhay, ay patuloy na humahawak ng iba’t-ibang pwesto. Sila’y nagpatibay ng mga batas at Humirang ng mga kandidato para sa mga katungkulan. Ang kapangyarihan sa pagpapataw ng buwis, ang deklarasyon ng patakarang panlabas at iba pang pakikipag-ugnayan ay kasama rito. Sa kabilang panig, ang Asemblea na binubuo ng lahat ng mamamayan ay may maliliit lamang na kapangyarihan.

     Bagamat sila’y nakaboto, ang bilang ng kanilang boto ay hindi gaanong pinahahalagahan kaysa sa mga patrician. Sa paglipas ng panahon maraming tanggapan ang nalikha. Gayunman, ang mga plebeian ay Hindi parin gaanong nakalalahok sa pamumuhay pulitikal at sosyal sa Rome. Sila’y humihingi ng mga pagbabago. Noong 500 B.C.E. ang mga plebeian ay umalis sa syudad at nagtungo sa Mons Sacer at sila’y tumatangging bumalik hanggat hindi ibinibigay ang kanilang mga kahilingan. Ang mga patrician, sa wakas, ay sumuko at kanilang pinahintulutan ang mga plebeian na maghalal ng dalawang tribune.




Ang mga Plebeian at Patrician

Pakikibaka ng mga Plebeian para sa Pantay na Karapatan

     Isang assembly ang nilikha upang kumatawan sa mga karaniwang tao. Nilikha upang pangalagaan ang karapatan ng mga plebeian laban sa mga mapang-abusong opisyal. Maaari nilang ipawalang-bisa ang anumang batas na mapang-api sa mahihirap. Hanggang Ten Tribune ang pwedeng ihalal ng mga tao.

 

Ang mga Plebeian at Patrician

    ‘Di tulad ng Athens na isang demokratiko, sa Republikang Romano ang namuno ay mga aristokrata. Lahat sila ay nagmula sa mga mayayamang may-ari ng mga lupa na tinatawag na patrician. Bagamat sampung porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ang mga patrician, nasa kamay nila ang halos lahat ng pangunahing posisyon sa pamahalaan at nagtamasa sila ng mas maraming karapatan. Karamihan naman sa mga Romano ay mga plebeians. Sila ay mga karaniwang tao na mula sa mayamang mamamayan, negosyante, artisano, magsasaka hanggang sa mga manggagagawa. Bilang mamamayan sila ay nagbabayad ng buwis at naglilingkod sa sandatahan ngunit hindi kapantay ng mga tinamasang karapatan ng mga patrician ang kanilang tinatamasang karapatan.

    May maayos na takbo ng pamamahala ang pamahalaang Romano. May tagapagpaganap (Executive) at tagapagbatas (Legislative). May dalawang patrician na tumatayong tagapagpaganap. Sila ang nagangasiwa sa pamahalaan at sa hukbong sandatahan. Sila ay inihalal sa tungkulin at may terminong isang taon upang makapaglingkod. Sa mga kamay nila nakasalalay ang kapangyarihan ng buong Roma. Maaari rin nilang i-veto o di tanggapin ang desisyon ng bawat isa. Kinakailangang magkasundo sila sa mga pangunahin at kritikal na desisyon. Sa panahon ng krisis, maaari silang pumili ng diktador mula sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan. May anim na buwan lamang na termino ang mga diktador o hanggang di natatapos ang krisis. Sa ganitong pamamaraan, napipigilan ang ganap na kapangyarihan ng mga diktador at napangangalagaan ang demokrasya.

    Ang tagapagbatas ay bumubuo ng 300 kinatawan. Ang pinakamakapangyarihan ay ang senado. Ang 300 kinatawan ay mula sa mga patrician. Sila ay inihalal at may terminong panghabambuhay. Tinatawag silang senador. Ang pangunahing gawain nila ay ang magbigay ng payo sa consul, maghain ng batas, at magtalakay ng mga patakarang panlabas.

     Hindi lahat ay sumang-ayon sa ganitong pamamahala. Noong 471 BC, ang mga Plebeians ay nagdesisyon na hindi na sila maglilingkod sa hukbong sandatahan ng Roma, bagkus ay magtatatag ng sarili nilang lungsod-estado. Ito ay upang maiwasan ang digmaang sibil at mapanatili ang kapayapaan. Sumang-ayon ang mga patrician sa ilang nais ng mga Plebeian. Isa na rito ay karapatang pumili ng sampung pinuno nila sa kanilang hanay na tatawaging tribunes na siyang magsusulong ng kanilang interes sa pamahalaan. Ang mga tribunes ay maaaring mag-veto ng ano mang desisyon ng consul o ng iba pang namumuno. Dahilan sa karapatang mag-veto, napangangalagaan ng mga Plebeian ang kanilang sariling interes laban sa mga patrician. Nagkaroon din ang mga Plebeian ng kanilang sariling asembleya na kinilala bilang Assembly of Tribes. Pagsapit ng 287 BC, isa na itong pangunahing tagapagbatas sa Roma.

     Sa simula ng Republika, ang mga batas ng Roma ay di nakasulat. Ang mga patrician ang may kontrol sa batas at ipinaalam lamang ito sa mga Plebeians. Pagsapit ng 451 BC, pinagbigyan ng mga patrician ang kanilang hiling. Ang mga batas ng Roma ay inukit sa mga tabletang tanso at inilagay sa forum upang mabasa ng lahat. Ito ay tinawag na Twelve Tables na siyang naging batayan ng iba pang batas sa Roma noong mga sumunod na panahon. Kasabay nito, bumuti rin ang katayuan ng mga plebeian. Pinayagan na silang makapag-asawa ng patrician at maglingkod sa mga pampublikong tanggapan. Pagsapit ng 287 BC, pantay na ang karapatang tinatamasa ng mga patrician at Plebeian. Ngunit, hindi maipagkakaila na ang kapangyarihang pulitikal ay nasa kamay pa rin ng mga patrician at ilang mayayamang plebeian. Patunay ito na ang republika at ang senado ay nasa kapangyarihan pa rin ng iilang mamamayan.


Tandaan!


Kabihasnang Greek

Heograpiya at Estruktura: Ang sinaunang Greece ay binubuo ng mga lungsod-estado (polis) tulad ng Athens at Sparta. Ang mga polis na ito ay may sariling pamahalaan at kultura, at madalas na nag-aaway para sa kapangyarihan at teritoryo. Ang heograpiya ng Greece, na may mga bundok at dagat, ay nagdulot ng pagkakahiwalay ng mga komunidad, na nagbigay-daan sa pagbuo ng mga natatanging kultura. 

Demokrasya: Sa Athens, umusbong ang demokrasya, kung saan ang mga mamamayan ay may direktang partisipasyon sa pamahalaan. Ang mga pangunahing lider tulad nina Solon at Pericles ay nag-ambag sa pagbuo ng mga patakaran na nagbigay ng karapatan sa mga mamamayan. 

Kultura at Sining: Ang mga Griyego ay kilala sa kanilang mga kontribusyon sa sining, pilosopiya, at literatura. Ang mga akdang tulad ng "Iliad" at "Odyssey" ni Homer ay patunay ng kanilang mayamang tradisyon sa panitikan. Ang mga Griyego rin ang nagpasimula ng mga Olympic Games bilang paggalang kay Zeus. 


Kabihasnang Roman

Republika at Imperyo: Ang Roma ay nagsimula bilang isang republika at kalaunan ay naging isang imperyo. Ang mga patrician at plebeian ay ang dalawang pangunahing uri ng tao sa lipunan ng Roma, na may iba't ibang karapatan at pribilehiyo. Ang mga konsul at senado ang namahala sa mga usaping pampolitika. 

Arkitektura at Inhenyeriya: Ang mga Roman ay kilala sa kanilang mga monumental na estruktura tulad ng Colosseum at aqueducts. Ang kanilang mga inobasyon sa arkitektura at inhenyeriya ay nagbigay-daan sa mas mahusay na imprastruktura at kalakalan. 

Kultura at Batas: Ang mga Roman ay nag-ambag sa larangan ng batas at pamahalaan, na naglatag ng mga batayan para sa modernong sistema ng batas. Ang kanilang mga akdang pampanitikan at pilosopikal ay patuloy na pinag-aaralan at pinahahalagahan hanggang sa kasalukuyan. 


Paghahambing ng Lipunan

Pamahalaan: Sa Greece, ang demokrasya ay umusbong, habang sa Roma, ang republika at kalaunan ang imperyo ang namayani. Ang mga mamamayan sa Athens ay may direktang partisipasyon sa pamahalaan, samantalang sa Roma, ang mga patrician lamang ang may kapangyarihan. 

Kultura at Sining: Ang sining ng Griyego ay nakatuon sa perpeksiyon at idealisasyon, habang ang sining ng Roman ay mas nakatuon sa realism at praktikalidad. Maraming sining na itinuturing na Griyego ay talagang mga kopya ng mga orihinal na Griyego na ginawa ng mga Roman. 


Konklusyon

Ang mga kabihasnang Greek at Roman ay may malalim na impluwensya sa kasaysayan ng daigdig, mula sa kanilang mga kontribusyon sa sining, politika, at kultura. Ang kanilang mga ideya at sistema ay patuloy na nakakaapekto sa modernong lipunan at kultura. Ang pag-aaral sa kanilang mga lipunan ay nagbibigay ng mahalagang pananaw sa pag-unlad ng sibilisasyon.


IBA PANG SINAUNANG LIPUNAN

Sa sinaunang Kabihasnang Tsina, ang mga Tsino ay naniniwala na sila lamang ang mga sibilisadong tao sa gitna ng mga tribo na tinawag nilang barbaro bunsod ito sa kanilang paniniwala na Sinosentrismo na ang kanilang lahi ay angat kaysa sa ibang kultura kayasila ang sentro ng daigdig. Tinawag din nila ang kanilang lupain na Zhongguo na nangangahulugang Middle Kingdom.

Nahahati ang lipunan ng Tsina sa apat na pangkat.

1. Paham- nakababasa at nakasusulat

2. Magsasaka- nagtutustos ng pagkain sa populasyon

3. Artisano- may kasanayan sa paggawa ng armas at iba’t ibang kasangkapan

4. Mangangalakal

     Dinastiya ang tawag sa uri ng pamahalaang nabuo sa Kabihasnang Tsina. Pinamumunuan ito ng isang emperador na nagmula sa iisang pamilya o angkan. Naniwala ang mga tao sa Mandate of Heaven o “Basbas ng Kalangitan”, kung saan ang emperador ay namumuno sa kapahintulutan ng langit siya ay itinuturing na Son of Heaven o “Anak ng Langit” pinili siya dahil puno siya ng kabutihan. Kapag siya ay naging masama at mapangabuso, ay babawiin ng kalangitan sa anyo ng lindol, bagyo, tagtuyot, peste o digmaan. Ang paniniwalang Mandate of Heaven at Son of Heaven ang nagpapaliwanag bakit papalit-palit ang dinastiya sa Tsina na tinatawag na Dynastic Cycle.

     Ang dinastiyang Xia o Hsia ang tinatayang unang itinatag na dinastiya sa Tsina ngunit nananatili itong isang alamat dahil sa kakulangan ng datos o tala na nagpapatunay sa pag-usbong nito.

















GAWAIN 1:

Panuto: Ipaliwanag ang mga sumusunod na mga salita hango sa araling ito.

1. Crete
2. Mycenaean
3. Dorian
4. Hellenes
5. Polis
6. Acropolis
7. Sparta
8. Asemblea
9. Maharlika
10. Perioeci
11. Helots
12. Athens
13. Draco
14. Council of Elders
15. Tyrant
16. Solon
17. Peisistratos
18. Cleisthenes
19. Ostracism
20. Cyrus the Great
21. Republic
22. Patrician
23. Plebeian
24. Executive
25. Legislative


GAWAIN 2:

     Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at isulat ang iyong sagot sa iyong kwaderno. I

1. Sang-ayon ka ba sa paniniwala ng mga Tsino sa Mandate of Heaven bilang paraan sa pagpili ng kanilang pinuno upang makabuo ng matatag na lipunan? Ipaliwanag ang sagot.

2. Sa Caste System ng India, Mayroon kaya sa iyong Lipunan ng kahalintulad nito? Ipaliwanag ang sagot

3. Sa Republikang Roma, Anu-ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng Patrician at Plebeian?

4. Sa Lipunang Pilipino, Mayroon kayang Patrician at Plebeian sa kasalukuyan? Magbigay ng Halimbawa.


Reference:

https://www.bing.com/search?pglt=2339&q=Lipunang+Greek+at+Roman&cvid=47bf259980274a0bb220eeb7cf2f75b9&gs_lcrp=EgRlZGdlKgYIABBFGDkyBggAEEUYOTIGCAEQABhAMgYIAhAAGEAyBggDEAAYQDIGCAQQABhAMgYIBRAAGEAyBggGEAAYQDIGCAcQABhAMgYICBAAGEDSAQkxODg5OGowajGoAgCwAgA&FORM=ANNTA1&PC=HCTS

https://prezi.com/p/qchrtt5wvhy2/estrukturang-panlipunan-sa-ibat-ibang-bahagi-ng-asya-at-daigdig/





No comments:

Post a Comment