Monday, July 7, 2025

REVISED K TO 10 CURRICULUM: AP8-Q1-WEEK4: MGA SINAUNANG KABIHASNAN

AP8-Q1-WEEK4: KABIHASNANG KLASIKO SA AMERICA AT MGA PULO SA PACIFIC


MELC: Nasusuri ang pag-usbong at pag-unlad ng mga klasikong kabihasnan sa: America – Aztec, Maya, Olmec, Inca, at Mga Pulo sa Pacific – Polynesia, Micronesia, Melanesia

 

BALIK-ARAL:

    Sa nakaraang talakayan, WEEK 3, tinalakay ko ang kabihasnang Mediterano, ang Minoan at Mycenaean. Ang kwento ng pinagmulan ng mananakop ng ating bansa.

    Ngayon naman ay tatalakayin ko.... ang mga kabihasnang Mesoamerica at mga Kabihasnan sa rehiyon ng Pacific.

 





Pag-usbong at Pag-unlad ng mga Klasikal na Lipunan sa America at mga Pulo sa Pacific

    Ano-ano ang naiisip mo kapag nababanggit ang mga salitang America, Ang Africa? At ang mga Pulo sa Pacific? Ano-ano na ang alam mo tungkol  sa mga lugar na ito?

    Masasalamin sa kasalukuyang kalagayan nit at sa pamumuhay ng kanilang mamamayan ang impluwensiya ng mga sinaunang kabihasnang  naitatag sa mga kontinenteng ito.

    Mapag-aaralan mo sa araling ito ang pag-usbong at pag-unlad ng mga imperyo sa America, Africa, at mga Pulo sa Pacific. Masusuri mo rin kung paano nakaimpluwensiya ang mga pangyayari at mga tugon sa hamon ng mga sinaunang mamamayan sa mga nabanggit na kontinente tungo sa pagbuo ng sariling pagkakakilanlan

 


Heograpiya ng Mesoamerica 
 
Ang pangalang Meso america ay hango sa katagang meso na nangangahulugang ‘gitna”Ito ang lunduyan ng mga unang kabihasnan sa America.Ang Mesoamerica o Central o Central America ay ang rehiyon sa pagitan ng Sinaloa Rivver Valley sa Gitnang Mexico at Gulf Fonseca sa katimugan ng el Salvador.Sa hilagang hangganan nito matatagpuan ang mga ilog ng Panuco at Santiago.Samantala,ang katimugang hangganan ay mula sa baybayin ng Honduras sa Atlantic hanggang sa gulod o slope ng Nicaragua sa Pacific at sa tangway ng Nicoya sa Costa Rica. Sa kasalukuyan,saklaw ng Meso-america ang malaking bahagi ng Mexico,Guatemala,Belize,ElSalvador at ang kanlurang bahagi ng Honduras. Sa lupaing ito,ang malaking pagkakaiba sa elebasyon ng lupa at dalas ng pag-ulan ay nagdudulot ng iba’t ibang uri ng klima at ekolohiya sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.Pabago-bago ang panahon sa rehiyong ito.Sa Mesoamerica naitatag ang unang paninirahan ng  mga tao.Isa rin ito sa lugar na pina-usbungan ng agrikultura,tulad ng Kanlurang Asya at China.Sa kasalukuyang panahon,ito rin ang may pinakamalaking populasyon. 

Mga Kabihasnan sa Mesoamerica

    Habang umuunlad at nagiging makapangyarihan ang mga Sinaunang Kabihasnan sa Mesopotamia, India, at China, nagsisimula naman ang mga mamamayan sa Mesoamerica na magsaka. Ang maliliit na pamayanang agrikultural na ito ay nabuo sa Gitna at Timog na bahagi ng Mesoamerica. Nang lumaon, naging makapangyarihan ang ibang pamayanan at nakapagtatag ng lungsod-estado. Ang mga bumuo ng lungsod-estado ay nakapagtatag ng sarili nilang kabihasnan. Ilan dito ay ang kabihasnang Olmec at Zapotec na tinalakay sa nakaraang Modyul.




    Sumunod na nakilala sa Mesoamerica ang Kabihasnang Maya at Aztec. Naging maunlad rin ang Kabihasnang Inca sa Timog America. Katulad ng kabihasnang Greece, at Rome, ang pagiging maunlad at makapangyarihan ay nagtulak sa mga kabihasnan sa Mesoamerica at Timog America na manakop ng lupain at magtayo ng imperyo. Malawak ang naging impluwensiya ng mga Maya, Aztec, at Inca kung kaya’t itinuturing ang mga ito na Kabihasnang Klasikal sa America.

Olmec 

Ang kauna-unahang kabihasnang umusbong sa Central America (at maaaring maging sa kabuuang America). Ang katagang Olmec ay nangangahulugang rubber people dahil sila ang kauna unahang tao na gumamit ng dagta  ng mga punong rubber o goma.Ang kanilang kabihasnan ay yumabong sa rehiyon ng Gulf Coast sa katimugang Mexico na nang lumaon ay lumawig hanggang Guatemala.Ang panahong ito ay halos kasabayan ng Dinastiyang Shang ng Tsina. 

 

Aztec 

 

Ang mga Aztec ay mga nomadikong tribo na ang orihinal na pinagmulan ay hindi tukoy. Unti unti silang tumungo sa Lambak ng Mexico sa pagsapit ng ika-12 siglo C.E.Ang salitang Aztec ay nangangahulugang “isang nagmula s Aztlan”isang mitikong lugar sa Hilagang Mexico.Noong 1325,itinatag nila ang kanilang pamayanan sa Tenochtitlan,isang maliit na isla sa gitna ng lawa ng Texcoco.Ang Texcoco ay nasa sentro ng Lambak ng Mexico.Sa pagsapit ng ika-15 siglo,nasakop ng kanilang lungsod-estado ang iba pang tribo sa Gitnang Mexico.Nang lumaon,ang lungsod ay naging mahalagang bahagi ng sentrong pangkalakalan.


Inca 

 

     Noong ika-12 siglo,isang pangkat ng mga taong tinatawag n Inca ang nanirahan sa hilagang-kanlurang bahagi ng Lake Titicaca sa matabang lupain ng Lambak ng Cizco.Sa pamumuno ni Manco Capac,bumuo sila ng maliit na lungsod estado. Ang salitang Inca ay nangangahulugang “imperyo”. Hango ito sa pangalan ng pamilyang namuno sa isang pangkat ng tao na nanirahan sa Andes.Unti-unting pinalawig ng mga Inca ang kanilang teritoryo hanggang sa masakop nito ang 3,2200 kilometro kwadrado sa kahabaan ng baybayin ng Pacific.Saklaw ng imperyong ito ang kasalukuyang lupain ng Peru,Ecuador,Bolivia,Chile at Argentina. 

 

Maya 

Namayani  ang kabihasnang Maya sa Yucatan Peninsula,ang rehiyon sa Timog Mexico hanggang Guatemala.Nabuo rito ang mga pamayanang lungsod ng Maya tulad ng Uaxactun,Tikal,El Mirador at Copan.Nakamit ng Maya ang rurok ng kanyang kabihasnan sa pagitan ng 300 C.E at 700 C.E. Sa lipunang Maya,katuwang ng mga pinuno ang mga kaparian  sa pamamahala.Pinalawig ng mga pinunong tinatawag na halach uinic o “tunay na lalaki”ang mga pamayanang urban na sentro rin ng kanilang pagsamba sa kanilang mga diyos.Nang lumaon,nabuo rito ang mga lungsod-estado.Sila ay nagtataglay ng ganap na kapangyarihan.Naiugnay ng  malalawak at maaayos na kalsada at rutang pantubig ang mga lungsod-estado ng  Maya.Banaag sa kaayusan ng lungsod ang pagkakahati hati ng mga  tao sa lipunan.Hiwalay ang tirahan ng mahihirap at nakaririwasa.Ang sentro ng bawat lungsod ay isang piramide na ang itaas na bahagi ay dambana para sa mga Diyos.May mga templo at palasyo sa tabi ng piramide. 


Kabihasnang Maya (250 C.E. – 900 C.E.)

    Namayani ang Kabihasnang Maya sa Yucatan Peninsula, ang rehiyon sa Timog Mexico hanggang Guatemala. Nabuo rito ang mga pamayanang lungsod ng Maya tulad ng Uaxactun, Tikal, El Mirador, at Copan. Nakamit ng Maya ang rurok ng kaniyang kabihasnan sa pagitan ng 300 C.E. at 700 C.E.

    Sa lipunang Maya, katuwang ng mga pinuno ang mga kaparian sa pamamahala. Pinalawig ng mga pinunong tinatatawag na halach uinic o “tunay na lalaki” ang mga pamayanang urban na sentro rin ng kanilang pagsamba sa kanilang mga diyos.

    Nang lumaon, nabuo rito ang mga lungsod-estado. Sila ay nagtataglay ng ganap na kapangyarihan. Naiugnay ng malalawak at maayos na kalsada at rutang pantubig ang mga lungsod-estado ng Maya. Banaag sa kaayusan ng lungsod ang pagkakahati-hati ng mga tao sa lipunan. Hiwalay ang tirahan ng mahihirap at nakaririwasa. Ang sentro ng bawat lungsod ay isang pyramid na ang itaas na bahagi ay dambana para sa mga diyos. May mga templo at palasyo sa tabi ng pyramid.

    Sa larangan ng ekonomiya, kabilang sa mga produktong pangkalakal ay mais, asin, tapa, pinatuyong isda, pulot-pukyutan, kahoy, at balat ng hayop. Nagtatanim sila sa pamamagitan ng pagkakaingin. Ang pangunahing pananim nila ay mais, patani, kalabasa, abokado, sili, pinya, papaya, at cacao. Dahil sa kahalagahan ng agrikultura sa buhay ng mga Maya, ang sinamba nilang diyos ay may kaugnayan sa pagtatanim tulad ng mais gayundin ang tungkol sa ulan.

    Nakamit ng Maya ang tugatog ng kabihasnan matapos ang 600 C.E. Subalit sa pagtatapos ng ikawalong siglo C.E., ang ilang mga sentro ay nilisan, ang paggamit ng kalendaryo ay itinigil, at ang mga estrukturang panrelihiyon at estado ay bumagsak. Sa pagitan ng 850 C.E. at 950 C.E., ang karamihan sa mga sentrong Maya ay tuluyang inabandona o iniwan. Wala pang lubusang makapagpaliwanag sa pagbagsak ng Kabihasnang Mayan. Ayon sa ilang dalubhasa, maaaring ang pagkasira ng kalikasan, paglaki ng populasyon, at patuloy na digmaan ay ilan lamang sa mga dahilan ng paghina nito. Maaari rin na sanhi ng panghihina nito ang pagbagsak sa produksiyon ng pagkain batay sa mga nahukay na labi ng tao na nagpapakita ng kakulangan sa sapat na nutrisyon. Ang mga labi ay natuklasang hindi gaanong kataasan samantalang mas manipis ang mga buto nito. Gayunpaman, ang ilang lungsod sa hilagang kapatagan ng Yucatan ay nanatili nang ilan pang siglo, tulad ng Chichen Itza, Uxmal, Edzna, at Copan. Sa paghina ng Chichen at Uxmal, namayani ang lungsod ng Mayapan sa buong Yucatan hanggang sa maganap ang isang pag-aalsa noong 1450.

 

Isang maunlad na kabihasnan ang nabuo ng mga Mayan.

    Ang pagbagsak ng mga lungsod-estado ng Kabihasnang Maya ay nagdulot ng paglaho ng kanilang kapangyarihan sa timog na bahagi ng Mesoamerica. Sa panahong ito, nagsimulang umunlad ang maliliit na pamayanan sa Mexico Valley. Ang mga mamamayan rito ang nagtatag ng isa sa unang imperyo sa Mesoamerica – ang Imperyong Aztec.

    Kung ang mga Maya ay nagtatag ng kanilang Kabihasnan sa timog na bahagi ng Mesoamerica, ang mga Aztec naman ay naging makapangyarihan sa gitnang bahagi nito. Matatandaan na sa bahagi ring ito umusbong ang sinaunang Kabihasnang Olmec. Bunga nito, ang pamumuhay at paniniwala ng mga Aztec ay may impluwensiya ng mga Olmec. Subalit, hindi tulad ng mga Olmec, ang mga Aztec ay nagpalawak ng kanilang teritoryo. Mula sa dating maliliit na pamayanang agrikultural sa Valley of Mexico, pinaunlad ng mga Aztec ang kanilang kabihasnan at nagtatag ng sariling imperyo. Kinontrol nila ang mga karatig lupain sa gitnang bahagi ng Mesoamerica.


Kabihasnang Aztec (1200 – 1521)

    Ang mga Aztec ay mga nomadikong tribo na ang orihinal na pinagmulan ay hindi tukoy. Unti-unti silang tumungo sa Lambak ng Mexico sa pagsapit ng ika-12 siglo C.E. Ang salitang Aztec ay nangangahulugang “isang nagmula sa Aztlan,”isang mitikong lugar sa Hilagang Mexico.

    Noong 1325, itinatag nila ang pamayanan ng Tenochtitlan, isang maliit na isla sa gitna ng lawa ng Texcoco. Ang Texcoco ay nasa sentro ng Mexico Valley. Nang lumaon, ang lungsod ay naging mahalagang sentrong pangkalakalan.

    Angkop ang Tenoctitlan sa pagtatanim na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga Aztec dahil mayroon itong matabang lupa. Sa kabila nito, hindi sapat ang lawak ng lupain upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan. Ang hamong ito ay matagumpay na natugunan ng mga Aztec.

    1. Ang lupa sa paligid ng mga lawa ay mataba subalit hindi lubos na malawak. Upang madagdagan ang lupang tinataniman, tinabunan ng lupa ng mga Aztec ang mga sapa at lumikha ng mga chinampas, mga artipisyal na pulo na kung tawagin ay mga floating garden.

    2. Wala silang kasangkapang pambungkal ng lupa o hayop na pantrabaho. Nagtatanim sila sa malambot na lupa na ang gamit lamang ay matulis na kahoy.

    3. Mais ang kanilang pangunahing tanim. Ang iba pa nilang tanim ay patani, kalabasa, abokado, sili, at kamatis. Nag-alaga rin sila ng mga pabo, aso, pato, at gansa

    4. Dahil sila ay mga magsasaka, ang mga Aztec ay taimtim na umaasa sa mga puwersa ng kalikasan at sinasamba ang mga ito bilang mga diyos. Ang pinakamahalagang diyos nila ay si Huitzilopochtli, ang diyos ng araw. Mahalaga ang sikat ng araw sa pananim ng mga magsasaka kaya sinusuyo at hinahandugan ang naturang diyos. Mahalaga rin sina Tlaloc, ang diyos ng ulan at si Quetzalcoatl. Naniniwala ang mga Aztec na kailangang laging malakas ang mga diyos na ito upang mahadlangan ng mga ito ang masasamang diyos sa pagsira ng daigdig. Dahil dito, ang mga Aztec ay nag-alay ng tao. Ang mga iniaalay nila ay kadalasang bihag sa digmaan bagama’t may mga mandirigmang Aztec na nagkukusang-loob ialay ang sarili.

    Bunga ng masaganang ani at sobrang produkto, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Aztec na makipagkalakalan sa mga kalapit na lugar na nagbigay-daan upang sila ay maging maunlad. Ang kaunlarang ito ng mga Aztec ay isa sa mga dahilan upang kilalanin ang kanilang kapangyarihan ng iba pang lungsod-estado. Nakipagkasundo sila sa mga lungsod-estado ng Texcoco at Tlacopan. Ang nabuong alyansa ang siyang sumakop at kumontrol sa iba pang maliliit na pamayanan sa Gitnang Mexico.

    Sa pagsapit ng ika-15 siglo, nagsimula ang malawakang kampanyang militar at ekonomiko ng mga Aztec. Ang isa sa mga nagbigay-daan sa mga pagbabagong ito ay si Tlacaelel, isang tagapayo at heneral. Itinaguyod niya ang pagsamba kay Huitzilopochtli. Kinailangan din nilang manakop upang maihandog nila ang mga bihag kay Huitzilopochtli. Ang paninindak at pagsasakripisyo ng mga tao ay ilan sa mga naging kaparaanan upang makontrol at mapasunod ang iba pang mga karatig-lugar na ito. Ang mga nasakop na lungsod ay kinailangan ding magbigay ng tribute o buwis. Dahil sa mga tribute at mga nagaping estado, ang Tenochtitlan ay naging sentrong pangkabuhayan at politikal sa Mesoamerica mula sa Pacific Ocean haggang Gulf of Mexico at mula sa hilagang Mexico hanggang sa Guatemala. Ang mga Aztec ay mahuhusay na inhenyero at tagapagtayo ng mga estruktura tulad ng mga kanal o aqueduct, mga dam, gayundin ng sistema ng irigasyon, liwasan, at mga pamilihan.

    Ang biglaang pagbaba ng populasyon ay dulot ng epidemya ng bulutong, pang-aalipin, digmaan, labis na paggawa, at pagsasamantala. Sa kabuuan, tinatayang naubos ang mula 85 hanggang 95 bahagdan ng kabuuang katutubong populasyon ng Mesoamerica sa loob lamang ng 160 taon.

 


HERNANDO CORTES

    Sa pagdating ni Hernando Cortes at mga Espanyol sa Mexico noong 1519, natigil ang pamamayani ng mga Aztec sa Mesoamerica. Si Cortes ang namuno sa ekspedisyong Espanyol na nanakop sa Mexico. Inakala ni Montezuma II, pinuno ng mga Aztec, na ang pagdating ng mga Espanyol ay ang sinasabing pagbabalik ng kanilang diyos na si Quetzalcoatl dahil sa mapuputingkaanyuan ng mga ito. Noong 1521, tuluyang bumagsak ang Tenochtitlan.

 

HEOGRAPIYA NG SOUTH AMERICA

    May magkakaibang klima at heograpiya ang South America kung ihahambing sa Mesoamerica. Matatagpuan sa hilaga ng Amazon River na dumadaloy sa mayayabong na kagubatan. Pawang ang mga prairie at steppe naman ang matatagpuan sa Andes Mountains sa timog na bahagi. Samantala, tuyot na mga disyerto ang nasa kanlurang gulod ng mga bundok na kahilera ng Pacific Ocean. Dahil sa higit na kaaya-aya ang topograpiya ng Andes, dito nabuo ang mga unang pamayanan. May mga indikasyon ng pagsasaka gamit ang patubig sa hilagang gilid ng Andes noong 2000 B.C.E. Sa pagsapit ng ika-11 siglo B.C.E, maraming pamayanan sa gitnang Andes ang naging sentrong panrelihiyon. Ang mga pamayanang ito ay umusbong sa kasalukuyang Peru, Bolivia, at Ecuador. Nang lumaon, nagawang masakop ng ilang malalaking estado ang kanilang mga karatig-lugar. Subalit sa kabila nito, wala ni isa man ang nangibabaw sa lupain

 

Kabihasnang Inca (1200-1521)

    Noong ika-12 siglo, isang pangkat ng mga taong naninirahan sa hilagang-kanlurang bahagi ng Lake Titicaca sa matabang lupain ng Lambak ng Cuzco. Sa pamumuno ni Manco Capac, bumuo sila ng maliliit na lungsod-estado.

    Ang salitang Inca ay nagangahulugang “imperyo.” Hango ito sa pangalan ng pamilyang namuno sa isang pangkat ng tao na nanirahan sa Andes. Unti-unting pinalawig ng mga Inca ang kanilang teritoryo hanggang sa masakop nito ang 3,220 kilometro kuwadrado sa kahabaan ng baybayin ng Pacific. Saklaw ng imperyong ito ang kasalukuyang lupain ng Peru, Ecuador, Bolivia, at Argentina.

    Noong 1438, pinatatag ni Cusi Inca Yupagqui o Pachakuti ang lipunang Inca sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang sentralisadong estado. Sa ilalim ni Topa Yupanqui (1471-1493), pinalawig niya ang imperyo hanggang hilagang Argentina, bahagi ng Bolivia, at Chile. Napasailalim din sa kaniyang kapangyarihan ang estado ng Chimor o Chimu na pinakamatinding katunggali ng mga Inca sa baybayin ng Peru. Sa ilalim naman ni Huayna Capac, nasakop ng imperyo ang Ecuador.

 


FRANCISCO PIZARRO

    Sa pagdating ni Francisco Pizarro, ang Espanyol na mananakop ng Inca noong 1532, ang lupain ng Imperyong Inca ay sumasaklaw mula sa hilaga sa kasalukuyang Colombia hanggang sa katimugan sa bahagi ng Chile at Argentina. Subalit dahil sa mga tunggalian tungkol sa pamumuno at kawalang kapanatagan sa mga nasakop na bagong teritoryo, unti-unting humina ang imperyo. Dagdag pa rito ang tila napakalaking saklaw ng Imeryong Inca na naging malayo mula sa sentrong pangangasiwa sa Cuzco. Nariyan din ang malaking pagkakaiba ng mga pangkat ng tao sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.

    Samakatuwid, ang imperyo ay nasa kaguluhang politikal na pinalubha pa ng epidemya ng bulutong na dala ng mga sinaunang dumating na conquistador o mananakop na Espanyol. Sa katunayan, si Huayna Capac, isa sa mga pinuno ng Inca, ay namatay sa isang epidemya noong 1525. Ang pagpanaw na ito ay nagdulot ng tunggalian sa kaniyang mga anak na sina Atahuallpa at Huascar. Sa huli, nanaig si Atahuallpa. Nakilala niya si Pizarro habang naglalakbay ito patungong Cuzco. Nang lumaon, binihag ni Pizarro ang Atahuallpa at pinatubos ng pagkarami-raming ginto. Noong 1533, pinapatay si Atahuallpa at makalipas ang isang taon, sinakop ng mga Espanyol ang Cuzco gamit lamang ang maliit na hukbo.

    Sa kabila ng katapangan ng mga Inca, hindi nila nagawang manaig sa bagong teknolohiyang dala ng mga dayuhan, tulad ng mga baril at kanyon. Ang ilan sa mga Inca ay nagtungo sa kabundukan ng Vilcabamba at nanatili rito nang halos 30 taon. Hindi nagtagal, ang huling pinuno ng mga Inca na si Tupac Amaru ay pinugutan ng ulo noong 1572. Dito tuluyang nagwakas ang pinakadakilang imperyo sa Andes.

    Sa kasalukuyan, makikita pa rin ang mga pamana ng mga Kabihasnang Klasikal na Maya, Aztec, at Inca. Ang mga estruktura tulad ng Pyramid of Kukulcan, Pyramid of the Sun, at ang lungsod ng Machu Picchu ay hinahangaan at dinarayo ng mga turista dahil sa ganda at kakaibang katangian nito. Nananatili itong paalala ng mataas na kabihasnang nabuo ng mga sinaunang mamamayan sa America.




 

MIGRASYONG AUSTRONESIAN

    Magkaugnay ang sinaunang kasaysayan at kultura ng mga pulo ng Pacific at Timog-Silangang Asya. Ito ay dahil ang nandayuhan at nanahan sa dalawang rehiyong ito ay mga Austonesian. Ang Austronesian ay tumutukoy sa mga taong nagsasalita ng mga wikang nabibilang sa Austronesian o Malayo-Polynesian. Ito ang pinakamalaking pamilya ng wika sa daigdig.

    Ayon sa teorya ng iskolar na si Peter Bellwood, nagmula sa timog China ang mga Austronesian. Sa hangaring makahanap ng mga bagong teritoryo na masasaka, umalis sila ng China at nandayuhan simula noong 4000 B.C.E. Tumungo sila sa mga lugar na kilala ngayon bilang Taiwan, Pilipinas, Malaysia, Brunei, at Indonesia. Noong 2000 B.C.E., may mga Austronesian na tumungo pakanluran hanggang makarating sa Madagascar sa Africa. Samantala, may mga tumungo pasilangan at tinawid ang Pacific Ocean at nanahan sa mga pulo ng Pacific.

    Unang narating ng mga Austronesian ang New Guinea, Australia, at Tasmania. Noong 1,000 B.C.E., nanahan ang mga Austronesian sa Vanuatu, Fiji, at Tahiti.

    Narating din nila ang Tonga, Samoa, at Marquesas. Tinatayang nasa mga pulo ng Hawaii sila noong 100 B.C.E. Pinakamalayo nilang naabot ang Easter Island, isang pulo sa Pacific na bahagi na ng South America.

    Sa pag-aaral ng kabihasnan ng mga pulo sa Pacific, mahalagang tunghayan ang lipunan ng mga tao rito bago dumating ang mga Kanluranin. Ang lipunan at kulturang ito ay Austronesian.

 

Ang mga Pulo sa Pacific

    Ang mga pulo sa Pacific o Pacific Islandsay nahahati sa tatlong malalaking pangkat – ang Polynesia, Micronesia, at Melanesia. Ang mga katawagang ito ay iginawad ng mga Kanluranin matapos nilang makita ang kaayusan ng mga pulo at ang anyo ng mga katutubo nito.

 

POLYNESIA – maraming isla

poly – marami

nesia - isla

 

MICRONESIA – maliliit na mga isla

micro – maliit

nesia - isla

 

MELANESIA – maiitim ang mga tao dito

mela– maitim

nesia - isla

 

Polynesia 

    Ang Polynesia ay matatagpuan sa gitna at timog na bahagi ng Pacific Ocean na nasa silangan ng Melanasia at Micronesia. Ang Polynesia ay higit na malaki kaysa pinagsamang lupain ng Melanasia at Micronesia.

    Ang Polynesia ay binubuo ng New Zealand, Easter Island, Hawaii, Tuvalu, Wallis at Futuna, Tonga, Tokelau, Samoa, American Samoa, Niue, Cook Islands, French Polynesia, Austral Islands, Society Islands, Tuamotu, Marquesas, at Pitcairn.

    Batay sa dami ng pinagkukunan ng pagkain ang laki ng pamayanan sa Polynesia. Umabot hanggang 30 pamilya ang bawat pamayanan dito. Ang sentro ng pamayanan ay ang tohua na kadalasang nasa gilid ng mga bundok. Ito ay tanghalan ng mga ritwal at pagpupulong. Nakapaligid satohua ang tirahan ng mga pari at mga banal na estruktura.

    Ang pangunahing kabuhayan ng mga Polynesian ay pagsasaka at pangingisda.Ang karaniwang tanim nila ay taro o gabi, yam o ube, breadfruit, saging, tubo, at niyog.Sa pangingisda naman nakakakuha ng tuna, hipon, octopus, at iba pa. Nanghuhuli rin sila ng pating.

    Sa larangan ng pananampalataya, naniniwala sila sa banal na kapangyarihan o mana. Ang katagang mana ay nangangahulugang “bisa” o “lakas.”Sa mga sinaunang Polynesian, ang mana ay maaaring nasa gusali, bato, bangka, at iba pang bagay.

    May mga batas na sinusunod upang hindi mawala o mabawasan ang mana. Halimbawa, bawal pumasok sa isang banal na lugar ang pangkaraniwang tao. Ang sinaunang kababaihan sa Marquesas ay hindi maaaring sumakay sa bangka sapagkat malalapastangan niya ang bangka na may angking mana. Gayundin, ang mga lalaking naghahanda sa pakikipaglaban o para sa isang mapanganib na gawain ay dapat nakabukod. Bawal silang makihalubilo sa babae at pili lang ang dapat nilang kainin upang hindi mawala ang kanilangmana. Ang tawag sa mga pagbabawal o prohibisyong ito ay tapu. Kamatayan ang pinakamabigat na parusang igagawad sa matinding paglabag sa tapu.

 

 Micronesia

    Ang maliliit na pulo at atoll ng Micronesia ay matatagpuan sa hilaga ng Melanesia at sa silangan ng Asya. Ang Micronesia ay binubuo ng Caroline Islands, Marianas Islands, Marshall Islands, Gilbert Islands (ngayon ay Kiribati), at Nauru.

    Ang mga sinaunang pamayanan dito ay matatagpuan malapit sa mga lawa o dagat-dagatan. Ito ay upang madali para sa mga tao ang lumabas at maglayag sa karagatan. Itinatag nila ang kanilang mga pamayanan sa bahaging hindi gaanong tinatamaan ng bagyo o malalakas na ihip ng hangin.

    Pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng mga Micronesian. Nagtatanim sila ng taro, breadfruit, niyog, at pandan. Sagana ang mga ito sa asukal at starch na maaaring gawing harina. Pangingisda ang isa pang ikinabubuhay ng mga Micronesian. May kaalaman din sa paggawa ng simpleng palayok ang mga lipunan ng Marianas, Palau, at Yap.

     Malimit din ang kalakalan ng magkakaratig-pulo. Sa Palau at Yap, bato at shell ang ginagamit bilang paraan ng palitan. Gumagamit din ang Palau ng batong ginawang pera (stone money). Sa iba pang mga pulo, nagpapalitan ng kalakal ang matataas (high-lying islands) at mabababang pulo (low-lying coral atolls).

     Ipinagpapalit ng mga high-lying island ang turmericna ginagamit bilang gamot at pampaganda. Samantala, ang mga low-lying coral atoll ay nakipagpalitan ng mga shellbead, banig na yari sa dahon ng pandan, at magaspang na tela na galing sa saging at gumamela. Bilang tela, ginagawa itong palda ng kababaihan at bahag ng kalalakihan.

    Animismo rin ang sinaunang relihiyon ng mga Micronesian. Ang mga rituwal para sa mga makapangyarihang diyos ay kinapapalooban ng pag-aalay ng unang ani.

 

Melanesia

    Ang Melanesia ay matatagpuan sa hilaga at silangang baybay-dagat ng Australia. Ito ay kasalukyang binubuo ng New Guinea, Bismarck Archipelago, Papua New Guinea, Solomon Islands, Vanuatu (dating New Hebrides), New Caledonia, at Fiji Islands.

    Ang mga sinaunang pamayanan dito ay maaaring nasa baybaying-dagat o sa dakong loob pa. Pinamumunuan ito ng mga mandirigma. Tagumpay sa digmaan ang pangkaraniwang batayan ng pagpili sa pinuno. Sa maraming grupong Papuan, ang kultura ay hinubog ng mga alituntunin ng mga mandirigma tulad ng katapangan, karahasan, paghihiganti, at karangalan.

    Taro at yam ang pangunahing sinasaka sa Melanesia. Nagtatanim din dito ng pandan at sago palm na pinagkukunan ng sago. Pangingisda, pag-aalaga ng baboy, at pangangaso ng mga marsupial at ibon ang iba pang kabuhayan dito. May kalakalan din sa pagitan ng mga pulo. Karaniwang produktong kinakalakal ng mga Melanesian ay mga palayok, kahoy, yam, baboy, asin, apog, gayundin ang mga gawa nilang bangka.

    Naniniwala rin sa animism ang mga sinaunang Melanesian. Ipinababatid ng diyos ng kalikasan ang mga kaganapan tulad ng tagumpay sa labanan, sakuna, kamatayan, o pag-unlad ng kabuhayan. Laganap din sa Solomon Islands at Vanuatu ang paniniwala sa mana.

    May sariling katangian at kakanyahan ang mga isla sa Pacific. Nakabatay ang kanilang pamumuhay sa pakikipagkalakalan sa iba’t ibang isla at kontinente.

    Bagama’t hindi ito kasing-unlad, kasing-tanyag at kasingyaman ng mga kabihasnan at imperyo sa America at Africa, nakaimpluwensiya rin ito sa mga mamamayang naninirahan sa mga isla sa Pacific at sa mga karatig bansa nito sa Timogsilangang Asya sa kasalukuyan.

 

GAWAIN 1:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod at isulat sa notebook ang iyong sagot. Ikomento rin sa ibaba ang iyong mga sagot.

Pamprosesong Tanong

1. Ano-ano ang salik na nagbigay-daan sa paglakas ng Imperyong Aztec?

2. Anu-ano naman ang salik sa paglitaw ng imperyong Maya at Inca?

3. Anu-ano ang pagkakaiba ng Polynesia, Micronesia, at Melanesia?

4. Sa iyong palagay, anu-ano ang pagkakahawig ng kabihasnang Mesoamerica at mga Pulo sa Pacific sa pagsibol ang pag-unlad ng bansang Pilipinas? 


GAWAIN 2:

 PANUTO: Alamin ang mga sumusunod at isulat sa notebook ang iyong sagot. Ikomento rin sa ibaba ang iyong mga sagot.

 1. MESOAMERICA

2. MAYA

3. AZTEC

4. INCA

5. OLMEC

6. HALACH UINIC

7. PYRAMID OF KUKULCAN

8. TENICHTITLAN

9. HUITZILOPOCHTLI

10. QUETZALCOATL

11. HERNANDO CORTES

12. MONTEZUMA II

13. FRANCISCO PIZARRO

14. CONQUISTADOR

15. HUAYNA CAPAC

16. POLYNESIA

17. MICRONESIA

18. MELANESIA

19. PETER BELLWOOD

20. PACIFIC

 

 Reference:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9JnI2Rwxgy2YA7QCJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANKdjNiUlRFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3LjhNVEV3TGdBQUFBQlpvR01BBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAMxMwRxdWVyeQNBTUVSSUNBJTIwTUFQBHRfc3RtcAMxNjExNDE3NTUw?p=AMERICA+MAP&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9K571RgxgihgAw5tXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=AFRICA&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9Im3.RgxgcjEA9FZXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=PULO+SA+PACIFIC&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DuIVRwxggG8AedBXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=MESOAMERICA&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DtAVRwxgu3EA3CtXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=MAYA&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9Du4bRwxgPToAkT1XNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=AZTEC&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9Ds8iRwxgSBAA73BXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=INCA&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9Jh0vRwxgw6sABYxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=MEXICO&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9F696SwxgoJoAhEOJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANad0pGUFRFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3dWNNVEV3TGdBQUFBQ2F0UmFSBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAM1BHF1ZXJ5A09MTUVDBHRfc3RtcAMxNjExNDE4NTI3?p=OLMEC&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9Fqw8Rwxg4U4AKuyJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANPX3NaLmpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3VExNVEV3TGdBQUFBQlo5OU1TBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDQnpHZW5YQmtRb09BbWVib3dBaGpyQQRuX3N1Z2cDMTAEb3JpZ2luA2ltYWdlcy5zZWFyY2gueWFob28uY29tBHBvcwMwBHBxc3RyAwRwcXN0cmwDBHFzdHJsAzEyBHF1ZXJ5A1RFTk9DSFRJVExBTgR0X3N0bXADMTYxMTQxODU1Mg--?p=TENOCHTITLAN&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9Hr4_RwxglBQAABKJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZAM5WmdTOHpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3cTZNVEV3TGdBQUFBQmFJVFJLBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAMxNwRxdWVyeQNIRVJOQU5ETyUyMENPUlRFUwR0X3N0bXADMTYxMTQxODYwOQ--?p=HERNANDO+CORTES&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9FqxCRwxgbEwASAmJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZAN5eVN0TGpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3QXhNVEV3TGdBQUFBQmFVQmJOBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAMxNQRxdWVyeQNTT1VUSCUyMEFNRVJJQ0EEdF9zdG1wAzE2MTE0MTg2MzY-?p=SOUTH+AMERICA&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9FqxDRwxg9nsA2YOJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANzUjZzMWpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3TEpNVEV3TGdBQUFBQmFiS0w3BGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDc25HMlhyZk9TUjYuMGN5TUlpSXNkQQRuX3N1Z2cDMTAEb3JpZ2luA2ltYWdlcy5zZWFyY2gueWFob28uY29tBHBvcwMwBHBxc3RyAwRwcXN0cmwDBHFzdHJsAzE5BHF1ZXJ5A0ZSQU5DSVNDTyUyMFBJWkFSUk8EdF9zdG1wAzE2MTE0MTg2NjQ-?p=FRANCISCO+PIZARRO&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=AwrT4R9GRwxgFG0AWuyJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANVUS5xRVRFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3cENNVEV3TGdBQUFBQmFsMzRFBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAM4BHF1ZXJ5A0RJU1lFUlRPBHRfc3RtcAMxNjExNDE4Njk1?p=DISYERTO&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9F69JRwxgAuAAqeKJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZAMudGJTVHpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3b3pNVEV3TGdBQUFBQmF4bFpyBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAM1BHF1ZXJ5A09BU0lTBHRfc3RtcAMxNjExNDE4NzA0?p=OASIS&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9F69NRwxg2xUA6_mJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZAN4U29VQ3pFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3V0pNVEV3TGdBQUFBQmEuUlBCBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDbzIyVUpqSDVRdjJYUjhIOEFkNkUxQQRuX3N1Z2cDMTAEb3JpZ2luA2ltYWdlcy5zZWFyY2gueWFob28uY29tBHBvcwMwBHBxc3RyAwRwcXN0cmwDBHFzdHJsAzYEcXVlcnkDU0FIQVJBBHRfc3RtcAMxNjExNDE4NzE5?p=SAHARA&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DWuGTAxg.AYAq1eJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANEQTdHcnpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3ZHJNVEV3TGdBQUFBQ3FyS2V6BGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDQ2RnQy43Q2JSeFdCdlhfV1NBUHVzQQRuX3N1Z2cDMQRvcmlnaW4DaW1hZ2VzLnNlYXJjaC55YWhvby5jb20EcG9zAzAEcHFzdHIDBHBxc3RybAMEcXN0cmwDNDUEcXVlcnkDYW5nJTIwYXh1bSUyMGJpbGFuZyUyMHNlbnRybyUyMG5nJTIwa2FsYWthbGFuBHRfc3RtcAMxNjExNDE4Nzk0?p=ang+axum+bilang+sentro+ng+kalakalan&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9FqzNTAxg5gYAM7OJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANXSFY4V3pFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3UE1NVEV3TGdBQUFBQ3U1aElQBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDaTBCQ2hjT2xRUVdVZTJKY1l6NXV4QQRuX3N1Z2cDMTAEb3JpZ2luA2ltYWdlcy5zZWFyY2gueWFob28uY29tBHBvcwMwBHBxc3RyAwRwcXN0cmwDBHFzdHJsAzE3BHF1ZXJ5A0lNUEVSWU9ORyUyMEdIQU5BBHRfc3RtcAMxNjExNDE4OTA0?p=IMPERYONG+GHANA&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DtIGTQxg4lgA2XNXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=IMPERYONG+MALI&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DtM3TQxg.B8AVyVXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=IMPERYONG+SONGHAI&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9FqpGTAxg8wkAPSuJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANWTWVaTURFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3RFpNVEV3TGdBQUFBQ201TW5hBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAMxNgRxdWVyeQNQRVRFUiUyMEJFTExXT09EBHRfc3RtcAMxNjExNDIwMDYz?p=PETER+BELLWOOD&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=AwrT4R9PTAxghE4AyUaJzbkF;_ylu=c2VjA3NlYXJjaARzbGsDYnV0dG9u;_ylc=X1MDOTYwNjI4NTcEX3IDMgRhY3RuA2NsawRjc3JjcHZpZANpNTJoZnpFd0xqSlZSczgxWG5rMEZ3R0NNVEV3TGdBQUFBQ25iV2lGBGZyA21jYWZlZQRmcjIDc2EtZ3AEZ3ByaWQDBG5fc3VnZwMwBG9yaWdpbgNpbWFnZXMuc2VhcmNoLnlhaG9vLmNvbQRwb3MDMARwcXN0cgMEcHFzdHJsAwRxc3RybAMxMgRxdWVyeQNBVVNUUkFORVNJQU4EdF9zdG1wAzE2MTE0MjAxMTg-?p=AUSTRANESIAN&fr=mcafee&fr2=sb-top-images.search&ei=UTF-8&n=60&x=wrt