Friday, July 29, 2022

TDC, Naglibot sa Caloocan North

 TDC, Naglibot sa Caloocan North


Matagumpay ang paglilibot ng Teacher's Dignity Coalition sa mga pampublikong paaralan sa Caloocan North nitong Huwebes, Hulyo 28, 2022. Isa kasi ito sa mga lugar sa bansa may malalaking paaralan at malaking bilang ng mga guro at mag-aaral. 

Kabilang sa mga nabisita ng TDC ang Urduja Elementary School, Camarin D Elementary School, Camarin D Unit 1 Elementary School, A. Mabini Elementary School, Silanganan Elementary School, Sto. Nino Elementary School, Gabriela Silang Elementary School, Bagong Silang Elementary School, Camarin High School, Benigno Aquino High School, at Tala High School.

Pinangunahan ang nasabing gawain ni TDC National Chairperson Benjo Basas at ni Ramer Tianela ng Pasig.

Layon ng pagbisita ng organisasyon na personal na makausap ang mga pinuno ng paaralan at kaguruan upang malaman ang kanilang sentimyento at kalagayan sa kasalukuyan na siya namang babaunin ng TDC sakaling maganap ang diyalogo sa pagitan ng organisasyon ng mga guro at ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte. Ipinaalam rin ng TDC sa kaguruan ang mga hakbangin at plano nito upang lalong mapagtibay at mapaganda ang kalagayan ng mga guro sa bansa.

Malaki naman ang pasasalamat ng TDC sa mga pinuno ng paaralan at kaguruang nabisita nila sa mainit na pagtanggap sa kabila ng abala sila sa mga gawain tulad ng enrolment, paghahanda sa susunod na pasukan, at iba pang aktibidad sa paaralan.

-end-












Thursday, July 28, 2022

TDC CALOOCAN, NAKIPAGDIYALOGO KAY MAYOR ALONG MALAPITAN

TDC CALOOCAN, NAKIPAGDIYALOGO KAY MAYOR ALONG MALAPITAN

 


Matagumpay ang naganap na diyalogo sa pagitan ng Teacher’s Dignity Coalition - Caloocan Chapter at ni Mayor Along Malapitan noong Hulyo 19, 2022 sa Caloocan City Hall. Ito’y matapos magbigay ng courtesy call ang TDC-Caloocan Chapter sa bagong luklok na alkalde ng Caloocan.

Pinangunahan ni TDC National Chairperson Benjo Basas at TDC-Caloocan Chapter Chairman Jaime Albiza ang pakikipagpulong sa bagong Alkalde ng Caloocan. Kasama rin ng mga opisyal ng TDC sina Dr. Meng Arevalo, Dr. Juanito Victoria, Jessieto Abener,  Bong Lagarde, Analiza Basas, Dr. Elvis Jam Visaya, at iba pang mga aktibong guro na masugid na miyembro ng organisasyon.

Tinalakay sa nasabing pulong ang pagbabalik ng Augmentation Allowance sa dalawang libo piso (2,000), hiling na mabigyan ng laptop o cellphone ang lahat ng mga pampublikong guro ng Caloocan, Incentives para sa mga guro na nag-aaral ng Masteral at Doctorate, suporta sa mga training ng mga guro, at iba pang may kinalaman sa kalagayan ng mga guro ng Caloocan.

Maganda naman ang naging tugon ni Mayor Malapitan sa mga guro. Aniya, unti-unting ibabalik ang dating halaga ng augmentation allowance ng mga guro bago matapos ang kanyang termino. Pag-aarala pa umano kung pwede sa Special Education Fund (SEF) ang hiling ng mga guro na libreng cellphone o laptop na gagamitin sa kanilang pagtuturo at sisikapin ng lokal na pamahalaan na matulungan ang kaguruan ng Caloocan sa abot ng kanilang makakaya.

Umaasa ang TDC-Caloocan Chapter na maisakatuparan ang mga pangakong ito ng alkalde at maging katuwang rin sila para sa lalong ikakaayos ng kapakanan ng mga guro ng Caloocan.

-end-









Dalawang Buwang School Break, Hiniling ng TDC

 DALAWANG BUWANG SCHOOL BREAK, HINILING BAGO ANG PAGBUBUKAS NG KLASE

 


Hiniling ng Teachers' Dignity Coalition (TDC) kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang dalawang buwang bakasyon ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Alinsunod ito sa karapatan ng mga guro na makapagpahinga sa loob ng isang taong pagtuturo.

Sa inilabas kasi na memorandum ng Kagawaran ng Edukasyon nitong Hulyo, ang School Calendar and Activities school year 2022-2023, magsisimula ang klase sa August 22, 2022 habang Hulyo 1, 2022 naman nagtapos ang nakalipas na taunang kalendaryo ng klase. Ilang linggo na matapos ang pagtatapos ng nakaraang school year hindi pa tapos ang mga guro sa mga activities na pinapagawa ng school. Hindi pa nga talaga nakakapahinga ang mga guro dahil sa yearend reports at iba pang hinihingi ng paaralan pero nakaplantsa na agad ang susunod na gagawin kahit hindi pa tuluyang nalalasap ng mga guro ang totoong pahinga o bakasyon.

Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, sasabak na naman sa iba't ibang trabaho ang mga guro bago hanggang pumasok ang Agosto tulad ng Enhancement/Enrichment at remedial classes, In-Service trainings, Brigada-Eskwela, Enrolment Activities. Aniya, mula't simula ay entitled naman talaga ang mga guro sa dalawang buwang bakasyon upang magkarooon ng sapat na pahinga, pisikal, emosyonal, mental na pahinga ng mga guro. Hindi naman kasi entitled ang mga guro ng sick at vacation leave gaya ng mayroon ang ibang mga empleyado sa pamahalaan.

Kasunod nito, nanawagan rin ang grupo sa Kalihim na magkaroon ng konsiderasyon sa pagbubukas ng klase para magkaroon ng sapat na oras upang makapaghanda ang mga guro para sa susunod na pagbubukas ng taunang klase. Hiniling rin sa kalihim na magkaroon ng diyalogo sa pagitan niya at organisasyon ng mga guro upang mapakinggan ng personal ng kalihim ang mga hinaing ng mga guro.

Kaugnay nito, nagpaunlak ng panayam sa media si Duterte upang linawin ang school calendar na inilabas ng kanyang ahensya. Aprubado umano ng Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagbubukas ng klase. Aniya, hanggang Oktubre nalang pinapahintulutang ipatupad ang blended at distance learning sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa bansa dahil ipapatupad na sa Nobyembre ang face to face classes. Bukas din umano ang Kalihim sa pakikipagdiyalogo sa mga organisasyon ng mga guro.

 

-END-