Sunday, March 27, 2022

AP8-Q3-WEEK8: IKALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO: PAG-USBONG NG NASYONALISMO - SEASON 2

 AP8-Q3-WEEK8: IKALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO: PAG-USBONG SA NASYONALISMO


MELC/Kasanayan

Nasusuri ang mga dahilan, pangyayari at epekto ng Ikalawang Yugto ng Kolonyalismo at Imperyalismo.

Naipahahayag ang pagpapahalaga sa pag-usbong ng Nasyonalismo sa Europa at sa iba’t ibang bahagi ng daigdig


BALIK-ARAL

    Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga pangyayari ukol sa buhay ni Napoleon Bonaparte, ang kanyang pag-usbong, pakikibaka, at pagbagsak. Kasama ring napag-usapan ang ilang labanan at ambag niya sa rebolusyong Pranses.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga dahilan, pangyayari, at epekto ng ikalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo. Kasama ring tatalakayin ang pag-usbong ng nasyonalismo sa daigdid.


PANIMULA

“Anong maiaambag mo?” Sadyang kakaiba ang pamamaraan ng pag-aaral sa kasalukuyan dahil sa suliranin sa pandemiyang Covid-19. Ngunit sa kabila nito, napakahalaga na maipagpatuloy ang pag-aaral at pagkatuto. Ito ay isang mabisang sandata para sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Narito ang mga simple ngunit kapaki-pakinabang na hakbang na maitutulong mo para sa iyong sarili, pamilya at bansa.

1. Maging masipag at matiyaga sa pag-aaral. Ugaliin ang masigasig na pagbabasa at pag-unawa sa mga aralin.

2. Maging matapat sa pagsagot sa iba’t ibang gawain. Hindi man maging madali na matutunan ang kabuuan ng aralin, ang mahalaga ay sinubukang gamitin ang buong makakaya nang may buong katapatan.

3. Maging disiplinado sa paggamit ng oras. Laging maglaan ng sapat na oras sa pag-aaral at unahin ito kaysa sa mga bagay na hindi lubusang kinakailangan.

4. “Huwag mahihiyang magtanong.” Para sa mga bahaging hindi mo maunawaan, maaaring magtanong sa guro o iyong magulang.


Ikalawang Yugto ng Imperyalismong Kanluranin

    Ang mas malawak na kaalaman ng mga Europeo sa paglalayag sa karagatan ay nagbunsod ng mas maraming lupain na kanilang nasasakop. Ang una nilang layunin na palaganapin ang Relihiyong Kristiyanismo at maghanap ng mga hilaw na sangkap ay higit pang nadagdagan ng mas mapagnasang mga hangarin para sa ikauunlad ng kanilang bansa. Mula sa mga unang nakilalang Spain at Portugal na naging tanyag sa mga paglalayag, naging kabilang din sa mga Kanluraning mananakop ang mga bansang Netherlands, France, Britain, Amerika at iba pa. Ang ikalawang yugto ng imperyalismo ay nagsimula bago ang ika-19 na siglo. 


Paghahanap ng mga Hilaw na sangkap

    Upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga bansa, ang mga Europeo ay naghanap ng mga hilaw na sangkap sa mga lupaing kanilang nasasakop. Ang likas na yaman ng mga teritoryong kanilang naaangkin ay ginagamit nila sa paglikha ng mga produktong kapaki-pakinabang at mabenta sa pakikipagkalakalan. Mas maraming hilaw na sangkap, mas maraming produktong malilikha, mas malaking kita para sa bansa.


Pagpapalakas ng puwersa

    Bukod sa mga hilaw na sangkap, napakahalaga para sa mga Europeo ang magkaroon ng karagdagang tao na magsisilbing lakas-paggawa (labor force) ng mga nililikha nilang produkto. Ang mga teritoryong kanilang naaangkin ay nagsisilbi ring bagsakan ng mga produktong kanilang ikinakalakal o ibinibenta. Gayundin, ang mga katutubo ng mga lupaing kanilang nasasakop ay nagagamit nila upang lumaban sa mga digmaan para sa kanilang sariling bansa.


Pagpapalaganap ng Relihiyong Kristiyanismo

    Napakataas ng pagtingin ng mga Kristiyanong Europeo sa kanilang relihiyon na kung saan ay mababa naman ang turing ng ilan sa kanila sa mga katutubong may ibang paniniwala at maraming kinikilalang Diyos. Napakalaking ambag ng Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo ang paglaganap ng Kristiyanismo sa ibat ibang bahagi ng daigdig. Dahil dito, maraming mga kulturang Kristiyano ang naituro at naisabuhay rin ng mga katutubo sa mga lupaing nasasakop ng mga Europeo. Ang pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo ay dumaan sa maraming mabuti at masamang pamamaraan, nakapag-ambag ng maraming mabuti at masamang epekto sa ibat ibang aspeto ng kasaysayan at kultura sa ibat ibang lupain sa daigdig.




Mula sa mapa sa itaas, mahihinuha ang mga sumusunod :

- Pinakamaraming lupain, teritoryo o bansa sa Africa ang nasakop ng mga Kanluranin.

- Malaking bahagi ng Hilagang Asya ay naging teritoryo o nasa impluwensya noon ng Russia.

- Ang Pilipinas ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika noong Ikalawang Yugto ng Imperyalismo.

- Ang Turkey o Imperyong Ottaman ay ang pinakamakapangyarihan sa mga karatig￾bansa nito sa Kanlurang Asya.

- May pinakamaraming teritoryo na nasakop ang United Kingdom. Kabilang dito ang ilang mga bansa sa Timog Africa at Silangan Africa, Australia, India at Canada.

- Bagamat una sa naging makapangyarihan sa paglalayag sa karagatan ang Spain at Portugal, maliit na lamang ang naging teritoryong sakop nito noong Ikalawang Yugto ng Imperyalismo.

- Sa Ikalawang Yugto ng Imperiyalismo, maliit na bahagi na lamang ng kontinente ng Timog Amerika ang nasasakop ng mga Kanluranin.


Paglaganap ng relihiyong Kristiyanismo

    Ang Kristiyanismo ay ang pinakalaganap at maipluwensyahang relihiyon sa kasalukuyang panahon. Ang pananakop ng mga Kanluranin noong Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo ay ang naging dahilan ng paglaganap ng Kristiyanismo sa ibat-ibang panig ng daigdig. Gayundin, ang mga kulturang kaakibat ng Kristiyanismo na itinuro ng mga Kanluranin, ay tinanggap ng maraming katutubo. Isang halimbawa dito ay ang Pilipinas na sinasabing pinakaKristiyanong bansa sa Asya.


Kalakalan ng mga Alipin

    Sa panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo naging malawak ang kalakalan ng mga alipin sa ibat ibang bahagi ng daigdig tulad sa kontinente ng Africa, Hilagang Amerika at Asya. Ang mababang pagtingin at hindi makatwirang pagtrato ng ilang mga Kanluranin sa ibang lahi ay nagdulot ng labis na paghihirap sa buhay ng mga katutubo. Pangkaraniwan ang pagkakahiwalay ng magkakapamilya, maraming pagkakataon na ang isang alipin ay ipinadadala sa Europa upang sapilitang magtrabaho o sa ibang mga sakop na bansa upang magsilbing mandirigma. Masasabing magpahanggang sa kasalukuyan ay bahagi ng kultura ng ibang lahi ang mababang pagtingin sa hindi kalahi, hindi katulad ng kulay ng balat, at hindi kasing-lebel ng antas sa lipunan.


Paghahalo ng mga Kultura

    Ang pananakop ng mga Kanluranin ay nagdulot ng mga pagbabago sa maraming paraan ng pamumuhay ng ibat ibang lupain sa daigdig. Bagamat hindi lahat ng kanilang nasakop ay yumakap sa relihiyong Kristiyanismo, may mga paniniwala, patakaran, aral, gawain at iba pa na iniwan ang mga Kanluranin sa buhay ng mga katutubo. Narito ang ilang halimbawa:

- Ang mga Ingles (British) ay pumigil sa suttee ng mga katutubo ng India, na kung saan ang babae ay kusang loob na sinusunog ang sarili sa tabi ng bangkay ng asawang lalaki.

- Mas napaunlad ng Belgium, France, Britain, Germany, Portugal at Italy ang pagmimina sa ibat ibang bahagi ng Africa. Gayundin ang pagpapastol ng hayop atpagtatanim ng ubas, citrus at iba pa.

- Ang banyagang wika ay naging bahagi na rin ng buhay ng mga katutubo tulad ngnapakalawak na impluwensiya ng wikang Ingles sa Pilipinas.

- Ang mga kapaki-pakinabang na kagamitang at teknolohiyang Kanluranin ay naisalin din sa mga katutubo. Nagpaunlad sa komunikasyon, industriya, agrikultura at pang￾araw-araw na pamumuhay.


Pagtatangi ng Lahi (Racism) at Diskriminasyon noon hanggang ngayon?




Rudyard Kipling

- Siya ay isang British na sumulat ng akdang White Man’s Burden na kung saan ay sinabi niyang tungkulin ng mga Kanluranin na turuan at tulungan ang ibang lahi na umunlad sa kanilang pamumuhay. 


“Mabuti ang layunin, ngunit mali ang pamamaraan.” Ito ay isa sa masasabing paglalarawan sa ginawang pananakop ng mga Kanluranin. Marami silang naging mabuting dulot sa mga katutubo ng lupaing kanilang sinakop ngunit bago ito ay libu-libong buhay ang naging kapalit. Kasabay ng mga pag-unlad na naiambag nila sa mga nasakop na teritoryo ay ang pagpatay o pagparusa sa mga hindi sumunod sa kanilang mga patakaran.



William McKinley

- Ika-25 Pangulo ng Amerika (1897-1901). Ipinahayag niya sa paniniwalang Amerikano naManifest Destiny, na binigyan ng Diyos ang Amerika ng karapatan upang magpalawak ng teritoryo at gabayan ang mga lupaing nasakop nito. Ang Pilipinas naging teritoryo ng Amerika noong mga taong 1899 hanggang 1946.

    Sa kasaysayan ay napakaraming mga kaganapan sa daigdig ang nagpatunay ng mataas na pagtingin ng tao sa kanyang kapwa. Hanggang sa kasalukuyan ay masasabing maraming tao ang nabulag sa kapangyarihan, katanyagan, kalakasan at kayamanan na nagdulot ng diskriminasyon, pang-aalipin at iba pang masaklap na bahagi ng buhay ng tao.


Kahulugan at Katuturan ng Nasyonalismo

    Ang Nasyonalismo ay may kahulugang isang damdamin ng pagiging tapat at mapagmahal sa bansa. Sa iba, pinapatunayan ng pagiging tapat at mapagmahal sa bansa ang pagsasakripisyo pati ng buhay para rito. Nagpapatunay ito na ang mga bansa ay may ibat-ibang pamamaraan kung paano ipinapadama ang pagiging makabayan. 


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Soviet Union 

    Ang Soviet Union o Russia ang pinakamalaking bansa sa daigdig. Isa itong malawak na lupain na sumasakop sa dalawang lupalop ng Asia at Europe. Halos doble ang laki nito sa Estados Unidos. Noong 988, ipinalaganap ni Vladimir I sa Russia ang Kristiyanismong Griyego (Orthodox) kaya tinawag siyang Vladimir the Saint. Ika-13 siglo, dumating ang mga Tartar o Mongol mula sa Asia at sinakop ang mga mamamayan ng Russia nang mahigit sa 200 taon. Pagkatapos ng pananakop na ito, ang Russia ay napailalim sa mga czar. Ang uri ng pamahalaan ng Russia sa panahong ito ay monarkiya na pinamumunuan ng isang hari na tinatawag na czar. Kontrolado ng mga maharlika at pulisya ang lahat ng industriya. Magsasakang nakatali sa lupa ang apat sa bawat limang Ruso, walang karapatan at laging nakabaon sa utang. Maging ang mga industriya ay nasa ilalim ng pamamahala ng czar. Dahil sa mga pang-aabuso ng czar at ng pamahalaan, pinasimulan ang October Revolution kung saan nagkaisa ang mga tao na pabagsakin ang pamahalaan at ag pamumuno ng czar. Nagapi ang czar at nagwakas ang aristokrasya sa bansa. Napalitan ito ng diktadurya ng Partido Komunista na pinamunuan ni Vladimir Lenin.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Timog Amerika 

    Ang bawat isa sa 20 bansa sa Latin America ay pinamayanihan ng makabansang damdamin. May ilang mga tao ang nagkakamaling tawaging bansa ang Latin America. Hindi ito nakapagtataka. Maraming mga Latin Americans ang nagsasalita ng Espanyol at Katoliko Romano ang pananampalataya. Nagkabuklod￾buklod sila sa kanilang pagkamuhi sa awtokrasyang Espanyol, katiwalian sa pamahalaan, walang kalayaang magpahayag ng mga batas na naghihigpit sa pangangalakal.


Simon Bolivar at Jose de San Martin 

    Si Simon Bolivar ang nagnais na palayain ang Timog Amerika laban sa mga mananakop. Siya ay si Simon Bolivar. Ang pagnanais na ito ay pagpapatuloy lamang sa mga nasimulan ni Francisco de Miranda, isang Venezuelan. Ang huli ay nag-alsa laban sa mga Espanyol noong 1811 ngunit hindi siya nagtagumpay na matamo ang kalayaan ng Venezuela mula sa Spain. Noong 1816, namatay na may sama ng loob si Miranda sa isang bartolina ng mga Espanyol. Matapos nito’y pinamunuan ni Bolivar ang kilusan para sa kalayaan sa hilagang bahagi ng Timog Amerika. Noong 1819, pagkatapos na mapalaya ang Venezuela, ginulat niya ang mga Espanyol nang magdaan sa Andes ang kaniyang hukbo. Ang tagumpay niya ay humantong sa pagtatatag ng Great Colombia (ang buong hilagang pampang ng South America). Tinawag siyang tagapagpalaya o liberator at pagkatapos, naging pangulo si Jose de San Martin (1778-1850) naman ang sumunod sa pagtataboy sa mga Espanyol sa Argentina. Katulad din ni Bolivar, namuno si San Martin sa kaniyang grupo sa Andes. Tumulong ito sa liberasyon ng Chile, gayundin sa Peru. Mayroon din siyang heneral na tulad ni Bernard o’Higgins, isang Chileno.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Africa

    Hinangad at nagkaroon ng matagumpay na kolonisasyon ang mga bansang Europeo sa Africa. Pinaghati-hatian ang kontinente at binalangkas ang ekonomiya ayon sa kanilang sariling kapakanan. Nagtayo sila ng mga daang bakal at industriya upang mapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Bago nagsimula ang 1914, tatlo lamang ang malayang bansa sa Africa- Ethiopia, Liberia at Republika ng South Africa. Sinasabing nagsimula ang una sa pamamahala ni Reyna Sheba. Itinatag ang ikalawa noong 1810 sa tulong ng Estado Unidos habang naging kasapi ng Commonwealth of Nations ang ikatlo noong 1910.


PAGNINILAY

    Napakalawak ng mga naging epekto ng Kolonisasyon at Imperyalismo ng mga Kanluranin sa ibat ibang lupain sa daigdig. Masasabi nating ang mga epektong ito ay naging bahagi na ng pamumuhay, kasaysayan at kultura ng mga katutubo ng mga lupaing nasakop. Mga mabuti at masamang epekto na nagpabago sa maramingbahagi ng nakaraan at kasalukuyan. Mga epektong nagsilbing gabay ng tao sa patuloy na pakikipagsapalaran sa kinabukasan.


GAWAIN


PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ikomento sa baba ang iyong sagot. Ilagay din sa notebook ang iyong sagot.

1. Ano-ano nga ba ang layunin ng mga Kanluranin sa pananakop?

2. Gaano kalawak ang naging pananakop ng mga Kanluranin sa daigdig?

3. Ano-ano nga ba ang naging epekto ng pananakop ng mga Kanluranin sa ibat ibang lupain sa daigdig?

4. Tulad ng pag-usbong ng nasyonalismo mula sa ikalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo, paano mo naman ipapakita ang pagiging makabansa mo sa iyong lipunan?



REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.



Friday, March 25, 2022

AP8-Q3-WEEK7: NAPOLEON BONAPARTE - SEASON 2

  AP8-Q3-WEEK7: NAPOLEON BONAPARTE

MELC/Kasanayan

Naipaliliwanag ang kaugnayan ng Rebolusyong Pangkaisipan sa Rebolusyong Amerikano at Pranses. Code: AP8PMD-IIIi-9


BALIK-ARAL

    Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang rebolusyong Pranses, mga dahilan o sanhi ng rebolusyon, at mga taong nanguna sa makamit ang kalayaan nito.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin si Napoleon Bonaparte, napoleonic wars, at kontribusyon ni Napoleon sa kasaysayan ng France.




ANG PAGIGING POPULAR NI NAPOLEON

    Si Napoleon Bonaparte na nabuhay noong 1769 hanggang 1821 ay kilala rin sa pangalan na Napoleon I. Siya ay isang Pranses na lider ng militar at isa ring emperador na sumakop sa Europe noong ikalabing-siyam na siglo.

     Si Napoleon I ay isinilang sa Corsica at nagsanay bilang hukbo ng sandatahang lakas ng Pransiya sa ilalim ng Unang Republikang Pranses at isa sa mga matagumpay na pinuno ng hukbo na tumalo sa Una at Ikalawang mga Koalisyon laban sa pamahalaan ng Pransiya. Noong 1799, pinamunuan niya ang isang kudeta at iniluklok ang sarili bilang unang Konsul ng Pransiya; pagkalipas ng limang taon, bilang Emperador ng mga Pranses. Sa pagpasok ng mga unang dekada ng ikalabingsiyam na siglo, matagumpay niyang nilabanan ang mga makapangyarihang bansa sa Europa kasabay ng pagtatatag ng Imperyong Pranses. 


ANG NAPOLEONIC WARS

    Ang Napoleonic Wars ay isinunod sa pangalan ni Napoleon Bonaparte na naging pinuno ng France noong 1799 at nagtangkang ipakilala ang kanyang ideya ng pamahalaan sa buong Europa. Ang Napoleonic Wars ay hindi tuloy-tuloy na pakikipaglaban sa dahilang nagkaroon pa ng mga panahon ng kapayapaan sa pagitan ng mga labanan. Ang digmaan ay nagwakas ng si Napoleon ay natalo sa digmaan sa Waterloo noong 1815. 





Dahilan ng Digmaang NAPOLEONIC 

    Ang digmaang Napoleonic ay nag-umpisa sa panahon ng Rebolusyong Pranses. Nagtagumpay ang mga rebolusyunaryo na mapaalis at mapahina ang kapangyarihan ng hari sa Pransiya at maitatag ang isang Republika. Dahil sa pangyayaring ito ay nagkaroon ng takot ang iba pang mga monarko sa napipintong paglaganap ng rebolusyon na posibleng magpabagsak sa kanilang pamumuno. 

    Noong 1792, nagpadala ang mga pinuno ng Austria at Prussia ng hukbong sandatahan upang lusubin ang France. Natalo sila ng mga rebolusyunaryong Pranses kaya sa pananaw nila, ang mabuting paraan upang madepensa ang rebolusyon ay ipalaganap ito sa mga bansa. Noong 1793 ay nagpasimulang lusubin ng mga rebolusyunaryong Pranses ang Netherlands. Upang mapigil ang paglakas ng France ay minabuti ng Britanya, Espanya, Portugal at Rusya na sumali sa digmaan. 


Pagkilala sa Kakayahan ni Napoleon 

    Sa mga ilang taon ng digmaan sa Europe ay nanatili ang lakas ng France sa pakikihamok sa kalupaan at ang mga British naman sa katubigan. Nagbago lang ang sitwasyon ng naging kilala ang kakayahan bilang pinunong heneral ni Napoleon Bonaparte. 

    Mapapansin sa mapa na lubhang napalawak ni Napoleon Bonaparte ang teritoryo ng France. Dahil ito sa kaniyang mga pagkapanalo sa mga serye ng pakikidigma laban sa ibat ibang bansa sa Europa. Ito ay upang isulong ang kaisipan na magwawakas sa pagiging absolute ng kapangyarihan ng monarkiya at palitan ang uri ng pamamahala sa pagiging republika. 

    Ang Napoleonic Wars ay naganap noong (1799-1815). Ito ay ang sigalot sa pagitan ng France sa pamumuno ni Napoleon Bonaparte at mga Allied Countries. Ito ay ang British, Unang Imperyo ng France, Spain, Imperyong Ottoman, Prussia, Russia, Poland, Rhine, Austria, Italy, Bavaria, Naples, Denmark-Norway, Saxony, Württemberg, Holland, Sicillies, Sardinia, Portugal, Wallachia, Nassau, Netherlands, Tuscany, Brunswick-Lüneburg, Moldavia, Etrunia, Sweden-Finland, Bourboun Spain, at Hungary.

    Ang tagumpay ng mga digmaang inilunsad ni Napoleon sa Europa ay dahil sa naipapanalo nito ang kanyang mga laban sa katubigan. Noong 1805 ay nasakop nya ang Hilagang Italya, Switzerland at Timog Germany.


NAPOLEONIC WARS 









PENINSULAR WAR (1808)

    Taong 1808 ay nagkaroon ng mga pag-aalsa laban sa pamamahala ng mga Pranses sa Espanya at Portugal. Nagpadala ng tulong na mga sundalo ang Britanya sa mga rebelde ngunit tinalo sila ng mga Pranses sa Espanya kaya minabuti ng mga British na magkonsentreyt na lang sa Portugal. Ang bahaging ito ng Napoleonic Wars ay naging kilala bilang Peninsular War sa dahilang ang Espanya at Portugal ay nasa bahagi ng Europa na Iberian Peninsula. 


Ang Pagkatalo ng France 

    Habang abala sa pakikipaglaban si Napoleon sa Russia ay sinamantala naman ng mga British ang Espanya at nanalo sila ng maraming beses sa pakikipaglaban.

    Noong 1813 ay nasakop ng mga British ang Timog France at ang pinagsanib na pwersa ng mga Ruso at Austrian ang sumakop naman sa Hilagang France. Napulbos ang hukbo ng mga Pranses sa digmaan sa Liepzig at unti-unting bumagsak ang imperyong itinayo ni Napoleon. 


Ang Pagtatapos ng mga Labanan 

    Taong 1813 nang talunin ng pinagsamang pwersa ng Britanya, Austria Prussia at Russia ang emperador na Pranses na si Napoleon Bonaparte. Ang imperyong binuo at itinatag ni Napoleon ay biglang bumagsak at siya ay sumuko sa kanyang nagbubunying kalaban. Si Louis XVIII, ang kapatid ni Louis XVI (ang haring pinapatay nang panahon ng Rebolusyong Pranses) ang naging hari ng France noong 1814 at si Napoleon ay ipinatapon sa isla ng Elba, malapit sa kanlurang baybayin ng Italya. 


Pagkamatay ni Napoleon Bonaparte 

    Nakatakas noong Pebrero 1815 si Napoleon sa Elba at nakabalik sa France. Nang ipahayag ang kanyang pagbabalik ay dali-dali siyang sinalubong ng dati niyang mga sundalo. Bumuo na muli siya ng isang hukbo at nagmartsa patungong Paris upang agawin ang trono sa haring si Louis XVIII. 

    Muling nagkaisa ang alyansang unang tumalo kay Bonaparte at naglunsad ng digmaan laban sa kaniya. Nangyari ang labanan sa Waterloo na matatagpuan sa Netherlands. ng natalo si Bonaparte. Hunyo 22 nang sumuko si Napoleon sa mga British. Natapos na rin ang kanyang ‘Isang Daang Araw’. Siya ay ipinatapon sa isla ng St. Helena. Ito ang lugar na kaniyang kinamatayan noong 1821 na batay sa mga bagong pagsusuri sa arsenic poisoning. 

    Si Haring Louis XVIII ang naluklok na emperador ng Pransiya pagkatapos na maipatapon si Napoleon sa St. Helena. 


TANDAAN!

 Si Napoleon Bonaparte ay magiting na heneral na nagpalawak ng imperyo ng France upang maipalaganap ang pagtatatag ng pamahalaang Republikano.

 Ang Napoleonic War ay serye ng mga labanan na pinangunahan ni Napoleon Bonaparte na naglalayong palawakin ang pagtatatag ng pamahalaang republika sa ibat ibang bansa sa Europe. 

 Ang rebolusyon ay tulad ng kahon ni Pandora na nang mabuksan ay nagpakawala ng mga kaisipang nakagigimbal at nakaiimpluwensya sa halos lahat ng sulok ng daigdig ayon kay John B. Harrison.



GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na taong at isulat o ikomento ang sagot sa comment section. Isulat din sa notebook ang inyong sagot.

1. Ano ang Napoleonic Wars?

2. Paano nagsimula at nagwakas ang Napoleonic Wars?

3. Anu-ano ang mga naging kontribusyon ni Napoleon Bonaparte sa France?

4. Paghambingin ang katauhan ni Napoleon Bonaparte at Alexander the Great.

5. Anu-ano ang mga bagay na nais mong gayahin mula sa katauhan ni Napoleon Bonaparte? Anu-ano naman ang hindi? Ipaliwanag.


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9ImbpKIxgvCQA4h1XNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=NAPOLEONIC+WAR&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr47a8eKoxgLV0ATO5XNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=PENINSULAR+WAR&fr2=piv-web&fr=mcafee


Tuesday, March 22, 2022


ATTRIBUTES OF THE PUBLIC SCHOOL HEADS

ABSTRACT

Title: ATTRIBUTES OF THE PUBLIC SCHOOL HEADS

Degree: Doctor of Philosophy Major in Educational Management

Date: 2018

Institution: University of Caloocan City

Researcher: Kristofer E. Canillas, PHD 

 ___________________________________________________________________________

Abstract: Education in a country is said to be best described by its public schools. Much has been said about what the attributes of public school teachers should be, but unknown to many, there are actually ideals the Department of Education defined for school principals under Department Order No. 32 (2010), which are divided into seven (7) domains. The researcher employed both qualitative and quantitative research methods to capture the essence of the study.  

The interviews with the respondents yielded attributes that can be ascribed to a diplomatic public school head. Collated responses from the school heads and teachers surveyed yielded the following: a promoter of the emotional quotient (EQ), knowledgeable about the ins and outs of the education industry, updated with technology, focusing on teachers in order to address the needs of the students, team skills, and long-term planning while staying traditional.

 

KEYWORDS: public school, diplomatic, emotional quotient, long-term planning

 

THE FOURTH ESTATE IN THE 21st CENTURY: PHILIPPINE MEDIA AS CATALYSTS FOR RESPONSIBLE PUBLIC GOVERNANCE

ABSTRACT

Title: THE FOURTH ESTATE IN THE 21st CENTURY: PHILIPPINE MEDIA AS CATALYSTS FOR RESPONSIBLE PUBLIC GOVERNANCE

Degree: Master in Public Administration

Date: 2018

Institution: University of Caloocan City

Researcher: Marianne R. Alivio, MPA

____________________________________________________________________________

 

Since Martial Law ended, Philippine media has been known as the freest in Asia, but this liberality demands that media practitioners have a high sense of responsibility, morality, and fairness at all times. However, the advancement of communications technologies which are hugely filter-free made being bearers and disseminators of information no longer exclusive to news journalists. This gave way to the rise of a new type of journalists as well as purveyors of fake news, which affect not just the public, but the propensity of the media and the government to appropriately deliver its intended services.

This descriptive study is therefore conducted to better understand how the Fourth Estate has changed in the 21st century and what its members should do to continue becoming catalysts for responsible public governance. Qualitative method is used in the gathering of data. And then, to aid in a more digestible presentation of the findings, quantitative method is used, employing the following statistical treatment: frequency, percentage, and weighted mean.

The best practices of the Fourth Estate in the 21st century are identified as ensuring that details on news stories are on record; that reporters are adequately trained, do not forget the basic 5 Ws (who, what, when, where, why) and H (how), and that their reporting is people-centered; that producers are hands-on and meticulous with detail; that even those with highly technical responsibilities have a nose for news; and that people on the field and in the studios communicate at all times. This shows that, despite the Fourth Estate evolving, the tenets being observed by journalists, exemplified in the Journalist's Code of Ethics, remain the same in the 21st century.  Technology - its products and effects - are also seen to serve both as a challenge and as an opportunity for Philippine mass media. There is thus, a need for newsmen to fully embrace, understand and master the nooks and crannies of technology as well as the Journalist's Code of Ethics, which will help see them through unconventional competition and even the contradicting nature of media ownerships.

For media to continue being catalysts for responsible public governance in the 21st century, the researcher recommends the passage of the Freedom of Information (FOI) Act and the amendment of the Consumer Act of the Philippines. This will inspire newsmen to continue and be stringent in instituting industry standards, while safeguarding their Constitutional right to freedom of the press.


Sunday, March 20, 2022

AP8-Q3-WEEK6: REBOLUSYONG PRANSES - SEASON 2

 

 ARALING PANLIPUNAN 8- IKATLONG KWARTER

AP8- QRT3- WeeK 6 

 

MELC/ KASANAYAN SA PAGKATUTO.

    Naipaliliwanag ang kaugnayan ng Rebolusyong Pangkaisipan sa Rebolusyong Amerikano at Pranses Code: AP8PMD-IIIi-10


BALIK-ARAL

    Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga dahilan, kaganapan, at sanhi ng pag-usbong ng rebolusyong Amerikano. Kasamang tinalakay ang mga prominenteng tao na nanguna upang makamit ng Amerika ang kanilang kalayaan mula sa Britain.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga pangyayaring nagtulak sa rebolusyong Pranses. Anu-ano kayang mga dahilan o sanhi bakit nagkaroon ng rebolusyong Pranses. Halina at tunghayan natin.



REBOLUSYONG PRANSES: ANG PAMUMUNO NG KARANIWANG URI

    Simula ng taong 1789 ang France ay pinaghaharian ni Haring Louis XVI, isang Bourbon na ang pamumuno ay absolute. Ang absolutong hari ay itinuturing na makapangyarihang pinuno ng isang nasyon sapagkat ang kanilang ginagamit na basehan sa kanilang pamumuno ay Divine Right Theory. Ito ay ang paniniwala na ang kapangyarihan ng isang hari ay nagmula sa kanilang mga diyos para pamunuan ang bansa.


Ang lipunang France naman ay nahahati sa tatlong pangkat na tinatawag na Estado.

Unang Estado- ay binubuo ng mga obispo, pari, at ilan pang may katungkulan sa simbahan.

Ikalawang Estado- binubuo ng mga maharlikang Pranses.

Ikatlong Estado- ay binubuo ng nakakaraming bilang ng mga Pranses gaya ng mga magsasaka may-ari ng mga tindahan, mga utusan, guro, manananggol, doktor at mga manggagawa.

    Pagdating noong 1780 ay kinakailangan ng pamahalaang France ng malaking halaga para itaguyod ang pangangailangan ng lipunan. Ang bumubuo ng una at ikalawang estado sa ilalim ng kautusan ng hari ay di ibinibilang sa mga nagbubuwis at ang ikatlong estado lamang ang nagbabayad.


Ang Pambansang Asembleya:

    Upang mabigyang lunas ang kakulangan sa salapi na kailangan ng France nang panahong iyon ay minabuti ni Haring Louis na magdaos ng isang pagpupulong ng lahat ng kinatawan ng tatlong estado noong 1789 sa Versailles.

    Hindi nabigyang lunas ang suliranin ukol sa pananalapi dahil hindi nagkasundo ang mga delegado sa paraan ng pagboto. Dati, nagpupulong nang hiwalay ang tatlong estado. Matapos nito’y saka pa lamang sila boboto. Bawat estado ay may isang boto. Karaniwan na magkatulad ang boto ng una at ikalawang estado laban sa ikatlong estado kaya naman laging talo ang huli.

    Dahil dito humiling ang ikatlong estado na may malaking bilang kasama ang mga bourgeoisie na ang bawat delegado ng asemblea ay magkaroon ng tig iisang boto. Sapagkat humigit-kumulang kalahati ng 1200 delegado ay mula sa ikatlong estado Malaki ang kanilang pagkakataong maisakatuparan ang nais na mga reporma.

    Idineklara ng ikatlong estado mula sa panukala ni Abbe Sieyes isang pari ang kanilang sarili bilang Pambansang Asembleya noong Hunyo 17, 1789 inimbitahan nila rito ang una at ikalawang estado.

    Dahil na rin sa panunuyo ng ikalawang estado, itinuloy pa rin ni Haring Louis XVI ang magkahiwalay na pagpupulungan ng ikatlong estado kung kaya’t sila ay nagtungo sa tennis court ng palasyo.

    Maraming mga pari at ilang noble ang sumama sa kanila at hiniling sa hari na bumuo ng isang konstitusyon at nanindigang hindi aalis hangga’t hindi naisakatuparan ang kanilang layunin.

    Matapos ang isang linggo’y ibinigay na ng hari ang hiling ng ikatlong estado nang kanyang ipag-utos na sumama ang una at ikalawang estado sa pambansang asemblea.


Mga Salik ng Rebolusyong Pranses:

1. Kawalan ng katarungan ng rehimen.

2. Oposisyon ng mga intelektwal sa namamayaning kalagayan.

3. Walang hangganang kapangyarihan ng hari.

4. Personal na kahinaan nina Haring Louis XV at Haring Louis XVI bilang pinuno.

5. Krisis sa pananalapi na kinaharap ng pamahalaan.


Ang Pagbagsak ng Bastille:

    Nagsimula ang kaguluhan sa Paris ng lumusob ang mga tao sa Bastille noong Hulyo 14, 1789, ang Bastille ay isang moog na ginawang bilangguang pulitikal. Dahil dito, ang Bastille ay simbolo ng kalupitan ng Lumang Rehimen. Nagapi ng taong bayan ang mga tagapagtanggol sa moog kaya’t napalaya ang mga bilanggo.

    Hindi kumampi ang hari at kanyang mga tagapayo, bagkus ay kanilang inudyukan ang hari na ipahanda ang mga kawal sa pagkakataong maaaring maghimagsik ang Asembleya. Kumalat ang balita sa Paris na bubuwagin ng hari ang Asembleya.

    Ang pagbagsak ng Bastille ay nagbigay-hudyat sa pagwasak ng Lumang Panahon sa France, at ang Hulyo 14 ay itinuturing na pambansang araw ng France.

    Sinimulan ng pambansang asembleya ang mga reporma sa pamahalaan. Inalis ang natitira pang bagay na may kinalaman sa piyudalismo at pang-aalipin.

    Winakasan ang kapangyarihan ng simbahan sa pagbubuwis. Sa takot ng mga hari at maharlika sa lumalaganap na kapangyarihan ng mga magsasaka, binitawan na nila ang kanilang mga karapatan. Sinamsam ng mga tao ang mga ari-arian at binawasan ang bilang ng pari. 


Kalayaan, Pagkapantay-pantay, at Kapatiran:

    Taong 1789 nang Constituent Assembly, ang bagong katawagan sa Asembleyang Nasyonal ay nakapagpalabas ng isang bagong saligang batas. Ang pambungad na pananalita ng saligang-batas ay tungkol sa Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao at Mamamayan. Binigyang diin nito ang lipunang Pranses ay kinakailangang nababatay sa mga ideya ng kalayaan, pagkapantay-pantay at kapatiran.

    Makalipas ang dalawang taon, Setyembre 1791, ay lubusang napapayag si Louis XVI na pamahalaan na ang France sa pamamagitan ng bagong saligang-batas. Ang kapangyarihan ng mga nasa simbahan at ng mga maharlika ay nabawasan din at ang halalan para sa Asembleyang bubuo ng mga batas ay idinaos.


Ang Pagsiklab ng Rebolusyon:

    Maraming mga monarko sa Europe ang labis na naapektuhan sa pagsiklab ng French Revolution. Natakot sila na ang ganoong uri ng rebolusyon ay lumaganap sa kanilang mga kaharian at pinangangasiwaan. Noong taong 1792 ay nagpadala ang Austria at Prussia ng mga sundalong tutulong upang talunin ang mga rebolusyong Pranses. Sa mahabang panahon ng pakikipaglaban ay tinalo ng mga rebolusyonaryo ang mga sundalong tumulong upang sila’y patigilin.

    Ang rebolusyon ay lalong naging malakas at malaki sa pamamagitan ng pamumuno ng isang abogadong nagngangalang Georges Danton.

    Pinagsusutpetsahan ng mga rebolusyonaryo na posibleng ang mga noble ng France ay bumubuo ng alyansa sa iba pang mga bansa sa Europa upang muling ibalik ang kapangyarihan ng hari at tapusin ang rebolusyong pinasimulan. Dahil dito ay hinuli nila ang hari at ng mga sumusuporta sa kanya at pinatay sa pamamagitan ng paggamit ng guillotine.

    Tinawag ang pangyayaring ito sa France bilang September Massacres. Noong Enero 1793 ay napugutan naman ng ulo si haring Louis XVI. Sa taong ding yun ay sinunod naman si Reyna Marie Antoinette. Dahil sa mga sunod-sunod napangyayari ay idineklarang isang Republika ang France.


Ang Reign of Terror:


    Marami sa mga bansa sa Europe kabilang na ang Great Britain ang sumama na sa digmaan laban sa France. Malaking bilang ng mga nakababatang kalalakihan ang pinuwersang sumama sa hukbong sandatahan upang idipensa ang bagong republika. Noong Abril 1794 ay binuo ng mga rebolusyonaryo ang isang pansamantalang pamahalaaan sa ilalim ng Committee of Public Safety. Ang pinakamabisa at aktibong miyembro rito ay ang isang manananggol na si Maximillien Robespierre, isang masidhing republikano. Isa sa naging pangunahin niyang gawain upang maipagpatuloy ang rebolusyon ay ang pagpapadala ng maraming mga sundalo na uubos sa mga kaaway ng Republika. Ang mga kaaway na ito ay pawang pinatay sa pamamagitan ng guillotine at tinawag ang panahong ito bilang Reign of Terror.Umabot sa 17,000 katao ang pinatay sa pagitan ng 1793 hanggang 1794 at may 20,000 naman ang mga namatay sa kulungan.


Ang France sa Ilalim ng Directory:


    Taong 1794 nang humina ang kapangyarihan ng mga rebolusyonaryo at nakuha ng mga moderates ang pamamahala. Kabilang sa mga pinunong extremistsng Rebolusyon gaya nina Danton at Robespierre ay pinatay rin sa pamamagitan ng guillotine. Napagwagian naman ng France ang kaniyang pakikipagdigma sa mga bansang Europe kaya ang mga ito ay lumagda ng kasunduan sa kaniya maliban sa Britain. Taong 1795 nang ang Republika ng Pransiya ay gumamit ng bagong saligang￾batas na ang layunin ay magtatag ng isang direktoryo na pinamumunuan ng limang tao na taon-taon ay ihahalal. Ngunit ang pamahalaang ito’y di nagtagumpay. Ito’y sa dahilang ang pamahalaan ay naubusan ng pera. Samantala, iba-ibang pangkating pampolitika ang nagnais na hawakan ang pamamahala at maraming tao ang nais na bumalik sa monarkiya.


TANDAAN!

Absolute monarchy- isang uri ng pamamahala na kung saan ang monarko ay may ganap na kapangyarihan sa sambayanan. Nagtataglay ng walang limitasyong kapangyarihang politikal.

Guillotine- Ang pagpatay sa mga bilanggo sa pamamagitan ng isang gamit sa pagputol ng ulo.

Maximillien Robespierre- isang aktibong miyembro na isang manananggol at namatay din sa pamamagitan ng Guillotine.



GAWAIN

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ilagay sa iyong notebook ang sagot. Ikomento rin sa ibaba ang iyong sagot.

1. Anu-ano ang mga salik ng rebolusyong Pranses?

2. Bakit kinatatakutan ng mga maharlika ang French Revolution?

3. Ano ang September Massacre? Sino ang naging biktima rito?

4. Ano ang Absolute Monarchy, Guillotine, Reign of terror, Maximillien Robespierre, Asembleya, bastille, at republika?

5. May pagkakahawig ba ang tatlong pangkat ng Estado ng France sa Tatlong sangay ng pamahalaan natin? Ipaliwanag ang sagot.



REFERENCE:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9IlEXh4Vg3O4A4_lXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=rebolusyong+pranses&fr2=piv-web&fr=mcafee


Thursday, March 3, 2022

AP8-Q3-WEEK5: REBOLUSYONG AMERIKANO - SEASON 2

 

 ARALING PANLIPUNAN 8

AP8 - Qrt3 - Week 5

REBOLUSYONG AMERIKANO


MELC/Kasanayan

    Naipaliliwanag ang Kaugnayan ng Rebolusyong Pangkaisipan sa Rebolusyong Amerikano at Pranses. Code: AP8PMD-IIIi-9


BALIK-ARAL:

    Sa huling lesson tinalakay natin ang mga dahilan, kaganapan, at epekto ng rebolusyong siyentipiko, enlightenment, at rebolusyong industriyal. 

    Ngayon naman week 5, tatalakayin natin ang naging sanhi, karanasan, implikasyon, at iba pang kaalaman ukol sa rebolusyong amerikano.



Ang Rebolusyong Amerikano

    Ang himagsikan o panghihimagsik (Ingles: insurrection, revolution, rebellion, revolt) ay ang tumutukoy sa pag-aalsa o pagrerebelde ng taumbayan laban sa pamahalaan dahil sa pagtutol o pagtanggi sa pamamalakad ng mga awtoridad o mga may katungkulan. Maaari rin itong tumukoy sa isang mahalagang sandali na makapagbabago sa sitwasyong pampolitika ng isang bansa. O kaya, sa pag-agaw ng mga nag-alsa sa kapangyarihan ng namumuno ng pamahalaan. Tinatawag din itong rebolusyon o rebelyon dahil kaugnay ito ng marahas na pagsuway at maparaan o organisadong paglaban upang mapabagsak ang pamahalaan. 

    Maraming ideyang bunga ng Rebolusyong Pangkaisipan ay may kulay pulitika at ito ang kaisipang pulitikal sa rebolusyong isinagawa ng 13 kolonyang Ingles sa Amerika. Ang Rebolusyong Amerikano ay nagsimula noong panahong 1775 at ito ay sa mga sumusunod na dahilan: (1) Lipunan- ang lipunang itinayo ng mga Amerika ay kakaiba sa Great Britain. Ang mga hangganan ay nalikha sa aristokrasyang batay sa kayamanan at hindi dahil sa dugo. Ang mga patakaran sa kolonya ay nagbigay laya, sigla at pag-uugali at sila ay nahirapan sa pagpapanatili sa kaugaliang Ingles; (2) Pulitika- ang batasan at hukuman ay tinulad sa Britain, kaya namihasa ang mga kolonya ng mga kalayaan at sariling pamamahala; (3) Relihiyon- Bagamat lumakas ang Puritanismo sa kolonya, ang mga tao ay may layang makapamili ng sariling relihiyon. Nagkaroon ng iba’t ibang sekta ng relihiyon; (4) Ekonomiya- Ang patakarang pang-ekonomiya ng mga Ingles ay lubos na nagpasidhi sa pag-aalsa ng 13 kolonya.

    Ang Navigation Acts ay nag-uutos na sa Britain lamang maaaring ipagbili ang ilang produkto ng kolonya at ang kolonya ay maaari lamang bumili ng mga yaring produkto sa una. Ipinag-utos ding gamitin ang mga sasakyang Ingles sa pangangalakal.

    Ang malaking pagkakautang ng Britain dahil sa pakikipagdigma, ang pagtulong ng mga Amerikano sa kaaway, ang hayagang alitang nagsimula nang itakda ang Townshed Acts tungkol sa paglikom ng pera at ang paghihigpit sa mga kolonya. Ang mga batas na kinaiinisan ng mga kolonya ay ang buwis sa mga dokumentog pagnegosyo na kilala bilang Stamp Act at ang buwis sa tsaa o tea tax.


REBOLUSYONG AMERIKANO: SANHI, KARANASAN, AT IMPLIKASYON


 Ang digmaan para sa kalayaan ng Amerika ay lalong kilala sa katawagang Rebolusyong Amerikano.

 Nagsimula ang himagsikan nang ang mga Ingles na naging migrante sa Timog Amerika ay nagrebelde sa labis na pagbubuwis na ipinataw sa kanila ng Parliamentong Ingles dahil wala silang kinatawan sa Parliamento upang sabihin ang kanilang mga hinaing.

 Nagdeklara sila ng paglaya sa mga Ingles noong 1776, Pagkatapos ay nagbuo sila ng isang malakas na hukbo na naging tagapagtanggol sa British. Ang digmaan para sa kalayaan ang naging dahilan ng pagbuo ng United States of America.


Tingnan!

 Sa huling bahagi ng ika -18 na siglo, ibang uri ng himagsikan ang lumaganap sa bahagi ng Atlantiko.

 Ito ay naimpluwensiyahan ng mga ideyang pinalaganap noong Panahon ng Enlightenment. Itinatag nito ang mga pagtatanong tungkol sa absolutong monarkiya at sa dominasyon ng simbahan sa mga panlipunan at pampolitikang galaw ng mga tao.

 Ang ganitong kaisipan ay naging daan upang patalsikin ang tradiyonal na rehimen sa America at France.

 Nagsimula ang digmaan noong 1775 sa pagitan ng 13 kolonya sa Timog America at Great Britain.

 Ito ang unang himagsikan na naghangad ng kalayaan at pagbabago sa lipunan. Naging daan din ito sa paglawak ng mga prinsipyongrebolusyunaryo sa France at sa isang madugong himagsikan noong 1789. 

 Itinuturing na mas malaki ang naiwang epekto ng Himagsikan sa France sa kabuuan ng Europe at iba pang panig ng mundo sa dahil iniwan nito ang tatlong mahahalagang prinsipyo ng pagbuo ng isang nasyon-estado: 

 ang kalayaan, 

 pagkakapantay-pantay, 

 at ang kapatiran.


ANG LABINTATLONG KOLONYA


 Ang malaking bilang ng mga Ingles ay nagsimualang lumapit at manirahan sa Hilagang Amerika noong ika-17 na siglo.

 Karamihan sa kanila ay nakaranas ng persecution dahil sa kanilang bagong 

pananampalataya na resulta ng Repormasyon at Enlightenment sa Europe.

 Sa kalagitnaan ng ika-18 na siglo ay nakabuo na sila ng 13 magkakahiwalay na kolonya na ang hangganan sa hilaga ay Massachusetts at sa Timog ay Georgia.

 Noong 1750 ay gumastos ng napakalaking halaga ang British laban sa France upang mapanatili sa ilalim ng kanilang imperyo ang 13 kolonya.



Ang Labintatlong (13) Kolonya ng Britanya sa Hilagang America

1. Massachusetts

2. New Hampshire

3. Rhode Island

4. Connecticut

5. New York

6. New Jersey

7. Pennsylvania

8. Delaware

9. Maryland

10.Virginia

11.North Carolina

12. South Carolina

13.Georgia


 Ang mga Kolonya ay walang kinatawan sa Parliamento ng British sa London kaya sila ay nagprotesta sa pagbabayad ng labis na buwis.

 Ang kanilang naging paboritong islogan ay ang " walang pagbubuwis kung walang representasyon". 

 Sila ay nagprotesta sa ipinataw na buwis sa tsaa na inangkat sa mga kolonya.

Tinapon nila ang tone-toneladang tsaa sa pantalan ng Harbor sa Massachusetts.

Kinilala sa kasaysayan ang pangyayaring ito bilang Boston Tea Party. 

 Nagkaroon ng kaparusahan sa mga kolonistang naging bahagi ng insidente. 

 Ang pangyayaring ito ay nagresulta ng digmaan. 


ANG UNANG KONGRESONG KONTINENTAL


 Unang dinaluhan ng 56 na kinatawan ng mga kolonya ng Britanya ang dumalo dito. Pinangunahan ito ni Patrick Henry noong Setyembre 5, 1774.

 Ipinahayag nito ang Intolerable Acts na di makataranungan at ang parliamentong Ingles ay lumalabag sa Karapatang Amerikano

 Ang pahayag ni Patrick Henry na Give me liberty or give me death, (Bigyan mo ko ng kalayaan o kamatayan) at ang aklat ni Thomas Paine na Common Sense ay gumising sa damdaming Amerikano.

 Ito ay tahasang pagpapakita ng paglaban sa mga batas at patakaran na ipinatupad ng mga British.

 

ANG PAGPAPASIMULA NG DIGMAAN


 Ang mga tumututol sa palakad ng mga Ingles ay dumami sa pamamahala ni Samuel Adams.

 Naganap ang Unang laban sa Lexington at Concord sa pagitan ng Amerika at Great Britain ng magpadala ito ng isang tropa ng British sa Boston noong Abril 1775, upang pwersahing angkinin ng mga ito ang tindahan ng pulbura sa bayan ng Concord.

 Bago pa man nakarating ang mga British sa Concord nagpalitan na ng putukan ang dalawang panig.


IKALAWANG KONGRESONG KONTINENTAL


 Noong Mayo 1775, idineklara ng kongresong kontinental ang pamahalaan na tinawag na

"United Colonies of America".

 Continental Army-tawag sa hukbo ng military.

 George Washington- naatasang Commander in Chief ng Continental Army.


ANG DEKLARASYON NG KALAYAAN


 Hulyo 1776- nagpadala ng malaking tropa ang Britain sa Atlantic upang pahinain ang pwersa ng Amerika.

 Ang Deklarasyon ng Kalayaan bagaman hindi pa tapos ang digmaan, idineklarang malaya ng Amerikano ang kanilang mga sarili noong Hunyo 4, 1776. Ang dokumento ay isinulat halos lahat ni Thomas Jefferson, isang manananggol.

 Binigyang diin sa dokumentong ito na ang dating kolonya at hindi na teritoryo ng Britain. Kinilala na isa nang malayang bansa ang dating kolonya ng Britain at tinawag itong Estados Unidos ng Amerika.


IMPLIKASYON:

    Ang naging bunga ng Rebolusyong Amerikano ay ang Kalayaan ng United States ay kinilala at ang hangganan nito sa mga kalapit na bansa ay naayos. Binigyang-saysay ng rebolusyon ang deklarasyon ng kalayaan batay sa kaisipan ni John Locke na kapag hindi iginalang ng hari ang likas na karapatan ng tao, karapatan ng mga mamamayan ang mag-alsa laban sa kanya. Ang nagtagumpay na rebolusyon sa Amerika ang nagbigay lakas sa mga Pranses upang maghimagsik laban sa abolutismo.


TANDAAN!

 Ang rebolusyon o rebelyon ay may kaugnayan sa marahas na pagsuway at maparaan o organisadong paglaban upang mapabagsak ang pamahalaan. 

Tumutukoy din ito sa pag-aalsa o pagrerebelde ng taumbayan laban sa pamahalaan dahil sa pagtutol o pagtanggi sa pamamalakad ng mga awtoridad o mga may katungkulan.

 Maraming salik ang nagtulak sa mga Amerikano upang mag rebolusyon ito ay ang usapin sa lipunan, pulitika, relihiyon at ekonomiya.

 Malaki ang kinalaman ng Rebolusyong Pangkaisipan ang pagtingin ng maraming mamamayan sa larangan ng relihiyon, pamahalaan, ekonomiya at kalayaan.


REFERENCE:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9KRGZZH1gUBEAJmRXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=REBOLUSYONG+AMERIKANO&fr2=piv-web&fr=mcafee


GAWAIN:

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ilagay sa inyong notebook ang inyong sagot. ikomento rin sa ibaba ang inyong sagot.

1. Ano ang Rebolusyon? Ang Rebolusyong Amerikano?

2. Bakit nagkaroon ng Rebolusyong Amerikano?

3. Kailan naganap ang Rebolusyong Amerikano?

4. Ano ang ninanais ng mga Amerikano na makamit sa kanilang Rebolusyon?

5. Ano-ano ang naging implikasyon ng kanilang naging Rebolusyon?

6. Sa iyong palagay, nakatutulong ba sa isang bansa ang rebolusyon? Bakit?