AP8-Q1-WEEK5-KECPHD
SINAUNANG KABIHASNAN
Impluwensiya ng Heograpiya sa Pag-unlad ng mga Sinaunang Kabihasnan
Balik-Aral:
Nakaraan, inaaral natin ang heograpiyang pisikal, heograpiyang pantao, at ang huli ay sinaunang tao kung saan pinag-usapan antin ang mga teorya ng pinagmulan ng tao.
Ngayon naman, aaralin/tatalakayin natin ang sinaunang kabihasnan sa daigdig.
Pagmasdan ang mapa ng daigdig. Tukuyin ang mga kontinente nito. Makakaya mo kayang matukoy ang lugar ng mga sumusunod?: Mesopotamia, Indus, Shang, Egypt, Mesoamerica.
Ang Kabihasnang Mesopotamia sa Kanlurang Asya
Ang salitang Mesopotamia ay nagmula sa mga salitang Greek na meso o “pagitan” at potamos o “ilog”. Samakatuwid, ang Mesopotamia ay nangangahulugang lupain “sa pagitan ng dalawang ilog”. na sinasabing lunduyan ng unang kabihasnan.
Ang Mesopotamia ay itinuturing na kauna-unahang kabihasnan sa buong daigdig. Sinakop at pinanahanan ito ng iba’t ibang sinaunang pangkat ng tao, kabilang ang mga Sumerian, Akkadian, Babylonian, Assyrian, Chaldean, at Elamite na nagtangka ring sakupin ang lupaing ito. Sa paglipas ng mahabang panahon, iba’t ibang lungsod ang umusbong at bumagsak sa lugar na ito na nang lumaon ay pinalitan ng iba pang mga kabihasnan.
Heograpiya ng Mesopotamia
Nagsimula sa malawak na lupaing dinadaluyan ng mga ilog Tigris at Euphrates ang kauna-unahang mga lungsod sa daigdig, tinatawag na Mesopotamia ang lupaing matatagpuan sa pagitan ng mga ilog na ito. Sa kasalukuyan, matatagpuan ito sa Iraq at bahagi ng Syria at Turkey.
Matatagpuan ang Mesopotamia sa rehiyon ng Fertile Crescent, isang paarkong matabang lupaing nagsisimula sa Persian Gulf hanggang sa silangang baybayin ng Mediterranean Sea.
Ang regular na pag-apaw ng ilog Tigris at Euphrates ay nagdudulot ng baha na nag-iiwan ng banlik (silt). Dahil dito, nagiging mataba ang lupain ng rehiyon na nakabubuti sa pagtatanim.
Ang Mesopotamia ay walang likas na hangganan kaya mahirap ipagtanggol ang lupaing ito sa ibang karatig lugar. Naimpluwensiyahan din ito ng mga karatig lugar dahil na rin sa mga ugnayang pangkalakalan at tunggaliang militar.
Sa mga taong 5500 B.C.E., daan-daang maliliit na pamayanang sakahan ang matatagpuan sa kapatagan ng hilagang Mesopotamia na pinag-ugnay ugnay ng malalayo at mahahabang rutang pangkalakalan. Bunga ng pag-unlad ng lipunan sa mga sumusunod na taon, nagkaroon ng mga pagbabago sa aspektong panlipunan, pampulitika, at panrelihiyon na nagdulot ng sentralisadong kapangyarihan. Isang halimbawa ang Uruk na itinuturing na isa sa mga kauna-unahang lungsod sa daigdig.
Ang Kabihasnang Indus sa Timog Asya
Ang Timog Asya ay isang malawak na tangway na hugis tatsulok. Sa kasalukuyan,binubuo ito ng mga bansang India, Pakistan, Bangladesh, Afghanistan, Bhutan, Sri Lanka, Nepal, at Maldives.
Ang rehiyong ito ay kakaiba sa aspektong heograpikal at kultural kung ihahambing sa ibang panig ng Asya. Madalas itong tawagin ng mga heograpo na sub-kontinente ng India dahil inihihiwalay ito ng mga kabundukan, kaya maituturing itong halos isang hiwalay na kontinente. Matatarik na kabundukan ng Hindu Kush, Himalayas, at Karakuran ang nasa hilaga nito samantalang pinalilibutan ito ng Arabian Sea sa kanluran, Indian Ocean sa katimugan, at Bay of Bengal sa silangan. Tulad ng ibang kontinente, samu’t sari rin ang wikang ginagamit sa rehiyong ito.
Bagama’t ang rehiyong ito ay inihihiwalay ng mga kabundukan sa hilaga, nakararanas din ito ng mga pagsalakay at pandarayuhan. Nakapapasok ang mga tao sa mga daanang tulad ng Khyber Pass sa hilagang-kanluran, dala ang kanilang sariling wika at tradisyon, na nagpayaman sa kulturang Indian.
Sinasabing mahirap na lubusang mabatid ang sinaunang kasaysayan ng India. Nakahukay nga ang mga arkeologo ng mga kasangkapang ginamit ng mga ninuno subalit hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nauunawaan ng mga iskolar ang mga naiwang sistema ng pagsulat ng sinaunang kabihasnan ng India.
Heograpiya ng Lambak ng Indus
Ang mga lungsod ng Harappa at Mohenjo-Daro sa lambak ng Indus ang pinakabagong tuklas na mga sinaunang sentrong kabihasnan sa kasalukuyang panahon. Natagpuan ng mga arkeologo ang mga labi ng dalawang lungsod noong 1920 ang mga lugar na ito. Gayon din ang lipunang nabuo rito, ay kasabay halos ng pagsisimula ng Sumer noong 3000 B.C.E.
Mas malawak ang lupain sa Indus kung ihahambing sa sinaunang Egypt at Mesopotamia. Sakop nito ang malaking bahagi ng hilagang-kanluran ng dating India, at ang kinaroroonan ng lupaing Pakistan sa kasalukuyan. Ang mga lungsod na ito ay nagsimulang humina at bumagsak noong ikalawang milenyo B.C.E. Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 1000 lungsod at pamayanan ang matatagpuan dito partikular sa rehiyon ng Indus River sa Pakistan.
Nagsimula ang kabihasnan sa India sa paligid ng Indus River. Ang tuktok ng kabundukang Himalaya ay nababalot ng makapal na yelo at nagmumula sa natutunaw na yelo ang tubig na dumadaloy sa Indus River na may habang 2900 km.(1800) milya at bumabagtas sa Kashmir patungong kapatagan ng Pakistan.. Katulad sa Mesopotamia, ang pagkakaroon ng matabang lupa ay naging mahalaga sa pagsisimula ng mga lipunan at estado sa sinaunang India. Sa pagitan ng Hunyo at Setyembre bawat taon, ang pag-apaw ng ilog ay nagdudulot ng pataba sa lupa at nagbibigay-daan upang malinang ang lupain.
Daan-daang pamayanan ang nananahan sa lambak ng Indus sa pagsapit ng 3000 B.C.E. Karamihan sa mga ito ay maliliit na pamayanang may tanggulan at maayos na mga kalsada. Nang sumunod na limang siglo, nagkaroon din ng mga kanal pang-irigasyon at mga estrukturang pumipigil sa mga pagbaha.
Sa kasalukuyan, isa lamang ang India sa mga bansa sa Timog Asya. Subalit kung susuriin, ang hilagang bahagi nito ay tahanan at pinag-usbungan ng sinaunang kabihasnang namumukod-tangi sa iba.
Ang Kabihasnang Tsino sa Silangang Asya
Ang kabihasnang umusbong sa China ay itinuturing na pinakamatandang kabihasnang nananatili sa buong daigdig hanggang sa kasalukuyan. Nag-ugat ito halos apat na milenyo na ang nakalilipas. Noon pa man, mithiin na ng mga Tsino ang pagkakaroon ng mahusay na pamamahala.. Ang pagkakaroon ng mga ideolohiyang suportado ng estado, partikular ang Confucianism at Taoism, ay lalo pang nagpatatag sa kabihasnang Tsino. Sa aspektong politikal, halinhinang nakaranas ang China ng pagkakaisa at pagkakawatak-watak. Ang mga pangyayaring ito ang humubog sa kultura at mamamayan ng bansa hanggang sa makabagong panahon.
Heograpiya ng Huang Ho
Tulad ng Mesopotamia at India, ang kabihasnan sa China ay umusbong sa tabing-ilog malapit sa Yellow River o Huang Ho.
Ang ilog na ito ay nagmumula sa kabundukan ng kanlurang China at may habang halos 3000 milya. Dumadaloy ito patungong Yellow Sea. Ang dinaraanan nito ay nagpabagobago nang makailang ulit sa mahabang Ito ay dumadaloy patungo sa Yellow Sea. Ang dinaraanan nito ay nagpabagobago nang makailang ulit sa Mapa ng Kabihasnan sa China mahabang panahon at humantong sa pagkakabuo ng isang malawak na kapatagan, ang North China Plain. Ang pag-apaw ng Huang Ho ay nagdudulot ng pataba sa lupa ngunit dahil sa pagiging patag ng North China Plain, madalas nang nagaganap ang pagbaha sa lugar na ito. Ayon sa tekstong tradisyunal ng China, ang Xia o Hsia ang kauna-unahang dinastiyang naghari sa China. Subalit dahil sa kakulangan ng ebidensiya, hindi matiyak kung kailan ito pinasimulan ni Yu, ang unang pinuno ng dinastiya. Pinaniniwalaang si Yu ang nakagawa ng paraan upang makontrol ang pagbahang idinudulot ng Huang Ho. Ang pangyayaring ito ay nagbigay-daan upang makapamuhay sa lambak ang mga magsasaka. Naniniwala ang mga Tsino na sila lamang ang mga sibilisadong tao sa gitna ng mga tribo na tinawag nilang barbaro sapagkat hindi sila nabiyayaan ng kabihasnang Tsino. Tinawag din nila ang kanilang lupain na Zhongguo na nangangahulugang Middle Kingdom.
Ang Sinaunang Kabihasnan sa Africa
Isang sinaunang kabihasnan ang nagmula sa lambak ng Nile River sa Egypt na nasa hilagang-silangang bahagi ng Africa. Ang kabihasnan sa Mesopotamia ay mas naunang nagsimula subalit masasabing mas naging matatag ang kabihasnang yumabong sa Egypt. Ang sinaunang Egypt ay nabuklod bilang isang estado pagsapit ng 3100 B.C.E. at nakapagpatuloy sa loob halos ng tatlong milenyo.
Batay sa mga ebidensiyang arkeolohikal, mayroon ng lipunan sa Egypt bago pa nagsimula ang kabihasnan sa Lambak ng Nile. Ang mga isinagawang paghuhukay sa Egypt ay patuloy na nagpabago sa pananaw ng mga iskolar tungkol sa pinagmulan ng kabihasnan nito. Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, natuklasan ng mga arkeologo ang isang tirahan ng mga sinaunang tao sa timog ng kanlurang bahagi ng Egypt malapit sa hangganan ng Sudan. Tinatayang naroroon na ang paninirahang bago pa sumapit 8000 B.C.E. Sinasabing maaaring ang mga kaanak o inapo ng mga taong ito ang nagpasimula sa kabihasnang Egyptian sa Lambak ng Nile.
Heograpiya ng Egypt
Sa pag-unawa sa heograpiya ng sinaunang Egypt, mahalagang tandaang ang tinutukoy na Lower Egypt ay nasa bahaging hilaga ng lupain o kung saan ang Ilog Nile ay dumadaloy patungong Mediterranean Sea. Samantala, ang Upper Egypt ay nasa bahaging katimugan mula sa Libyan Desert hanggang sa Abu Simbel. Ang Nile River na may 4160 milya o 6694 kilometro ang haba ay dumadaloy mula katimugan patungong hilaga.
Noon pa mang unang panahon, ang Egypt ay tinawag na bilang The Gift of the Nile dahil kung wala ang ilog na ito, ang buong lupain nito ay magiging isang disyerto. Tila hinihiwa ng ilog na ito ang bahaging hilagang-silangan ng disyerto ng Africa. Dati-rati, ang malakas na pag-ulan sa lugar na pinagmumulan ng Nile ay nagdudulot ng pag-apaw ng ilog tuwing Hulyo bawat taon. Ang pagbahang idinudulot ng Nile ay nahinto lamang noong 1970 nang maitayo ang Aswan High Dam upang makapagbigay ng elektrisidad at maisaayos ang suplay ng tubig.
Sa Panahong Neolitiko, ang taunang pag-apaw ng Nile ay nagbigay-daan upang makapagtanim ang mga magsasaka sa lambak-ilog. Ang tubig-baha ay nagdudulot ng halumigmig sa tuyong lupain at nagiiwan ng matabang lupain na mainam para sa pagtatanim. Ang mga magsasaka ay kaagad nagtatanim sa pagbaba ng tubig-baha. Ang putik na dala ng ilog ay unti-unting naiipon sa bunganga ng Nile sa hilaga upang maging latiang tinatawag na delta. Ang lugar na ito ay naging tahanan ng mga ibon at hayop. Maaari ring gamitin ang tubig mula rito para sa mga lupang sakahan.
Upang maparami ang kanilang maaaring itanim bawat taon, ang mga sinaunang Egyptian ay gumagawa ng mga imbakan ng tubig at naghukay ng mga kanal upang padaluyin ang tubig sa kanilang mga lupang sinasaka. Ang ganitong mga proyekto ay nangangailangan ng malaking bilang ng mga manggagawa, sapat na teknolohiya, at maayos na mga plano. Ang pagtataya ng panahon kung kailan magaganap ang mga pagbaha ay naisakatuparan din sa mga panahong ito.
Maliban sa kahalagahan nito sa pagsasaka, ang Nile ay nagsilbing mahusay na ruta sa paglalakbay noong mga panahong iyon. Nagawa nitong mapag-ugnay ang mga pamayanang matatagpuan malapit sa pampang ng ilog. Ang pagkakaroon ng mga disyerto sa silangan at kanlurang bahagi ng ilog ay nakapagbigay ng kaligtasan sa Egypt sapagkat nahahadlangan nito ang mga pagsalakay. Dahil dito, ang mga tao ay nagawang makapamuhay nang mapayapa at masagana sa loob ng mahabang panahon.
Ang Kabihasnan sa Mesoamerica
Maraming siyentista ang naniniwalang may mga pangkat ng mga mangangaso o ‘hunter” ang nandayuhan mula sa Asya patungong North America, libong taon na ang nakararaan. Unti-unting tinahak ng mga ito ang kanlurang baybayin ng North America patungong timog, at nakapagtatag ng mga kalat-kalat na pamayanan sa mga kontinente ng north America at South America. Noong ika-13 siglo B.C.E., umusbong ang kauna-unahang kabihasnan sa America --- ang mga Olmec sa kasalukuyang Mexico. Naimpluwensiyahan ang mga gawaing sinimulan ng mga Olmec ang iba pang pangkat ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng America.
Heograpiya ng Mesoamerica
Hango ang pangalang Mesoamerica sa katagang meso na nangangahulugang “gitna”. Ito ang lunduyan ng mga unang kabihasnan sa America.
Ang Mesoamerica o Central America ang rehiyon sa pagitan ng Sinaloa River Valley sa gitnang Mexico at Gulf of Fonseca sa katimugan ng El Salvador. Sa hilagang hangganan nito matatagpuan ang mga ilog ng Panuco at Santiago. Samantala, ang katimugang hangganan ay mula sa baybayin ng Honduras sa Atlantic hanggang sa gulod o slope ng Nicaragua sa Pacific at sa tangway ng Nicoya sa Costa River.
Sa kasalukuyan, saklaw ng Mesoamerica ang malaking bahagi ng Mexico, Guatemala, Belize, El Salvador, at kanlurang bahagi ng Honduras.
Sa lupaing ito, ang malaking pagkakaiba sa elebasyon ng lupa at dalas ng pag-ulan ay nagdudulot ng mga uri ng klima at ekolohiya sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Pabago-bago ang panahon sa rehiyong ito. Dito naitatag ang unang paninirahan ng tao at isa ito sa mga lugar na unang pinag-usbungan ng agrikultura, tulad ng Kanlurang Asya at China. Sa kasalukuyang panahon, may malaking populasyon ang rehiyong ito.
TANDAAN!
Ang mga sinaunang kabihasnan na inaral natin ay ang:
1. Kabihasnang Mesopotamia
- nangangahulugang "Lupain sa Gitna ng Dalawang Ilog"
- Fertile Crescent
- Tigris/Euphrates
- Nasa dulong bahagi ng Asya at Europa
2. Kabihasnang Indus
- Indus River
- Kalupaan ng India, Bangladesh, Pakistan, at karatig-lugar
3. Kabihasnang Shang / Tsino
- Huang Ho
- Sa loob ng Kalupaan ng Tsina
4. Kabihasnang Egypt
- Nile River
- Sa Africa
5. Kabihasnang Mesoamerica
- Sa pagitan ng North and South America
Huwag din nating kalimutan, ang mga sinaunang kabihasnan sa daigdig ay may pagkakatulad bagama't may pagkakaiba sa kultura, wika, lahi, heograpikal na lokasyon..
Subalit nagkakapareho naman ang pinag-usbungan - sa tabi ng ilog!
GAWAIN 1
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Isulat ang iyong sagot sa iyong kwaderno. Ikomento rin sa gawing ibaba ang iyong sagot.
1. Ano-anong katangiang pisikal ng mga sinaunang kabihasnan ang may pagkakatulad sa isa’t isa?
2. Bakit nakaapekto ang mga anyong lupa at tubig ng isang lugar sa pagtataguyod ng kabihasnan?
3. Alin sa kalagayang heograpikal ng kabihasnan ang may malaking impluwensiya sa pamumuhay ng mga taong nanirahan dito? Ipaliwanag ang sagot.
GAWAIN 2
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Isulat ang iyong sagot sa iyong kwaderno. Ikomento rin sa gawing ibaba ang iyong sagot.
1. Bilang isang mag-aaral, anu-anong pagbabago ang napansin mo sa iyong sa paaralan?
2. Sa pamahalaan naman, anu-anong pagbabago ang iyong nakikita?
3. Sa iyong Sarili, nababatid mo ba ang mga impluwensya ng unang kabihasnan sa iyong kapaligiran? Paano mo pahahalagahan ang mga impluwensyang ito? Ipaliwanag ang iyong sagot.
GAWAIN 3
Panuto: Magbigay ng Sampung Lugar na nabanggit sa araling ito. Isulat ang iyong sagot sa iyong kwaderno. Ikomento rin dito ang iyong sagot.
1.
2.
3.
4.
5.
6.
7.
8.
9.
10.
Reference:
Kasaysayan ng Daigdig. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
http://history.howstuffworks.com/asian-history/history-of-china.htm
phillipriley.comswiki.wikispaces.net
http://www.mesopotamia.co.uk/geography/explore/ex
p_set.html
http://www.mapsofindia.com/history/indus-valleycivilization.html
http://history.howstuffworks.com/asian-history/history-of-china.htm
http://egypt-trade.wikidot.com/
http://clccharter.org/aa/projects/ancientcivilizations
/mesoamerica.html
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr4xJNuFJtfhHAAQyVXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=MOHENJO+DARO&fr2=piv-web&fr=mcafee
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9ImizFZtfZEEAeU9XNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=map+of+the+world&fr2=piv-web&fr=mcafee#id=12&iurl=https%3A%2F%2Fonlinehomeopathictreatment.com%2Fwp-content%2Fuploads%2F2013%2F05%2FWorld-Maps-International-printable-World-Map-Photos.jpg&action=click
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9CKuPFptfQX4A_VxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=INDUS&fr2=piv-web&fr=mcafee
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9BNl8F5tfbnQASzFXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=HIMALAYA&fr2=piv-web&fr=mcafee#id=3&iurl=http%3A%2F%2Fhimalayaguides.com%2Fwp-content%2Fuploads%2F2016%2F04%2Fview-of-south-side.jpg&action=click
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DskcGZtfQ_AAIVFXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=HUANG+HO&fr2=piv-web&fr=mcafee#id=6&iurl=https%3A%2F%2Fmedia1.britannica.com%2Feb-media%2F16%2F116016-004-F01710FA.jpg&action=click
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DtTlGptf8egA2idXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=NILE+RIVER&fr2=piv-web&fr=mcafee#id=16&iurl=https%3A%2F%2Fwww.natgeokids.com%2Fwp-content%2Fuploads%2F2018%2F09%2FNile-River-Facts-Image-4.jpg&action=click
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9KRZYHZtflbEAVFlXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=MESOAMERICA&fr2=piv-web&fr=mcafee#id=16&iurl=http%3A%2F%2Fschooltoolbox1.weebly.com%2Fuploads%2F1%2F2%2F1%2F0%2F12105454%2F325316244.jpg&action=click