Monday, April 19, 2021

AP8-Q3-WEEK5: REBOLUSYONG AMERIKANO

 ARALING PANLIPUNAN 8

AP8 - Qrt3 - Week 5

REBOLUSYONG AMERIKANO


MELC/Kasanayan

    Naipaliliwanag ang Kaugnayan ng Rebolusyong Pangkaisipan sa Rebolusyong Amerikano at Pranses. Code: AP8PMD-IIIi-9


BALIK-ARAL:

    Sa huling lesson tinalakay natin ang mga dahilan, kaganapan, at epekto ng rebolusyong siyentipiko, enlightenment, at rebolusyong industriyal. 

    Ngayon naman week 5, tatalakayin natin ang naging sanhi, karanasan, implikasyon, at iba pang kaalaman ukol sa rebolusyong amerikano.



Ang Rebolusyong Amerikano

    Ang himagsikan o panghihimagsik (Ingles: insurrection, revolution, rebellion, revolt) ay ang tumutukoy sa pag-aalsa o pagrerebelde ng taumbayan laban sa pamahalaan dahil sa pagtutol o pagtanggi sa pamamalakad ng mga awtoridad o mga may katungkulan. Maaari rin itong tumukoy sa isang mahalagang sandali na makapagbabago sa sitwasyong pampolitika ng isang bansa. O kaya, sa pag-agaw ng mga nag-alsa sa kapangyarihan ng namumuno ng pamahalaan. Tinatawag din itong rebolusyon o rebelyon dahil kaugnay ito ng marahas na pagsuway at maparaan o organisadong paglaban upang mapabagsak ang pamahalaan. 

    Maraming ideyang bunga ng Rebolusyong Pangkaisipan ay may kulay pulitika at ito ang kaisipang pulitikal sa rebolusyong isinagawa ng 13 kolonyang Ingles sa Amerika. Ang Rebolusyong Amerikano ay nagsimula noong panahong 1775 at ito ay sa mga sumusunod na dahilan: (1) Lipunan- ang lipunang itinayo ng mga Amerika ay kakaiba sa Great Britain. Ang mga hangganan ay nalikha sa aristokrasyang batay sa kayamanan at hindi dahil sa dugo. Ang mga patakaran sa kolonya ay nagbigay laya, sigla at pag-uugali at sila ay nahirapan sa pagpapanatili sa kaugaliang Ingles; (2) Pulitika- ang batasan at hukuman ay tinulad sa Britain, kaya namihasa ang mga kolonya ng mga kalayaan at sariling pamamahala; (3) Relihiyon- Bagamat lumakas ang Puritanismo sa kolonya, ang mga tao ay may layang makapamili ng sariling relihiyon. Nagkaroon ng iba’t ibang sekta ng relihiyon; (4) Ekonomiya- Ang patakarang pang-ekonomiya ng mga Ingles ay lubos na nagpasidhi sa pag-aalsa ng 13 kolonya.

    Ang Navigation Acts ay nag-uutos na sa Britain lamang maaaring ipagbili ang ilang produkto ng kolonya at ang kolonya ay maaari lamang bumili ng mga yaring produkto sa una. Ipinag-utos ding gamitin ang mga sasakyang Ingles sa pangangalakal.

    Ang malaking pagkakautang ng Britain dahil sa pakikipagdigma, ang pagtulong ng mga Amerikano sa kaaway, ang hayagang alitang nagsimula nang itakda ang Townshed Acts tungkol sa paglikom ng pera at ang paghihigpit sa mga kolonya. Ang mga batas na kinaiinisan ng mga kolonya ay ang buwis sa mga dokumentog pagnegosyo na kilala bilang Stamp Act at ang buwis sa tsaa o tea tax.


REBOLUSYONG AMERIKANO: SANHI, KARANASAN, AT IMPLIKASYON


 Ang digmaan para sa kalayaan ng Amerika ay lalong kilala sa katawagang Rebolusyong Amerikano.

 Nagsimula ang himagsikan nang ang mga Ingles na naging migrante sa Timog Amerika ay nagrebelde sa labis na pagbubuwis na ipinataw sa kanila ng Parliamentong Ingles dahil wala silang kinatawan sa Parliamento upang sabihin ang kanilang mga hinaing.

 Nagdeklara sila ng paglaya sa mga Ingles noong 1776, Pagkatapos ay nagbuo sila ng isang malakas na hukbo na naging tagapagtanggol sa British. Ang digmaan para sa kalayaan ang naging dahilan ng pagbuo ng United States of America.


Tingnan!

 Sa huling bahagi ng ika -18 na siglo, ibang uri ng himagsikan ang lumaganap sa bahagi ng Atlantiko.

 Ito ay naimpluwensiyahan ng mga ideyang pinalaganap noong Panahon ng Enlightenment. Itinatag nito ang mga pagtatanong tungkol sa absolutong monarkiya at sa dominasyon ng simbahan sa mga panlipunan at pampolitikang galaw ng mga tao.

 Ang ganitong kaisipan ay naging daan upang patalsikin ang tradiyonal na rehimen sa America at France.

 Nagsimula ang digmaan noong 1775 sa pagitan ng 13 kolonya sa Timog America at Great Britain.

 Ito ang unang himagsikan na naghangad ng kalayaan at pagbabago sa lipunan. Naging daan din ito sa paglawak ng mga prinsipyongrebolusyunaryo sa France at sa isang madugong himagsikan noong 1789. 

 Itinuturing na mas malaki ang naiwang epekto ng Himagsikan sa France sa kabuuan ng Europe at iba pang panig ng mundo sa dahil iniwan nito ang tatlong mahahalagang prinsipyo ng pagbuo ng isang nasyon-estado: 

 ang kalayaan, 

 pagkakapantay-pantay, 

 at ang kapatiran.


ANG LABINTATLONG KOLONYA


 Ang malaking bilang ng mga Ingles ay nagsimualang lumapit at manirahan sa Hilagang Amerika noong ika-17 na siglo.

 Karamihan sa kanila ay nakaranas ng persecution dahil sa kanilang bagong 

pananampalataya na resulta ng Repormasyon at Enlightenment sa Europe.

 Sa kalagitnaan ng ika-18 na siglo ay nakabuo na sila ng 13 magkakahiwalay na kolonya na ang hangganan sa hilaga ay Massachusetts at sa Timog ay Georgia.

 Noong 1750 ay gumastos ng napakalaking halaga ang British laban sa France upang mapanatili sa ilalim ng kanilang imperyo ang 13 kolonya.



Ang Labintatlong (13) Kolonya ng Britanya sa Hilagang America

1. Massachusetts

2. New Hampshire

3. Rhode Island

4. Connecticut

5. New York

6. New Jersey

7. Pennsylvania

8. Delaware

9. Maryland

10.Virginia

11.North Carolina

12. South Carolina

13.Georgia


 Ang mga Kolonya ay walang kinatawan sa Parliamento ng British sa London kaya sila ay nagprotesta sa pagbabayad ng labis na buwis.

 Ang kanilang naging paboritong islogan ay ang " walang pagbubuwis kung walang representasyon". 

 Sila ay nagprotesta sa ipinataw na buwis sa tsaa na inangkat sa mga kolonya.

Tinapon nila ang tone-toneladang tsaa sa pantalan ng Harbor sa Massachusetts.

Kinilala sa kasaysayan ang pangyayaring ito bilang Boston Tea Party. 

 Nagkaroon ng kaparusahan sa mga kolonistang naging bahagi ng insidente. 

 Ang pangyayaring ito ay nagresulta ng digmaan. 


ANG UNANG KONGRESONG KONTINENTAL


 Unang dinaluhan ng 56 na kinatawan ng mga kolonya ng Britanya ang dumalo dito. Pinangunahan ito ni Patrick Henry noong Setyembre 5, 1774.

 Ipinahayag nito ang Intolerable Acts na di makataranungan at ang parliamentong Ingles ay lumalabag sa Karapatang Amerikano

 Ang pahayag ni Patrick Henry na Give me liberty or give me death, (Bigyan mo ko ng kalayaan o kamatayan) at ang aklat ni Thomas Paine na Common Sense ay gumising sa damdaming Amerikano.

 Ito ay tahasang pagpapakita ng paglaban sa mga batas at patakaran na ipinatupad ng mga British.

 

ANG PAGPAPASIMULA NG DIGMAAN


 Ang mga tumututol sa palakad ng mga Ingles ay dumami sa pamamahala ni Samuel Adams.

 Naganap ang Unang laban sa Lexington at Concord sa pagitan ng Amerika at Great Britain ng magpadala ito ng isang tropa ng British sa Boston noong Abril 1775, upang pwersahing angkinin ng mga ito ang tindahan ng pulbura sa bayan ng Concord.

 Bago pa man nakarating ang mga British sa Concord nagpalitan na ng putukan ang dalawang panig.


IKALAWANG KONGRESONG KONTINENTAL


 Noong Mayo 1775, idineklara ng kongresong kontinental ang pamahalaan na tinawag na

"United Colonies of America".

 Continental Army-tawag sa hukbo ng military.

 George Washington- naatasang Commander in Chief ng Continental Army.


ANG DEKLARASYON NG KALAYAAN


 Hulyo 1776- nagpadala ng malaking tropa ang Britain sa Atlantic upang pahinain ang pwersa ng Amerika.

 Ang Deklarasyon ng Kalayaan bagaman hindi pa tapos ang digmaan, idineklarang malaya ng Amerikano ang kanilang mga sarili noong Hunyo 4, 1776. Ang dokumento ay isinulat halos lahat ni Thomas Jefferson, isang manananggol.

 Binigyang diin sa dokumentong ito na ang dating kolonya at hindi na teritoryo ng Britain. Kinilala na isa nang malayang bansa ang dating kolonya ng Britain at tinawag itong Estados Unidos ng Amerika.


IMPLIKASYON:

    Ang naging bunga ng Rebolusyong Amerikano ay ang Kalayaan ng United States ay kinilala at ang hangganan nito sa mga kalapit na bansa ay naayos. Binigyang-saysay ng rebolusyon ang deklarasyon ng kalayaan batay sa kaisipan ni John Locke na kapag hindi iginalang ng hari ang likas na karapatan ng tao, karapatan ng mga mamamayan ang mag-alsa laban sa kanya. Ang nagtagumpay na rebolusyon sa Amerika ang nagbigay lakas sa mga Pranses upang maghimagsik laban sa abolutismo.


TANDAAN!

 Ang rebolusyon o rebelyon ay may kaugnayan sa marahas na pagsuway at maparaan o organisadong paglaban upang mapabagsak ang pamahalaan. 

Tumutukoy din ito sa pag-aalsa o pagrerebelde ng taumbayan laban sa pamahalaan dahil sa pagtutol o pagtanggi sa pamamalakad ng mga awtoridad o mga may katungkulan.

 Maraming salik ang nagtulak sa mga Amerikano upang mag rebolusyon ito ay ang usapin sa lipunan, pulitika, relihiyon at ekonomiya.

 Malaki ang kinalaman ng Rebolusyong Pangkaisipan ang pagtingin ng maraming mamamayan sa larangan ng relihiyon, pamahalaan, ekonomiya at kalayaan.


REFERENCE:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9KRGZZH1gUBEAJmRXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=REBOLUSYONG+AMERIKANO&fr2=piv-web&fr=mcafee


GAWAIN:

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ilagay sa inyong notebook ang inyong sagot. ikomento rin sa ibaba ang inyong sagot.

1. Ano ang Rebolusyon? Ang Rebolusyong Amerikano?

2. Bakit nagkaroon ng Rebolusyong Amerikano?

3. Kailan naganap ang Rebolusyong Amerikano?

4. Ano ang ninanais ng mga Amerikano na makamit sa kanilang Rebolusyon?

5. Ano-ano ang naging implikasyon ng kanilang naging Rebolusyon?

6. Sa iyong palagay, nakatutulong ba sa isang bansa ang rebolusyon? Bakit?



JOURNAL #5:

"ANG MAGANDA AT HINDI MAGANDANG DULOT NG MGA AMERIKANO SA ATING BANSA PARA SA AKIN"


JOURNAL #6:

"ANG MGA PAMAMARAAN AT HAKBANGIN KO UPANG HINDI TULUYANG MASAKOP NG COVID 19 ANG AKING BANSA"


Tuesday, April 13, 2021

AP8-Q3-W4: REBOLUSYONG SIYENTIPIKO, ENLIGHTENMENT, AT INDUSTRIYAL

  ARALING PANLIPUNAN 8-IKATLONG KWARTER

 8- AP- Qrt 3- Week 4 

 

Most Essential Learning Competencies: 

Nasusuri ang dahilan, kaganapan, at epekto ng Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at Industriyal. Code: AP8DKT-IIi-13


BALIK-ARAL:

Sa huling aralin, tinalakay natin ang unang yugto ng kolonyalismong kanluranin partikular na ang mga bansang nanguna sa paggalugad at naging epekto nito sa mga bansang naapektuhan.

Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga salik na nagbigay-daan sa rebolusyong siyentipiko, enlightenment, at industriyal. Kasamang tatalakayin natin ang mga kaganapan at kontribusyon nito sa daigdig.







DAHILAN, KAGANAPAN, AT EPEKTO NG REBOLUSYONG SIYENTIPIKO, ENLIGHTENMENT AT INDUSTRIYAL


Sa huling bahagi ng Gitnang Panahon, ang mahabang panahon ng digmaan, pananakop at kaguluhang ekonomiko ay nagwakas. Ang pagbabagong ito ang nagsilbing hudyat upang magsimula ang bagong panahon ng pagtuklas, pag-aaral at pagkamulat sa mga pangyayari sa lipunan na nagbigay-daan sa maraming pagbabago sa larangan ng medisina, paglilimbag, transportasyon, at telekomunikasyon.

Kahanga-hanga at maipagmamalaki ang mga ambag ng mga pilosopo, siyentipiko at mga imbentor. Napakalaking ambag ito sa katalinuhan at kagalingan ng mga sinaunang tao na nagsilbi na ring pamana nila sa ating makabagong panahon sa iba’t-ibang larangan at aspekto. Hindi natin napapansin subalit ang ilang mga bagay na ating ginagamit araw-araw ay maaaring nag-ugat sa malayong nakaraan. 

Gayundin, ang kasaysayan ng iba’t-ibang kaisipan, pilosopiya, at imbensiyon sa kasalukuyan ay maaaring tuntunin sa mga sinaunang kaganapang ito.



ANG REBOLUSYONG SIYENTIPIKO


Ang bagong ideyang siyentipiko ay instrumento sa pagkakaroon ng panibagong pananaw at paniniwala ng mga Europeo. Ang dating impluwensiya ng simbahan sa pamumuhay at kaisipan ng tao ay nabawasan at humina dahil sa mga bagong tuklas na kaalaman na pinatunayan ng “bagong agham”.


DAHILAN

KAGANAPAN

EPEKTO

Iwasto ang mga sinaunang kaisipan na pinaniniwalaan ng simbahan mula sa teorya ni Ptolemy.

 

-Ayon sa kanya, ang kalawakan ay nakaayos sa paraang geocentric (ang mga planeta, araw at mgabituin ay umiinog sa mundo).

Nicolaus Copernicus-sumulat ng aklat na “On the Revolutions of Heavenly Spheres” noong 1543.

 

-Ayon sa kanya, heliocentric

ang pagkakaayos ng daigdig

kung saan ang araw ay

iniikutan ng mga planeta

kasama ang mundo.

 

-Isinulat ni Galileo Galilei sa kanyang “Dialogue Concerning the Two Chief World Systems” ang paghahambing sa dalawang

teorya. Sinang-ayunan niya ang teorya ni Copernicus.

-nilitis si Galileo ng inquisition (pagpaparusa sa tumutuligsa sa simbahan) at habambuhay na pagkakabilanggo.

Pagbibigay-sigla sa

bagong agham.

Iginiit ni Francis Bacon sa

kanyang aklat na “Novum

Organum” ang paggamit ng

inductive method.

 

-Sa paraang ito, kinakailangan ang pagsusuri sa mga tiyak na bagay upang makabuo ng isang pangkalahatang paliwanag

mula sa impluwensiya nina

Copernicus at Galileo.

 

-Isinulat ni Rene Descartes sa kaniyang aklat na “Discourse on Method” ang paggamit ng deductive method sa pag-aaral ng siyensiya mula sa pangkalahatang prinsipyo at logical reasoning.

-Tinawag itong Scientific

Method o masusing

proseso ng pangangalap

ng kaisipan mula sa :

1.katanungan

2.obserbasyon

3.pagbuo ng haypotesis

4.eksperimento

5.paglikom ng datos

6.pagsusuri

7.konklusyon.

 

-pag-unlad ng iba pang

sangay ng agham:

1. decimal at simbolo ng

+, -, x at =.

2. teleskopyo

3. air pump

4. steam engine

5. Thermometer

6. Compass

 

-ang pag-unlad ng kaalaman sa medisina ay nakatulong upang mapabuti ang kalidad ng pamumuhay.

 

-nasugpo ang mga

karamdaman at napagbuti

ang kaalaman sa anatomiya.



ANG PANAHON NG ENLIGHTENMENT (KALIWANAGAN)


Ito ay bunga ng makaagham na epekto ng rebolusyon sa iba’t ibang aspekto ng buhay upang mapaunlad ang larangan ng pangkabuhayan, pampolitika, panrelihiyon, at edukasyon.


DAHILAN

KAGANAPAN

EPEKTO

Pagnanais ng mga Europeo na umahon mula sa mahabang panahon ng kawalan ng katuwiran at pamamayani ng pamahiin at bulag na paniniwala.

Kilusangintelektuwal-samahan ng mga pilosopo na naglalayong gamitin ang agham sa pagsagot sa suliraning ekonomikal, politikal at maging kultural.

-ang kanilang mga ambag

ang nagsilbing pundasyon

ng mga modernong ideya

tungkol sa pamahalaan,

edukasyon, demokrasya at

sining.

 

-sinuri nila ang kapangyarihan at relihiyon at tinuligsa ang

kawalan ng katarungan sa

lipunan.

Makabagong ideyang

pampolitika

Natural Law- ginamit ni Thomas Hobbes ang ideyang ito upang isulong ang paniniwala na ang

absolutong monarkiya ang

pinakamahusay na uri ng

pamahalaan.

 

-Sa kanyang aklat na “Leviathan” inilarawan niya ang isang lipunan na walang pinuno at may magulong lipunan.

-kinailangan na pumasok

ng tao sa kasunduan sa

pamahalaan.

 

-kailangang protektahan

at pangalagaan ng pinuno

ang kanyang mga

nasasakupan.

Pagpapahayag ng bagong

pananaw

Sa lathalaing “Two

Treatises of Government”

ni John Locke, ipinahayag niya na maaaring sumira ang tao

sa kanyang kasunduan sa

pinuno kung ang pamahalaan ay di na kayang pangalagaan at

ibigay ang kaniyang mga

natural na karapatan.

 

Baron de Montesquieu

naniniwala sa ideya ng

paghahati ng kapangyarihan ng

pamahalaan sa tatlong

sangay:

a.lehislatura (tagapagbuo

ng batas)

b. ehekutibo

(nagpapatupad ng batas)

c. hukuman (tagahatol)

-naging basehan ng mga

Amerikano ang ideyang ito

na lumaya sa pamumuno

ng Great Britain.

Pangangailangan sa

regulasyon ng gobyerno sa

kalakalan

Laissez Faire- uri ng

pagnenegosyo na di

makikialam ang gobyerno.

Pagsuporta ng mga

physiocrat para mabigyang-proteksiyon ang mga lokal na

produkto.


ANG REBOLUSYONG INDUSTRIYAL


Ang mga kaisipan na isinulong sa panahon ng Rebolusyong Siyentipiko ang naging daan sa pagtuklas at pag-imbento ng mga makabagong makinarya. Ito ay isinilang sa pagkakaroon ng sistemang pabrika (factory system), pag-unlad ng komunikasyon at transportasyon.


DAHILAN

KAGANAPAN

EPEKTO

Pagbabago sa larangan ng industriya ng tela.

Pagkakaroon ng maraming

imbensiyon:

 

-Cotton gin- naimbento ni Eli Whitney upang ihiwalay ang buto at iba pang material sa bulak na ginagawang tela.

 

-Spinning jenny- ito ay naimbento ni James Hargreaves, isang makinaryang nagpabilis ng paglalagay ng sinulid sa bukilya.

 

-Spinning frame o water

frame- gawa ni Richard Awkright. Ginamitan niya ng tubig ang spinning jenny upang lalong pabilisin ang paggawa ng tela.

-naging mabilis ang

proseso ng produksiyon. -paglaki ng kita at pag￾unlad ng pamumuhay.

 

-pagtaas ng antas ng pamumuhay ng mga tao

sa pag-imbento ng mga

makinarya.

 

-pagsasamantala ng mga

kapitalista.

 

-patuloy na pagyaman ng

mga kapitalista.

Mabago ang lumang  sistema ng produksiyon, transportasyon, at

komunikasyon.

Steam engine- naimbento

nina Thomas Newcomen

at James Watt na naging

daan upang madagdagan

ang suplay ng enerhiya na

magpapatakbo ng

industriya.

 

-Open- field system pinagsasama-sama ang

maliliit na lupain sa isang

komunidad upang mas

mapadali ang pagsubok

ng bagong paraan ng

pagtatanim.

 

-Elektrisidad-ipinakilala ni Thomas Alva Edison na siyang malaking tulong upang maliwanagan ang buong komunidad at mapatakbo ang iba pang makabagong kagamitan.

 

-Steamboat- ginamit ni Robert Fulton na siyang nagbigay-daan sa pag-unlad ng pagbabarko.

 

-Steam locomotive-daang-bakal na ginawa nina John McAdam at Thomas Telsford na nagbigay-daan sa pag-unlad ng daang-bakal o railroad.

 

-Telepono-imbensiyon ni Alexander Grahambell sa komunikasyon.

-paglipat ng mga tao mula

sa kabundukan patungo

sa mga lungsod.

 

-paglitaw ng mga lungsod

na sentro ng industriya.

 

-pagsilang ng sistemang

pabrika.


.

TANDAAN!


REBOLUSYONG INDUSTRIYAL

Ito ay isinilang sa pagkakaroon ng sistemang pabrika (factory system), pag-unlad ng komunikasyon at transportasyon.


REBOLUSYONG SIYENTIPIKO

instrumento sa pagkakaroon ng panibagong pananaw at paniniwala dahil sa bagong agham


ENLIGHTENMENT

Ito ay bunga ng makaagham na epekto ng rebolusyon sa iba’t ibang aspekto ng buhay.



GAWAIN: 

Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na tanong. Isulat ang inyong sagot sa inyong notebook at ikomento rin sa ibaba.

1. Magbigay ng 3 mahahalagang kaisipan/ kagamitan na naiambag ng mga Europeo sa kasaysayan na sa tingin mo ay patuloy na ginagamit hanggang sa kasalukuyan sa sumusunod na panahon: 

a. Rebolusyong Siyentipiko

b. Enlightenment

c. Rebolusyong Industriyal

2. Bakit mahalaga na unahin ng mga pinuno ng pamahalaan ang kapakanan ng mga mamamayan kaysa sa kanilang sarili lalo sa panahon ng pandemya?

3. Bilang isang Pilipino na bumibili ng produkto, mahalaga ba na makialam ang pamahalaan sa pagtatakda ng presyo sa pamilihan? Bakit? 

4. Paano makakatulong sa iyo ang mga imbensiyong nalikha noong panahon ng Rebolusyong Siyentipiko at Industriyal?

5. Sa paanong paraan mo ito mapangangalagaan?



REFERENCE:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9CW8mqXVgq4kA59JXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=REBOLUSYONG+SIYENTIPIKO&fr2=piv-web&fr=mcafee


Monday, April 5, 2021

AP8-Q3-WEEK2-3: UNANG YUGTO NG KOLONYALISMO

 ARALING PANLIPUNAN 8 - IKATLONG KWARTER


Most Essential Learning Competencies: (2 Weeks)

    Nasusuri ang dahilan, pangyayari at epekto ng unang Yugto ng Kolonyalismo.


 


BALIK-ARAL

    Sa week 1, inaral natin ang tungkol sa Renaissance kung saan naging makapangyarihan ang mga gitnang uri ng tao. Nagkaroon din ng paglakas ng sining, agham, panitikan, at higit ang pilosopiya. Ang mga ito ay nagbigay ng impluwensya hindi lamang sa gitnang panahon kundi maging sa kasalukuyang panahon sa daigdig.

    Ngayon naman tatalakayin natin ang unang yugto ng kolonyalismong kanluranin. Ano ang dahilan ng kanilang paggalugad, at ano ang naging epekto nito.


Ang Unang Yugto ng Kolonyalismo

    Ang mga kaganapan simula sa panahon ng Renaissance, mga Krusada hanggang sa pag-unlad ng paniniwalang merkantilismo ay nagbigay-daan sa Europa upang ito ay magsimulang lumakas hanggang sa kasalukuyan. 

    Nagsimula ang eksplorasyon o paggagalugad at pagtuklas ng mga bagong lupain noong ika-15 na siglo. Ang mga isinulat at kuwento ni Marco Polo tungkol sa kanyang paglalakbay sa Silangan ay pumukaw sa interes ng mga Europeo. Dahil sa mga kontroladong mga ruta ng kalakalan, napilitan ang ilang mga mangangalakal na maghanap ng bagong ruta upang makarating sa Silangan. Dito nagsimulang maglayag sa karagatan ang mga tao. Ang pagtuklas ng mga bagong lupain ang 

nagbigay-daan sa kolonyalismo. Ang kolonyalismo ay ang pagsakop ng isang makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa. Ang panahong ika-15 siglo hanggang ika-17 na siglo ay tinatawag din na unang yugto ng Imperyalismong Kanluranin. Ang imperyalismo ay tumutukoy sa panghihimasok, pag-impluwensya, o pagkontrol ng isang makapangyarihang bansa sa isang mahinang bansa. 


Motibo ng eksplorasyon

-Pagpapalaganap ng Kristiyanismo

-Paghahanap ng Kayamanan

-Paghahangad ng katanyagan at Karangalan

-Kolonyalismo


    Ang paghahanap ng Spices o pampalasa mula sa Asya ay isa ring dahilan ng paglalakbay. Malaki ang pangangailan ng mga Europeo sa mga pampalasa lalo na ang paminta, cinnamon at nutmeg mula sa India. Sa panahon na ito, ang kalakalan ng spices ay kontrolado ng mga Muslim at mga taga-Venice sa Italy kaya nagkaroon ng monopolyo ng kalakalan. 

    Nakatulong upang mapadali ang paglalayag ang pag-unlad ng teknolohiya. Ang mga unang bansang Europeo na nagpasimula ng paglalayag ay gumamit ng mas malalaking sasakyang pandagat na tinatawag na caravel na naglalaman ng kanyon at riple. Nakatulong din ang pagkakatuklas sa compass na siyang ginagamit upang malaman ang tamang direksyon habang naglalakbay, gayundin ang astrolabe na siyang ginagamit upang sukatin ang altitude o taas ng araw at bituin. Nakatulong din ang mapa na nagpapakita sa baybayin ng Dagat Mediterranean at may grid system.


Ang Portugal

    Pinangunahan ng Portugal ang paghahanap ng mga spices at ginto sa pamamagitan ng paglalakbay sa karagatan. Malaki ang papel na ginampanan ni Prinsepe Henry “The Navigator” sa pagtatagumpay ng Portugal. Nagpatayo siya ng paaralan ng nabigasyon at hinikayat ang mga mahuhusay na astrologo, kartograpo, mandaragat at mathematician. 


Bartholomeu Dias

    Noong 1488, Natagpuan niya ang Cape of Good Hope sa Katimugang bahagi ng Africa. Ang pangyayaring ito ang nagpakilala na maaaring makarating sa Silangang Asya sa pamamagitan ng pag-ikot sa Africa.


Vasco da Gama 

    Noong 1497, kanyang pinamunuan ang apat na sasakyang pandagat na umikot sa Cape of Good hope at nakarating sa India. Natagpuan niya ang mga Hindu at Muslim na nakikipagkalakalan ng mahuhusay na seda, porselana at pampalasa na pangunahing pangangailangan sa Portugal. Napatunayan ang yaman ng Silangan at ang maunlad na kalakalan.


Ang Spain

    Dahil sa paghahangad ng Spain sa kayamanan mula sa Silangan, tinustusan nina Haring Ferdinand V at Reyna Isabella ang eksplorasyon ng bansa.


Christopher Columbus

Noong 1492, pinangunahan niya ang ekspedisyon na may layuning makarating sa India sa pamamagitan ng paglalayag pakanluran ng Atlantic Ocean. Nakarating siya sa isla ng Bahamas at tinawag ang mga tao dito na Indian. Narating din niya ang lupain ng Hispaniola at Cuba. Marami siyang natagpuang ginto dito na makasasapat sa pangangailangan ng Spain.


Amerigo Vespucci

    Noong 1507, ipinaliwanag niya na si Columbus ay nakatuklas ng New World o Bagong Mundo, na kinilala bilang America hinango mula sa kanyang pangalan. Ito ay naitala sa mapa ng Europe kasama ang iba pang isla.


Ferdinand Magellan

    Noong 1519, nilakbay ng kanyang ekspedisyon ang rutang pakanluran patungong Silangan. Natuklasan niya ang Brazil, nilakbay ang makipot na daanan ng tubig na mas kilala ngayon bilang Strait of Magellan, patungo sa Pacific Ocean hanggang makarating sa Pilipinas. Dahil dito, napatunayan na maaaring ikutin ang mundo at muling makakabalik sa pinanggalingan.


Ang Paghahati sa Daigdig

    Ang pag-uunahan ng pagtuklas ng mga bagong lupain ay nagdulot ng lumalalang paligsahan sa pagitan ng Portugal at Spain. Namagitan si Pope Alexander VI sa kanilang paglalabanan. Noong 1493, gumuhit ang Pope ng line of demarcation, isang hindi nakikitang linya mula sa gitna ng Atlantic Ocean mula sa North Pole hanggang South Pole. 

    Ipinakikita sa mapa na lahat ng matatagpuang kalupaan at katubigan sa Kanlurang bahagi ng linya ay para sa Spain. Ang Silangang bahagi naman ay para sa Portugal.


Ang France

    Ang mga Pranses ay nagsagawa rin ng kanilang paggalugad sa daigdig, partikular na sa bahagi ng hilagang Amerika.


Jacques Cartier 

    Noong 1534, kaniyang naabot ang St. Lawrence River at ipinasailalim sa France ang lugar na ngayon ay silangang bahagi ng Canada.


Samuel de Champlain

    Noong 1608, kaniyang itinatag ang Quebec bilang unang permanenteng kolonyang French at kalakalan ng fur o produktong gawa sa balahibo ng hayop.


Louis Jolliet at Jacques Marquette

    Noong 1673, kanilang naabot ang Mississippi River at naglakbay hanggang Arkansas River.


Rene-Robert Cavalier (Sieur de La Salle)

    Noong 1628, kaniyang pinangunahan ang expedisyon sa Mississippi River hanggang sa Gulf of Mexico. Ang lahat ng lupain dito ay inialay sa hari ng France na si Louis XIV at tinawag niya itong Louisiana.


Ang England

    Noong 1600, binigyan ng England ang English East India Company (EEIC) ng karapatang makapagsulong ng interes na pangkalakalan. Binigyan ang EEIC ng monopolyo ng kalakalang English sa East Indies, gayundin sa Africa, Virginia, at iba pang bahagi ng Amerika. Ang mga sumusunod ay mga kolonyang English na naitatag:

 Roanoke Island – kolonya sa silangang baybayin ng Amerika na hindi nagtagal

 Carribean at Hilagang America – ang naging batayan ng imperyong English

 West Indies – arkipelago sa pagitan ng timog-silangang bahagi ng Hilagang Amerika at hilagang bahagi ng Timog Amerika; naitatag dito ang mga plantasyon ng tubo.

 Jamestown – kasalukuyang estado ng Virginia sa United States


    Sa kabuuan, 13 kolonya ang naitatag sa silangang dalampasigan ng HilagangAmerika. Kabilang dito ang Virginia, Maryland, North Carolina, South Carolina, Georgia, Delaware, New Jersey, Pennsylvania, New York, Rhode Island, Connecticut, Massachusetts, at New Hampshire. Ito ang mga orihinal na kolonya na nang lumaon ay bumuo sa United States of America. Ang 13 kolonya na ito ay kasama sa mga simbolong bumubuo sa bandila ng United States of America.


Ang Netherland

    Sa pagpasok ng ika-17 na siglo, napalitan ng mga Dutch ang mga Portuguese bilang pangunahing bansang kolonyal sa Asya. Inagaw nila ang Moluccas mula sa Portugal at nagtatag ng bagong sistema na tinatawag na sistemang plantasyon kung saan ang mga lupain ay pinatamnan ng mga tanim na mabili sa pamilihan. Ang naging epekto nito ay ang sapilitang paggawa na naging patakaran din ng mga Espanyol sa Pilipinas. Pinangunahan ni Henry Hudson ang kanilang kolonya sa Amerika. Noong 1609, napasok niya ang New York Bay at pinangalanan ito na New Netherland. Noong 1624, isang trade outpost o himpilang pangkalakalan ang itinatag sa rehiyon na pinangalanang New Amsterdam. Ito ngayon ay kilala bilang New York City.

    Mas nagtagal ang kapangyarihan ng Dutch sa Asya kung ihahambing sa iba dahil sa pagkakatatag ng Dutch East India Company o Vereenigde Oostindische Compagnie (VOC) noong 1602. Ang mga daungan nito ang nagbigay ng proteksiyon sa monopolyo ng mga Ducth sa paminta at iba pang rekado.


Epekto ng Unang Yugto ng Kolonyalismo


Ang sumusunod ang naging epekto ng paggalugad ng mga bansang Europeo:

 Naging sentrong pangkalakalang daigdig ang Europe. 

 Dahil sa pagdami ng salapi, lumawak ang kalakalan at namuhunan ang mga negosyante sa malalaking negosyo.

 Nabuwag ng mga Europeo, sa pamamagitan ng bagong kalakalan, ang monopolyo ng mga Venetian sa Euro-Asya.

 Umunlad at naitama ang maraming kaalaman tungkol sa heograpiya, hayop, at halaman. 

 Napatunayan ang circumnavigation ni Ferdinand Magellan sa daigdig na lahat ng karagatan sa daigdig ay magkakaugnay.

 Nagkaroon ng pagkakataon na lumaganap ang mga sakit tulad ng yellow fever at malaria na hatid ng mga Europeo mula sa Africa patungong New World.


TANDAAN!

 Ang mga pangunahing dahilan ng eksplorasyon ay paghahanap ng spices, paghahanap ng ginto, mapalaganap ang Kristiyanismo, at maging magtamo ng karangalan at katanyagan.

 Ang eksplorasyon ay pinangunahan ng Portugal at sinundan ng Spain, France, Netherland at England.

 Ang explorasyon ay nagiwan ng pangmatagalang epekto sa kasaysayan na tinahak ng daigdig at isa sa mga ito ay ang pagkakatatag ng batayan para sa modernong ekonomiyang kalakalan at pamilihan.



GAWAIN


Panuto: Sagutin ang mga sumusunod. Isulat sa Notebook at ikomento sa ibaba ang inyong sagot.

1. Anong mga bansa ang naghati sa mundo? at sino ang namagitan sa kanila sa paghahati nito?

2. Anu-anong mga bansa ang nakiisa o nagpatupad din ng eksplorasyon?

3. Anu-ano ang mabuti at hindi mabuting epekto ng eksplorasyon?

4. Sa iyong palagay, may maganda bang naidulot sa ating bansa ang mga nagdaang eksplorasyon o paggalugad? Bakit?



REFERENCE:

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/2/21/Spain_and_Portugal.p