A. Ang mga Pandaigdigang Organisasyon
Naitatag ang United Nations (UN) matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang maibalik ang pagkakaisa ng mga bansa sa mundo at mapanatili ang kaayusang pandaigdigan. Ito ang ipinalit sa League of Nations na naitatag matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig na layon ding pagkaisahin ang mga bansa at maipanatili ang kapayapaan sa mundo. Sinasabing hindi naging epektibo ang League of Nations na siya rin mismo ang naging dahilan upang maganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Maraming organisasyong pandaigdig ang nabuo sa layong pagbigkisin ang mga bansa upang matamo ang pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran. Bukod pa ito sa United Nations nabuo para sa pagkakaisa ng mga bansang kasapi sa buong mundo. Ang mga sumusunod ay mga pandaigdigang organisasyon:
1. European Union
Ang Unyong Europeo ay isang pang-ekonomiko at pampolitikal na unyon ng 27 malalayang bansa. Ito ang pinakamalaking kompederesyon ng mga malalayang estado na itinatag sa ialim ng pangalang iyon noong 1992. Ang mga aktibidad ng Unyong Europeo ay sumasakop sa patakarang publiko, patakarang ekonomika sa ugnayang panlabas, tanggulan, pagsasaka, at kalakalan.
2. Organization of American States (OAS)
Ang samahan ng mga Estadong Amerikano ay isang pandaigdigang samahang nakase sa Washinton, D.C., Estados Unidos. Mayroon itong tatlumpu't limang kasaping nagsasariling estado ng Amerika. Layunin nitong makamit ang kapayapaan at hustisya, itaguyod ang pagkakaisa ng mga estadong kasapi, patatagin ang kanilang pagtutulungan, pangalagaan ang kanilang awtonomiya, ang kanilang teritoryo, at ang kanilang kalayaan.
3. Organization of Islamic Cooperation (OIC)
Ang OIC ay isang internasyunal na organisasyon ng 57 estado. Ito ay samahan ng mga bansang Muslim na naglalayong siguruhin at protektahan ang interes mula sa pamamagitan ng pagsusulong ng kapayapaang pandaigdig at pagkakaunawaan.
4. Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)
Ang Kapisanan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya o kilala bilang ASEAN ay isang organisasyong heopolitikal, ekonomikal, at pangkultural ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Ang mga layunin ng samahang ito ay maitaguyod ang paglago ng ekonomiya, kaunlarang panlipunan, pagsulog ng mga kultura ng bawat kasapi, at pagpapalaganap ng kapayapaang panrehiyon.
Iba Pang Pandaigdigang Organisasyon
1. World Bank (WB)
Ang World Bank ay isang pandaigdigang bangko na nagbibigay ng tulong-pananalapi at teknikal sa mga bansang umuunlad para sa mga programang pangkaunlaran tulad ng mga tulay, kalsada, paaralan, at iba pa na may layunin ng pagpapababa ng antas ng kahirapan.
2. International Monetary Fund (IMF)
Ang International Monetary Fund ay isang pandaigdigang organisayon na pinagkakatiwalaang mamahala sa pandaigdigang sistema sa pananalapi sa pamamagitan ng pagmasid sa mga halaga ng palitan at balanse ng mga kabayaran, gayundin ang pag-alok ng teknikal at pinansyal na tulong kapag hiningi.
3. World Trade Organization (WTO)
Ang World Trade Organization ay isang organisasyong pandaigdigan na itinatag upang mapamahalaan at magbigay ng kalayaan sa kalakalang pang-internasyunal. Ang WTO ay nabuo noong Enero 1, 1995, kahalili ng Pangkalahatang Kasunduan sa mga Taripa at Kalakalan (General Agreement on Tariffs and Trade o GATT)
Bukod sa mga pandaigdigang organisasyon na nabanggit, marami pang organisasyong internasyunal ang nilikha upang patatagin ang kooperasyon ng mga bansa at magtaguyod ng kaunlaran. Nilikha ang mga organisasyong ito upang magbigay tulong sa pananalapi, magbigay kalayaan sa kalakalang internasyunal, mamahala sa pandaigdigang sistema ng pananalapi, at iba pa.
May mga samahang rehiyonal din na bumuo ng trade blocs. Ang trade blocs ay isang kasunduan ng mga bansang kadalasan ay magkakaanib sa isang samahang rehiyonal na naglalayong bawasan, paliitin, o tanggalin ang mga taripa at mga hadlang sa taripa sa pagitan ng mga miyembrong bansa.
1. ASEAN Free trade Area (AFTA)
Ang Sonang Malayang Kalakalan ng ASEAN o AFTA ay isang kasunduan ng hanay na pangkalakalan ng Kapisanan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya na nagtataguyod ng mga pampagawaang pampook (Local Manufacturing) sa lahat ng mga bansa sa ASEAN.
Ang mga tahasang mithiin ng AFTA ay makamit ang sumusunod:
-Palakihin ang hangganang pagkainaman bilang batayang produksyon sa pandaigdigang pamilihan sa pamamagitan ng pag-aawas, sa loob ng ASEAn, ng mga salabid ng taripa at walang taripa; at
-Akitin ang maraming panlabas na tuwirang pamumuhunan sa ASEAN.
2. North American Free Trade Agreement
Ito ay isang kasunduan na nilagdaan ng CAnada, Mexico, at United States na lumikha ng trilateral trade bloc sa North America. Nabigyang bisa ito noong 1994 na nagbigay-daan sa pagkakabuo ng isang trade bloc na maituturing na may pinakamataas na pinagsama-samang purchasing power parity sa GDP.