Sunday, April 14, 2024

ARALIN 3: MGA IDEOLOHIYA. COLD WAR, AT NEOKOLONYALISMO

 ARALIN 3: MGA IDEOLOHIYA. COLD WAR, AT NEOKOLONYALISMO

A. Ang kahulugan ng Ideolohiya

Ang ideolohiya ay isang sistema o kalipunan ng mga ideya o kaisipan na naglalayong magpaliwanag tungkol sa daigdig at sa mga pagbabago nito. Galing ito sa salitang ideya o kaisipan na tuwirang sinusunod ng mga tao.

Si Desttutt de Tracy ang nagpakilala sa salitang ideolohiya bilang pinaikling pangalan ng agham ng mga kaisipan o ideya. May iba't ibang kategorya ang ideolohiya.

1. Idelohiyang Pangkabuhayan

Nakasentro ito sa mga patakarang pang-ekonomiya ng bansa at paraan ng paghahati ng mga kayamanan para sa mga mamamayan. Nakapaloob dito ang mga karapatang makapagnegosyo, mamasukan, makapagtayo ng unyon, at magwelga kung hindi magkasundo ang kapitalista at mga manggagawa.

2. Ideolohiyang Pampolitika

Nakasentro naman ito sa paraan ng pamumuno at sa paraan ng pakikilahok ng mga mamamayan sa pamamahala. Ito ay mga pangunahing prinsipyong politikal at batayan ng kapangyarihang politikal. Karapatan ng bawat mamamayan na bumuo at magpahayag ng opinyon at saloobin.

3. Ideolohiyang Panlipunan

Tumutukoy ito sa pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan sa tingin ng batas at sa iba pang pangunahing aspeto ng pamumuhay ng mga mamamayan.


B. Ang Iba't Ibang Ideolohiya

Kapitalismo

Ito ay tumutukoy sa isang sistemang pangkabuhayan kung saan ang produksyon, distribusyon at kalakalan ay kontrolado ng mga pribadong mangangalakal hanggang sa maging maliit na lamang ang papel ng pamahalaaan sa mga patakarang pangkabuhayan.

Demokrasya

Ang kapangyarihan ng pamahalaan ay nasa kamay ng mga tao. sa ideolohiyang ito, ang mga tao ay maaaring makilahaok nang tuwiran o di-tuwiran. Ito ay tinatawag na direct o tuwiriang demokrasya kung iboboto ang mamamayan ang gusto nilang mamuno sa pamahalaan. Karaniwang pumipili ang mga tao sa pamamagitan ng pagboto tuwing halalan sa kinatawan na siyang hahawak ng kapangyarihan o pamahalaan sa ngalan nila. Tinatawag ang pamamaraang ito na representative o kinatwang demokrasya. Maari rin namang di-tuwiran ang demokrasya kung ang iboboto ng mamamaya ay mga kinatawan nila sa pamahalaan na siya namang pipili ng pinuno sa pamahalaan. Mayroon ding uri ng demokrasya na nagiging diktadura. Ito ay nagaganap kapag ang inatasan ng mga tao upang mamuno ay magsimulang mangamkam ng kapangyarihan at isawalang bahala ang kagustuhan ng mga tao. Ang diktador ay namumuno batay sa kaniyang sariling kagustuhan at hindi sa kagustuhan ng mga tao.

Awtoritaryanismo

Isang uri ito ng pamahalaaan na kung saan ang namumuno ay may lubos na kapangyarihan. Makikita ang ganitong pamahalaan sa Iran, kung saan ang namumuno ay siya ring puno ng relihiyon ng estado.

Totalitaryanismo

Ang uri ng pamahalaang ito ay karaniwang pinamumunuan ng isang diktador o grupo ng taong makapangyarihan. Limitado ang karapatan ng mga mamamayan sa malayang pagkilos, pagsasalita, at pagtutol sa pamhalaan. Lahat ng desisyon tungkol sa pamamahala at kabuhayan ay nasa kamay din  ng isang grupo o ng diktador. Nasa kamay ng pamahalaan ang pag-aari ng mga lupain, kayamanan ng bansa, at mga industriya.

Sosyalismo

Ito ay isang doktrina na nakabatay sa patakarang pang-ekonomiya ang pamamalakad sa pamahalaan ng isang pangkat ng tao. Ang pangkat nito ang nagtatakda ng pagmamay-ari at pangangasiwa ng lupa, kapital, at mekanismoi ng produksiyon. Ang mga industriya at lahat ng mga kailangan sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mamamayan ay nasa kamay rin ng pamahalaan. Hangad ng doktrinang ito ang pagkakamit ng perpektong lipunan sa pamamagitan ng pantay na distribusyon ng produksiyon ng bansa.


C. Mga Pwersang Pangkabuhayan sa Politika ng Bansa

Ang Pagsilang ng Komunismo sa Russia

Nag-ugat ang ideolohiyang komunismo sa Russia noong panahon ng Tsar. Ang Russia sa ilalim ng Tsar ay naging makapangyarihan subalit ang mga namumuno ay naging Despotic. Noong Marso 1917, ang Dinastiyang Romanov ay bumagsak bunga ng hindi maiwasang himagsikan at ilan ang mga dahilan ng kaguluhan ay ang mga sumusunod:

1. Pulitikal - Ang pamahalaan ay awtokratiko, bulagsak at mahina. Hindi sila nagbigay ng pantay-pantay na karapataan sa mga tao.

2. Pangkabuhayan - Mahirap at makaluma ang kalagayan at pamamaraan ng pagsasaka. Walang kalayaan at maliliit ang sahod ng mga manggagawa.

3. Sosyal - Kakaunti lamang ang mga kalayaang sosyal. Lahat ng pinilit na sumunod sa pananamplatayang Orthodox. Sapilitang pinalaganap ang wikang Ruso sa mga minoryang kultural tulad ng mga Poles, Hudeo, taga-Finland, at mga taga-Baltic. Dumating sa Petrograd ang ilan sa mga lider na Bolshevik, kabilang na sina Vlademir Lenin, Leon Trotsky, at Joseph Stalin. Nakuha ni Lenin ang pagtitiwala ng mga tao dahil sa programang pag-aangkin ng pamahalaan sa lahat ng mga pagawaan. Ang kaniyang panawagan, "Kapayapaan, Lupain, at Tinapay." Sa tulong ni Trotsky at Stalin, binalak ni Lenin na magkaroon ng pamahalaang komunismo base sa mga prinsipyo ni Karl Marx. Noong November 1917, naghimagsik ang mga Bolshevik sa Petrograd at bumagsak ang pansamantalang pamahalaan ni Kerensky. Tumakas itong huli at pagkatapos ay itinatag na ni Lenin ang pamahalaang komunismo na una niyang pinamunuan.


Ang Paglaganap ng Komunismo

Mula 1917 hanggang 1920, nagkaroon ng mga labanan sa pagitan ng Red Army ng mga Bolshevik at ng mga White Army ng mga konserbatibo na dating tagasunod ng Tsar. Dala ng galit sa dating pamahalaan, nasupil ng mga Red Army ang mga White Army. Noong 1920, napasailalim ng komunista ang buong Russia. Ipinalalagay ni Lenin na kailangan ng dahas at pananakop para matatag ang "Diktadurya ng mga Manggagawa." Ang estadong naitatag nila ay tinawag na Union Soviet Socialist Republic o USSR. Mga prinsipyong pinaniniwalaan ng komunismo ang mga sumusunod:

1. Pagtatatag ng diktadurya ng mga manggagawa: Ang manggagawa ang supremo ng pamahalaan;

2. Pangngasiwa ng pamahalaan sa sistema ng produksyon ng pag-aari;

3. Pagwawaksi sa kapitalismo;

4. Pagtatawa sa kapangyarihan ng Diyos at lubos na paghihiwalay ng estado at ng simbahan; at

5. Pagsuporta, paghikayat at pagpapalaganap ng Kilusang Komunismo sa buong daigdig.


Pagsilang ng Pasismo sa Italy

Sa Italy, ideolohiyang pasismo ang namayani. Ang mga kondisyon na nagbigay-daan sa pasismo sa Italy ay ang mga sumusunod:

1, Nasyonalismo - Hindi nasiyahan ang mga Italyano sa resulta ng Unang Digmaang pandaigdig gayong nabigyan naman ito ng bahagi sa mga pabuya ng digmaan.

2. Paghihirap ng Kabuhayan - Dahil sa Unang Digmaang Pandaigdig, nagkulang sa pagkain at maraming pangangailangan sa Italy. Tumaas ang halaga ng mga bilihin. Iginawad ng pamahalaan ang mataas na buwis upang mabayaran ang malaking pagkakautang ng bansa bunga ng digmaan. Marami ang nawalan ng trabaho sapagkat nasira ng digmaan ang mga sakahan at pagawaan.

3. Kahinaan ng Pamahalaan - Hindi nakayanan ng pamahalaang lutasin ang mga suliranin ng bansa. Pinalala pa ng pagkakaroon ng mahinang opisyal sa pamahalaan. Bunga nito, Nawalan ng saysay ang mga tradisyong demokratiko pati na ang mga tao sa kanilang demokratikong institusyon. Noong 1920, inagaw ng mga manggagawa ang tradisyong demokratiko. Nawala rin ang tiwala ng mga magsasaka sa mga may-ari ng lupa kaya't inagaw nila ang mga lupain. Ang kapayapaan ay naibalik ng mga Fascista, isang samahang itinatag ni Benito Mussolini na dating sosyalista at editor ng pahayagan.


Benito Mussolini

Ang mga tagsunod ni Mussolini ay bumoo ng mga pangkat militar na tinawag na Black Shirts na nagsasagawa ng mga pagpupulong ng mga grupong sosyalista at komunista. Ipinangangako nilang pangalagaan ang mga pribadong ari-arian. Noong October 1922, naganap ang dakilang pagmamartsa sa Roma. Pinilit ni Mussolini at ng mga Black Shirts na buwagin ang gabinete. Si Haring Victor Emmanuel ay napilitang magtatag ng bagong gabinete na si Mussolini ang Punong Ministro. Ang Pagliyamento ay napilitang maggawad ng mga kapangyarihang diktadoryal kay Mussolini. Ayon sa paniniwala ni Mussolini, bigo ang demokrasya, kapitalismo, at sosyalismo. Sa halip, itinatag niya ang isang diktaduryang Totalitarian, Corporate Sate. Pinagsama-sama niya ang kapitalismo, sosyalismo, at ang sistemang guild ng panahong midyebal. Ang mga prinsipyong sinunod ng Fascism ay ang mga sumusunod:

1. Gumawa lamang ang tao sa kapakanan ng estado.

2. Ang demokrasya ay mahina at walang saysay at lakas kailangang pangibabawin.

3. Lahat ng bibitawang opinyon, pasalita man o pasulat, ay kailangang naaayon sa pamahalaan.

4. Kinokontrol ang buong sistema ng edukasyon upang ang mamamayan ay makapagsilbi sa estado at makatulong sa paghahanda sa digmaan. Dinodominahan ng fascistang propaganda ang mga paaralan.

5. Maingat na sinesensor ang lahat ng mga pahayagan at publikasyon.

6. Lahat ng uri ng libangan ay sinusuri ng pamahalaan.

7. Hindi kinikilala ang kalayaang sibil.

8. Binibigyan ng bonus ang malalaking pamilya.

9. Hindi binibigyan ng karapatang sosyal, politikal, at pangkabuhayan ang mga babae.


D. Ang Nazi Germany

Bilang isang ideolohiya, ang Nazism ay nangyari sa Germany simula noong 1930. Isa sa pinakamaluput na diktaduryang totalitarian sa makabagong panahon. Nakakahawig ito ng fascism sa Italy at komunismo sa Russia.

Adolf Hitler

Ang pagnanais na makabawi sa kahihiyan ng pagkatalo sa World War I at ang paniniwala na ang Aleman ang dapat mamuno sa daigdig ay ilan lamang sa pangunahing layunin ng diktaduryang Nazism. 

1. Ang Kahinaan ng Weimar Republic Ang republikang itinatag sa Germany pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig ay isa sa mga pinakademokratikong pamahalaan sa buong mundo. Ngunit hindi ito pinagtiwalaan ng mga tao.

2. Kasunduang Versailles - Nasaktan ang makanasyonalismong damdamin ng mga Aleman dahil sa mapagpahirap na mga probosyon ng kasunduang Versailles. Ang mga masugid na makabayan ay nakahandang tumulong sa pamahalaan upang maiwasto ang sapalagay nila ay mga pagkakamali upang mabawi ang pagkapahiya ng Germany.

3. Ang Paghihirap ng Kabuhayan - Pagkatapos ng digmaan, ito ang talagang nagbigay-daan sa pagbagsak ng Republikang Weimar. Dahil sa mga pinsalang dulot ng digmaan at sa malaking pagkakautang, at mga reparasyong pagbabayaran ng Germany nagkaroon ng inflation.

Si Adolf Hitler ang pinakamakapangyarihang pinunong Nazi. Isinilang siya sa Austria at maituturing na isang panatikong nasyonalista. Pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, binuo niya ang National Socialist Party na tinawag na Nazi.  Ang mga prinsipyo ng Nazismo na napapaloob sa akdang"Mein Kampf, Ang Aking Laban," ni Adolf Hitler ay ang mga sumusunod:

1. Ang Kapangyarihang Racial - Pinaniniwalaan ng mga Aleman na sila ang nangungunang lahi sa daigdig. Nanggaling sila sa mga makalumang tribung Germanic na tinatawag ding Nordic o Aryano.

2. Anti-Semitism - Naniniwala ang mga Nazista na ang mga Hudyo na nanirahan sa Germany ay hindi mga Aleman at ang mga ito ang sanhi ng maraming suliranin at kabiguan ng kanilang bansa kaya't kinakailangang mawala sila sa daigdig. Ito ang naging dahilan ng Holocaust o pagpatay sa mga Hudyo.

3. Ang Pagbuwag sa Treaty of Versailles - Sinisi ng mga Nazista ang kasunduang Versailles na sanhi ng mga suliranin ng Germany.

4. Pan-Germanism - Ayon kay Hitler, ang isang pinalawak na Germany ay kailangang maitatag, kasama na ang mga teritoryong nawala sa kanila noong Unang Digmaang Pandaigdig.

5. Ang Pagwasak sa Demokrasya - Laban ang Nazism sa demokrasya at pamahalaang parliyamentaryo. Nanawagan silang wasakin ang republika at itatag ang Third Reich na isang estadong totalitaryan ng Nazismo.


E. Ang Pananaw sa Cold War

Ang United States at Soviet Union ay naging makapangyarihang bansa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi naging mabuti ang ugnayan ng mga bansang ito na kapwa tinatawag na superpower. Nauwi ito sa Cold Ward na bunga ng matinding kompetensya ng mga bansa nong 1940 hanggang 1990. Hindi lamang tunggalian sa kapangyarihan kundi pati na sa ideolohiya ang dahilan nito. Ang United States ang nagtaguyod ng demokrasya at kapitalismo samantalang ang Soviet Union ay kumakatawan sa sosyalismo at komunismo. Malaki ang naging papel ng Estados Unidos bilang pinakamakapangyarihang kapitalista sa pagsasaayos ng daigdig matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Upang mapigil nito ang paglaganap ng sosyalismo at komunismo ng USSR, gumawa ito ng iba-ibang hakbang. Sa pamamagitan ng MArshall Plan, tiniyak ng US ang pagbangon ng kanlurang Europe bilang kapanalig sa kanluran. Sa silangan, tiniyak din nito ang pagbangon ng Japan sa pamamahala ni Heneral Douglas MacArthur.


Mga tunay at Sanhi

Ang United States at Soviet Union ay dating magkakampi at kasama sa mga bansang nagtatag ng "Nagkakaisang mga Bansa." Dumating ang pagkakataong sila'y nagkaroon ng Cold Ward o hindi tuwirang labanan. May mga pangyayaring namagitan sa kanila at lumikha ng tensyon dahil sa pagkakaiba ng ideolohiyang kanilang pinaniniwalaan. Ang United States ang pangunahing bansang demokratiko, samantalang komunista naman ang Soviet Union. Ang kanilang sistemang politikal ay nakaapekto sa maraming bansa. Upang mapanatili ng Soviet Union ang kapangyarihan sa Silangang Europe, pinutol nito ang pakikipag-ugnayan sa mga kanluraning bansa.

Naputol ang kalakalan, limitado ang paglalakbay, bawal ang pahayagan, magasin, aklat, at programa sa radyo. Ito ang tinagurian ni Winston Churchill na Iron Curtain o pampolitikang paghahati sa pagitan ng Soviet Bloc at taga-Kanluran. Lalo pang umigting ang hindi pagkakaunawaan dahil sa kawalan ng bukas na kalakalan ng mga bansang ito. Noong 1945, hiniling ni Stalin na magtayo ng base militar sa bahagi ng Black Sea at Aegean. Bahagi ito ng pagpapalawak ng Soviet Union. Bilang tugon, nagpalabas noong 1947 ng patakarang Truman Doctrine si Pangulong Harry S. Truman ng Estados Unidos.


Kompetisyon sa Kalawakan ng USSR at USA

Naunahan ng Soviet Union (USSR) ang United States (US) sa pagpapadala ng sasakyang pangkalawakan. Sinimulan ang paglipad ng Sputnik I noong Oktubre, 1957,  ang Panahon ng Kalawakan (Space Age). Una ring nagpadala ng tao sa kalawakan ang USSR, si Yuri Gagarin na unang cosmonaut na lumigid sa mundo, sakay ng Vostok I noong 1961. Ngaunit nahigitan pa ng US ang USSR nang nakaikot sa mundo ng tatlong beses noong 1962 si John Glenn Jr. sa sasakyang Friendship 7. Sinundan pa ito ng matagumpay na misyon noong Hulyo 20, 1969 nang unang makatapak sa buwan ang mga Amerikanong Astronaut na sina Michael Collins, Neil Armstrong, at Edwin Aldrin. HIndi rin nangpahuli sa mga imbensyon ang US.

Nakagwa ito ng unang submarino na pinatatakbo ng puwersang nukleyar, ang USS Nautilus. HIndi lamang sa gamit pandigma ginagamit ng US ang lakas atomika kundi pati sa panahon ng kapayapaan. Ginagamit ito sa medisina, agrikultura, transportasyon, at komunikasyon. Noong ika-10 ng Hulyo, 1962, pinalipad sa kalawakan ang Telstar, isang pangkomunikasyong satellite. Nagulat ang mundo sa nagawang ito ng US. Sa pamamagitan nito, maaari nang makatanggap ng tawag sa telepono at makakita ng palabas sa telebisyon mula sa ibang bansa.


Mabuting Epekto ng Cold War

Ang United States at Soviet Union ang nagpasikat sa pagpapalaganap ng kanilang ideolohiya. Bukod sa larangan ng militar, tiniyak din ng US na maayos ang takbo ng ekonomiya ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Binuo ang International Monetary Fund (IMF) upang ayusin ang daloy ng malayang kalakalan sa mundo. Kasabay ring inayos ang International Bank for Rehabilitation and Reconstruction ((IBRR) o World bank upang tumulong sa gawaing rehabilitasyon at rekonstruksyon. Samantala, pagkamatay ni Stalin ng USSR ay hiniling ni Khrushchev ang Peaceful Co-existence o Mapayapang Pakikipamuhay sa halip na makipaglaban pa sa digmaan. Isinulog ni Mihail Gorbachev ang glasnost o pagiging bukas ng pamunuan sa pamayanan at perestroika o pagbabago sa pangangasiwa sa ekonomiya. Nagkasundo sina Gorbachev ng Soviet Union at Ronald Reagan ng US na tapusin na ang Arms Race upang maituon ang badyet sa ekonomiya at pangangailangan ng nakararami. Maraming imbensyon ang naisagawa ng dalawang panig. Matagumpay ang pagpapalipad ng Sputnik I ng USSR at Vostok I, sakay si Yuri Gagarin, unang cosmonaut na lumigid sa mundo. Ang US naman ang nagpalipad ng Friendship 7, Apollo 11, at mga puwersang nukleyar na hindi lang ginamit sa digmaan kundi pati na sa medisina at komunikasyon.


Hindi Mabuting Epekto ng Cold War

Dahil sa Cold War, umigiting ang hindi pagkakaunawaang pampolitikal, pangmilitar, at kalakalan ng mga bansa. Bumaba ang moral ng mga manggagawa ng Soviet Union na nagdulot ng malaking suliraning pang-ekonomiya. Sa matinding sigalot dulot ng Cold War, iginigit ng dalawang puwersa ang kanilang pamamalakad kaya't nawalan ng tunay na pagkakaisa. Nagkaroon ng banta ng digmaan nang magkaroon ng mga samahang pansandataha  tulad ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), WARSAW Treaty Organization o Warsaw APact, at ikatlong pwersa o kilusang non-aligned.


F. Neokolonyalismo

Ang Neokolonyalismo ay tumutukoy sa patuloy na impluwensyang pang-ekonomiya at panlipunan ng mga mananakop sa mga bansang dati na nilang kolonya, bagama't wala silang tuwirang kontrol sa militar o politikal sa mga ito.


Ang Paraan ng Neokolonyalismo

Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumitaw ang makabagong uri ng pananakop upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan, ang neokolonyalismo at interbensyon. Itinuturing ang neokolonyalismo na bago at ibang uri ng pananamantala sa mahirap na bansa. Ayon sa mga agham-politika, ito ang pananatili ng kontrol ng isang dating kolonyalista sa dati nitong kolonya. Malumanay at patago ang pamamaraang ito. Layunin nitong patatagin ang pamumuhunan ng mga kolonyalistang bansa, pigilan ang pagkamit ng tunay na kalayaan, at kunin ang mas malaking kita sa negosyo. Sa kabuuan, pina-igting nito ang imperyalismo sa ekonomiya, politika, militar, at ideolohiyang mga aspekto. Isa sa maituturing na pinakamahalagang sangkap ng sistemang neokolonyalismo ay ang pagkakaroon nito sa makabagong pamamaraan sa pamumuhunang industriyal at pinansiyal. Kabilang dito ang pagbuo ng iba't ibang uring kompanya; pandaigdigan at pampribadong pondo; pagkakaroon ng mga korporasyon at konsoryum (samahan ng mga namumuhunan), pagsisiguro ng pamumuhunan, at pagpapautang ng malaking halaga na makakatulong hindi lamang sa nangangailangan kundi magbibigay rin ng sapat na tubo sa magpapahiram. Ang mga imperyalista ay nakatuon sa kita ng kapital na kanilang inilagay sa mga negosyo ng papaunlad na mga bansa. Ang mga kumpanya ng langis ang kadalasang kumikita ng malaki lalo na sa kanlurang Asya, Venezuela, Cambodia, Argentina, Brazil, Bolivia, at Africa. Isa pang pamaraan ay ang pagluluwas ng puhunan sa pamamagitan ng paggawa ng mga internal at pribadong kumpanya upang makagawa ng konsoryum at makakuha ng mas magandang kundisyon sa negosyo sa papaunlad na mga bansa. Halimbawa nito ay ang Atlantic Community Development Group for Latin America (ADELA) na itinayo ng 120 pribadong kumpanya at mga bangko ng kanlurang Europe, pondo sa mga bansang Brazil, Ecuador, Nicaragua, at Chile.

Ang neokolonyalismo ay isang uri ng suliraning pampolitika at pang-ekonomiya na ang lahat ng estado, mayaman at mahirap, ay maaaring masangkot.


Mga Pamamaraan at Uri ng Neokolonyalismo

Ang mga pamamaraang ginamit na neokolonyalismo upang makuha ang kanilang gusto sa malalayang bansa ay kinabibilangan ng mga uring pang-ekonomiya at pangkultura. May mga pagkakataong ginamit din ang militar at ang mga pailalim na gawain ng mga institusyong pang-espiya.

1. Pang-ekonomiya - Naisasagawa ang neokolonyalismo sa pamamagitan ng pakunwaring tulong sa pagpapaunlad ng kalagayang pangkabuhayan ng isang bansa, ngunit sa katotohanan ay nakatali na ang bansang tinutulungan sa patakaran at motibo ng bansang tumutulong.

2. Pangkultura - Nababago bg neokolonyalismo ang pananaw ng tinutulungang bansa sa mga bagay na likas na angkin nito. Bunga ng kulturang dala ng dayuhang tumutulong o bansang dayuhan, nababago ang pinahahalagahan ng mga mamamayan na tinutulungang bansa sa pananamit, babasahin, at maging sa pag-uugaliu. Halimbawa, itinuro ang kabihasnan, kasaysayan at wika ng mga Amerikano kaya naapektuhan ang sariling kalinangan pati na ang paggamit ng sariling wika. Ilan lamang ito sa naging dahilan ng pagtataglay ng mga Pilipino ng kaisipang kolonyal na pumupuri at dumadakila sa anumang bagay na gawa sa sariling bayan. Bahagi rin ng neokolonyalistang kultural ang pagpasok ng iba't ibang pagkaing Amerikano na ngayo'y palasak na sa Parmesan Pilipino - hotdog, hamburger, at mansanas na ipinagpalit na sa katutubong mga pagkaing tulad ng kalamay, puto, latik, ginatan, bibingka, at marami pang iba. Maging ang pananaw ng mga Pilipino sa buhay ay nabahiran na rin ng imperyalismo. Naghangad ang mga Pilipino ng mga materyal na bagay na naging batayan ng katayuan sa lipunan. Sa pananaw ng mga katutubong pinuno sa politika at ekonomiya, nakaugnay ang pambansa o pansariling interes sa interes ng mga neokolonyalismo. Dahil dito, madaling naimpluwensiyahan huli ang una upang gawin ang nais  nila.

3. Dayuhang Tulong o Foerign Aid - Isa pang instrumento ng neokolonyalismo ang nakapaloob sa dayuhang tulong o foreign aid na maaaring pang-ekonomiya, pangkultura o pangmilitar. Sa una'y maiisip na walang kundisyon ang pagtulong tulad ng pamimigay ng gatas sa mga bata o pamamahagi ngmga aklat. Ngunit kung titingnang mabuti, may kapalit ang libreng pagtulong. Nagbebenta ang bansang tumulong ng mga imported na produkto sa mga bansang tinulungan kaya nga't bumabalik rin sa kanila ang malaking tubo ng kanyang puhunan.

4. Dayuhang Pautang o Foreign Debt - Anumang pautang na ibigay ng International Monetary Fund (IMF/World Bank) ay laging may kaakibat na kundisyon. Kabilang ditoo ang pagbubukas ng bansang pinauutang sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan, pagpapababa ng halaga ng salapi at pagsasaayos ng sistema sa pagbubuwis. Kung hindi susundin ang mga kundisyon, hindi makakautang mga umuutang na bansa. Dahil dito, hindi rin makaahon sa utang ang mahihirap na bansa, Debt Trap ang tinatawag dito.

5. Lihim na Pagkilos (Covert Operation) - Kung hindi mapasunod nang mapayapa, gumagawa ng paraan ang mga neokolonyalista upang guluhin ang isang pamahalaan o ibagsak ito ng tuluyan.


Epekto ng Neokolonyalismo

Maraming epekto ang neokolonyalismo sa mga bansang sinakop at pinagsamantalahan nito.

1. Over Dependence o Labis na Pagdepende sa iba - Malinaw na umaasa nang labis ang mga tao sa mayayamang bansa lalong lao na sa may kaugnayan sa United States.

2. Loss of Pride o Kawalan ng karangalan -  Sanhi ng impluwensya ng mga dayuhan, nabubuo sa isipan ng mga tao na lahat ng galing sa kanluran ay mabuti at magaling, na isang dahilan kung bakit ang tao ay nawalan ng interes sa sariling kultura at mga produkto.

3. Continued Enslavement o Patuloy na Pang-aalipin - Totoo ngang ang umuunlad na bansa ay malaya sa prinsipyo, ngunit sa tunay na kahulugan ng salitang kalayaan,, ang maliliit na bansa ay patuloy npa ring nakatali sa malakolonyal at makakapitalistang interes ng kanluran. Ang lahat ng aspeto ng kabuhayan ay kontrolado pa rin ng kanluran.


Halaw sa: AP II EASE Module p. 20 p. 5,9,10,13,14. Basahiin di  ang kasaysayan ng Daigdig, Vivar et al, pp. 281-284 at Kasaysayan ng Daigdig Grace Estela C. Mateo, pp.358-361.