Saturday, May 29, 2021

AP8-Q4-WEEK1-2: UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG

 AP8-Q4-WEEK1-2: UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG

MELC/Kasanayan

Nasusuri ang mga dahilan, mahahalagang pangyayaring naganap at bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig.Code: AP8AKD-IVa-1


BALIK-ARAL

      Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga pangyayari na may kaugnayan sa renaissance, unang yugto ng kolonyalismo, rebolusyong siyentipiko, industriyal at enlightenment, rebolusyong amerikano, rebolusyong pranses, si Napoleon Bonaparte, at ang ikalawang yugto ng kolonyalismong kanluranin.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga pangyayari na nagbunsod sa Unang digmaang pandaigdig.


Paksa: Mga Dahilan na Nagbigay Daan sa Pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig

    Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay ang unang malawakang digmaan na nagsimula noong 1914 at nagwakas noong 1918. Ito rin ay tinawag na unang makabagong digmaan sa kasaysayan dahil dito ginamit ang mga naimbentong mga kagamitan gaya ng machine guns, poison gas, eroplanong pandigma, submarine at mga tangke. May tatlumpu’t dalawang bansa sa limang kontinente ang sumali sa digmaang ito hanggang sa pagwawakas nito. Napakalaki nang naging epekto ng digmaan sa pangkabuhayang aspeto ng Europa at higit sa lahat ay kumitil ito ng napakaraming buhay. Binago ng digmaang ito ang mapa ng buong Europa. 



Narito ang mga dahilan na nagbigay daan sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig:

1. Imperyalismo – Ang kompetisyon sa pag-aagawan ng mga kolonya sa Africa at Asya sa pagitan ng mga industriyal na bansa sa Europa ang nagpalalim sa tunggalian at kawalan ng tiwala ng mga bansa nito sa isa’t isa. Nag-uunahan ang mga makapangyarihang bansa na sumakop ng mga lupain at magkaroon ng kontrol sa pinagkukunang-yaman at kalakal ng Africa at Asia. Ito ay lumikha ng samaan ng loob at pag-aalitan ng mga bansa. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:

- Pagsalungat ng Britanya sa pag-angkin ng Germany sa Tanganyika (East Africa) sapagkat balakid ito sa balak na maglagay ng transportasyong riles mula sa Cape Colony patungong Cairo. 

- Pagtangka ng Germany na hadlangan ang pagtatatag ng French Protectorate sa Morocco dahil naiingit ito sa mga tagumpay ng France sa Hilagang Africa. 

- Pagkabahala ng England sa pagtatatag ng Berlin-Baghdad Railway dahil ito ay tila panganib sa ugnayan patungong India.

- Pagsalungat ng Serbia at Russia sa pagpapalawak ng hangganan ng Austria sa Balkan

- Pagiging kalaban ng Germany ang Great Britain at Japan sa pagsakop sa China

- Hindi natuwa ang Italy at ang Germany sa pagkakahati-hati ng Africa sapagkat malaki ang nasakop ng England at France habang maliit lamang ang sa kanila.

2. Militarismo – Kinailangan ng mga bansa sa Europa ang mga naglalakihang hukbong sandatahan sa lupa, karagatan at himpapawid upang pangalagaan ang kanilang mga teritoryo. Ang pagpaparami ng mga armas upang mahigitan ang ibang bansa ay nagpakita ng pagpili sa digmaan kaysa sa diplomasiya. Naging ugat ito upang maghinala at magmatyag ang mga karatig bansa. Sinimulang magtatag ng malalaking hukbong pandagat ang Germany na ipinagpalagay naman ng England na ito ay paghamon sa kanilang kapangyarihan bilang Reyna ng Karagatan.

3. Nasyonalismo – ang masidhing pagmamahal sa sariling bayan ay may kaakibat na positibo at negatibong epekto. Ito ay nakapaghahatid ng pagkakaisa o di kaya’y pagkakahati-hati. Ito ay isa sa mga dahilan at nagdulot ng di pagkakaunawaan ng mga bansa. Nang ito ay lumabis at naging panatikong pagmamahal sa sariling bansa, naging masidhi ang paniniwala ng mga bansa sa Europa na karapatan nilang pangalagaan ang mga kalahi nila at mamuhi sa mga bansang namumuno sa kanila. Halimbawa ay ang mga sumusunod:

- Ang aristokrasyang militar ng Germany, ang mga Junker, ay naniniwalang sila ang nangungunang lahi sa Europa. 

- Pagkamuhi ng mga Serbian dahil sa mahigpit na pamamahala ng Austria.

- Pagkakaroon ng Greek Orthodox na relihiyon sa maraming estado ng Balkan, at ang pananalita ay tulad ng mga Ruso kaya’t nakialam ang Russia sa Balkan.

4. Pagbuo ng Alyansa – dahil sa inggit, hinala at mga pangamba ng mga makapangyarihang bansa sa Europa, nabuo ang dalawang magkasalungat na alyansa. Ang mga alyansang ito ay ang Triple Entente at ang Triple Alliance. 

Ang Triple Entente ay binubuo ng mga sumusunod na bansa:

France

Britain

Russia

Ang Triple Alliance naman ay binubuo ng mga sumusunod na bansa:

Germany

Austria-Hungary

Italy 

Sa ilalim ng pagkakaroon ng mga alyansa, ang bawat kasapi ay magtutulungan kung mailalagay sa kaguluhan at mga tangkang pagsalakay sa kanilang bansa.

Pagsisimula at Pangyayari sa Unang Digmaang Pandaigdig

    Ang mga pangunahing pangyayari sa Europa na maituturing na pangunahing nakaapekto sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang krisis sa Bosnia noong 1908. Pinamahalaan ng Austria ang Bosnia Herzegovina noong 1908 tutol dito ang Serbia dahil nais nilang pamahalaan ang Bosnia-Herzegovina. Ang Russia ay handang tumulong sa Serbia dahil sa kanyang interes na mapasok ang Balkan Peninsula. Nakahanda namang lumaban ang Austria Hungary sa Serbia.

    Noong Hunyo 28, 1914 pinatay si Archduke Franz Ferdinand (tagapagmana ng trono ng Austria Hungary) at ang asawa nitong si Sophie habang sila ay naglilibot sa Saravejo, Bosnia Herzogovina. Ang salarin ay si Gavrilo Princip isang 19 na taong gulang na Serbian na kasapi sa Black Hand, isang lihim na organisasyong na naghahangad na tapusin ang pamumuno ng Austria-Hungary sa Bosnia Herzegovina. Dahil sa pangyayaring ito nagbigay ng ultimatum ang Austria-Hungary sa Serbia kabilang na dito ang pagiging bahagi ng mga opisyal ng Austria sa imbestigasyon ng pagpaslang ngunit di sumang-ayon ang Serbia. Noong Hulyo 28, 1914, nagdeklara ng digmaan ang Austria-Hungary laban sa Serbia. Ito na ang simula ng Unang Digmaang Pandaigdig. Dito na rin nakita ang reaksyon ng sistema ng alyansa ng mga bansa.Sinuportahan ng Russia ang Serbia. Inisip ng Russia na ang Germany ang nagtulak sa Austria-Hungary upang makipagdigma sa Serbia kayat agad itong nagpadala ng hukbo sa hangganan ng Germany. Bilang reaksyon ay nagdeklara ang Germany ng digmaan sa Russia noong Agosto 1, 1914. Batid ng Germany na tutulong ang France sa Russia kung kayat nagdeklara din ito ng digmaan sa France pagkalipas ng dalawang araw. Nagpasya naman ang Italy na maging neutral o walang kinikilingan. Sa labanang ito ay naging kalaban ng Germany ang France sa kanluran at Russia sa silangan. Ginamit ng Germany ang Schlieffen Plan na naglalayong talunin ang France sa loob ng anim na linggo matapos nito ay isusunod nila ang Russia. Dumaan sa Belgium (bansang neutral) ang Germany na ikinagalit ng Great Britain kayat nagdeklara ito ng digmaan sa Germany noong Agosto 4 at tinulungan ang Belgium at France. Nahati ang mga makapangyarihang bansa sa Europe na nasangkot sa digmaan. Ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, France at Russia. Tinawag namang Central Powers ang Germany at Austria Hungary. Sa kalaunan ay sumali ang Japan at Italy sa Allied at ang Turkey at Bulgaria sa panig naman ng Central Powers.

Digmaan sa Kanluran

    Naganap ang pinakamainit na labanan noong Unang Digmaang Pandaigdig. Saklaw nito ang France, Switzerland at Belgium hanggang sa North Sea.

    Ang Hilagang France ay napasok ng hukbo ng Germany at nakalaban ang mga sundalong Pranses at British. Dumepensa ng mabilis ang Russia sa silangan ng halos makalapit na sa Paris ang mga Aleman. Nahati ang hukbo ng Germany kung kayat sila ay nabigong maisakatuparan ang Schlieffen Plan dahil naging mabagal at matindi ang labanan sa pagitan ng dalawang panig. Gumamit ng mga sandata tulad ng machine gun at poison gas. Maraming sundalo ang namatay sa labanang ito.

Digmaan sa Silangan

    Ang digmaang ito ay mula sa Baltic Sea hanggang sa Black Sea. Naglunsad ang Russia ng pagsalakay sa Germany. Pinamunuan ito ni Czar Nicholas II. Natalo ang hukbong Russia sa Labanan sa Tannenberg. Itinuturing itong pangunahing tagumpay ng Central Powers. Nagtagumpay naman ang hukbong Russia sa Galicia ngunit di rin nagtagal ang kanilang tagumpay. Pinahirapan sila ng mga German sa Poland at tuluyang humina at kalaunan ay bumagsak ang hukbong sandatahan ng Russia. Naging sunod-sunod ang pagkabigo ng Russia sa mga labanan. Ito ang may pinakamaraming bilang ng mga sundalong nasawi, nasugatan at nabihag na umabot sa 5.5 milyon. Naging bigo ang Russia sa mga digmaan at bumagsak din ang kanilang ekonomiya na naging dahilan ng kawalan ng tiwala ng tao sa pamumuno ni Czar Nicholas II. Siya ay bumaba sa trono noong Marso 15, 1917 na nagtapos sa Dinastiyang Romanov at ang pagsilang naman ng Komunismo sa Russia. Nakipagkasundo si Vladimir Lenin sa ilalim ng pamahalaang Bolshevik sa Germany sa pamamagitan ng paglagda sa Treaty of Brest-Litovsk. Naging kasapi ang Russia ng Central Powers at iniwan niya ang mga Alyado.

Labanan sa Labas ng Europe

    Nagnais ang mga Allies na makabawi sa Central Powers kaya’t gumawa sila ng hakbang upang makuha ang Dardanelles Strait na noon ay nasa ilalim ng Imperyong Ottoman. Tinawag itong Gallipoli Campaign subalit hindi naging matagumpay ang Allied Powers sa madugong labanang ito na ikinasawi ng tinatayang 250,000 nilang sundalo. May naganap ding labanan sa Timog Kanlurang Asya, dito natamo ng Allies ang kanilang tagumpay nang makuha nila ang Baghdad, Jerusalem at Damascus. Nagdeklara din ng digmaan ang Japan laban sa Germany at naagaw nito ang mga napasakamay naman ng France at Britain.

Digmaan sa Karagatan

    Nagkasubukang muli ang pwersa ng Germany at Britain sa Atlantic. Dinala ng Germany ang kaniyang hukbong dagat na tinawag na High Seas Fleet sa North Sea upang palubugin ang mga barko ng Britain. Ngunit ikinagulat ng mga Aleman ang naging pag- atake ng British sa baybayin ng Denmark na naging dahilan ng pag-atras ng Germany. Sa labanang ito ay maraming barko ng Britain ang lumubog kaya’t naging patas lamang ang labanan. Ang Atlantic ay nanatili pa ring kontrolado ng mga Allies.

Pagsali ng United States sa Digmaan

    Hinarang ng Germany ang mga barkong nakapaligid at patungo sa Britain. Noong Mayo 7, 1915 isang U Boat ang nagpalubog sa Lusitania, pampasaherong barko ng Britain na may sakay ding mga Amerikano. Tinatayang 1,198 katao ang namatay kabilang na ang mga pasaherong Amerikano. Isa pang pangyayari na nagtulak sa US na makibahagi sa digmaan ay nang magpadala ng telegrama ang Germany sa Mexico na sumali sa digmaan kapalit ng pangakong muling ibabalik ang mga dati nilang teritoryo na nasa ilalim ng Estados Unidos. Naging dahilan ito ng pagpasya ng United States na magdeklara ng digmaan. noong Abril 2, 1917 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Woodrow Wilson.

    Patuloy ang ginawang paglusob ng Germany sa France at narating nila ang Ilog Marne noong Mayo 1918. Nagpadala ang US ng 2 milyong sundalo upang tumulong sa labanan. Napagtagumpayan ng mga Allies ang labanang ito. Dahil sa patuloy na paghina ng pwersa ng Germany ay bumaba sa pamumuno si Kaiser Wilhelm II noong Nobyembre 9, 1918. Nilagdaan ng bagong pinuno ang armistice noong Nobyembre 11, 1918 sa isang railway car sa Le Francport malapit sa Paris.


Bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig

1. Napakalaki ng pinsala na naidulot ng Unang Digmaang Pandaigdig sa buhay at ari-arian Tinatayang 8.5 milyong katao ang namatay at 22,000,000 ang nasugatan. Marami ang namatay sa gutom, sakit at paghihirap.

2. Maraming ari-arian ang nasira. Naantala ang kalakalan. Nawasak din ang mga imprastraktura, tahanan at mga lupang pansakahan. Napakalaki ng nagastos sa digmaan na umabot sa 200 bilyong dolyar. Kung kaya’t humina ang lipunan at kabuhayan.

3. Nagwakas ang apat na dinastiya: ang Hohenzollern ng Germany, Hapsburg ng Austria- Hungary, Romanov ng Russia at Ottoman ng Turkey.

4. Pagtatag ng malayang bansa- naging malayang bansa ang Finland, Latvia, Lithuania, Estonia, Yugoslavia at Albania. 


Mga Kasunduang Pangkapayapaan

        Sa pagnanais na wakasan na ang digmaan upang maibangon at maitaguyod ang Europe, naglunsad ng Peace Conference ang 32 bansa noong Enero 18, 1919 sa Paris. Namuno sa kasunduang ito ang mga nagwaging bansa at hindi pinayagang dumalo ang mga natalong bansa. Tinawag na Big Four ang mga nanguna sa pagbuo ng kasunduan. Ito ay sina Woodrow Wilson ng Estados Unidos, David Lloyd George ng Great Britain, George Clemenceau ng France at Vittorio Orlando ng Italy.

    Binalangkas ni Pangulong Woodrow Wilson ang Labing Apat na Puntos na naglalayon ng pangmatagalang kapayapaan. Kabilang sa napagkasunduan ay ang mga sumusunod:

1. Ang kasunduan na nagaganap ay dapat ipaalam sa lahat.

2. Magkaroon ng kalayaan at karapatan sa digmaan.

3. Kinakailangang tanggalin ang buwis para sa ikabubuti ng ekonomiya.

4. Kinakailangang bawasan ang sandatahan o lakas pandigma.

5. Dapat na walang kinikilingan sa mga suliranin na pangkolonya.

6. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Russia.

7. Pagnanais na magbigay ng kalayaan sa bansang Belgium.

8. Kagustuhan na maibalik ang Alsace-lorraine sa bansang Pransya.

9. Kailangang magkaroon ng maayos na hangganan ang bansang Italya.

10.Kagustuhan na magkaroon ng determinasyon ang mga nakatira sa Austria–Hungary.

11.Bigyan ng pagkakataon na makapagsarili ang mga bansang Balkan.

12.Bigyan ng kalayaan ang bansang Turkey sa kamay ng mga mananakop.

13.Bigyan ng kalayaan ang bansang Poland.

14.Pagtatag ng Liga ng mga Bansa.

    Makalipas ang anim na buwan ay nilagdaan naman ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919 na opisyal na nagwakas ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sa kasunduang ito ay nakasaad ang mga sumusunod: pagbalik sa France ng Alsace at Lorraine, pagsuko ng Germany sa lahat ng kolonya nito sa Africa at Asia, pagbabawal sa Germany na bumili at lumikha ng mga armas pandigma, pagbabayad ng Germany sa Allies ng 33 bilyong dolyar sa loob ng 30 taon. Ipinataw ng Allies ang responsibilidad ng digmaan sa Germany at mga kaalyado nito.

Ang Liga ng mga Bansa

 Itinatag ito sa layuning maiwasan ang anomang alitan sa pagitan ng mga bansa na maaaring maging dahilan muli ng digmaan. Layunin din nitong ayusin sa mapayapang paraan ang di pagkakaunawaan ng mga kasaping bansa, mapalaganap ang pandaigdigang pagtutulungan, lumakas ang kooperasyon ng mga bansa lalo na sa usaping pangkalakalan. Hindi inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagsali ng kanilang bansa sa Liga. Nag-umpisa ang samahan na mayroong 42 lamang na bansang kasapi. Matapos ang ilan pang mga taon, umakyat ang bilang ng mga bansang kasapi nito sa 59. Ang Great Britain at France ang pangunahing bansang gumabay sa pagtatayo ng polisiya ng mga Liga ng mga Bansa. Ang Italy at Japan ang tumayong Konseho ng samahan. Ang mga ilan sa nagawa ng Liga ng mga Bansa ay ang pagpigil ng maliliit na digmaan sa pagitan ng Finland at Sweden noong 1920, Bulgaria at Greece noong 1925 at Colombia at Peru noong 1934. Namahala din ito sa rehabilitasyon ng mga sundalo pagkatapos ng digmaan. Nagsimula na itong manghina nang tumiwalag ang Japan dahil sa pananakop nito sa Manchuria na teritoryo ng China. Maging ang paglimita sa mga sandata ng mga bansa ay hindi sinunod ng ilang kasapi sa pangambang madali silang matatalo kung sakaling lusubin sila ng kalabang bansa.


TANDAAN!

 May apat na dahilan ang pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig: Militarismo, Nasyonalismo, Imperyalismo at Pagtatatag ng mga Alyansa. 

 Nagsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig noong Hulyo 27, 1914 hanggang Nobyembre 11, 1918.

 May dalawang alyansang nabuo mula sa pagkakampi kampihan ng mga bansa sa Europa. Ito ay ang Triple Entente at Triple Alliance.

 Ang mga bansa sa alyansang Triple Entente ay ang France, Britain, Russia. 

 Ang mga bansa sa alyansang Triple Alliance ay ang Germany, Austria-Hungary, Italy.

 Inggit, hinala at pangamba ay mga makapangyarihang emosyon na nangibabaw sa mga bansa sa Europa kaya humantong sa pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mga bansa nito. 

 Ang pangmadaliang dahilan ng pagsiklab ng digmaan ay ang pagsiklab ng labanan sa Balkan at ang pataksil na pagpatay kay Archduke Franz Ferdinand.

 Magkalabang pangkat sa digmaan ang Central Powers na binubuo ng Germany, Austria-Hungary, Bulgaria at Imperyong Ottoman at ang Allied Powers na kinabibilangan ng Great Britain, Russia at France.

 Napilitang lumagda sa Treaty of Versailles ang Germany na opisyal na pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig.  Ang pagkakabuo ng Liga ng mga Bansa ay naglalayon na isulong ang kapayapaan at pagtutulungan ng mga bansa.

 Ang epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang pagkamatay ng milyong katao sanhi ng gutom, sakit at paghihirap. Maraming imprastraktura at ari￾arian ang nasira na nagdulot ngpaghina ng lipunan at kabuhayan. 


GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan. Ikomento ang inyong sagot sa comment section. Isulat din ang inyong sagot sa inyong notebook.

1. Ano ang naging hudyat ng pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig?

2. Bakit di nagtagumpay ang Schliffen Plan ng Germany?

3. Bakit napilitan na makisangkot ang United States sa digmaan?

4. Ano-ano ang mga hakbang na isinagawa ng mga pinuno ng bansa upang wakasan ang Unang Digmaang Pandaigdig?

5. Sa iyong palagay, makatwiran ba ang di pagpapahintulot sa mga natalong bansa na maging kabahagi sa paglulunsad ng Peace Conference?

6. Ano-ano ang naging epekto ng Unang Digmaang Pandaigdig?


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9DsuzXbJgBG4AeTxXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZAMEc2VjA3BpdnM-?p=UNANG+DIGMAANG+PANDAIGDIG&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://www.twinkl.com/illustration/1914-alliances-colour-map-countries-europe-first-world-war-history-secondary-

https://www.twinkl.com/illustration/1914-alliances-colour-map-countries-europe-first-world-war-history-secondary-black-and-white



JOURNAL #1:

"ANG MGA GUSTO AT AYAW KONG MAALALA NOONG THIRD GRADING"


JOURNAL #2:

"ANG MGA NAGAWA KONG BAGAY NA NAGDULOT NG HINDI PAGKAKASUNDO O PAGKAKAINTINDIHAN NG IBA"


Sunday, May 9, 2021

AP8-Q3-WEEK8: IKALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO: PAG-USBONG NG NASYONALISMO

 AP8-Q3-WEEK8: IKALAWANG YUGTO NG KOLONYALISMO AT IMPERYALISMO: PAG-USBONG SA NASYONALISMO


MELC/Kasanayan

Nasusuri ang mga dahilan, pangyayari at epekto ng Ikalawang Yugto ng Kolonyalismo at Imperyalismo.

Naipahahayag ang pagpapahalaga sa pag-usbong ng Nasyonalismo sa Europa at sa iba’t ibang bahagi ng daigdig


BALIK-ARAL

    Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga pangyayari ukol sa buhay ni Napoleon Bonaparte, ang kanyang pag-usbong, pakikibaka, at pagbagsak. Kasama ring napag-usapan ang ilang labanan at ambag niya sa rebolusyong Pranses.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga dahilan, pangyayari, at epekto ng ikalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo. Kasama ring tatalakayin ang pag-usbong ng nasyonalismo sa daigdid.


PANIMULA

“Anong maiaambag mo?” Sadyang kakaiba ang pamamaraan ng pag-aaral sa kasalukuyan dahil sa suliranin sa pandemiyang Covid-19. Ngunit sa kabila nito, napakahalaga na maipagpatuloy ang pag-aaral at pagkatuto. Ito ay isang mabisang sandata para sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Narito ang mga simple ngunit kapaki-pakinabang na hakbang na maitutulong mo para sa iyong sarili, pamilya at bansa.

1. Maging masipag at matiyaga sa pag-aaral. Ugaliin ang masigasig na pagbabasa at pag-unawa sa mga aralin.

2. Maging matapat sa pagsagot sa iba’t ibang gawain. Hindi man maging madali na matutunan ang kabuuan ng aralin, ang mahalaga ay sinubukang gamitin ang buong makakaya nang may buong katapatan.

3. Maging disiplinado sa paggamit ng oras. Laging maglaan ng sapat na oras sa pag-aaral at unahin ito kaysa sa mga bagay na hindi lubusang kinakailangan.

4. “Huwag mahihiyang magtanong.” Para sa mga bahaging hindi mo maunawaan, maaaring magtanong sa guro o iyong magulang.


Ikalawang Yugto ng Imperyalismong Kanluranin

    Ang mas malawak na kaalaman ng mga Europeo sa paglalayag sa karagatan ay nagbunsod ng mas maraming lupain na kanilang nasasakop. Ang una nilang layunin na palaganapin ang Relihiyong Kristiyanismo at maghanap ng mga hilaw na sangkap ay higit pang nadagdagan ng mas mapagnasang mga hangarin para sa ikauunlad ng kanilang bansa. Mula sa mga unang nakilalang Spain at Portugal na naging tanyag sa mga paglalayag, naging kabilang din sa mga Kanluraning mananakop ang mga bansang Netherlands, France, Britain, Amerika at iba pa. Ang ikalawang yugto ng imperyalismo ay nagsimula bago ang ika-19 na siglo. 


Paghahanap ng mga Hilaw na sangkap

    Upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga bansa, ang mga Europeo ay naghanap ng mga hilaw na sangkap sa mga lupaing kanilang nasasakop. Ang likas na yaman ng mga teritoryong kanilang naaangkin ay ginagamit nila sa paglikha ng mga produktong kapaki-pakinabang at mabenta sa pakikipagkalakalan. Mas maraming hilaw na sangkap, mas maraming produktong malilikha, mas malaking kita para sa bansa.


Pagpapalakas ng puwersa

    Bukod sa mga hilaw na sangkap, napakahalaga para sa mga Europeo ang magkaroon ng karagdagang tao na magsisilbing lakas-paggawa (labor force) ng mga nililikha nilang produkto. Ang mga teritoryong kanilang naaangkin ay nagsisilbi ring bagsakan ng mga produktong kanilang ikinakalakal o ibinibenta. Gayundin, ang mga katutubo ng mga lupaing kanilang nasasakop ay nagagamit nila upang lumaban sa mga digmaan para sa kanilang sariling bansa.


Pagpapalaganap ng Relihiyong Kristiyanismo

    Napakataas ng pagtingin ng mga Kristiyanong Europeo sa kanilang relihiyon na kung saan ay mababa naman ang turing ng ilan sa kanila sa mga katutubong may ibang paniniwala at maraming kinikilalang Diyos. Napakalaking ambag ng Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo ang paglaganap ng Kristiyanismo sa ibat ibang bahagi ng daigdig. Dahil dito, maraming mga kulturang Kristiyano ang naituro at naisabuhay rin ng mga katutubo sa mga lupaing nasasakop ng mga Europeo. Ang pagpapalaganap ng relihiyong Kristiyanismo ay dumaan sa maraming mabuti at masamang pamamaraan, nakapag-ambag ng maraming mabuti at masamang epekto sa ibat ibang aspeto ng kasaysayan at kultura sa ibat ibang lupain sa daigdig.




Mula sa mapa sa itaas, mahihinuha ang mga sumusunod :

- Pinakamaraming lupain, teritoryo o bansa sa Africa ang nasakop ng mga Kanluranin.

- Malaking bahagi ng Hilagang Asya ay naging teritoryo o nasa impluwensya noon ng Russia.

- Ang Pilipinas ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika noong Ikalawang Yugto ng Imperyalismo.

- Ang Turkey o Imperyong Ottaman ay ang pinakamakapangyarihan sa mga karatig￾bansa nito sa Kanlurang Asya.

- May pinakamaraming teritoryo na nasakop ang United Kingdom. Kabilang dito ang ilang mga bansa sa Timog Africa at Silangan Africa, Australia, India at Canada.

- Bagamat una sa naging makapangyarihan sa paglalayag sa karagatan ang Spain at Portugal, maliit na lamang ang naging teritoryong sakop nito noong Ikalawang Yugto ng Imperyalismo.

- Sa Ikalawang Yugto ng Imperiyalismo, maliit na bahagi na lamang ng kontinente ng Timog Amerika ang nasasakop ng mga Kanluranin.


Paglaganap ng relihiyong Kristiyanismo

    Ang Kristiyanismo ay ang pinakalaganap at maipluwensyahang relihiyon sa kasalukuyang panahon. Ang pananakop ng mga Kanluranin noong Panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo ay ang naging dahilan ng paglaganap ng Kristiyanismo sa ibat-ibang panig ng daigdig. Gayundin, ang mga kulturang kaakibat ng Kristiyanismo na itinuro ng mga Kanluranin, ay tinanggap ng maraming katutubo. Isang halimbawa dito ay ang Pilipinas na sinasabing pinakaKristiyanong bansa sa Asya.


Kalakalan ng mga Alipin

    Sa panahon ng Kolonyalismo at Imperyalismo naging malawak ang kalakalan ng mga alipin sa ibat ibang bahagi ng daigdig tulad sa kontinente ng Africa, Hilagang Amerika at Asya. Ang mababang pagtingin at hindi makatwirang pagtrato ng ilang mga Kanluranin sa ibang lahi ay nagdulot ng labis na paghihirap sa buhay ng mga katutubo. Pangkaraniwan ang pagkakahiwalay ng magkakapamilya, maraming pagkakataon na ang isang alipin ay ipinadadala sa Europa upang sapilitang magtrabaho o sa ibang mga sakop na bansa upang magsilbing mandirigma. Masasabing magpahanggang sa kasalukuyan ay bahagi ng kultura ng ibang lahi ang mababang pagtingin sa hindi kalahi, hindi katulad ng kulay ng balat, at hindi kasing-lebel ng antas sa lipunan.


Paghahalo ng mga Kultura

    Ang pananakop ng mga Kanluranin ay nagdulot ng mga pagbabago sa maraming paraan ng pamumuhay ng ibat ibang lupain sa daigdig. Bagamat hindi lahat ng kanilang nasakop ay yumakap sa relihiyong Kristiyanismo, may mga paniniwala, patakaran, aral, gawain at iba pa na iniwan ang mga Kanluranin sa buhay ng mga katutubo. Narito ang ilang halimbawa:

- Ang mga Ingles (British) ay pumigil sa suttee ng mga katutubo ng India, na kung saan ang babae ay kusang loob na sinusunog ang sarili sa tabi ng bangkay ng asawang lalaki.

- Mas napaunlad ng Belgium, France, Britain, Germany, Portugal at Italy ang pagmimina sa ibat ibang bahagi ng Africa. Gayundin ang pagpapastol ng hayop atpagtatanim ng ubas, citrus at iba pa.

- Ang banyagang wika ay naging bahagi na rin ng buhay ng mga katutubo tulad ngnapakalawak na impluwensiya ng wikang Ingles sa Pilipinas.

- Ang mga kapaki-pakinabang na kagamitang at teknolohiyang Kanluranin ay naisalin din sa mga katutubo. Nagpaunlad sa komunikasyon, industriya, agrikultura at pang￾araw-araw na pamumuhay.


Pagtatangi ng Lahi (Racism) at Diskriminasyon noon hanggang ngayon?




Rudyard Kipling

- Siya ay isang British na sumulat ng akdang White Man’s Burden na kung saan ay sinabi niyang tungkulin ng mga Kanluranin na turuan at tulungan ang ibang lahi na umunlad sa kanilang pamumuhay. 


“Mabuti ang layunin, ngunit mali ang pamamaraan.” Ito ay isa sa masasabing paglalarawan sa ginawang pananakop ng mga Kanluranin. Marami silang naging mabuting dulot sa mga katutubo ng lupaing kanilang sinakop ngunit bago ito ay libu-libong buhay ang naging kapalit. Kasabay ng mga pag-unlad na naiambag nila sa mga nasakop na teritoryo ay ang pagpatay o pagparusa sa mga hindi sumunod sa kanilang mga patakaran.



William McKinley

- Ika-25 Pangulo ng Amerika (1897-1901). Ipinahayag niya sa paniniwalang Amerikano naManifest Destiny, na binigyan ng Diyos ang Amerika ng karapatan upang magpalawak ng teritoryo at gabayan ang mga lupaing nasakop nito. Ang Pilipinas naging teritoryo ng Amerika noong mga taong 1899 hanggang 1946.

    Sa kasaysayan ay napakaraming mga kaganapan sa daigdig ang nagpatunay ng mataas na pagtingin ng tao sa kanyang kapwa. Hanggang sa kasalukuyan ay masasabing maraming tao ang nabulag sa kapangyarihan, katanyagan, kalakasan at kayamanan na nagdulot ng diskriminasyon, pang-aalipin at iba pang masaklap na bahagi ng buhay ng tao.


Kahulugan at Katuturan ng Nasyonalismo

    Ang Nasyonalismo ay may kahulugang isang damdamin ng pagiging tapat at mapagmahal sa bansa. Sa iba, pinapatunayan ng pagiging tapat at mapagmahal sa bansa ang pagsasakripisyo pati ng buhay para rito. Nagpapatunay ito na ang mga bansa ay may ibat-ibang pamamaraan kung paano ipinapadama ang pagiging makabayan. 


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Soviet Union 

    Ang Soviet Union o Russia ang pinakamalaking bansa sa daigdig. Isa itong malawak na lupain na sumasakop sa dalawang lupalop ng Asia at Europe. Halos doble ang laki nito sa Estados Unidos. Noong 988, ipinalaganap ni Vladimir I sa Russia ang Kristiyanismong Griyego (Orthodox) kaya tinawag siyang Vladimir the Saint. Ika-13 siglo, dumating ang mga Tartar o Mongol mula sa Asia at sinakop ang mga mamamayan ng Russia nang mahigit sa 200 taon. Pagkatapos ng pananakop na ito, ang Russia ay napailalim sa mga czar. Ang uri ng pamahalaan ng Russia sa panahong ito ay monarkiya na pinamumunuan ng isang hari na tinatawag na czar. Kontrolado ng mga maharlika at pulisya ang lahat ng industriya. Magsasakang nakatali sa lupa ang apat sa bawat limang Ruso, walang karapatan at laging nakabaon sa utang. Maging ang mga industriya ay nasa ilalim ng pamamahala ng czar. Dahil sa mga pang-aabuso ng czar at ng pamahalaan, pinasimulan ang October Revolution kung saan nagkaisa ang mga tao na pabagsakin ang pamahalaan at ag pamumuno ng czar. Nagapi ang czar at nagwakas ang aristokrasya sa bansa. Napalitan ito ng diktadurya ng Partido Komunista na pinamunuan ni Vladimir Lenin.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Timog Amerika 

    Ang bawat isa sa 20 bansa sa Latin America ay pinamayanihan ng makabansang damdamin. May ilang mga tao ang nagkakamaling tawaging bansa ang Latin America. Hindi ito nakapagtataka. Maraming mga Latin Americans ang nagsasalita ng Espanyol at Katoliko Romano ang pananampalataya. Nagkabuklod￾buklod sila sa kanilang pagkamuhi sa awtokrasyang Espanyol, katiwalian sa pamahalaan, walang kalayaang magpahayag ng mga batas na naghihigpit sa pangangalakal.


Simon Bolivar at Jose de San Martin 

    Si Simon Bolivar ang nagnais na palayain ang Timog Amerika laban sa mga mananakop. Siya ay si Simon Bolivar. Ang pagnanais na ito ay pagpapatuloy lamang sa mga nasimulan ni Francisco de Miranda, isang Venezuelan. Ang huli ay nag-alsa laban sa mga Espanyol noong 1811 ngunit hindi siya nagtagumpay na matamo ang kalayaan ng Venezuela mula sa Spain. Noong 1816, namatay na may sama ng loob si Miranda sa isang bartolina ng mga Espanyol. Matapos nito’y pinamunuan ni Bolivar ang kilusan para sa kalayaan sa hilagang bahagi ng Timog Amerika. Noong 1819, pagkatapos na mapalaya ang Venezuela, ginulat niya ang mga Espanyol nang magdaan sa Andes ang kaniyang hukbo. Ang tagumpay niya ay humantong sa pagtatatag ng Great Colombia (ang buong hilagang pampang ng South America). Tinawag siyang tagapagpalaya o liberator at pagkatapos, naging pangulo si Jose de San Martin (1778-1850) naman ang sumunod sa pagtataboy sa mga Espanyol sa Argentina. Katulad din ni Bolivar, namuno si San Martin sa kaniyang grupo sa Andes. Tumulong ito sa liberasyon ng Chile, gayundin sa Peru. Mayroon din siyang heneral na tulad ni Bernard o’Higgins, isang Chileno.


Pag-unlad ng Nasyonalismo sa Africa

    Hinangad at nagkaroon ng matagumpay na kolonisasyon ang mga bansang Europeo sa Africa. Pinaghati-hatian ang kontinente at binalangkas ang ekonomiya ayon sa kanilang sariling kapakanan. Nagtayo sila ng mga daang bakal at industriya upang mapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Bago nagsimula ang 1914, tatlo lamang ang malayang bansa sa Africa- Ethiopia, Liberia at Republika ng South Africa. Sinasabing nagsimula ang una sa pamamahala ni Reyna Sheba. Itinatag ang ikalawa noong 1810 sa tulong ng Estado Unidos habang naging kasapi ng Commonwealth of Nations ang ikatlo noong 1910.


PAGNINILAY

    Napakalawak ng mga naging epekto ng Kolonisasyon at Imperyalismo ng mga Kanluranin sa ibat ibang lupain sa daigdig. Masasabi nating ang mga epektong ito ay naging bahagi na ng pamumuhay, kasaysayan at kultura ng mga katutubo ng mga lupaing nasakop. Mga mabuti at masamang epekto na nagpabago sa maramingbahagi ng nakaraan at kasalukuyan. Mga epektong nagsilbing gabay ng tao sa patuloy na pakikipagsapalaran sa kinabukasan.


GAWAIN


PANUTO: Sagutiin ang mga sumusunod na katanungan at ikomento sa baba ang iyong sagot. Ilagay din sa notebook ang iyong sagot.

1. Ano-ano nga ba ang layunin ng mga Kanluranin sa pananakop?

2. Gaano kalawak ang naging pananakop ng mga Kanluranin sa daigdig?

3. Ano-ano nga ba ang naging epekto ng pananakop ng mga Kanluranin sa ibat ibang lupain sa daigdig?

4. Tulad ng pag-usbong ng nasyonalismo mula sa ikalawang yugto ng kolonyalismo at imperyalismo, paano mo naman ipapakita ang pagiging makabansa mo sa iyong lipunan?



REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.



JOURNAL #7:

"ANG PANANAKOP NG CHINA SA WPS: DAPAT BA TAYONG MAKIDIGMA SA KANILA O HINDI?"


JOURNAL #8:

"NGAYONG MAY KRISIS SA KALUSUGAN, PAANO KO MAIPAKIKITA ANG AKING PAGKAMAKABANSA O MAKABAYAN?"


Monday, May 3, 2021

AP8-Q3-WEEK7: NAPOLEON BONAPARTE

 AP8-Q3-WEEK7: NAPOLEON BONAPARTE

MELC/Kasanayan

Naipaliliwanag ang kaugnayan ng Rebolusyong Pangkaisipan sa Rebolusyong Amerikano at Pranses. Code: AP8PMD-IIIi-9


BALIK-ARAL

    Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang rebolusyong Pranses, mga dahilan o sanhi ng rebolusyon, at mga taong nanguna sa makamit ang kalayaan nito.

    Ngayon naman ay tatalakayin natin si Napoleon Bonaparte, napoleonic wars, at kontribusyon ni Napoleon sa kasaysayan ng France.




ANG PAGIGING POPULAR NI NAPOLEON

    Si Napoleon Bonaparte na nabuhay noong 1769 hanggang 1821 ay kilala rin sa pangalan na Napoleon I. Siya ay isang Pranses na lider ng militar at isa ring emperador na sumakop sa Europe noong ikalabing-siyam na siglo.

     Si Napoleon I ay isinilang sa Corsica at nagsanay bilang hukbo ng sandatahang lakas ng Pransiya sa ilalim ng Unang Republikang Pranses at isa sa mga matagumpay na pinuno ng hukbo na tumalo sa Una at Ikalawang mga Koalisyon laban sa pamahalaan ng Pransiya. Noong 1799, pinamunuan niya ang isang kudeta at iniluklok ang sarili bilang unang Konsul ng Pransiya; pagkalipas ng limang taon, bilang Emperador ng mga Pranses. Sa pagpasok ng mga unang dekada ng ikalabingsiyam na siglo, matagumpay niyang nilabanan ang mga makapangyarihang bansa sa Europa kasabay ng pagtatatag ng Imperyong Pranses. 


ANG NAPOLEONIC WARS

    Ang Napoleonic Wars ay isinunod sa pangalan ni Napoleon Bonaparte na naging pinuno ng France noong 1799 at nagtangkang ipakilala ang kanyang ideya ng pamahalaan sa buong Europa. Ang Napoleonic Wars ay hindi tuloy-tuloy na pakikipaglaban sa dahilang nagkaroon pa ng mga panahon ng kapayapaan sa pagitan ng mga labanan. Ang digmaan ay nagwakas ng si Napoleon ay natalo sa digmaan sa Waterloo noong 1815. 





Dahilan ng Digmaang NAPOLEONIC 

    Ang digmaang Napoleonic ay nag-umpisa sa panahon ng Rebolusyong Pranses. Nagtagumpay ang mga rebolusyunaryo na mapaalis at mapahina ang kapangyarihan ng hari sa Pransiya at maitatag ang isang Republika. Dahil sa pangyayaring ito ay nagkaroon ng takot ang iba pang mga monarko sa napipintong paglaganap ng rebolusyon na posibleng magpabagsak sa kanilang pamumuno. 

    Noong 1792, nagpadala ang mga pinuno ng Austria at Prussia ng hukbong sandatahan upang lusubin ang France. Natalo sila ng mga rebolusyunaryong Pranses kaya sa pananaw nila, ang mabuting paraan upang madepensa ang rebolusyon ay ipalaganap ito sa mga bansa. Noong 1793 ay nagpasimulang lusubin ng mga rebolusyunaryong Pranses ang Netherlands. Upang mapigil ang paglakas ng France ay minabuti ng Britanya, Espanya, Portugal at Rusya na sumali sa digmaan. 


Pagkilala sa Kakayahan ni Napoleon 

    Sa mga ilang taon ng digmaan sa Europe ay nanatili ang lakas ng France sa pakikihamok sa kalupaan at ang mga British naman sa katubigan. Nagbago lang ang sitwasyon ng naging kilala ang kakayahan bilang pinunong heneral ni Napoleon Bonaparte. 

    Mapapansin sa mapa na lubhang napalawak ni Napoleon Bonaparte ang teritoryo ng France. Dahil ito sa kaniyang mga pagkapanalo sa mga serye ng pakikidigma laban sa ibat ibang bansa sa Europa. Ito ay upang isulong ang kaisipan na magwawakas sa pagiging absolute ng kapangyarihan ng monarkiya at palitan ang uri ng pamamahala sa pagiging republika. 

    Ang Napoleonic Wars ay naganap noong (1799-1815). Ito ay ang sigalot sa pagitan ng France sa pamumuno ni Napoleon Bonaparte at mga Allied Countries. Ito ay ang British, Unang Imperyo ng France, Spain, Imperyong Ottoman, Prussia, Russia, Poland, Rhine, Austria, Italy, Bavaria, Naples, Denmark-Norway, Saxony, Württemberg, Holland, Sicillies, Sardinia, Portugal, Wallachia, Nassau, Netherlands, Tuscany, Brunswick-Lüneburg, Moldavia, Etrunia, Sweden-Finland, Bourboun Spain, at Hungary.

    Ang tagumpay ng mga digmaang inilunsad ni Napoleon sa Europa ay dahil sa naipapanalo nito ang kanyang mga laban sa katubigan. Noong 1805 ay nasakop nya ang Hilagang Italya, Switzerland at Timog Germany.


NAPOLEONIC WARS 









PENINSULAR WAR (1808)

    Taong 1808 ay nagkaroon ng mga pag-aalsa laban sa pamamahala ng mga Pranses sa Espanya at Portugal. Nagpadala ng tulong na mga sundalo ang Britanya sa mga rebelde ngunit tinalo sila ng mga Pranses sa Espanya kaya minabuti ng mga British na magkonsentreyt na lang sa Portugal. Ang bahaging ito ng Napoleonic Wars ay naging kilala bilang Peninsular War sa dahilang ang Espanya at Portugal ay nasa bahagi ng Europa na Iberian Peninsula. 


Ang Pagkatalo ng France 

    Habang abala sa pakikipaglaban si Napoleon sa Russia ay sinamantala naman ng mga British ang Espanya at nanalo sila ng maraming beses sa pakikipaglaban.

    Noong 1813 ay nasakop ng mga British ang Timog France at ang pinagsanib na pwersa ng mga Ruso at Austrian ang sumakop naman sa Hilagang France. Napulbos ang hukbo ng mga Pranses sa digmaan sa Liepzig at unti-unting bumagsak ang imperyong itinayo ni Napoleon. 


Ang Pagtatapos ng mga Labanan 

    Taong 1813 nang talunin ng pinagsamang pwersa ng Britanya, Austria Prussia at Russia ang emperador na Pranses na si Napoleon Bonaparte. Ang imperyong binuo at itinatag ni Napoleon ay biglang bumagsak at siya ay sumuko sa kanyang nagbubunying kalaban. Si Louis XVIII, ang kapatid ni Louis XVI (ang haring pinapatay nang panahon ng Rebolusyong Pranses) ang naging hari ng France noong 1814 at si Napoleon ay ipinatapon sa isla ng Elba, malapit sa kanlurang baybayin ng Italya. 


Pagkamatay ni Napoleon Bonaparte 

    Nakatakas noong Pebrero 1815 si Napoleon sa Elba at nakabalik sa France. Nang ipahayag ang kanyang pagbabalik ay dali-dali siyang sinalubong ng dati niyang mga sundalo. Bumuo na muli siya ng isang hukbo at nagmartsa patungong Paris upang agawin ang trono sa haring si Louis XVIII. 

    Muling nagkaisa ang alyansang unang tumalo kay Bonaparte at naglunsad ng digmaan laban sa kaniya. Nangyari ang labanan sa Waterloo na matatagpuan sa Netherlands. ng natalo si Bonaparte. Hunyo 22 nang sumuko si Napoleon sa mga British. Natapos na rin ang kanyang ‘Isang Daang Araw’. Siya ay ipinatapon sa isla ng St. Helena. Ito ang lugar na kaniyang kinamatayan noong 1821 na batay sa mga bagong pagsusuri sa arsenic poisoning. 

    Si Haring Louis XVIII ang naluklok na emperador ng Pransiya pagkatapos na maipatapon si Napoleon sa St. Helena. 


TANDAAN!

 Si Napoleon Bonaparte ay magiting na heneral na nagpalawak ng imperyo ng France upang maipalaganap ang pagtatatag ng pamahalaang Republikano.

 Ang Napoleonic War ay serye ng mga labanan na pinangunahan ni Napoleon Bonaparte na naglalayong palawakin ang pagtatatag ng pamahalaang republika sa ibat ibang bansa sa Europe. 

 Ang rebolusyon ay tulad ng kahon ni Pandora na nang mabuksan ay nagpakawala ng mga kaisipang nakagigimbal at nakaiimpluwensya sa halos lahat ng sulok ng daigdig ayon kay John B. Harrison.



GAWAIN:

PANUTO: Sagutin ang mga sumusunod na taong at isulat o ikomento ang sagot sa comment section. Isulat din sa notebook ang inyong sagot.

1. Ano ang Napoleonic Wars?

2. Paano nagsimula at nagwakas ang Napoleonic Wars?

3. Anu-ano ang mga naging kontribusyon ni Napoleon Bonaparte sa France?

4. Paghambingin ang katauhan ni Napoleon Bonaparte at Alexander the Great.

5. Anu-ano ang mga bagay na nais mong gayahin mula sa katauhan ni Napoleon Bonaparte? Anu-ano naman ang hindi? Ipaliwanag.




JOURNAL #7:

"ANG PANANAKOP NG CHINA SA WPS: DAPAT BA TAYONG MAKIDIGMA SA KANILA O HINDI?"


JOURNAL #8:

"NGAYONG MAY KRISIS SA KALUSUGAN, PAANO KO MAIPAKIKITA ANG AKING PAGKAMAKABANSA O MAKABAYAN?"


REFERENCE

Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9ImbpKIxgvCQA4h1XNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=NAPOLEONIC+WAR&fr2=piv-web&fr=mcafee

https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr47a8eKoxgLV0ATO5XNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=PENINSULAR+WAR&fr2=piv-web&fr=mcafee