ARALING PANLIPUNAN 8- IKATLONG KWARTER
AP8- QRT3- WeeK 6
MELC/ KASANAYAN SA PAGKATUTO.
Naipaliliwanag ang kaugnayan ng Rebolusyong Pangkaisipan sa Rebolusyong Amerikano at Pranses Code: AP8PMD-IIIi-10
BALIK-ARAL
Sa nagdaang aralin, tinalakay ko ang mga dahilan, kaganapan, at sanhi ng pag-usbong ng rebolusyong Amerikano. Kasamang tinalakay ang mga prominenteng tao na nanguna upang makamit ng Amerika ang kanilang kalayaan mula sa Britain.
Ngayon naman ay tatalakayin natin ang mga pangyayaring nagtulak sa rebolusyong Pranses. Anu-ano kayang mga dahilan o sanhi bakit nagkaroon ng rebolusyong Pranses. Halina at tunghayan natin.
REBOLUSYONG PRANSES: ANG PAMUMUNO NG KARANIWANG URI
Simula ng taong 1789 ang France ay pinaghaharian ni Haring Louis XVI, isang Bourbon na ang pamumuno ay absolute. Ang absolutong hari ay itinuturing na makapangyarihang pinuno ng isang nasyon sapagkat ang kanilang ginagamit na basehan sa kanilang pamumuno ay Divine Right Theory. Ito ay ang paniniwala na ang kapangyarihan ng isang hari ay nagmula sa kanilang mga diyos para pamunuan ang bansa.
Ang lipunang France naman ay nahahati sa tatlong pangkat na tinatawag na Estado.
Unang Estado- ay binubuo ng mga obispo, pari, at ilan pang may katungkulan sa simbahan.
Ikalawang Estado- binubuo ng mga maharlikang Pranses.
Ikatlong Estado- ay binubuo ng nakakaraming bilang ng mga Pranses gaya ng mga magsasaka may-ari ng mga tindahan, mga utusan, guro, manananggol, doktor at mga manggagawa.
Pagdating noong 1780 ay kinakailangan ng pamahalaang France ng malaking halaga para itaguyod ang pangangailangan ng lipunan. Ang bumubuo ng una at ikalawang estado sa ilalim ng kautusan ng hari ay di ibinibilang sa mga nagbubuwis at ang ikatlong estado lamang ang nagbabayad.
Ang Pambansang Asembleya:
Upang mabigyang lunas ang kakulangan sa salapi na kailangan ng France nang panahong iyon ay minabuti ni Haring Louis na magdaos ng isang pagpupulong ng lahat ng kinatawan ng tatlong estado noong 1789 sa Versailles.
Hindi nabigyang lunas ang suliranin ukol sa pananalapi dahil hindi nagkasundo ang mga delegado sa paraan ng pagboto. Dati, nagpupulong nang hiwalay ang tatlong estado. Matapos nito’y saka pa lamang sila boboto. Bawat estado ay may isang boto. Karaniwan na magkatulad ang boto ng una at ikalawang estado laban sa ikatlong estado kaya naman laging talo ang huli.
Dahil dito humiling ang ikatlong estado na may malaking bilang kasama ang mga bourgeoisie na ang bawat delegado ng asemblea ay magkaroon ng tig iisang boto. Sapagkat humigit-kumulang kalahati ng 1200 delegado ay mula sa ikatlong estado Malaki ang kanilang pagkakataong maisakatuparan ang nais na mga reporma.
Idineklara ng ikatlong estado mula sa panukala ni Abbe Sieyes isang pari ang kanilang sarili bilang Pambansang Asembleya noong Hunyo 17, 1789 inimbitahan nila rito ang una at ikalawang estado.
Dahil na rin sa panunuyo ng ikalawang estado, itinuloy pa rin ni Haring Louis XVI ang magkahiwalay na pagpupulungan ng ikatlong estado kung kaya’t sila ay nagtungo sa tennis court ng palasyo.
Maraming mga pari at ilang noble ang sumama sa kanila at hiniling sa hari na bumuo ng isang konstitusyon at nanindigang hindi aalis hangga’t hindi naisakatuparan ang kanilang layunin.
Matapos ang isang linggo’y ibinigay na ng hari ang hiling ng ikatlong estado nang kanyang ipag-utos na sumama ang una at ikalawang estado sa pambansang asemblea.
Mga Salik ng Rebolusyong Pranses:
1. Kawalan ng katarungan ng rehimen.
2. Oposisyon ng mga intelektwal sa namamayaning kalagayan.
3. Walang hangganang kapangyarihan ng hari.
4. Personal na kahinaan nina Haring Louis XV at Haring Louis XVI bilang pinuno.
5. Krisis sa pananalapi na kinaharap ng pamahalaan.
Ang Pagbagsak ng Bastille:
Nagsimula ang kaguluhan sa Paris ng lumusob ang mga tao sa Bastille noong Hulyo 14, 1789, ang Bastille ay isang moog na ginawang bilangguang pulitikal. Dahil dito, ang Bastille ay simbolo ng kalupitan ng Lumang Rehimen. Nagapi ng taong bayan ang mga tagapagtanggol sa moog kaya’t napalaya ang mga bilanggo.
Hindi kumampi ang hari at kanyang mga tagapayo, bagkus ay kanilang inudyukan ang hari na ipahanda ang mga kawal sa pagkakataong maaaring maghimagsik ang Asembleya. Kumalat ang balita sa Paris na bubuwagin ng hari ang Asembleya.
Ang pagbagsak ng Bastille ay nagbigay-hudyat sa pagwasak ng Lumang Panahon sa France, at ang Hulyo 14 ay itinuturing na pambansang araw ng France.
Sinimulan ng pambansang asembleya ang mga reporma sa pamahalaan. Inalis ang natitira pang bagay na may kinalaman sa piyudalismo at pang-aalipin.
Winakasan ang kapangyarihan ng simbahan sa pagbubuwis. Sa takot ng mga hari at maharlika sa lumalaganap na kapangyarihan ng mga magsasaka, binitawan na nila ang kanilang mga karapatan. Sinamsam ng mga tao ang mga ari-arian at binawasan ang bilang ng pari.
Kalayaan, Pagkapantay-pantay, at Kapatiran:
Taong 1789 nang Constituent Assembly, ang bagong katawagan sa Asembleyang Nasyonal ay nakapagpalabas ng isang bagong saligang batas. Ang pambungad na pananalita ng saligang-batas ay tungkol sa Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao at Mamamayan. Binigyang diin nito ang lipunang Pranses ay kinakailangang nababatay sa mga ideya ng kalayaan, pagkapantay-pantay at kapatiran.
Makalipas ang dalawang taon, Setyembre 1791, ay lubusang napapayag si Louis XVI na pamahalaan na ang France sa pamamagitan ng bagong saligang-batas. Ang kapangyarihan ng mga nasa simbahan at ng mga maharlika ay nabawasan din at ang halalan para sa Asembleyang bubuo ng mga batas ay idinaos.
Ang Pagsiklab ng Rebolusyon:
Maraming mga monarko sa Europe ang labis na naapektuhan sa pagsiklab ng French Revolution. Natakot sila na ang ganoong uri ng rebolusyon ay lumaganap sa kanilang mga kaharian at pinangangasiwaan. Noong taong 1792 ay nagpadala ang Austria at Prussia ng mga sundalong tutulong upang talunin ang mga rebolusyong Pranses. Sa mahabang panahon ng pakikipaglaban ay tinalo ng mga rebolusyonaryo ang mga sundalong tumulong upang sila’y patigilin.
Ang rebolusyon ay lalong naging malakas at malaki sa pamamagitan ng pamumuno ng isang abogadong nagngangalang Georges Danton.
Pinagsusutpetsahan ng mga rebolusyonaryo na posibleng ang mga noble ng France ay bumubuo ng alyansa sa iba pang mga bansa sa Europa upang muling ibalik ang kapangyarihan ng hari at tapusin ang rebolusyong pinasimulan. Dahil dito ay hinuli nila ang hari at ng mga sumusuporta sa kanya at pinatay sa pamamagitan ng paggamit ng guillotine.
Tinawag ang pangyayaring ito sa France bilang September Massacres. Noong Enero 1793 ay napugutan naman ng ulo si haring Louis XVI. Sa taong ding yun ay sinunod naman si Reyna Marie Antoinette. Dahil sa mga sunod-sunod napangyayari ay idineklarang isang Republika ang France.
Ang Reign of Terror:
Marami sa mga bansa sa Europe kabilang na ang Great Britain ang sumama na sa digmaan laban sa France. Malaking bilang ng mga nakababatang kalalakihan ang pinuwersang sumama sa hukbong sandatahan upang idipensa ang bagong republika. Noong Abril 1794 ay binuo ng mga rebolusyonaryo ang isang pansamantalang pamahalaaan sa ilalim ng Committee of Public Safety. Ang pinakamabisa at aktibong miyembro rito ay ang isang manananggol na si Maximillien Robespierre, isang masidhing republikano. Isa sa naging pangunahin niyang gawain upang maipagpatuloy ang rebolusyon ay ang pagpapadala ng maraming mga sundalo na uubos sa mga kaaway ng Republika. Ang mga kaaway na ito ay pawang pinatay sa pamamagitan ng guillotine at tinawag ang panahong ito bilang Reign of Terror.Umabot sa 17,000 katao ang pinatay sa pagitan ng 1793 hanggang 1794 at may 20,000 naman ang mga namatay sa kulungan.
Ang France sa Ilalim ng Directory:
Taong 1794 nang humina ang kapangyarihan ng mga rebolusyonaryo at nakuha ng mga moderates ang pamamahala. Kabilang sa mga pinunong extremistsng Rebolusyon gaya nina Danton at Robespierre ay pinatay rin sa pamamagitan ng guillotine. Napagwagian naman ng France ang kaniyang pakikipagdigma sa mga bansang Europe kaya ang mga ito ay lumagda ng kasunduan sa kaniya maliban sa Britain. Taong 1795 nang ang Republika ng Pransiya ay gumamit ng bagong saligangbatas na ang layunin ay magtatag ng isang direktoryo na pinamumunuan ng limang tao na taon-taon ay ihahalal. Ngunit ang pamahalaang ito’y di nagtagumpay. Ito’y sa dahilang ang pamahalaan ay naubusan ng pera. Samantala, iba-ibang pangkating pampolitika ang nagnais na hawakan ang pamamahala at maraming tao ang nais na bumalik sa monarkiya.
TANDAAN!
Absolute monarchy- isang uri ng pamamahala na kung saan ang monarko ay may ganap na kapangyarihan sa sambayanan. Nagtataglay ng walang limitasyong kapangyarihang politikal.
Guillotine- Ang pagpatay sa mga bilanggo sa pamamagitan ng isang gamit sa pagputol ng ulo.
Maximillien Robespierre- isang aktibong miyembro na isang manananggol at namatay din sa pamamagitan ng Guillotine.
GAWAIN
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan at ilagay sa iyong notebook ang sagot. Ikomento rin sa ibaba ang iyong sagot.
1. Anu-ano ang mga salik ng rebolusyong Pranses?
2. Bakit kinatatakutan ng mga maharlika ang French Revolution?
3. Ano ang September Massacre? Sino ang naging biktima rito?
4. Ano ang Absolute Monarchy, Guillotine, Reign of terror, Maximillien Robespierre, Asembleya, bastille, at republika?
5. May pagkakahawig ba ang tatlong pangkat ng Estado ng France sa Tatlong sangay ng pamahalaan natin? Ipaliwanag ang sagot.
REFERENCE:
Kasaysayan ng Daigidg. Modyul ng Mag-aaral. Unang Edisyon 2014. Department of Education. Vibal Group, Inc. Philippines.
https://images.search.yahoo.com/search/images;_ylt=Awr9IlEXh4Vg3O4A4_lXNyoA;_ylu=Y29sbwNncTEEcG9zAzEEdnRpZANERkQ2XzEEc2VjA3BpdnM-?p=rebolusyong+pranses&fr2=piv-web&fr=mcafee
JOURNAL #5:
"ANG MAGANDA AT HINDI MAGANDANG DULOT NG MGA AMERIKANO SA ATING BANSA PARA SA AKIN"
JOURNAL #6:
"ANG MGA PAMAMARAAN AT HAKBANGIN KO UPANG HINDI TULUYANG MASAKOP NG COVID 19 ANG AKING BANSA"