Tuesday, June 19, 2018

"KAIBIGANG NAGDUDUNUNG-DUNUNGAN"

Ni Sir Franz Senido

Wala kang b*yag at paninindigan
Ang maging alipin ay kinahihiligan
Habang nilalaban namin ang lahat ng karapatan
Ikaw itong T*nga at nagbubulag-bulagan

Gumising ka aking kaibigan
Hindi dapat posisyon ang iyong inaasam-asam
Sapagkat kung tunay kang magaling sa iba't ibang larangan
Hindi mo kailangan magpabida sa amo mong gahaman

Patawarin ka nawa sa iyong kamangmangan
Dahil HINDI kami papayag na prinsipyo ay matapakan
Lalo na kung tungkulin namin ay maayos na ginagampanan
Sadyang hindi mo lang maunawaan aming pinaglalaban

Ikaw ba ay naniniwala? sahod mo ay sapat?
At itong L*ntik na mga buwaya sa'yo ay tapat.
Maaring sa bukas na pag-iisip, ikaw ay salat
Aba, mag-isip ka!!! bago mahuli ang lahat.

TDC-NCR, Nag-file ng Certification sa Labor Bureau


Naghain ng Petition for Certification Election ang Teachers’ Dignity Coalition - National Capital Region sa Department of Labor and Employment sa tanggapan nito sa Intramuros, Manila noong May 25, 2018. Ito’y upang hingin na magkaroon ng eleksyon sa pagitan ng TDC, ACT, at iba pang kwalipikadong grupo para maging unyon na tunay na magrerepresenta sa mga gurong rank and file academic personnel at umupo bilang negotiating agent sa DepEd-NCR para sa kapakanan pa rin ng mga guro ng NCR.

Pinangunahan ni TDC-NCR Chair Ildefonso Enguerra kasama sina TDC National Public Information Officer Ramon Miranda, TDC-Pasig Representative Ramer Tianela, at TDC-NCR Secretary Mike Rama ang pag-file ng Certification ng TDC.

Ang TDC, sa loob ng halos 12 taon, ay nanguna para sa adbokasyang ipanawagan ang pagpapataas ng sahod ng mga guro, kaagapay ng mga guro sa laban nito sa buhay, at maging sandigan sa mga problemang kinakaharap laban sa hindi wastong pakikitungo ng mga superior sa mahinahon, respetado, at diplomatikong pamamaraan upang maipanatili ang dignidad ng pagiging guro at modelo ng bayan.

Magkagayunman, kahit pa alam ng TDC ang makiisa para sa kapakanan ng mga guro, naipananatili naman nito ang pagiging malaya upang isulong ang maayos na kalagayan ng mga guro ng bansa partikular na sa NCR.

Union should be of the Teachers, by the Teachers, and for the Teachers.
#TeachersDignity
#TDC-NCR

Sunday, June 17, 2018

Friday, June 15, 2018

TDC, Sama-samang Nanalangin


Sama-samang dumalo sa Banal na Misa ang Teachers' Dignity Coalition ng National Capital Region sa Our Lady of Grace Parish sa 11th Avenue, Caloocan City noong June 3, 2018. Ito'y katatapos pa lamang ng National Seminar-Workshops ng Organisasyon na ginanap sa Baguio City.

Naging sentro ng panalangin ng TDC ang mapayapa at produktibong taon ng mga guro sa pagpasok ng panibagong taon sa kani-kanilang paaralan. Kinabukasan na kasi magsisimula ang School Year 2018-2019. Kasama rin sa panalangin ang gabay para sa mga laban ng TDC para sa kapakanan ng mga guro ng bansa. Kasama na rito ang matagal nang panawagan na Salary Increase, pagpapatupad ng Six Working Hours ng mga teaching personnel, pagkilala sa TDC-NCR bilang unyon ng mga guro sa National Capital Region, at iba pang problemang kinakaharap ng kaguruan sa kasalukuyan.

Bago pa man ang banal na pagdiriwang, na-interview muna ang TDC ng media para sa paghahanda nito sa nalalapit na balik-eskwela at mga panawagan nito para sa kapakanan ng mga guro sa bansa.

Umaasa ang grupo na maging gabay at kalugdan ng Maykapal ang mga hamon at laban ng TDC sa kasalukuyan at sa hinaharap.



TDC National Seminar-Workshops sa Baguio, Matagumpay



Matagumpay ang ginanap na National Seminar-Workshops on the Role of Teachers in DepEd Legal Process ng Teachers’ Dignity Coalition sa Teachers’ Camp, Baguio City noong June 1-3, 2018.

Halos Tatlongdaan deligado mula sa iba’t ibang dibisyon sa bansa ang dumalo sa pagtitipon na may temang “Kaalaman sa Prosesong Legal, Sandigan ng mga Guro at Paaralan.”

Pinangunahan ni TDC National Chairperson Benjo Basas ang pagtitipon. Naging pangunahing panauhing pandangal at nagbigay ng kaalaman sina DepEd USEC Atty. Tonisito M.C. Umali, Keynote Speaker, DepEd-QC Legal Officer Atty. Wade A. Latawan, The Common Administrative Cases in the Deparetment of Education, DepEd-NCR Legal Officer Atty. Ariz D. Cawilan, TDC Counsel Atty. Leland D. Lopez, The procedure on Criminal and Civil Cases and its Applicability to Public School Teachers, at si ENET Executive Director Addie T. Unsi, The DepEd Child Protection Policy and the Positive Discipline Approach.

Tinalakay din sa pagtitipon ang ilang isyu na dinaranas ng mga kaguruan ng bansa. Kabilang na rito ang Magna Carta Provisions para maging akma sa panahon, The Local School Board (LSB) and Special Education Fund (SEF), Election Service Reform Act (ESRA) na bahagi ang TDC para isulong at maging batas ito, at Salary of Public School Teachers (1989-2018) na dapat taasan upang mapunan ang pangangailangan nating mga guro.

Nakiisa rin sa programa ang SINAG-Sining ng Ating Guro habang ipinresenta naman ni TDC Secretary-General ang Organization Structure ng TDC. Sina Bb. Emmalyn B. Policarpio at G. Michael D. Rama ang naging Overall Facilitator ng gawain.

Sa huli, masaya at naging mabunga ang talong araw na pamamalagi sa seminar ng ating kaguruan na kanilang maiuuwi sa kani-kanilang paaralan.

Libreng Medical Check-Up ng Antipolo Teachers, Posibleng Ipatupad sa susunod na Taon


Nakipagdiyalogo ang Teachers' Dignity Coalition sa pangunguna ni TDC National Chair Benjo Basas kasama ang ilang leaders natin sa Antipolo kabilang na sina Franz Senido ng Bagong Nayon 2 National High School, Joel Caramat, at iba pa kay Antipolo Mayor Casimiro Ynares tungkol sa mga hinaing at mungkahi ng mga kaguruan ng Antipolo noong May 29, 2018. 

Inihain ni Mr. Senido ang libreng Annual Medical Check-Up ng kaguruan ng Antipolo, habang ang pagpapatapos ng mga proyekto sa imprastraktura gaya ng gusali sa Antipolo National High School at iba pang paaralan na kasalukuyang may ginagawang gusali upang masolusyunan ang lumalaking bilang ng mga estudyante ay inihain naman ni Mr. Caramat. Kasama rin sa idinulog ang City Honorarium ng mga guro lalo na iyong mga bago pa lamang sa serbisyo.

Mabilis naman ang tugon ng Alkalde sa mga mungkahi ng TDC. Ayon kay Mayor Ynares, paglalaanan ng pondo ang Annual Medical Check-Up ng mga guro ng Antipolo. Ibig sabihin nito'y libre na ang Laboratory Exams tulad na lamang ng X-RAY, Urinalysis, Blood Test, at ECG. Isasama umano ito sa Annual Improvement Plan o AIP ng Munisipyo ayon sa City Health Doctor.

Tungkol naman sa mga proyekto sa imprastraktura, ayon sa City Engineer, sisikapin nilang matapos agad ang proyekto sa San Luis National High School para naman makatulong sa lumalaking populasyon ng Bagong Nayon 2 National High School. Binigyan-linaw naman ng Alkalde ang City Honorarium ng mga guro lalo na iyong mga bago pa lamang sa serbisyo. Aniya, mayroong 70 Million annual budget na nakalaan para sa City Share para sa mga guro. Pinagkakasya lamang ang budget kaya napagdesisyunan ng mga opisyal ng Munisipyo na i-hold muna ang City Honorarium ng mga bago hangga't hindi pa nakakapagdagdag ng budget para sa kanila.

Ang mga magandang balita mula sa Alkalde ay posibleng maipatupad sa susunod na taon. Tinapos ang usapan sa masayang usapin at pasasalamat ng TDC sa makagurong tugon ng butihing Alkalde ng Antipolo.