Posibleng gumaan na ang kalooban ng mga guro ng Caloocan sa problema nito sa labis na pressure dahil sa kabi-kabilang obserbasyon ng mga PSDS o bisor pangkalawakan.
Ito'y matapos ang matagumpay na pakikipag-diyalogo ng Teachers' Dignity Coalition - Caloocan Chapter sa pangunguna ni Sir Jimboy Albiza, Chairman ng Caloocan, at iba pang kasapi ng TDC sa Pinuno ng Division of Caloocan na si Dr. Cecille Carandang, kasama ang ilang opisyal ng dibisyon na sina Dr. Meng Arevalo, PSDS, Dr. Aurelio Alfonso, Assistant Superintendent, at iba.
Sa naganap na diyalogo, inihayag ng TDC ang sentimyento nito ukol sa pressure na nararamdaman dahil sa labis na obserbasyon mula sa mga district supervisor ng Caloocan. Bagama't nagiging pabigat ang mga obserbasyon, hindi pa rin ito aalisin sapagkat malaki ang ambag nito para mapabuti ang pagtuturo ng mga guro. Magiging pokus na lamang umano sa obserbasyon ang tulong sa guro. Subalit maaari namang idulog o isumbong kay Dr. Carandang ang anumang kalabisan sa obserbasyon na magdudulot ng paghihirap sa mga guro.
Una nang nagpahayag ng iba't ibang saloobin ang ilang mga guro ng Caloocan dahil sa pahirap umano ito at kinakailangan pa nilang maghanda upang maging maganda ang feedback ng bisita. Dagdag din kasi itong pahirap sa kabila ng sandamukal na ginagawa ng mga guro sa kasalukuyan kabilang na ang iba't ibang paper works, problema sa classroom, problema sa mga estudyante, IPCRF, EHRIS, LIS, at iba pa.
Samantala, naidulog din ng TDC ang pagpapatupad ng 6-hour working time ng mga guro sa paaralan. Anila, hindi ito naipatutupad sa ilang paaralan sa lungsod. Kaya naman, handa ang tanggapan ng dibisyon sa anumang sumbong o reklamo hinggil sa pagmamalabis ng mga principal dito at malapatan ng kaukulang solusyon sakaling mapatunayan.
Ayon kay Sir Jimboy, Bagama't maliit na tagumpay lamang ito sa dami ng stress na inaabot ng mga guro, magandang simula na rin ito dahil ang mahalaga'y pinakikinggan tayo ng ating SDS. Dagdag niya, ang TDC ay hindi magsasawang makipag-usap sa ating mga superior hangga't mayroong problema.