Tandang tanda ko pa ng mamatay si Selina. Pati ang panahon ay nakikidalamhati sa kanya. Kahapon lamang ay maaliwalas ang kalangitan ngunit nang magsimula na ang marcha ng mga tao patungong sementeryo ay biglang pumatak na ang ulan. Palaisipan din sa mga tao kung nasaan na si Mena ang nag-iisa niyang kasama sa lumang mansyon at katulong ng pamilya Dominguez sa loob ng mahigit limampung taon.
Si Selina ay kabilang sa pinakamayamang angkan sa aming bayan. Sa katunayan sila ang may pinakamaganda at pinakamalaking bahay sa aming Barangay. Ito ay malaking mansyon na yari sa kahoy at semento na may 2nd floor at basement. May malawak itong sala at may tatlong malalaking silid sa itaas. Lahat ay halos mapapatingin sa angking laki at ganda ng bahay ang sinomang mapadaan doon.
Nag-iisang anak lang si Selina ng mahigpit at matapobreng si Raymundo Dominguez na isang kilalang abogado at haciendero sa bayan bagama't maagang namatay ang kanyang ina dahil sa sakit sa puso. Sila ang nagmamay-ari ng halos humigit kumulang sa dalampung ektaryang lupa sa aming baryo. Kabilang na dito ang sinasaka ng aking yumaong ama na kalahating ektarya.
Si Selina ay lumaking maganda at nakakapag-aral sa isang pinakasikat na pribadong paaralansa aming bayan. Isa ako sa madaming kalalakihan na nagkakagusto sa kanya, subalit dahil sa takot sa kanyang tatay ay di ko man lang nasabi ang lihim kong nararamdaman. Marami akong nakitang umakyat ng ligaw sa kanilang tahanan. May mga enhinyero, doctor at iba pa, pero sa higpit at pihikan ng kanyang ama ay ni minsan wala kaming nabalitaang naging kanyang kasintahan. “Balak yatang gawing matandang dalaga ng tatay niya itong si Selina, ang ganda ganda pa naman.” bulong bulongan ng mga usiserang kapitbahay.
Kasalukuyan noon na nasa ikatlong taon ng kursong abogasya si Selina ng biglaang mamatay ang kaniyang ama dahil sa stroke. Nagulat ang maraming tao sa inasal niya sa lamay ng kanyang ama. Ni hindi man siya nakaramdam ng lungkot o naiyak at hindi man lang nagsuot ng pangluksang damit. “Buhay pa ang aking Daddy, natutulog lang siya” aniya ni Selina sa mga taong nakikiramay sa kanya. Isa ako sa nakiramay roon at nakasaksi sa unti-unting pagbabago ng kaisipan niya. Naaawa ang mga tao sa kanya, sa ngayon ay ulilang lubos na siya kahit pa madami silang ariarian. “Kawawa naman si Selina, parang nababaliw na yata siya, baka di niya kayang tanggapin ang pagkamatay ng kanyang ama”, bulong bulungan ng mga tao.
Umabot na ng dalawang linggo pero ayaw pa ilibing ni Selina ang kanyang ama, kaya kumilos na aming kapitan at isinangguni sa Alkalde ang problema patungkol dito. Dahil sa bisa ng isang resolusyon galing munisipyo ay sapilitang inilibing ang ama nito. Nakayakap si Selina sa kabaong ng kanyang ama at sinasabing buhay pa siya at ipinipilit ang gustong huwag siyang ilibing, hanggang nawalan siya ng malay. Sinamantala naman ng mga tao na dalhin sa sementeryo ang labi ng kanyang ama upang doon ilagak.
Awang awa ako kay Selina ng panahong iyon, wala akong magawa kundi titigan siya habang inaalalayan ng kanilang katulong na si Mena. Dumudugo ang aking puso sa tuwing napapatingin ako sa kanilang bakuran at nakikita ko siyang tulala at namumutla dahil sa labis na lungkot. Kung may magagawa lang sana ako ng panahon na ‘yon para aliwin siya at sabihin sa kanyang mapalad pa nga siya kaysa sa akin dahil bata pa ako ay wala na akong mga magulang.
Lumipas ang maraming buwan at taon. Hindi na makitang lumalabas ng bahay si Selina. Minsan natatanaw siyang nasa kanilang hardin o di kaya’y nasa sala lang. Huminto na siya sa pag-aaral at umaasa na lang siya sa mga upang pera at palay sa kanilang bukid tuwing anihan na tanging si Mena lang ang tumatanggap ng mga ito. Si Mena din na lang ang madalas makitang namimili ng mga kailangan sa bahay at pag kinakausap naman ito ng mg tao ay pilit pa itong umiiwas at tikom ang bibig. Iniisip tuloy ng marami na talagang bumigay na ang utak ni Selina.
Isang araw, nabalitaan ko na kailangan nila ng hardinero. Dahil nag-iisa lang naman na ako sa buhay at hindi nakapag-aral kaya sinubukan kong pumasok sa kanila. Sa una’y tanging si Mena lang kumakausap sa akin hanggang sa lumabas si Selina. Nagulat ako ng una ko siyang nakita. Ibang iba na ang maganda’t matalinong si Selina na nakilala ko noon dahil mukhang hindi na siya nasisikatan ng araw, at napakahaba na rin ng kanyang mga buhok, may maduduming kuko at parang matagal ng hindi naligo.
Nagkapalagayan kami ng loob dahil sa maayos na pag-aalaga ko sa kanilang hardin. Kinakausap ko rin siya ng madalas at nakikinig ako sa mga out of this world niyang mga kwento. Pinapabayaan ko lang siyang magsalita dahil parang ngayon lang ulit may nakinig at umunawa sa kanya. Natutuwa naman ako dahil unti unting nagbabago si Selina. Minsan nga ay nakiusap siya sa akin na bumili ng lason sa daga dahil madami raw umaaligid na bubuwit sa kanyang kwarto. Tuwang tuwa siya ng kinabukasan ay madaming nakabulagtang daga sa loob at labas ng mansyon. Pinulot ko lahat ng mga ito at ibinaon sa likuran ng bahay.
Nagtataka ako ng minsang pinatawag Si Aira, isang baklang beautician, sa aming baryo. Pag alis ni Aira ay nagulat ako sa nakita ko. Nagpagupit pala si Selina at nagpa-pedicure at manicure. Paglabas niya sa bahay ay nakita ko siyang malinis at bumalik ang kanyang angking kagandahan. Hindi ko na nababanaag kay Selina ang sinasabi ng mga kabaryo ko na siya ay nasisiraan ng bait. Maganda siya at maayos naman makipagusap. Hindi ko maipagkakailang bumalik ang pagmamahal na dati ko ng naramdaman sa kanya. Hindi ko lang ito nasabi sa kanya dati dahil sa mahigpit at matapobre niyang ama, at isa pa sa dami ng manliligaw niya hindi niya pipiliin ang isang nakikisaka lang na katulad ko.
Naging mabilis ang pangyayari at naging magkasintahan kami ni Selina. Masaya ang bawat araw na magkasama kami. Madalas siyang magluto ng pagkain at kumakain kaming magkasama sa kanilang maluwag na kusina. Ang ngiti ni Selina ay nanumbalik. Sa wakas ay nayaya ko na rin siyang lumabas ng kanilang bahay at dumadalas kaming nakikitang lumalabas at inaangkas ko siya sa aking lumang motorsiklo. Niyaya ko siyang manood ng sine sa nag-iisang mall sa bayan lalo na noong ipalabas ang mga pelikula ni Dolphy at Panchito. Di pa rin maiwasan na makarinig kami ng mga side comment ng mga pakialamera at tsimosang mga kabaryo. Noon ay naawa sila kay Selina at ngayon naman na naging nobya ko siya mas lalo silang naawa sa kanya dahil sa dami daw ng manliligaw niya dati, sa katulad kong palaboy ang bagsak niya. Masakit para sa akin iyon. Mahal ko si Selina at kahit wala siyang pera at ari-arian mamahalin ko pa rin siya.
“Ayos ka tol ha, sabihin mo nga sa akin kwarta lang ang habol mo kay Selina no? E baliw na yun ba’t mo pa pinatos?” pambabastos na sabi ni Ato sa akin habang nag-iinuman kami minsang fiesta sa aming baryo. Nagpantig ang aking tenga at inumbagan ko siya ng sunod sunod na malalakas na suntok. Dumugo agad ang kanyang ilong at biglang nagkagulo sa loob ng plaza at pinilit akong inilabas ng mga tanod. Nagsisigaw pa din ako at dinuduro si Ato at pinagbantaang huwag na huwag siyang magpapakita sa akin at baka mapatay ko siya. Wala akong magawa noong gabing yun kundi bitbitin ang isang kwatro kantos, lagokin ito habang naglalakad hanggang nakatulog ako sa tabi ng simbahan.
Kinabukasan, umugong ang balitang malapit na daw kaming magpakasal ni Selina. Nakikita kasi ng mga tao ang suot-suot kong engagement ring na binigay ni Selina sa akin noong nakaraang linggo. Sa halip nga na ako ang magbigay sa kanya ng singsing ay ako naman ang binigyan. Ito ay mamahalin at nakalagay sa loob ang kanyang pangalan. Alam niya siguro na wala akong pambili dahil siya rin naman ang nagbibigay ng sweldo sa akin bilang hardinero at boy nila. Usap usapan din ang pagpapatahi ni Selina ng Trahe De Buda sa bayan. Namili din daw siya ng barong tagalog, sedang pantalon, camisa de chino, balat na sinturon at sapatos, medyas at suklay na may burdang R.L. na aking inesyal.
Pangarap ko talagang mangibang bansa. Bago pa man kami naging magkasintahan ni Selina ay mayroon na akong nakapending na application sa Saudi bilang construction worker. Nagulat ako nang minsang may dumating na sulat na nagsasabing tanggap ako. Nais ko sanang mangibang bansa ng dalawang taon upang patunayan kay Selina at sa mga kabaryo ko na kaya ko siyang buhayin sa pamamagitan ng sarili kong pera at di lang ako aasa sa kanya habambuhay. Dalamput walong taon pa lang naman ako noon at si Selina naman ay benti singko pa lang.
Ipinagtapat ko kay Selina ang balak kong pangingibang bansa. “ Ano pa ba ng kulang sa akin at iiwanan mo din pala ako? Sa tingin mo ba hindi tayo mabubuhay sa kung anong mayroon tayo ngayon? Bakit ba napaka-importante sa iyo ang sasabihin ng ibang tao?” Paiyak na bigkas ni Selina. “ Babalik din ako Selina, dalawang taon lang naman yun. Para sa atin din naman ito at isa pa bata pa ako nilalait na ako ng mga tao, wala akong mga magulang, namumulot lang ako ng mg kalakal at nakikitira lang kung kani-kanino. Ito na ang panahon na may mapapatunayan ako sa sarili ko at ibang tao.” Pagpapaliwanag ko kay Selina sabay yakap sa kanya. “Huwag mo muna akong kausapin.“ Sagot niya sa akin sabay piglas at takbo sa kanyang kwarto sa itaas habang sumisigaw ng malalakas na dinig na dinig sa labas ng kanilang bahay.
Ilang linggo din na di kami nag-usap ni Selina. Hindi ko rin siya nakikitang lumalabas ng bahay tanging si Mena lang ang nakikipagusap sa akin sa tuwing pumupunta ako sa kanila. Sinasabi niya madalas sa akin na ayaw daw akong kausapin si Selina. “Pakisabi na lang sa kanya sa Martes na ng madaling araw flight ko ha.” Sagot ko naman kay Mena. Napag-isip isip ko na mali yatang mangingibang bansa ako pero nananaig pa din sa akin na para sa ikabubuti din namin kaya ko gagawin ito. Alam ko mapapatawad din niya ako at magpapakasal kami pagkatapos ng dalawang taon pagbalik ko.
Nakaempake na lahat ng gamit ko at papeles sa malaki kong luggage nang hindi ko inaasahang isang araw bago ang aking flight papuntang Saudi ay pinuntahan ako ni Mena. Sinabihan niya ako na doon na daw ako magtanghalian sa kanila at hapunan dahil ipinaghanda ako ni Selina. Dalhin ko na din daw ang aking luggage kasi siya na daw ang maghahatid sa akin papuntang airpot mamayang madaling araw. Tuwang tuwa ako dahil alam ko nauunawaan na niya ako at pagkakataon ko din ito para makapagpaalam sa kanya ng maayos.
Dali dali akong nagbihis at hila hila ang aking luggage at pumunta sa mansyon nila Selina. Pinagbuksan ako ng gate ni Mena. Maayos ang buong bahay at malinis. Amoy na amoy ko pa ang nilulutong kalderetang kambing ni Selina kasi alam niya yun ang paborito ko. Namangha ako kasi wala namang nagbago kay Selina, hindi naman siya mukhang depressed maliban lang sa namumugto ang mata nito at halatang umiyak. “Kumusta ka na?” sabi ko sa kanya sabay yakap ng mahigpit at hinalikan ko siya sa labi. Bigla na lang siyang humagulgol ng iyak at hindi makapagsalita ng maayos. Para siyang batang paslit ng nanghihingi ng awa ng panahong iyon. “Ano pa hinihintay niyo kain na tayo tanghali na kaya.” Nagulat kami ng tawagin ni Mena. Nagkatinginan lang kami at sabay na pumunta sa mesa na punong puno ng pagkain.
Masayang masaya ang araw na yaon. Parang hindi ako aalis bukas. Parang ayaw ko na nga umalis. Masaya ako na kasama si Selina at alam ko na magiging malungkot siya ng sobra sa pag-alis ko tulad din ng naranasan niya ng biglang mamatay ang nanay at sunod naman ang kanyang ama na halos ikasira ng kanyang bait. Di pa naman ako patay at babalik naman ako. Pilit kong sinsabi sa sarili ko.
Sabay din kaming kumain ng hapunan at maaga kaming natulog na magkasama sa kanyang silid. Hindi ako makatulog nang gabing yun dahil binabantayan ko ang oras kailangan kasi alas onse ay aalis na kami ni Selina. Ang pagkakaalam ko kasi ay mayroon na siyang inupahang sasakyan na maghahatid sa akin sa airport. Alas dyes na ng tumayo ako at nagsuot ng damit. Alam niya na magbibihis na ako dahil malapit na ako umalis. “Teka lang at ipagtitimpla kita ng kape.” Sabi sa akin ni Selina. “Oo sige para magising ang diwa ko.” sagot ko sa kanya. Habang nabibihis ako ay pumunta siya sa kusina para kumuha kape. “Sige Hon inumin mo na tong kape.” Malambing na yaya sa akin ni Selina. Masarap ang kapeng ininum ko galing kay Selina pero sa dulo ay parang may natikman akong ibang lasa. Bigla na lang umikot ang paningin ko at animoy parang hindi ko kayang pigilan ang sobrang antok na nararamdaman ko.
Nagising ako, nagulat at naguluhan. Nagtanong ako sa aking sarili bakit nasa bahay na ako wala na ako sa mansyon nila Selina. Tinignan ko ang oras at alas onse pa lang at bigla akong tumakbo papunta sa bahay nila kahit madilim. Pilit kong kinakatok ang kanilang gate at sumisigaw pero hindi nila ako naririnig. Papasok sana ako sa loob ng bahay nila pero may tila malakas na kuryente pumipigil sa akin para hindi ako makapasok sa loob ng bahay nila. Pinilit ko pa ring pumasok pero sa sobrang lakas ng kuyente at tumilapon ako at nawalan ng malay.
Umaga na nang ako ay magising dahil sa dalawang kapitbahay na naguusap sa tabi ko sa kalsada na nakatulugan ko. “Kawawa naman itong si Selina Mare, balita ko iniwan na siya ni Rene at nagflight na siya kaninang madaling araw papuntang Saudi. Naku baka masiraan na naman ng ulo yan”. Narinig kong usapan nila. Sumagot ako at sinabi kong “Hindi andito lang ako di ako natuloy sa abroad.” Pero di nila ako naririnig. Nagtataka ako parang di rin nila ako nakikita. Ano ba ng nangyayari sa akin? Bakit ako nagkakaganito? tanong ko sa aking sarili. Biglang lumabas si Mena sa gate para mamalengke kaya nabuhayan ako ng loob. Nilapitan ko siya at kinausap pero di niya rin din ako naririnig at nakikita. Hindi ko na alam kung ano nangyayari sa akin. Sobrang naguguluhan! Sino ang pwede kong lapitan para magpaliwanag sa akin kung bakit ako nandito sa sitwasyong ito. Bakit andito lang ako sa sa tapat ng mansyon nila Selina at di makapasok sa loob?
Pagkalipas ng dalawang araw nagulat ang mga kapitbahay sa masangsang na amoy na kanilang naaamoy galing sa bahay nila Selina. Lalo pa itong nagiging mabaho pagkalipas ng ilang araw. Amoy na amoy ko din yun at nagtataka ako. Di ko naman nakikitang lumalabas si Selina at di naman ako makapasok sa loob ng bahay para malaman ko kung ano ang nasa loob ng bahay nila na sobrang mabaho. Baka mga daga lang yon sabi ko. Pero sumangguni pa rin ang aming Kapitan sa Alkalde. “Pwede ba nating kasuhan ang taong di naliligo at di naglilinis ng kanyang bakuran?” Tugon naman ng Opisyal sa reklamo ng mga kapitbahay. Dahil walang magawa ang mga kapitbahay kitang kita ko silang kumuha ng mga timba ng tubig at nagdikdik ng bulaklak ng ilang ilang at sampaguita. Nilagyan din nila ito ng madaming kalamansi at lihim na binubuhos sa bakuran nila tuwing gabi para maibsan ang masangsang na amoy nito.
Lumipas ang ilang buwan ay nawala na din ang amoy sa bahay. Si Mena naman ay labas masok pa rin sa mansyon upang mamili. Nagulat ako ng minsan nakita ko lumabas ng bahay si Selina at umupo sa kanilang hardin. Sumigaw ako ng malakas at nagmamakaawang buksan niya ang gate pero di niya ako naririnig. Humagulgol ako pero di naman niya ako makita at madinig. Nakikita din siya ng mga kapitbahay na nagdaraan na minsan tulala at naawa sila sa kanya. Araw araw ko siyang nakikita doon at wala akong magawa kundi titigan na lang ang aking mahal na si Selina. Sa loob ng apatnapung taon ay ganoon na lang ang ginagawa ko tinititigan siya sa labas ng mansyon hanggang sa pumuti na ang mga buhok nito at kulubot na ang kanyang balat. Matanda na din si Mena pero nakakapaglakad pa rin ng maayos. Halos nabubulok na din ang bahay napapalibutan pa ito ng mga sari saring damo at baging. Nawala na talaga ang angking ganda ng mansyong ito. Kung dati ay manghang manghang sila sa disenyo ng bahay subalit ngayon naman ay kung may iba lang daan ay di sila dadaan dito, dahil parang pinamamahayan ng mga multo. Nagtataka nga ang lahat kung bakit nakakatiis tumira ang matandang sina Selina at si Mena.
Nagulat ang lahat ng minsang ibalita ni Mena na patay na si Selina. Pinuntahan ito ng aming kapitan at nakita sa siya sa kanyang tumba tumba sa sala na walang buhay. Si Mena naman ay biglang nawalang parang bula ng maipamalita na patay na si Selina. Walang mag-aasikaso sa labi ni Selina kaya napilitan silang ilapit ito sa aming Alkalde. Nagbigay siya ng libreng kabaong at sinabing ilibing na din ito kinabukasan. Kahit sa libing ni Selina ay puro awa ang bukambibig ng mga nakipaglibing. Di ko man nasilayan ang kanyang labi kasi nakasara na ang kanyang kabaong noong ilabas na ito ng kanilang bahay. Pinuntahan ko na lang ito sa sementeryo sa kanyang puntod. Ako lang ang naiwan doon. Pinagmamasdan ko habang sinasara nila ang nitso. Pag-alis ng sepulturero ay umiyak ako at humingi ng tawad sa kanya. Hindi ako umalis hanggang bigla na lang umulan ng malakas at dumilim.
Ikasiyam na araw ng kamatayan ni Selina ng makita kong maraming tao ang nagkukumpulan na papasok sa bahay nila. Nais daw nilang makita ang loob ng bahay at alamin kung bakit minsan ay may masangsang na amoy dito. Sinubukan kung sumama. Nagulat ako na wala na ang kuryenteng pumipigil sa akin at malaya akong nakapasok sa loob ng mansion nila kasabay ng madaming tao. Pagpasok ko sa loob ay pumapasok din sa isip ko ang mga masasaya’t malulungkot na alala namin ni Selina. Sa sala kung saan binurol ng isang gabi si Selina ay maayos pa naman tanging mga tuyong bulalak at malaking tarpaulin na nakaimprenta ang kanyang mukha ang makikita. Umakyat ang lahat sa itaas na kwarto kung saan natulog kami noon ni Selina at pinahihinalang pinanggagalingan ng nakakasulasok na amoy dati.
Pagbukas ng pintuan ay kitang kita agad ang tila dekorasyon na pangkasal ng silid at halos puti lahat ng mga kurtina sa loob kahit pa sa ito ay inaagiw na dahil halatang di nililinisan. Nakita rin namin ang isang barong tagalog na nakasabit sa tabi ng isang damit pangkasal sa gilid. Nakatupi din ng maayos ang isang sedang pantalon, camisa de chino at nakaibabaw ang isang sinturon at suklay na R.L. ang inesyal. Nakita din namin ang isang makinis na pares ng sapatos. Nanlumo ako at parang matutunaw sa aming nakita ng mapatingin kami sa kama. May isang bangkay na nakahiga sa unan at mga buto na lamang ang natitira, pero maaninag mo ang kanyang posisyon na nakayakap ito. Sa tabi naman ng ulo nito ay may isang unang nakalubog na tila ba matagal ng hinihigaan at punong puno ng mahahaba at mapuputing mga buhok. “ Diyos ko po, patawarin mo po kami.” Sigaw ng isang kapitbahay na pumasok sa silid.
Nakita ko sa daliri ng bangkay ang singsing na binigay sa akin ni Selina at sa maliit na mesang nasa tabi ng higaan ang baso na pinagtimplahan ng kape. Bigla akong umiyak ng malakas at naawa sa aking sarili pagkat napagtanto kong apatnapung taon na palang akong patay. Biglang nagliwanag ang buo kong paligid at nakarinig ako ng tinig “Anak, halika ka na’’, at biglang unti unti akong pumapaitaas. Nang ako’y nasa alapaap na ay tanaw ko sa malayo ang isang matandang babaeng may puting buhok at hawak hawak sa magkabilang kamay ng dalawang demonyong may sungay at sumigaw ng malakas na “Rene, Patawarin mo ako!!!”