Wednesday, November 2, 2016

TDC, Tagumpay: 20Php Ibabalik sa mga Guro

Photo: Ms. Mineth Ignacio
Tagumpay ang Teachers' Dignity Coalition sa inilaban nitong argumento laban sa hindi makatarungang pagkaltas ng RPSU ng 20php mula sa mga guro ng National Capital Region para maging pondo ng ACT-NCR. ItoĆ½ matapos makipagdiyalogo kanina, November 2, 2016, ang ilang pinuno ng TDC at mga gurong apektado ng hindi makatarungang pagkaltas sa DepEd-NCR.

Kaharap sina NCR Regional Director Ponciano Menguito at iba pang opisyal ng DEPED-NCR, inilahad ng TDC at ilang mga guro ang hinaing nito laban sa biglaang pagkaltas sa kanila ngayong Oktubre.

Ayon kay TDC National Vice Chair Ramon Miranda, resulta ng naganap na diyalogo, ibabalik umano ang 20PHP na kinaltas sa October Payroll ng mga guro.

Masaya ring ibinalita ni TDC Caloocan Chair Jimboy Albiza na ititigil na ang hindi makatarungang pagkaltas. Nagsorry din umano ang Regional Director dahil sa mga pangyayari.

Photo: Ms. Marichu Gonzaga Nazareno
Nauna nang nagpasa ng pormal na sulat ang mga apektadong mga guro ng NCR. Anila, wala umanong abiso ang ACT-NCR sa pagkaltas sa kanila. Hindi rin umano sila pumirma ng kahit anong membership form para maging kasapi ng grupong ito.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdagsa ng sulat sa DepED-NCR mula sa iba't ibang dibisyon upang ipatigil ang maling gawaing ito. 

Isa na naman itong tagumpay para sa mga guro na ipinaglalaban at pinoprotektahan ng Teachers' Dignity Coalition.


ANG PAGSINGIL SA ‘AGENCY FEE’ AY DAPAT NAAAYON SA UMIIRAL NA BATAS

ANG PAGSINGIL SA ‘AGENCY FEE’ AY DAPAT NAAAYON SA UMIIRAL NA BATAS
(Pahayag ng TDC-NCR hinggil sa biglaang pagkaltas ng DepEd-NCR ng P20.00 sa sahod ng mga guro)
Photo: Ms. Mineth Ignacio

Mabuti ang layunin ng Public Sector Unionism (o PSU sa ilalim ng EO 180), ng pag-uunyon at maging ng mga Collective Negotiation Agreement (CNA), pero may mga bagay na dapat ikunsidera bago maningil ng agency fee sa non-members ang anumang unyon. 

Sa ginawang imposisyon ng DepEd-NCR nitong Oktubre kung saan ay sinimulang kaltasan tayong lahat ng P20.00 para sa ACT-NCR Union ay may malinaw silang paglabag sa karapatan ng mga guro, non-teaching personnel at maging mga principals sa Metro Manila (ang dalawang huling nabanggit ay hindi naman kabilang sa unyon ng mga guro). Totoong nakakagulat sapagkat walang malinaw na abiso bago ito ginawa. 

Lilinawin natin na ang may pagkukulang dito ay ang DepEd-NCR at hindi natin inilalagay ang sisi sa ACT-NCR Union. Sapagkat ang DepEd-NCR partikular ang Regional Payroll Services Unit (RPSU) ang may kapangyarihan sa ginawang pagkaltas. Gayunman, noong Oktubre 26 ay naglabas ng paglilinaw ang ACT-NCR Union sa kanilang Facebook account na nagtatanggol sa umanoy legal na pagkaltas. 

Bagamat may mga limitasyon ang EO 180, kinikilala natin ang pangangailangan sa pag-uunyon. Isa itong mabisang sandata ng mga manggagawa at empleyado ng gobyerno upang ipagtanggol ang kanilang interes at kapakanan. Maging ang Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) ay kumikilala sa pagtataguyod ng mga samahan ng mga guro- mayroon tayong kalayaang sumapi sa anumang organisasyon o magtayo nito- sa antas lokal, panrehiyon o pambansa. Tungkulin din ng bawat isa sa atin, lalo na ng mga organisadong hanay ng mga guro ang magturo ng prinsipyo ng pag-oorganisa maging sa mga teknikalidad ng pag-uunyon. Iyan ang dahilan kung bakit ang TDC-NCR ay nagparehistro rin bilang isang unyon. 

Subalit bakit nagdulot ng pagkadismaya sa mga guro ang pagkaltas ng P20.00 maging sa mga hindi kasapi ng ACT-NCR? Batay sa mga praktikal na obserbasyon sa sentimyento ng mga guro, hindi naman masama ang magkaltas sa kanilang sahod basta ba ito ay malinaw na pinag-usapan, ipinaliwanag sa kanya o pinahintulutan niya. Dahil kahit pa sabihing maliit lang ang sahod ng guro, ang P20.00 ay walang halaga kung ang katumbas naman nito ay proteksiyon sa kanyang karapatan at kagalingan. 

Bakit mayroong malawakan at ispontanyong pagtutol? Diyan may malaking problemang dapat i-recognize ang unyon. Ibig sabihin hindi na-educate ang mga guro hinggil sa kabuuan ng pag-uunyon, ng CAN lalo na ang sinasabing agency fee na ito. Napakahalaga na nauunawaan ng mga guro ang pag-uunyon at ang kanyang mga obligasyon upang ipaglaban niya mismo ito. 

Nais naming ipauna na ang mga karapatan at ilang benepisyong tinatamasa ngayon ng mga guro sa pambansang antas ay bunga ng tuluy-tuloy at kolektibong pagkilos ng iba’t ibang organisasyon. Walang iisang organisasyon ang maaaring magsabi o mag-claim na ang mga ito ay dulot ng kanilang pagkilos lamang. Ang mga rally, dayalogo, forum, lobbying, pahayag sa mga telebisyon, radyo, diyaryo at iba’t iba pang porma ng mga pagkilos at pakikiisa ay ginampanan ng lahat ng organisasyon- ACT, ASSERT, TDC, PPSTA at maging ng mga koalisyon gaya ng Education Network Philippines (E-Net). Kahit sabihin pang walang koordinasyon sa isa’t isa ang mga aksiyong ito, mananatiling ambag sa mga tagumpay ng kilusang guro sa kabuuang ang bawat isang pagkilos. 

Sa paliwanag mismo ng ACT-NCR ay sinasabi nilang puwedeng singilin ang agency fee kung nakikinabang ang mga non-members sa bunga ng CNA, kung may incentive o benepisyong nakukuha sila mula dito. Sa kaso ng CNA ng ACT-NCR at DepEd-NCR ay hindi ito malinaw. Halos lahat ng mga nakasaad sa CNA na ito ay dati nang mga karapatan na ipinagkakaloob sa atin sa ilalim ng Magna Carta at iba pang batas. Ang mas masaklap pa, marami rito ay hindi pa rin naipatutupad kaya naman patuloy ang ating pakikipaglaban sa lansangan at iba pang larangan upang kilalanin ng DepEd ang ating mga karapatan sa ilalim ng Magna Carta. 
Narito at inilista nila ang nilalaman ng kasunduan nila sa DepEd-NCR na ayon sa kanila ay sapat nang dahilan upang maningil sila ng agency fee kahit sa mga hindi nila kasapi. Suriin natin kung ano sa mga ito ang napakikinabangan nating lahat para lahat tayo ay magbayad din ng agency fee, sa ayaw natin at sa gusto:

Ano ba nakakamit o benepisyo ng mga hindi miyembro ng ACT NCR Union kung bakit kailangang magbayad ng agency fee? 

Sagot: Dahil sa mahigpit na pagtangan sa prinsipyo na para sa guro ang iluluwal ng pakikidayalogo, makikita sa CNA na aprubado ng Deped NCR ay ang mga sumusunod:

a. Pagrecognize na dapat ang guro ay may disenteng sahod, security of tenure, career development at makataong lugar sa pagtuturo
b. Official time sa mga meetings ng Unyon
c. Pagkakaroon ng pasilidad at opisina ang union/faculty club
d. Libreng paggamit ng Deped halls and facilities
e. Libreng paggamit ng sasakyan ng Deped 
f. Pagkakaroon ng bulletin boards at water dispenser and supply 
g. Pagtitiyak na ang mga guro ay regular at timely promotion 
h. Pagtitiyak na ang class size at load ng mga guro ay makatao 
i. Pagkakaroon ng malinis at ligtas ng lugar ng tuturuan
j. Libreng dental examination at treatment 
k. Istriktong implementasyon ng mga leave priviledges
l. Pagkakaroon ng sports program at libreng sports facility/equipment
m. Pagkakaroon ng tribute at parangal sa mga retiring teachers
n. Pagtitiyak na magkaroon ng CNA incentive. 

(Mula sa FB Note na TANONG AT SAGOT HINGGIL SA AGENCY FEE NG ACT NCR UNION na inilabas noong  October 26, 2016, kung kalian tapos nang makaltas sa ating sahod ng P20.00 na agency fee)

Sabihin na nating ang mga ito ang tinutukoy nilang incentives o benefits, hindi pa rin uubra ang sapilitang kaltasan dahil ipinagbabawal ito ng Section 21 ng Magna Carta for Public School Teachers, ispesyal na batas na nilikha upang proteksiyunan ang karapatan nating mga guro. Ayon dito, 
“Sec. 21. Deductions Prohibited. No person shall make any deduction whatsoever from the salaries of teachers except under specific authority of law authorizing such deductions: Provided, however, That upon written authority executed by the teacher concerned, (1) lawful dues and fees owing to the Philippine Public School Teachers Association, and (2) premiums properly due on insurance policies, shall be considered deductible.”
Mas mataas ang Magna Carta dahil ito ay isang ispesyal na batas na nilikha mismo ng Kongreso, samantala, ang E0 180 ay isa lamang kautusang ng pangulo. 

Sa huli, nais nating ipaunawa sa ating mga kapatid na guro na ang organisasyon ay hindi nakikipaglaban para sa kapakanan at kabutihan ng mga guro upang ibaon tayo sa utang na loob sa bandang huli. Lalo na ang singilin tayo ng kabayaran dahil sa mga pakikipaglaban at tagumpay, kung mayroon man. Ang pagsuporta at pagtitiwala ng mga guro na umaabot hanggang sa pagtustos niya sa laban ng kanyang organisasyon o sektor ay kamulatang makakamit niyang likas batay sa pagkilala niya sa pangangailangan nito.

Ang pangyayaring ito sa NCR ay isang senyal na may pagkukulang ang mga organisasyon, kabilang na ang TDC sa pagpapaunawa sa kahalagahan at iba pang teknikalidad ng pag-uunyon. Pero maling-mali na sisihin ang masang guro na nagrereklamo hinggil dito, lalo ang tawagin silang bobo, makikitid, makasarili, hindi makaunawa at iba pa. Naniniwala kami na ang halagang P20.00 o higit pa ay malaya, kusang-loob at maligayang iaambag ng bawat guro sa kanyang organisasyon at sa kanyang laban kung lubos ang pagkakaunawa niya rito.

Hindi rin makatarungang isisi sa umanoĆ½ iilang organisasyon ang mga reklamo ng guro at pagbintangan silang ‘binabaluktot ang mga pangyayari dahil hindi sila ang nakaupo na sole and exclusive negotiating agent’ gaya nang ipinahihiwatig ng pahayag ng ACT-NCR. Ispontanyong nagpahayag ng pagkadismaya ang mga guro. Ibig sabihin, ito ay isang lehitimong usapin at lahat tayo, kasama na ang DepEd ay may obligasyong ito ay tugunan. 

Kaya ngayong araw na ito ay nakipagpulong na ang ilang pinuno ng TDC-NCR at ilang punungguro sa pamunuan ng DepEd-NCR. Nagpadala na rin ang ilang guro ng pormal na sulat upang ipahinto ang pagkaltas at ibalik ang nauna nang kinaltas. At kung sakali mang manindigan ang DepEd-NCR at maging ACT-NCR sa kawastuhan ng sinasabi nilang pagkaltas at sa bandang huli ay katigan sila ng batas, maluwag natin itong tatanggapin. Ang ayaw lamang naman natin ay ang ginugulat tayo at sinisingil nang hindi naaayon sa proseso at laban sa ating kalooban.

Hinahamon namin ang lahat ng sangkot sa pangyayaring ito na tugunan ang usapin sa isang maayos na pamamaraan at mga pahayag. Umamin tayo sa ating mga pagkukulang. 

-Teachers’ Dignity Coalition-National Capital Region (TDC-NCR)
November 2, 2016