Benjo Basas
Teachers Dignity Coalition
National Chairman
Kape tayo! Ngayon ang huli kong birthday bago mag-kuwarenta anyos. Mag-aapat na dekada na pala ako sa mundo. Habang nagkakape ako ay naisip kong balikan ang una kong dekada, ang 1979 hanggang 1990.
Dekada 80 ako unang nag-birthday, 1980 ang first birthday ko. Sa dekada ring ito unang nag-aral- kinder at elementary. Noong kinder, 5 years old ako, parang limang ulit lang ako inihatid ng Nanay ko sa Friendship School, medyo malayo sa amin, lakad lang. Sa elementary naman ay na-enjoy ko ang pagiging bata. Masaya sa school, maraming kaibigan, maraming matututunan. Uso pa ang corporal punishment, pag makulit ka, walang assignment, maingay sa klase o nakikipag-away- palo o pingot ka kay teacher. Wala pang Child Protection Policy ang DECS (wala pang DepEd eh), pag pinalo ka ni teacher at nalaman ng Nanay mo, magagalit ang Nanay, hindi kay teacher kundi sa iyo. Kaya palo ka uli pag-uwi mo. Masaya ang karanasan ko sa pag-aaral. Dahil sa pag-aaral natutunan ko rin ang ilang kalokohan- magmura, magsugal ng ending, digit at text pera-pera. Natuto rin ako makipagsuntukan. Pag nagkaasaran sa school, may usapan na pag-uwi ay suntukan sa likod ng simbahan. Salamat talaga Sta. Quiteria Elementary School!
Salat at kapos, ganun ang buhay, gayunman, masaya ang aking kabataan. Naranasan ko pa ang totoong laro- tumbang preso, luksong tinik, luksong baka, patintero, siyato, agawan base, teks, holen (plesing ang tawag sa laro ng holen kung saan may taya sa loob ng isang bilog na guhit, sa lupa ito nilalaro, hindi puwede sa damo o semento. Kung bakit plesing, ewan ko.) at tatsing (parang plesing pero laruan o pera ang taya). Nakaranas din akong maligo sa tibagan, manghuli ng talangka sa bukid, mamingwit ng palaka, umakyat at mamitas ng bayabas ng kapitbahay nang hindi nila alam. Lahat yan ay sa Sta. Quiteria nangyari, ang iba sa Ugong, Tullahan River lang kasi ang pagitan ng Caloocan at Valenzuela, tanawan lang rin at minsan sigawan makakakuwetuhan mo na ang nasa ibayo. Oo, ganun pa ang itsura ng Sta. Quiteria at Ugong noon, may mga bukid, may mga sapa at maraming kalabaw, semi-rural (hindi semi-feudal ha).
Batang-bata pa ako noong Dekada 80, ang alam ko lang magulo sa Pilipinas. Nakikita sa balita at naririnig sa usap-usapan ng matatanda. May senador na pinatay sa airport, tapos may mga protesta. Tapos may eleksiyon na ramdam ko ang tensiyon- Namfrel volunteers yata ang mga magulang ko noon. Tapos nangyari yung sa EDSA, walang pasok, matagal. Nung lumaon saka ko lamang naunawaan na ang bansa pala ay nasa ilalim ng diktadurya, walang demokrasya, may digmaan sa Mindanao at kanayunan at baon sa utang. Tahasan ang pandarambong at paglabag sa karapatan ng taumbayan. Bandang huli, nagpalit ng presidente at konstitusyon. Hindi naman natigil ang gulo, baon pa rin sa utang at laganap pa rin ang kahirapan.
Dekada 80 rin nung sumikat ang That’s Enteratinment ni Kuya Germs, dito nagsimula ang halos lahat ng malalaking artista ng ating henerasyon- Gino Padilla, Jaime Garchitorena, Lilet, Caselyn Francisco at Billy Joe Crawford. Pumunta rin dito at nag-concert ang Menudo, ang orig boy band na tinitilian ng mga teenager sa buong mundo na galing pa sa Puerto Rico. Nagsimula ang TV Patrol kasama ni Kabayang Noli sina Mel Tiangco, Angelique Lazo at Kiko Evangelista at may portion si Ernie Baron. Lalo pang sumikat ang ABS-CBN, sinuwerte sila sa Year of the Dragon, 1988 yun. Ang balita sa gabi ay puro English, walang Tagalog. Pati ang cartoons ay hindi naman dubbed sa Tagalog kadalasan. Sumikat din ang Bioman at Shaider at ibinalik ang Voltes V at Daimos. Ang Eat Bulaga ay nasa Channel 9 pa, pati ang John en Marsha nina Dolphy at Nida Blanca at Superstar ni Nora. Si Vilma naman ay nasa Channel 7 at si Sharon ay sa Channel 2, gayundin ang drama show ni Maricel. Namamayagpag din ang Channel 13 sa big time shows gaya ng Iskul Bukol, Ok ka Fairy ko, TODAS at Sic o’clock News, dito rin nagsimula ang show ni mega bago lumipat sa dos. Hindi rin uso ang network war at makikita mo sa iba’t ibang channel ang mga artista, maraming channel kang mapagpipilian, hindi gaya ngayon na halos dalawa lang.
Naglabasan na rin ang mga instant noodles- Maggi, Nissin’s at Payless (hindi yung tindahan ng sapatos sa Venice). May kapeng barako pa sa tindahan na mabibili ka. Ang babolgam natin ay Bazooka na palolobohin mo nang malaki. May maliit na comics ang Bazooka sa balot niya na mayroong jokes, English din. Star margarine ang paborito nating palaman, minsan inihahalo rin sa mainit na kanin at may star rice ka na, aasang tatangkad ka. Naaalala ko rin ang mga tsibog nung bata ako- tira-tira, itlog ng butiki, zeb-zeb, pompoms at yung tsitsiryang inilalagay sa diyaryo na ibibigay sa iyo ng mamang may dalang potpot kapalit ng bote mo. Ang bigas ay sa papel inilalagay, hindi sa plastic. Nagsimula nang sumikat ang Jollibee, pero mas sikat ang Cindy’s, Tropical Hut at Scott Burger, yung may estatwa ng batang may pasang hamburger (sikat talaga kasi ang tag line, sa Scott kayo’y laging sikat).
Wala pang flyover sa EDSA at hindi pa matrapik. LRT line 1 pa lang ang nagagamit at ang PNR ay tumatakbo hanggang Kabikulan, buhay pa rin ang istasyon sa Caloocan. North Diversion Road ang tawag sa NLEX at South Superhighway naman sa SLEX. Ang biyahe ng bus na Novaliches-Baclaran ay sa Quirino Highway at Balintawak ang daan. Kung magta-taxi ka, may option na aircon at non-aircon. Mayayaman lang ang may telepono at PLDT lang ang nagseserbisyo, ni sa hinagap ay walang nag-akalang magkakaroon ng celfone ang lahat ng tao.
Ganyan ako pinalaki ng Dekada 80. Simple. Masaya. Marami pang kuwentong babalikan sa dekadang ito, hindi lang ako, kundi lahat tayong naranasan pa ang totoong kapaligiran, bago sakupin ng Facebook ang ating buhay at dalhin tayo sa mundong virtual.#
No comments:
Post a Comment