Thursday, January 11, 2018

ABAD Computation is NO DIOK!


Hindi raw prayoridad ng gubyerno ang umento sa sahod ng mga guro sabi ni DBM Secretary Ben Diokno. Aba, kahit pa sinabi ni Pangulong Digong? Marunong pa si Diokno sa kanyang Boss. Sinabi na ng pangulo na pag-aralan ang pagbibigay ng umento, kaya yun ang dapat niyang gawin. Hindi naman sinabing ngayon na o bukas, maaring sa susunod na taon. Wag lang namang sabihing hindi priority.

Parang ansakit bes eh. Teacher tapos hindi priority. Eh sino o ano ang priority?
Sir Diokno, is it a joke? Pinaghintay niyo na kami. Sanay naman kaming maghintay eh, kasi nga teacher kami. Mahaba ang pasensiya namin, kasi nga teacher kami. Matiyaga kami, kasi nga teacher kami. Maunawain kami, kasi nga teacher kami. Higit sa lahat, mabait kaming mangusap, kasi nga, teacher kami.

Pero bakit naman po ganyan kayo, eh di ba teacher din kayo? Sana nauunawaan niyo kami. Alam niyo naman ang sakripisyo ng mga guro araw-araw. Maliban sa sarili at pamilya, marami pa kaming iniintindi. Pati pambili ng mga gamit sa pagtuturo galing sa aming bulsa. Pambili ng papel, cartolina, crayola, bond paper atbp. Pang-print ng materials. Pambayad sa computer shop o pre-paid pocket wifi.

Ipinangungutang namin ang hulugang laptop at printer. Minsan pati pangkain ng mga mag-aaral sagot pa ni teacher. Ganyan ang buhay namin araw-araw, kasi nga teacher kami.

Kaya po baon na rin kami sa utang. Daming gastusin, walang panggastos.

Ah tungkol naman po sa narinig ko sa radio, yung sinasabi niyong P26,000 na ang average monthly earnings namin, luh siya oh. Saan niyo naman po nakuha yan? Bakit naman bumaba pa sa estimate niyo nung isang taon? Eh kanyo sa interview ni Pia Hontiveros last year P27,000 na kami nung 2017? Bakit ngayon bumaba pa? Yan ang problema sa DBM computation, hindi kasi totoo at ginaya lang sa dating Secretary Butch Abad. Kaya nga po A BAD computation ang tawag namin diyan. Yung bang isinasama sa kuwenta lahat ng bonus at allowance sa buong taon tapos ang sum ay idi-divide sa 12 months. Ayun, P26K a month nga. Pero kung totoong monthly yan, dapat buwan-buwan kaming may PBB, PEI, Clothing at chalk allowance di ba?

Sir iginagalang namin kayo sa maraming dahilan, una mas matanda kayo sa marami sa amin,  tapos mataas ang puwesto niyo sa gobyerno, tapos mataas ang pinag-aralan niyo sa economics, tapos alter ego pa kayo ng pangulo. Most of all, teacher din po kayo, di Prof. Diokno?

Kaya sir, kaunting sensitivity naman sa mga kapwa mo teacher at government servants. Usap tayo. Mukhang kailangan niyong maintindihan kung saan nanggagaling ang hugot namin. Baka kasi kung saan-saan at kung kani-kanino kayo nakikinig. Dapat sa amin kayo makinig, sa mga teacher.

Huwag naman po sanang teacher na lang ang laging isasakripisyo. Teacher na lang ang laging maiiwan. Teacher na lang ang laging magtitiis. Teacher na lang ang laging maghihintay. Dahil ba kasi teacher kami?

Hindi dapat ganito ang buhay namin, kasi nga teacher kami. Dapat kasama kami sa priority, kasi nga teacher kami.

#buhayguro
#teachersdignity
#JokeNiDiokno
#SalaryIncrease
#P10kIncrease

No comments:

Post a Comment