By Teacher Bong Lopez
“Teacher Mercy, paano po kayo naghanda sa kumpetisyon ngayon?” Tanong ng Host at Actor na si Ryan Agoncillo ng pinakasikat na noon time show, ang EAT BULAGA sa kanilang Semi-Final Round ng Pinoy Henyo 2007 High School Edition. “Araw-araw po kaming nagpa-practice at china-challenge ko sila ng mga payo at salita para lalo sila ganahang maglaro”. Tugon ni Teacher Mercy… “Ano po ang gusto nyong sabihin sa mga bata bago natin umpisahan ang patimpalak?” Tanong ni Ryan. “Nico at Gian Carlo, kayo ay kayamanan ng ating eskuwelahan, ilang beses na ninyong binibigyan ng karangalan ang ating eskwelahan hanggang nakarating tayo dito sa Semi Final, alam kong kaya niyo ito, relax lang kayo and go! go! go! fight! fight! fight!” halos paiyak na wika ni Teacher Mercy habang nararamdaman niyang lumalakas na din ang tibok ng kanyang puso dahil sa nerbiyos.
Nang magsimula na ang laro ay halos manahimik ang buong studio at habang sumasagot ang mga bata ng mga tanong ay humihiyaw naman ang mga manonood. Halos di magkarinigan sa loob dahil sa hiyawan ng mga tao. Nang matapos na ang mga bata sa pagsagot ay nalaman nilang sila ang may pinakamaikling oras na nagamit. Napalundag si Mercy dahil alam nya na sila ang nanalo at itinaas ang kanyang kanang kamay at sumigaw ng malakas na “YES! YES! WOOAAH!” ‘Di siya makapaniwalang sila ang nagwagi at parang nakalutang sya sa alapaap habang patakbo siyang pumunta sa entablado upang samahan ang kanyang mga estudyante. "Congratulations! San Vicente High School. Babalik kayo sa Grand Finals na gaganapin sa May 23. You won a total amount of One hundred thousand pesos. Magbabalik ang EAT BULAGA” Masaya at masiglang anunsyo ni Ryan, sabay putol ng T.V. live broadcast para sa commercial break.
Masaya ang lahat dahil sa nakuha nilang premyo. Nakuha pang manlibre ng dalawang winners sa higit sa isang bus na akay akay nilang supporters, guro, at estudyante sa kanilang paaralan sa isang restaurant sa Kamuning upang kumain. Parang fiesta ang araw na ‘yon. Sulit ang pagod, kaba, at gutom ng bawat kasama. Si Mercy naman ay tuwang tuwa dahil nakatanggap sya ng sampung libong piso bilang coach. Ito ay kusang binibigay ng Eat Bulaga sa mga nananalo at di nanalong coaches.
Nang maghiwa-hiwalay ay dagliang umuwi si Mercy sa kanilang bahay upang puntahan ang kanyang apat na anak at asawang kapwa din niyang guro sa public school. Sa daan pa lang ay napakarami nang nagsasabi sa kanya na
“Congratulations Ma’am, balato po namin…” na gagantihan na lamang ng ngiti ni Mercy. Ang kanyang mga kapitbahay, kapwa guro, kabarangay, kakilala at higit sa lahat ang kanyang pamilya ay tuwang tuwa dahil sa napanood siya kanina sa T.V. sa Eat Bulaga na may pinakamataas na rating tuwing tanghali at may napakaraming televiewers nationwide.
Agad niyakap si Mercy ng apat niyang anak.. “Mama ang galing galing mo!,” sabi ng panganay.. “Ang ganda mo pala sa TV Ma,” ika ng nag-iisang lalaki niyang anak. “Very good! Nakabihis na pala kayo. O halina at nasa kotse na si Papa niyo kakain tayo ngayon sa labas.” Pag-aaya ni Mercy sa kanyang mga anak. “Yeehey!” Sabay sabay na sigawan ng apat na magkakapatid at kinarga ni Katkat, pangalawang anak ni Mercy, ang bunsong kapatid.
Narinig nila ang tunog ng lumang kotse ng tatay nila. Hirap na hirap ang tatay nila na magmani-obra ng sasakyan dahil makipot at matao ang squatter area na kanilang tinitirhan. Kailangan pang hawakan at tanggalin sa kulungan ang manok na panabong ng kapitbahay, para lang makadaan ang kotse nilang segunda mano. “Pa,’bat ayaw mong bumili ng tricycle?” tanong ni Pawpaw, ang panganay nilang anak. “Mas safe tayo dito Nak.” masayang sagot ni tatay dahil hindi niya masabi ang tunay na dahilan. Binili lamang niya ang kotse sa halagang Fifteen thousand pesos na halos apat na beses na mas mura kaysa sa maganda, bago, at branded na motor.
“Ma, mag gasolina tayo ha?” wika ni Teacher Manny kay Mercy. Halos said na din kasi ang lamang gas ng kotse at dahil sa old model na nga ito ay parang nagmumumog pa sa pagkunsumo ng gasolina pag ito’y gagamitin. Madalas ngang biruin si Manny ng kanyang prinsipal na ibenta na lang ang kotse sa VIVA FILMS, para pasabugin sa pelikula, o di kaya’y dalhin sa Manila Bay para pakapitan sa talangka, talaba, at tahong. Iniisip na lang ni Manny na mas okay na ‘yon kaysa tulad ng kanyang boss na may bago ngang kotseng Mitsubshi Mirage pero hinulugan naman ng mahigit twenty thousand pesos sa isang buwan sa loob ng limang ton. Nagtataka tuloy siya kung paano ito nahuhulugan ng kanyang prinsipal samantalang wala namang trabaho ang asawa nito. ’Di rin naman kataasan ang sweldo nya at may netong Four thousand three hundred pesos sa kanyang Payslip sa buwan ng Pebrero 2007. Nalaman nya ito nang minsang aksidente niyang makita sa ibabaw ng mesa ng prinsipal ang nasabing dokumento.
May RUSI na scooter namang ginagamit si Manny sa araw araw niyang pagpasok sa school para makatipid sa gas tutal mag-isa lang naman siya o di kaya’y pag sinusundo si Mercy. Ipinasalo lang ito nang hindi makabayad na kapitbahay sa buwanang hulog na One thousand six hundred pesos sa loob pa ng isa’t kalahating taon.
Malaking bagay na din na makatipid siya sa pamasahe o sa gasolina para sa pagkain nila araw-araw, baon ng nag-aaral nilang mga anak at bayad sa nagbabantay sa kanilang bunsong anak. Ginagamit na lang nya ang kanilang box type na kotse pag may pupuntahan silang pamilya tulad ng pagsisimba, pamamasyal sa circle, at kapag papunta sa Mindoro, sa mga magulang ni Mercy. Mabuti na lang at magaling ang mekaniko niyang si Rey, na kahit sisenta y tres na ay kaya pa ring magtrabaho at magkumpuni. Mas lalo pang ginagahan si Rey pag nakakainom ng tatlong boteng Redhorse na sinasabi niyang kanyang maintenance.
“Ma, saan tayo kakain?” Excited na tanong ng mga bata kay Mercy. “Sa Mang Inasal na lang anak tapos didiretso tayo sa Supermarket pagkatapos sa TOM’S WORLD.” Sagot ni Mercy “Yehey! Alam mo ba Mama habang nagsasalita ka kanina sa T.V. naghihiyawan ang mga kapitbahay natin sumisigaw sila sa amin… “Pawpaw, Kat Kat, Otoy, ang Mama niyo, nasa T.V. siya!” Di nga namin expect na mananalo kayo kasi magagaling din yong ibang schools. Mama sa Grand Finals sasama kami ha? Please..” Pagmamalaki’t pamamakaawang wika ni Otoy sa Nanay.
Pagdating sa restaurant ay agad silang pumila para umorder. Halos alas otso na ng gabi nang maihain ang kanilang pagkain. Sa sobrang gutom ay halos pabalik-balik ang waiter na mag-aabot ng extra rice. Si Mercy naman ay masayang pinagmamasdan ang kanyang asawa at mga anak na ganadong kumakain. Sa sandaling panahon ay nakalimutan niya na kahapon lang ay halos wala na palang gatas si baby at aabot na sa tatlong buwan ang kanilang bayarin sa renta at dalawang buwan naman sa tubig at kuryente. Kung pwede na nga lang mag-tap sila sa connection sa Meralco sa kanilang lugar, gagawin nila para walang monthly bills dahil halos lahat naman ay may jumper sa kanilang kalye. Iniisip pa din niya na mga guro sila at hindi naman magandang makita o malaman may ganoon silang gawain.
Naisip din niya ang dating humigit kumulang na Sampung libong pisong niloan nya sa PAG-IBIG Fund noong nakaraang buwan. Hindi pa mandin niya naibibili ng mga kailangan nila sa bahay nang masungkit pa ng magnanakaw ang kanyang bag, dahil nakalimutan nilang i-lock ang bintana sa kwarto. Ang masaklap pa ay nandoon sa wallet niya ang kanyang mga ID, ATM, at iba pang mahahalagang papeles. Wala siyang magawa noong panahong iyon kundi umiyak, dahil yon lang ang perang inaasahang niyang pambabayad din sa mga utang nya sa kaniyang co-teachers at ang matitira ay panggagatos sa pamilya. “Itong talent fee kong ito, siguro ang kapalit ng perang ninakaw sa akin.” Wika ni Mercy sa kanyang sarili, sabay huminga siya ng malalim at maluha luhang tinitigan ang mga kumakaing anak at asawa. Pilit niyang iniiwas ang kanyang mukha kung akmang tititigan sya ng kanyang asawa o mga anak para di nila mapansing napapaiyak na sya…
ITUTULOY………….
Sa mga maglilike po at magsheshare… abangan po ang susunod na Chapter in 2 weeks… Salamat sa support… Totoo ang kasabihang… Kapag nababasa mo ito, pasalamatan mo ang iyong guro…. See u again…
No comments:
Post a Comment