Wednesday, February 10, 2016

SI MAM NA NAHOSTAGE NG BIFF

Ang pagiging guro ay hindi isang biro at simpleng propesyon dahil kaakibat nito ang isang matinding pagtitiis at pagpapasensya sa araw-araw. Malamang hindi nararanasan ng iba lalo't hindi ito ang kanilang pasyon at pawang hanapbuhay lamang sa kanila pero karamihan sa mga guro lalo na sa pampublikong paaralan sa bansa ay hangad ang kabutihan ng iba kapalit ng sakripisyo hindi lamang ng kanilang katawan at kalusugan kundi minsan pati narin ng kanilang mga bulsa. Sinasabing "A teaching Profession is a Noblest Profession"- ibig sabihin, namumuhay ang mga guro ng may integridad hindi lamang sa mata ng tao kundi maging sa mata ng Diyos.

Maraming reklamo ang maririnig at mababasa mo sa mga guro sa araw-araw. Ito'y mapa-personalan man, telebisyon at higit ang trending sa social networking sites - ang facebook, twitter at iba pa. Karaniwan sa kanila ay nagrereklamo sa kakulangan ng sahod, umento sa sahod, kakulangan ng pasilidad ng paaralan, kakulangan ng guro, kakulangan ng pondo para sa proyekto, mapagsamantalang mga school head, promosyon at maraming iba pa. Wala na sigurong titindi pa sa sakripisyo ng isang guro kung mailalagay sa alanganin ang buhay nito.

Isang guro ang nakilala ko mula sa Mindanao (Midsayap sabi ng iba). Nakasalamuha ko siya matapos ang kanyang testimonya ukol sa sakripisyo ng guro sa lugar nila sa ginanap na National Convention ng Teachers' Dignity Coalition sa Baguio City. Aniya, ilan lamang silang kristiyanong guro doon dahil dominante ng mga muslim o Islam Community. Muslim rin daw ang ilang guro na kasama niya at isa ang paaralan nila sa pinakamalaki sa lugar. Ganunpaman, ayaw ng ibang mga guro na ma-assign sa lugar nila dahil sa tensyon sa pagitan ng mga militar at Ilang grupo ng mga muslim. Siya si Maám Ruby T. Hierro, Public School Teacher I sa Malingao Elementary School sa North Cotabato.

Sa kanyang testimonya, naranasan niyang ma-hostage ng BIFF sa lugar. Traumatic experience ika nga kapag naranasan mo iyon subalit iba ang kanyang naging pananaw sa nangyari. Maaalalang ilang balita mula sa telebisyon ang ipinarating sa publiko na ilang guro sa Mindanao ang binihag ng BIFF at ilan pa nga sa mga iyon ay kinitil ang buhay. Doon din sumama ang paningin ng publiko sa mga kapatid nating muslim. Lahat na ata ng panghuhusga ay ibinigay sa kanila subalit hindi malaman ang totoong istorya o motibo ng mga pangyayari. Ilang araw, linggo at mga buwan pa ay wala nang balitang ibinigay ang media ukol sa mga nabihag.

Sa kwento ni Ma'am Ruby, nakakatakot na itutok saýo ang naglalakihang baril at dalhin ka sa isang lugar na pinalilibutan ng mga armadong grupo. Pero nakakatuwang isiping ni hindi man lamang siya nadikitan ni isa man sa armadong grupong iyon kahit pa binihag sila. Mga muslim rin ang nagbibigay babala at proteksyon sa kanila kung sakaling may conflict of interest sa pagitan ng militar at BIFF. Aniya kasi, hindi isang beses nangyari ang insidente, yung unang maranasan nilang iyon ay hindi siya nakasama. Nasa labas lamang ng paaralan ang mga armadong grupo at hinintay silang lumabas para kunin at ilang oras o araw namaý ibinabalik ng walang galos o anumang sugat ni kahit pananamantala gaya ng mga napapabalita. Ang ikalawang beses namaý ang BIFF na pumasok sa kanilang paaralan para kunin sila. Hindi naman umano nagpabaya ang mga residenteng muslim doon dahil sila mismo ang nakipagnegosasyon sa armadong grupo. In short, hindi siya pinabayaan sa gitna ng pagbihag sa kanya.

Nakakatuwang hindi nasiraan ng loob si Maám Ruby habang nangyayari ang pagbihag sa kanya dahil aniya mataas umano ang respeto ng mga armadong grupo sa kanilang mga guro at magagalang din umano ang mga ito sa kanila. Hindi rin umano ito nananamantala kahit pa bihag sila. Kinuwento rin niyang ang sabi sa kanila ng mga armadong grupo "Sumama na kayo sa amin dahil hindi kayo ligtas dito." Hindi nga ligtas sa lugar na pinagkunan sa kanila dahil nagpapaputok ang mga militar at posibleng maipit sila sa labanan. May ilang lugar lamang umanong pinagdadalhan sa kanila para maiwas sa ingkwentro at pinapalaya din naman kapag maayos na ang kalagayan ng lugar.

Sa nangyaring pagbihag, natuwa siyang dumating si Department of Education Secretary Bro. Armin Luistro sa lugar nila. Aniya, sobrang nagalak ang kalihim sa ginawa ng mga residente doon dahil dito niya lang nakita kung paano pinroteksyunan ng mga residente ang mga guro ng bayan.

Pahabol ni Mam sa aming pag-uusap, walang katotohanang sinasaktan ang mga guro doon dahil malaki ang respeto at pagtingin sa kanila ng mga muslim. Tumutulong pa umano ang mga magulang ng kanilang mga mag-aaral para disiplinahin ito para matuto. Sa ganyang palagay, hindi niya nakikitang may dibisyon ang mga kristiyano at muslim sa Mindanao dahil hindi ito nagiging balakid para makamit nila ang mga minimithi nila para sa kanilang mga mag-aaral. Hindi rin namang magandang nalalagay sila sa alanganin lalo na ang kanilang mag-aaral sa labanan sa pagitan ng mga militar at mga muslim. Ganunpaman, sakaling mangyari muli ang ganitong engkwentro, hindi siya susuko sa kanyang pagtuturo at hindi rin niya nanaising lumipat ng ibang paaralan para makaiwas sa traumatic experience na ito dahil sa nakita niyang pagmamahal sa kanila ng mga kapatid nating muslim. Wala na rin sigurong makakapantay sa proteksyong ibinibigay sa kanilang mga guro ng mga mag-aaral at mga magulang nito.

No comments:

Post a Comment