Nakipagdiyalogo ang Teachers' Dignity Coalition sa pangunguna ni TDC National Chair Benjo Basas kasama ang ilang leaders natin sa Antipolo kabilang na sina Franz Senido ng Bagong Nayon 2 National High School, Joel Caramat, at iba pa kay Antipolo Mayor Casimiro Ynares tungkol sa mga hinaing at mungkahi ng mga kaguruan ng Antipolo noong May 29, 2018.
Inihain ni Mr. Senido ang libreng Annual Medical Check-Up ng kaguruan ng Antipolo, habang ang pagpapatapos ng mga proyekto sa imprastraktura gaya ng gusali sa Antipolo National High School at iba pang paaralan na kasalukuyang may ginagawang gusali upang masolusyunan ang lumalaking bilang ng mga estudyante ay inihain naman ni Mr. Caramat. Kasama rin sa idinulog ang City Honorarium ng mga guro lalo na iyong mga bago pa lamang sa serbisyo.
Mabilis naman ang tugon ng Alkalde sa mga mungkahi ng TDC. Ayon kay Mayor Ynares, paglalaanan ng pondo ang Annual Medical Check-Up ng mga guro ng Antipolo. Ibig sabihin nito'y libre na ang Laboratory Exams tulad na lamang ng X-RAY, Urinalysis, Blood Test, at ECG. Isasama umano ito sa Annual Improvement Plan o AIP ng Munisipyo ayon sa City Health Doctor.
Tungkol naman sa mga proyekto sa imprastraktura, ayon sa City Engineer, sisikapin nilang matapos agad ang proyekto sa San Luis National High School para naman makatulong sa lumalaking populasyon ng Bagong Nayon 2 National High School. Binigyan-linaw naman ng Alkalde ang City Honorarium ng mga guro lalo na iyong mga bago pa lamang sa serbisyo. Aniya, mayroong 70 Million annual budget na nakalaan para sa City Share para sa mga guro. Pinagkakasya lamang ang budget kaya napagdesisyunan ng mga opisyal ng Munisipyo na i-hold muna ang City Honorarium ng mga bago hangga't hindi pa nakakapagdagdag ng budget para sa kanila.
Ang mga magandang balita mula sa Alkalde ay posibleng maipatupad sa susunod na taon. Tinapos ang usapan sa masayang usapin at pasasalamat ng TDC sa makagurong tugon ng butihing Alkalde ng Antipolo.
No comments:
Post a Comment