Friday, May 27, 2016

Ating Guro / TDC, nag-vigil sa Comelec

Nagtipon at nag-vigil ang Ating Guro Partylist sa tapat ng Comelec mula Lunes hanggang Biyernes, May 23-27, 2016, upang siguruhin ang proklamasyon nito at maupo sa kongreso. Ito'y sa kabila ng ulan at lamig sa magdamag. Hiniling nito na ibigay ang nararapat sa kanila alinsunod sa unang inihayag na kasama ito sa makakatanggap ng isang seat matapos ang bilangan ng balota.

Sa pahayag na inilabas ng partido, sinabing nakausap nila ang Comelec Chairman Andres Bautista sa harap ng tanggapan noong Lunes, Mayo 23, 2016. Anila, inaasahan na rin umano ng Chairman na maiproklama sila base na rin sa program na inilabas ng ahensya. Ayon sa Opisyal, maigi na nag-file sila ng petisyon dahil talaga umanong papasok ang Ating Guro kahit pa mabigyan ng 2 seats ang COOP-NATCCO. Ganun din umano ang sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez noong sumilip ito sa tent na ginawa ng partido sa harap ng tanggapan. Ayon kay Jimenez, 90% na mananalo ang partido alinsunod pa rin sa document na inilabas ng ahensya bago pa man ang ganap na proklamasyon ng mga nanalo.

Inilarawan din ng partido ang pangyayari bago ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato at partido. 

"NARITO ANG ILANG PANGYAYARI NOONG MAYO 19 SA PICC KUNG SAAN GINAGANAP ANG CANVASSING PARA SA MGA SENADOR AT PARTYLIST:

-BANDANG ALAS DIYES NG UMAGA AY NAGLABAS NG PAPEL ANG COMELEC NA IPINAKIKITA ANG TALLY NG BOTO 1 SEAT ANG ATING GURO SA PAPEL NA ITO.
-BANDANG ALAS DOS NG HAPON AY PANSAMANTALANG ITINIGIL ANG SESYON UPANG PAGHANDAAN ANG GAGANAPING PROKLAMASYON NA NAKATAKDA NG ALAS TRES NG HAPON PARA SA LABINDALAWANG SENADOR AT ALAS SINGKO NG HAPON NAMAN ANG SA MGA PARTYLIST.
-NAKAKUHA TAYO NG KOPYA NG PROCLAMATION PROGRAM BANDANG ALAS TRES NG HAPON KUNG SAAN NAKALISTA ANG PANGALAN NG ATING PARTIDO SA MGA NAKATAKDANG IPROKLAMA AT SA ATIN IBIBIGAY ANG PINAKAHULING UPUAN
-BANDANG ALAS SINGKO NG HAPON NANG PAPASOK NA SA PICC ANG ATING MGA WATCHERS AY HINDI SILA PINAYAGAN AT HINDI BINIGYAN NG ID. NAKAKAGULAT SAPAGKAT BINIGYAN NG ID NA MAY TATAK NA PARTYIST ELECT ANG IBANG PARTIDO, KAHIT PA ANG MAS MABABA ANG BOTO KAYSA SA ATIN AT HINDI KABILANG SA MAGAGANAP NA PROKLAMASYON.
-NANG TINANONG NG ATING WATCHER KUNG BAKIT HINDI TAYO BINIBIGYAN NG ID, ANG SAGOT SA KANYA NG ISANG PERSONNEL AY, MAY ISYU PA SA INYO
-NAGSIMULA NA ANG PROKLAMASYON PASADO ALAS SAIS NG GABI SUBALIT HINDI PA RIN NAKAKAPASOK ANG ATING WATCHERS, KAYA ISA SA KANILA AY NAKAPAGTAAS NG BOSES SA ILANG MGA TAGA-COMELEC, DAHILAN KUNG BAKIT SIYA AY NA-HOLD NG SECURITY AT DINALA SA ISANG SULOK KAYA LALO TAYONG NAWALAN NG BANTAY SA LOOB.
-PASADO ALAS SIYETE NG GABI NG I-ANUNSYO NA DALAWANG UPUAN ANG IBIBIGAY SA COOP-NATCCO. SA PAGPAPATULOY NG PROKLAMASYON, SA AGBIAG IBINIGAY ANG HULING UPUAN. SA SUMA TUTAL, 46 NA PARTIDO LAMANG ANG NABIGYAN IMBES NA 47.
-NAGTANGKANG MAGPAHAYAG NG PAGTUTOL ANG ATING ABOGADO, SUBALIT NAGSABI ANG COMELEC NA ISULAT NA LAMANG ANG MGA APELA O MANIPESTASYON." 

Ito ang ikalawang pagsali ng partido sa halalan at pangalawa na ring pinagkaitan ng proklamasyon. Una nitong sabak noong 2013 na nakakuha ng mahigit 200 libong boto at nakalinya sa huling makatatanggap ng isang seat subalit ibinigay ito sa iba at nauwing talunan ang partido. Hindi naman hinayaan ito ng AGP, nagsampa ito ng position sa Comelec at hanggang sa kasalukuyan ay walang aksyon ang ahensya ukol dito. Ngayon nama'y nasa hulihang posisyon ang partido at muling naulit ang unang nangyari.. ibinigay na naman sa iba ang proklamasyon imbes na sa grupo kaya naman hiniling nito sa ahensya na iproklama ito base na rin sa unang naitala matapos ang kabuuan ng bilangan.

Hindi biro ang pinagdaanan ng partido matapos ang unang pagsabak nito sa pulitika at maging ang ikalawang pagsali. Pinagkaitan man ng isang pwesto, hindi naman ito natinag at pinagpatuloy nito ang pagtulong at paglaban sa mga maling sistema sa pamahalaan kasama narin ang pagtuturo sa mga kaguruan ng bansa sa tamang gawin kapag naka-engkwentro ng problema sa paaralang pinagsisilbihan.

Ang pagsama-sama nito ng limang araw sa harap ng tanggapan ng ahensya sa kabila ng malalakas na ulan at malamig na magdamag ay patunay lamang na tapat itong maglingkod sa mga guro, bata at sa bansa. Mahirapan man ito sa ngayon, mahalagay maipakita nitong seryoso ito sa posisyon at matatag na maibibigay ang tulong at serbisyo sa mga nararapat.
















No comments:

Post a Comment