PRAYORIDAD NG ATING GURO PARTYLIST ANG CLASSROOM TEACHERS KAYA TEACHER 1 NG PUBLIC SCHOOL ANG KANYANG FIRST NOMINEE!
TAGA-DEPED ANG DAPAT NA KINATAWAN NG MGA GURO
Naniniwala ang ATING GURO Partylist sa kakayanan ng mga Taga-DepEd. Alam rin ng partido na nakaparaming GURO mula DepEd ang kayang maging kinatawan ng ATING mga GURO sa Kongreso. Tiyak na magiging mas mahusay pa sila sa iba, sapagkat alam nila ang mga hinaing at damdamin ng ATING mga GURO. Batid nila ito hindi lamang dahil sa kanilang nabasa o narinig o naobserbahan- kundi ito ay kanilang araw-araw na karanasan.
Napakaraming partylist groups ang nais kumatawan sa ATING mga GURO at sektor ng edukasyon, ang ilan sa kanila ay nakaupo na nang ilang ulit sa Kongreso. Ngunit, wala ni isa sa mga grupong ito ang nagtiwala sa isang classroom teacher ng DepEd upang maging kanyang first nominee, maliban sa ATING GURO Partylist. Patunay lamang na ang mayorya sa mga kasapi ng partido ay mga guro ng DepEd.
ANG FIRST NOMINEE NG ATING GURO PARTYLIST
Bagamat pinakabata, pinakamababa ang posisyon at may pinakamaralitang kalagayan sa buhay, si Benjo Basas ang napili ng partido upang maging 1st nominee. Simple lamang, dahil sa lahat ng pinagpilian, siya lamang ang classroom teacher at lider ng isang samahan ng mga guro. Sa panuntunang pang-organisasyon kasi ng ATING GURO Partylist, classroom teacher o lider ng samahan ng mga guro ang dapat maging first nominee at ito ay non-negotiable. Bakit? Sapagkat ang 1st nominee ang laging may unang tsansa na makaupo sa Kongreso at kumatawan sa partido. Kaya, kung ang partido ay para sa mga guro o sektor ng edukasyon, dapat 1st nominee at hindi second o third lamang ang isang classroom teacher, ang isang taga-DepEd.
Si Benjo Basas na lisensiyadong guro at kinikilala sa buong DepEd system ay walang pagod sa pagtatanggol sa karapatan at kagalingan ng mga guro nang hindi isinusuko ang propesyunalismo at diplomasya. Lagi siyang makikita sa mga panayam sa media, kinikilala rin sa iba’t ibang ahensiya ng gbyerno at mga organisasyong pribado- bagamat hindi nakaupong kongresista. Patunay nito ang walang pagal niyang pagbisita sa mga paaralan sa iba’t ibang lalawigan sa bansa, may eleksiyon man o wala. Saksi tayong lahat diyan.
ANG IBA PANG MGA NOMINADO
Nitong nakalipas na mga araw ay naging target ng pag-atake at paninira ng ilang indibidwal o grupo ang ATING GURO. Ang atake at paninira ay nakasentro sa ating second nominee, si Joy Roble na isa umanong negosyante at trapo. Inilihim raw natin na si Joy Roble ay hindi guro kundi isang negosyante at dating mayor.
Nasa ating mga campaign materials ang pangalan at maiksing profile ng lahat ng ating mga nominado, ang ilan ay may larawan pa nila. Ang lima nating nominado ang pinili ng ating Central Committee (CC) upang katawanin ang partido sakaling tayo ay magtagumpay muli sa halalan. Narito sila at ang maiksing pagpapakilala:
1. Benjo Basas, public school teacher. Teacher 1, Step 1 from, Caloocan City; chairperson ng TDC, graduate ng Sta. Quiteria Elementary at Baesa High School sa Caloocan at proud alumnus ng Philippine Normal University (PNU).
2. Joy Roble, technical-vocational education and training (TVET) advocate. Produkto ng Abellana High School, pangunahing tech-voc school ng Cebu at founder ng Virginia Institute of Technology of Leyte.
3. Arsie Jallorina, retired principal at college instructor. Dating pangulo ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA), 36 taong nagturo sa P. Guevarra Elementary School sa Maynila at ngayon ay guro sa Philippine Maritime Institute (PMI) at isang proud Ilocano mula Sta. Cruz, Ilocos Sur.
4. Raquel Castillo, education policy expert. Beterana sa civil society movement, partikular sa education sector, naging executive director ng IBON Foundation at national coordinator ng Education Network-Philippines at naging regional coordinator din ng Asia South Pacific Association for Basic and Adult Education (ASPBAE), tubong QC at produkto ng Philippine Science High School at UP.
5. JR Dona, private school teacher. Kasalukuyang grade school teacher sa St. Scholastica’s College-Manila, nagsusulat siya ng mga teaching modules for history sa elementary at lumilikha ng mga ng mga progresibong awitin, siya rin ang Secretary-General ng partido at nagtapos sa Pangasinan State University (PSU).
Wala tayong itinatago. Batid ng lahat, lalo ng mga taga-Leyte at Cebu na si Joy Roble ay dating mayor ng Hilongos (one term at hindi two terms) at isa ring negosyante. Pero hindi na natin ito kailangang isulat pa sa ating pulyeto sapagkat wala naman itong direktang kinalaman sa edukasyon at ating adbokasiya. Si Joy Roble ay advocate ng technical-vocational education and training at ang kanyang paaralan sa maliit na bayan ng Hilongos ay nagsisilbi sa mahihirap na kabataan sa Leyte. Ito ang sentro ng kanyang adbokasiya na isa rin sa mga pangunahing agenda ng ATING GURO. Pansinin na bawat isa sa limang nominado ay may rehiyon o lalawigang pinanggalingan at may pangunahing pokus sa agenda, itoĆ½ dahil malawak ang saklaw ng ating partido.
PUBLIC SCHOOL TEACHERS ANG MAYORYA SA LIDERATO NG ATING GURO PARTYLIST
Taliwas sa paninira ng ilan, natitiyak nating hindi maaaring madominahan ng sinumang tao o grupo ang ATING GURO maliban sa mga guro mismo. Bahagi ng proseso ng organisasyon ang pagsunod sa anumang pasya ng nakararami at sa mga landasin at prinsipyong tinatahak ng partido. Kung sinuman sa mga nominado, kahit pa ang 1st nominee, ang lalabag dito, may kapangyarihan ang Central Committee ng ATING GURO na patawan siya ng parusa, kahit pa patalsikin sa partido o alisin bilang kinatawan sa Kongreso, kung sakali.
Patunay ang komposisyon ng ATING GURO Central Committee na ang partidong ito ay partidong pinatatakbo ng mga totoong guro. Sa tatlumpu at tatlong (33) kasapi ng ATING GURO Central Committee, siyam (9) lamang ang hindi nagmula sa DepEd- dalawa (2) sa kanila ay mula sa civil society, dalawa (2) ay kinatawan ng mga kabataan, dalawa (2) ay kinatawan ng PTA, isa (1) ay guro sa isang state university, isa (1) ay mula sa private school at ang natitirang isa (1) pa ay private lawyer na siya ring tumatayong legal counsel ng partido.
Samantala sa dalawamput-apat (24) na CC members mula DepEd, ay dalawa (2) ang retirees, tatlo (3) ang principal, isa (1) ang supervisor at ang natitirang iba pa (maliban sa 1st nominee na automatic resigned mula nung araw na nag-file sa Comelec) ay pawang mga aktibong classroom teacher ng DepEd- lisensiyado, may kasalukuyang teaching load at may contact time sa mga bata araw-araw at mas marami sa kanila ay Teacher 1.
ANG ATING GURO PARTYLIST AY HINDI LAMANG PARTIDO NG MGA GURO
Bagamat dominado ng mga classroom teachers, maliwanag mula pa noong itatag ang ATING GURO na ito ay hindi lamang partido ng mga guro- kundi ng lahat ng sangkot sa proseso ng edukasyon. Partido rin siya ng lahat ng nagnanais ng reporma sa edukasyon. Higit sa lahat, partido rin siya ng mga nagmamahal sa ATING mga GURO. Kaya nga ATING GURO ang kanyang pangalan.
Ito ang dahilan kung bakit sa ATING GURO Partylist, kabilang rin ang school administrators and officials, non-teaching personnel, private school sector, higher and technical education and training sector, education advocates at maging mga nasa ibang sektor- urban poor, youth, transportation, indigenous people, laborers, farmers, OFWs at senior citizens. Lahat sila na mula sa ibang sektor ay sumapi o sumusuporta sa ATING GURO Partylist dahil sa dalawang pangunahing dahilan- pagpapahalaga sa edukasyon at pagbibigay-pugay sa mga guro.
Lahat ng nagnanais pumasok sa partido ay maaaring tanggapin, basta tinatanggap rin niya ang panuntunang pang-organisasyon, mga paninindigan at batayang prinsipyo nito.
HINDI EKSKLUSIBO SA ISANG GRUPO ANG PAGLILINGKOD SA SEKTOR NG GURO AT EDUKASYON
Nakalulungkot isipin na bagamat may malaking hanay ng mga guro at mamamayan ang hindi pa organisado, ang ilang indibidwal at grupo ay mas pipiliing manira o umateka sa iba kaysa mag-organisa. Saan tayo pupulutin ng ganitong mentalidad? Ito ay malinaw na sektaryanismo at magdudulot lamang ng lalo pang pagkakahati-hati sa hanay ng mga organisadong grupo na nagnanais ng pagbabago sa sektor ng edukasyon at sa buong lipunan.
Habang ang mga kasapi at volunteers ng ATING GURO ay masigasig na nangangampanya sa mga paaralan at komunidad, kasabay na ipinaliliwanag ang mga usapin ng guro at edukasyon, abala naman ang iba na tayo ay bulabugin.
Habang kinikilala natin ang ambag ng lahat ng grupo, lalo na yaong mga nakaupo na sa Kongreso, ang ilan naman sa kanila ay mas gusto pang pigilan ang ating pagpasok sa Batasan. Ano naman kaya ang motibasyon nila sa ganito? Hindi ba at mas mabuti nga na mas marami ang mga nagsusulong ng mga batas para sa proteksiyon, karapatan, kagalingan at dignidad ng mga guro?
POSIBLE ANG PAGKAKAISA SA KABILA NG PAGKAKAIBA
Kung sakali mang mayroong dapat na ilantad na mga ‘’pekeng’’ party-list, dapat ay unahin yaong mga nagtatago sa magagandang pangalan subalit kung susuriin ay interes ng kani-kanilang pamilya o negosyo ang isinusulong. Ang mga ito ay dati nang nailantad, maging ng mainstream media at napatunayang walang malinaw na track record sa paglilingkod sa kanilang sektor.
Sila ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga ganitong atake sapagkat tahasan silang nanlilinlang sa taumbayan. Malayo ang mga ito sa karanasan at track record ng ATING GURO, na bagamat hindi naiproklama at hindi nakaupo sa Kongreso nitong 16th Congress, patuloy ang masigasig na pagsisikap upang maglingkod sa sektor ng edukasyon, lalo na sa mga guro. Mapatutunayan ito sa malakas na presence ng ATING GURO at TDC sa mass media at iba pang larangan, lalo na sa grassroots level sa DepEd. Saksi tayong lahat diyan.
Bilang panghuli, kinikilala natin ang ambag ng ACT Teachers Partylist at ni Kgg. Antonio L. Tinio, paulit-ulit nating sinasabi ito sa publiko man o pribado at itinuturing natin silang potensiyal na kaalyado sa loob ng Kongreso. Kung paanong itinuturing natin ang mga adbokasiya at laban ng iba’t ibang grupo sa labas ng Kongreso- ASSERT, ACT, PPSTA at iba pa na nakapag-aambag sa pagtatagumpay ng iisang layunin. Bagamat may magkakaibang pagbasa sa ilang mga usapin at sa pamamaraan, hindi matatawaran ang kahalagahan ng pagkilos ng bawat isa.
DAPAT IPANALO ANG MGA KANDIDATO AT PARTIDONG SUBOK NA AT CONSISTENT SA LABAN
Ito rin ang dahilan kung bakit nagpasya ang ATING GURO Central Committee na suportahan ang kandidatura ni Cong. Neri Colmenares sa Senado. Siya ay mula sa Makabayan Block, malapit sa ACT Teachers at ipinapalagay ng iba na makakaliwa, gayunman, wala tayong duda na siya ay sinserong ipaglalaban ang kapakanan ng karaniwang tao sa Senado, kagaya ng ipinakita niya sa Mababang Kapulungan. At yun ang mahalaga sa atin, ang magkaroon ng boses at kinatawan ang maliliit na tao sa parlamento.
Sa ganitong batayan, kami ay umaasa rin sa ibang mga partido na pansamantalang iwaksi ang pagkakaiba at ituon ang enerhiya at rekurso kung paano maipapanalo, hindi lamang ang mga kandidato at partidong tunay at consistent sa kanilang adbokasiya at laban, kundi maging ang mga estratehikong laban mismo.
Kagaya ng ating nakagawian sa nakalipas na sampung taon, sa Kongreso man o lansangan o kahit sa anong larangan, ang ATING GURO Partylist at Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ay patuloy na magiging masigla, malakas at lalaban ng may puso para sa Guro sa Bata at sa Bansa!
Maraming salamat po!
ATING GURO Partylist
Marso 3, 2016
*Hindi na sana namin gusto pang sagutin ang malisyosong post at comments ng ilan upang hindi sana maitampok ang pagkakahati-hati sa hanay ng mga organisadong guro sa bansa. Subalit, kailangan naming maglinaw para na rin maging patas sa amin, sa aming mga tagasuporta at maging sa mga nagsusuri at hindi lubos na nakakikilala sa amin.
No comments:
Post a Comment