IKALAWANG MARKAHAN – KOLONYALISMO, IMPERYALISMO, NASYONALISMO AT PAGKABANSA
PAMANTAYANG PANGNILALAMAN
Naipamamalas ang pag-unawa at pagpapahalaga sa hamon ng kolonyalismo at imperyalismo sa pagpapatatag ng nasyonalismo at pagkabansa
PAMANTAYAN SA PAGGANAP
Nakabubuo ng mungkahing solusyon sa mga napapanahong isyung may kaugnayan sa pagpapatatag ng nasyonalismo at pagkabansa
AP8-Q2-WEEK1: A. Mahahalagang Pangyayari sa Daigdig noong Ika-15 at Ika-16 Siglo
1. Pagsasara ng Constantinople
2. Renaissance
3. Repormasyon
4. Kontra-Repormasyon
NILALAMAN KASANAYANG PAMPAGKATUTO: Natatalakay ang mahahalagang pangyayari noong ika-15 at ika-16 siglo bago ang panahon ng paggalugad ng mga lupain
Mahahalagang Pangyayari sa Daigdig noong Ika-15 at Ika-16 Siglo
Pagbagsak ng Constantinople
Ang Constantinople ay isang makasaysayang lungsod na naging sentro ng kapangyarihan, relihiyon, at kultura sa loob ng maraming siglo.
- Itinatag noong 330 CE ni Emperador Constantine the Great sa dating lungsod ng Byzantium.
- Ipinangalan ito sa kanya bilang Constantinople, na nangangahulugang “Lungsod ni Constantine”.
- Naging kabisera ng Imperyong Romano, Silangang Imperyong Romano (Byzantine), Imperyong Latino, at Imperyong Ottoman.
- Matatagpuan sa pagitan ng Europa at Asya, sa may Bosporus Strait.
- Dahil sa lokasyon nito, naging mahalagang rutang pangkalakalan at military stronghold.
- Tahanan ng Hagia Sophia, isang obra maestra ng arkitekturang Byzantine.
- Kilala sa Theodosian Walls, mga pader na nagbigay proteksyon sa lungsod sa loob ng maraming siglo.
- Naging sentro ng Kristiyanismo at tahanan ng Patriarchate ng Constantinople.
Pagbagsak at Pagbabago
Ang pagbagsak ng Constantinople noong Mayo 29, 1453 ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling yugto ng Byzantine Empire at simula ng Ottoman Empire bilang isang makapangyarihang puwersa sa Europa at Asya.
Bumagsak sa kamay ng mga Turkong Muslim noong 1453, sa pamumuno ni Sultan Mehmed II, na nagtapos sa Byzantine Empire. Sa kabila ng matibay na Theodosian Walls, mahinang depensa ng Byzantine Empire ang isa sa pangunahing dahilan ng pagbagsak nito. Hindi rin kinaya ng kulang na sundalo at kulang na suporta mula sa Kanluran ang makabagong armas ng mga Ottoman kaya madali itong nagapi ng mga turkong muslim. Isa pang dahilan ng pagbagsak nito ang pagkakahiwalay ng mga Kristiyanong bansa sa Europa. Hindi ito nagkaisa upang tulungan ang Constantinople.
Noong 1930, opisyal na pinalitan ang pangalan ng lungsod bilang Istanbul, na siyang kilala natin ngayon.
Ang Constantinople ay hindi lang basta lungsod—ito ay simbolo ng pagbabago, pag-unlad, at pagsasanib ng mga kultura.
Mga Epekto ng Pagbagsak
- Pagwawakas ng Middle Ages: Itinuturing itong simbolikong pagtatapos ng Gitnang Panahon sa Europa.
- Pagkontrol ng Ottoman sa rutang pangkalakalan: Dahil dito, napilitan ang mga Europeo na maghanap ng bagong ruta patungong Silangan, na nagbunsod sa Age of Exploration.
- Paglaganap ng Islam sa rehiyon: Naging sentro ng Islam ang dating Kristiyanong lungsod, na kalaunan ay tinawag na Istanbul.
Ang Paglakas ng Europe
Nagmumula sa Europe ang pinakamayayamang mga bansa sa daigdig. Malaki ang bahaging ginampanan nila upang mapanatili ang katayuan ng Europe bilang isa sa pinakamaunlad na kontinente sa mundo.
Sa pag-unlad ng agrikultura bunga ng mga pagbabago sa kagamitan at pamamaraan sa pagtatanim umunlad ang produksyon sa Europe noong “Middle Ages”. Dahil dito lumaki ang populasyon at dumami ang pangangailangan ng mga mamamayanan na matutugunan naman ng maunlad na kalakalan ang mga lungsod-estado sa hilagang Italy ang nakinabang sa kalakalan. Noong ika-11 hanggang ika-12 na siglo umunlad ito bilang sentrong pangkalakalan at pananalapi sa Europe. Ilan sa mga lungsod-estado na umusbong ay ang Milan, Florence, Venice, Mantua, Ferrara, Padua, Bologna at Genoa. Ang yaman ng mga lungsod estado ay di nakasalalay sa lupa kundi sa kalakalan at industriya.
Ang mga pagbabago ng kamalayan mula sa Panahong Medieval ang nagpasimula sa pag-usbong ng makabagong daigdig. Ang mga pangyayari sa paglakas ng Europe, paglawak ng kapangyarihan nito at ang pagpakamulat sa mga bagong kaalaman at ideya ay nagdala ng transpormasyon sa Europe at bumago sa buong daigdig.
Bourgeoisie
ito ay tumutukoy sa mga mamamayan ng mga bayan sa Medieval France na binubuo ng mga artisan at mangangalakal. Ang mga artisan ay mga manggagagawang may kasanayan sa paggawa ng mga kagamitang maaaring may partikular na gamit o pandekorasyon lamang. Ang mga mangangalakal naman ang siyang nangangalakal ng produktong likha ng mga artisan.
Merkantilismo
Ang sentral ng teoryang ito ay ang doktrinang Bullionism.. ang tagumpay ng isang bansa ay masusukat sa dami ng mahahalagang metal sa loob ng hangganan nito. Ibig sabihin, kung mas maraming ginto at pilak ang isang bansa, magiging makapangyarihan ito. Malaki ang naitulong nito sa pagkabuo at paglakas ng mga Nation-State sa Europe.
National Monarchy
Malaki ang naitulong sa pagtatag ng national Monarchy sa Europe. Mula sa piyudalismo na hindi sentralisado ang pamahalaan dahil sa kanya-kanyang kapangyarihan ng mga maharlika, ang pagtatag ng national Monarchy ay nagkaroon ng sentralisadong pamahalaan na may mas makapangyarihang hari.
Nation-State
Ito ay tumutukoy sa isang estado na pinananahan ng mga mamamayan na may magkakatulad na wika, kultura, relihiyon, at kasaysayan. Mahalagang katangian ng nation-state sa panahong iyon ang pagkakarron ng sentralisadong pamahalaan sa ilalim ng isang pambansang monarkiya na maykakayahan at kapangyarihan na magpatupad ng batas sa buong nasasakupan. Dahil sa makapangyarihan ang mga nation-state, nagpakita ng ibayong lakas ang Europe na ng lumaon as mas lalong tumatag.
Simbahan
Malaki ang naging impluwensya ng simbahan sa paghina ng mga panginoong may lupa sa panahon ng piyudalismo. Tinuligsa ang pang-aabuso ng mga hari na siya namang nagpalakas lalo ng papel ng simbahan sa gitnang panahon. Marami rin namang tumuligsa sa simbahan dahil sa mga pang-aabuso sa kapangyarihan.. naging daan naman ito sa pagsibol ng transisyon at paglitaw ng panahon ng renaissance.
Renaissance
Ang renaissance ay ang muling pagsilang. Ito ang magiging sentro ng aralin ngayon.
Bakit nga ba sa Italya umusbong ang renaissance?
Italya
-Italy ang piangmulan ng kadakilaan ng sinaunang Rome at higit na may kaugnayan ang italyano sa mga Romano kaysa sa alin mang bansa sa Europe.
-Pagtataguyod ng mga maharlikang angkan sa mga taong mahusay sa sining at masigasig sa pag-aaral
-Maganda ang lokasyong ito. dahil sa lokasyon nito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga lungsod dito na makipagsapalaran sa kanlurang Asya at Europe.
-Mahalaga rin ang naging papel ng mga unibersidad sa Italy. Naitaguyod at naipanatiling buhay ang kulturang klasikal at ang mga teolohiya at pilosopiyang kaalaman ng kabihasnang Griyego at Romano.
Ang Renaissance at ang Italy
Ang Renaissance ay itinuturing na knowledge revolution. Itinuturing itong panahon na ang tao ay makamundo at materyalistiko. Gayunman, may naganap na dakilang repormasyon noong Renaissance. Ang diwa ng Renaissance ang bumuhay sa Repormasyon. Ang mga ideya at saloobin ng dalawang era ay nagbunsod sa mas maraming Kalayaan at mga pagpapahalagang demokratiko, ang panahon ng Eksplorasyon, at panahon ng Humanismo at Katwiran. Ito ang era na umusbong sa modernong daigdig. Ang “Renaissance”, o Risogimento sa Italyano ay nangangahulugang “muling pagsilang”. Ito ang panahon na nagwakas sa Dark Age at nagbukas ng mas progresibong panahon sa Europe. Binago ng mayayaman at matatalino ng panahong ito ang kanilang pokus mula sa relihiyon at bulag na pananampalataya, itinuon nila ang kanilang interes sa humanism at personal na mga bagay-bagay. Naapektuhan nito ang kanilang prayoridad sa buhay, sining, edukasyon, musika at ibang interes. Inihanda sila nito sa Repormasyon, Panahon ng Eksplorasyon, at Panahon ng Katwiran at Humanismo.
Ang Kababaihan sa Renaissance
Iilang kababihan lamang ang tinatanggap sa mga unibersidad o pinapayagang magsanay sa kanilang propesyon sa Italy. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang upang makilala ang iilang mga kababaihan at ang kanilang ambag sa Renaissance. Ilan lamang sa mga ito ay sina Isotta Nogarola ng Verona na may akda ng Dialogue on Adam and Eve (1451) at Oration on the Life of St. Jerome (1453). Nariyan din si Laura Cereta mula sa Brescia na nagsulong sa pagtatanggol sa pag-aaral ng Humanistiko para sa kababaihan. Sa larangan ng pagsusulat ng tula nariyan sina Veronica Franco ng Venice at si Vittoria Colonna mula sa Rome. Kung sa pagpipinta naman ang paguusapan, hinangaan ang mga obra nina Sofonisba Anguissola mula Cremona na may gawa ng Self-Portrait at si Artemisia Gentileschi, anak ni Orazio na nagpinta ng Judith and Her Maidservant with the head of Holoferness (1625) at Self-Portrait as the Allegory of Painting (1630).
Ang mga iskolar na nanguna sa pag-aaral sa klasikal na sibilisasyon ng Greece at Rome ay tinatawag na humanist o humanista, mula sa salitang Italian na nangangahulugang “guro ng humanidades, partikular ng wikang Latin.” Pinag-aaralan sa humanities o Humanidades ang wikang latin at Greek, komposisyon, retorika, kasaysayan at pilosopiya, at maging ang Matematika at musika. Sa pag-aaral ng mga ito, napagtanto ng mga humanista na dapat gawing modelo ang mga klasikal na ideyang matatagpuan sa mga asignaturang ito. Ang Humanismo ay isang kilusang intelektwal noong Renaissance na naniniwalang dapat pagtuunan ng pansin ang klasikal na sibilisasyon ng Greece at Rome sa pag-aaral dahil naglalaman ito ng lahat ng aral na dapat matutuhan upang magkaroon ng isang moral at epektibong buhay.
Repormasyon at Kontra-Repormasyon
Ito ay ang dalawang magkaugnay na kilusang panrelihiyon na lubos na nakaapekto sa kasaysayan ng Kristiyanismo at ng Europa.
Repormasyon
Ang Repormasyon ay isang makasaysayang kilusan noong ika-16 na siglo na nagdulot ng malawakang pagbabago sa relihiyon, lalo nqaa sa loob ng Simbahang Katoliko. Ito ay ang naging simula ng Protentantismo, isang baging sangay ng Kristiyanismo na tumutuligsa sa ilang doktrina at gawain ng simbahn noon. Naging sanhi nito ang pagbenta ng indulhensya (Kapatawaran ng kasalanan kapalit ng pera), katiwalian sa simbahan at Kapapahan, at pagkamulat ng mga tao sa panahon ng renaissance.
Ang repormasyon ay hindi lang relihiyosong kilusan, isa rin itong rebolusyon sa kaisipan, pamahalaan, at kultura na pinangunahan nina Martin Luther na naging Ama ng relihiyong Protestante, John Calvin na nagtatag ng Calvinismo o isang sistemang teolohikal na naktuon sa predestinasyon, John Wycliffe at John Huss na mga nanunag repormista na tumuligsa sa maling sistema ng simbahan.
Dahil sa repormasyon, nagkaroon ng paghahati sa reilihiyon sa pagitan ng simbahang Katoliko at ng Protestante, pag-usbong ng mga bagong sekta tulad ng Lutheranismo, Calvinismo, at Anglikanismo, at Pagbawas ng kapangyarihan ng simbahan sa politika.
Kontra-Repormasyon
Ito naman ang naging tugon ng Simbahang Katoliko upang ayusin ang sarili at pigilan ang paglaganap ng Protestantismo. Layon nitong ibalik ang tiwala ng mga tao sa Simbahang Katoliko, linisin ang mga maling gawi sa loob ng simbahan, at palakasin ang paniniwala sa tradisyunal na doktrina. Naging hakbang ng Simbahang Katoliko ang mga sumusunod:
-Konseho ng Trent - reporma sa doktrina at disiplina ng simbahan
- Pagpapalakas ng mga orden gaya ng Jesuits o Heswita - edukasyon at misyonero
- Inquisition - pagsugpo sa mga erehe at maling turo
- Index of Forbidden Books - pagbabawal sa mga aklat na laban sa pananampalataya
TANDAAN!
Ang Repormasyon ay isang makasaysayang kilusan noong ika-16 na siglo na nagdulot ng malawakang pagbabago sa relihiyon, lalo nqaa sa loob ng Simbahang Katoliko. Ito ay ang naging simula ng Protentantismo, isang baging sangay ng Kristiyanismo na tumutuligsa sa ilang doktrina at gawain ng simbahn noon. Naging sanhi nito ang pagbenta ng indulhensya (Kapatawaran ng kasalanan kapalit ng pera), katiwalian sa simbahan at Kapapahan, at pagkamulat ng mga tao sa panahon ng renaissance.
KONTRA-REPORMASYON
Ito naman ang naging tugon ng Simbahang Katoliko upang ayusin ang sarili at pigilan ang paglaganap ng Protestantismo. Layon nitong ibalik ang tiwala ng mga tao sa Simbahang Katoliko, linisin ang mga maling gawi sa loob ng simbahan, at palakasin ang paniniwala sa tradisyunal na doktrina.
Gawain 1
Panuto: Ipaliwanag ang mga sumusunod:
1. Constantinople
2. Constantine the Great
3. Byzantine Empire
4. Istanbul
5. Renaissance
6. Repormasyon
7. Kontra-Repormasyon
8. Indulhensya
9. Simbahang Katoliko
10. Protestante
Gawain 2
Panuto: Sagutin ang mga sumusunod na katanungan.
1. Ano ang naging papel ng Constantinople sa Europa at Asya?
2. Bakit bumagsak ang Constantinople?
3. Bakit sinasabing muling pagsilang Renaissance?
4. Paano nahati ang relihiyon sa Europa?
5. Bakit kailangang aralin ng mga mahahalagang pangyayari sa daigdig noong gitnang panahon?
Reference:
https://www.worldhistory.org/Constantinople/
www.greelane.com
https://www.bing.com/images/search?view=detailV2&ccid=13vxBXkI&id=D421DF76953A5CA1431FF4417BF6471F93A3AD12&thid=OIP.13vxBXkIVIjI8yVgFWnD0AHaFV&mediaurl=https%3A%2F%2Fi.pinimg.com%2Foriginals%2F90%2F5a%2Fa0%2F905aa0895a777ca0641040fc84c17317.jpg&exph=1356&expw=1884&q=CONSTANTINOPLE&form=IRPRST&ck=57480BCC7448CB90C0557DBEBAE72F86&selectedindex=6&itb=0&cw=1375&ch=664&ajaxhist=0&ajaxserp=0&vt=0&sim=11
https://www.bing.com/images/search?view=detailV2&ccid=oJh5fcbV&id=716BD2AA2CC538F69EB9EC4DE9E2C2610747BF02&thid=OIP.oJh5fcbVsOSEZPMMn1U4rgHaEH&mediaurl=https%3A%2F%2Fcdn.educba.com%2Facademy%2Fwp-content%2Fuploads%2F2024%2F02%2FRenaissance.jpg&exph=500&expw=900&q=RENAISSANCE&FORM=IRPRST&ck=8C245460A32047360EB70CAA0C56937D&selectedIndex=6&itb=0&cw=1375&ch=664&ajaxhist=0&ajaxserp=0